Ezra Band lead vocalist admits being a tomboy, but says no to same-sex relationship

IMAGE 0


Ezra Band members (from left): Jester (guitars/back-up vocals), Kaye (vocals), John (percussion), and Nor (keyboard). Three of their songs are included in the compilation album of the Pilipinas Got Talent finalists titled You Got It.


Hindi akalain ng Pilipinas Got Talent (PGT) finalist na Ezra Band na mabibigyan pa rin sila ng pagkakataon na ituloy ang kanilang nasimulang career kahit na hindi sila nanalo sa naturang talent search ng ABS-CBN.

Bukod kasi sa grand winner ng PGT na si Jovit Baldivino, na nabigyan ng sarili nitong album, ay napili rin ang Ezra Band along with other PGT finalists na sina Markki Stroem at Sherwin Baguion para mapabilang sa Pinoy You Got It album produced by Star Records and Sony Music.

Ano ang feeling ng Ezra Band sa magandang opportunity na ito?

"Thankful po masyado. And talagang nagpapasalamat po kami kay God. Grace of God po na nakasali pa rin kami, kinuha pa rin kami ng Star Records. Though hindi kami nakapasok sa top three man lang, pero yun, God was very gracious. Binless Niya kami ng ganito," pahayag ng vocalist na si Kaye nang ma-interview sila ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa kanilang contract signing at album launching na ginanap sa 9501 Restaurant sa ELJ Building ng ABS-CBN last Thursday, July 15.

Bukod kay Kaye, ang Ezra Band ay binubuo nina Nor (keyboard), Jester (guitars/back up vocals), at John (percussion). Tatlong kanta nila ang nakasama sa album. Una na ang original song nilang "Walang Iba" at ang dalawa ay ang mga kinanta nila sa PGT, ang "Runaway" at "Wonderful Tonight."

Aminado ang Ezra Band na malaki ang naitulong sa kanila ng PGT hindi lang para makilala sila ng mga tao kundi ito rin ang naging daan ng pagkakabuo ng kanilang pagkakaibigan. Originally kasi ay hindi talaga nila kasama si Nor sa banda. Sina Kaye, Jester, at John talaga ang magkakabanda. Hindi raw available ang mga kabanda ni Nor nung ipatawag sila for audition sa PGT. Kaya nung magkita-kita at magkakilala ang apat sa auditions ay yun na ang simula ng itinadhang pagkakabuo ng Ezra Band.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

KAYE ADMITS BEING TOMBOY. Isa sa attraction ng banda nila ang ganda ng boses ng bokalistang si Kaye, na kahit babae ay may mga nagsasabing boses-lalake raw dahil sa laki ng boses niya. Pati ang kanyang pananamit ay panlalake rin daw. Marami tuloy ang napagkakamalan siya bilang lalake. Dahil dito, hanggang ngayon ay may mga nagtatanong pa rin tuloy tungkol sa tunay niyang kasarian.

Ano ang reaksyon niya kapag sinasabihan siya na, "Ay, babae ka pala!"?

"Natatawa na lang po. And parang gusto ko pong mag-sorry kasi hindi ko talaga sinasadya na ma-confuse sila. Pero sanay na rin po ako," sabi ni Kaye.

Dahil marami nga ang naku-curious, diretso nang tinanong ng PEP si Kaye kung tomboy nga ba siya?

"Ang hirap sagutin... Pero sige, honest lang, opo," pagri-reveal ni Kaye. "Pero hindi ibig sabihin na magbabago yung lifestyle ko. I mean, no relationship, no commitment."

So, hindi siya open sa same-sex relationship?

"Ganun na nga po kasi naging active na po ako sa Church namin," sabi niya. "At saka nagkaroon naman po ako ng realization na hindi po siya tama. Pero no offense meant po sa mga lesbian. Yun lang po yung personal kong paniniwala."

Nagpaliwanag din si Kaye kung bakit boyish ang kilos niya at pananamit.

"Kasi lumaki po ako na ang ka-close ko po yung brother ko po. Kaming dalawa lang pong magkapatid that time, wala pa yung mga bunso. Kaya yun, naging one of the boys!" natatawang sabi ni Kaye.

BEING OTHER-ABLED IS NO HINDRANCE FOR NOR. Magandang halimbawa naman si Nor na hindi sagabal ang kapansanan para sa katuparan ng pangarap. Kahit na putol ang kanyang kaliwang kamay at hindi kumpleto ang mga daliri niya sa kanang kamay ay nagagawa pa rin niyang tumugtog ng keyboard nang maayos. Nakakabilib nga na mas magaling pa siya sa ibang musicians na kumpleto ang mga kamay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko po kasi inisip na mahina ako kahit ganito ako," sabi ni Nor. "Nagsikap po ako at naniwala sa sarili ko na kaya kong abutin ang pangarap ko, ang pangarap namin ng mga kabanda ko."

During the PGT contest ay pabirong hindi mabanggit ng mga judges na sina Kris Aquino at Ai-Ai delas Alas ang pangalan ni Nor dahil daw sa conflict of endorsements. Maggi endorsers kasi ang dalawang aktres at katunog ng kalabang brand ang pangalan ni Nor. Hindi ba siya nasaktan rito?

"Hindi naman po," sagot ni Nor. "Naintindihan ko naman po sila. During the grand finals naman po, sinabi na rin nila ang pangalan ko. At saka pinuri naman po nila ako at ang banda namin. Wala pong problema roon."

FULL SUPPORT FROM BANDMATES. Todo naman ang suporta nina Jasper at John sa kanilang mga kabanda kahit ano pa ang sabihin ng mga tao.

Ayon kay Jester, "Wala naman po kaming naririnig na pangit sa mga tao. Sa tingin po namin, mas naging unique ang banda namin dahil kasama namin sina Kaye at Nor. Kaya nandito lang po kami at nakasuporta sa kanila."

Hindi rin daw nakakaramdam ng insecurity ang dalawa kina Kaye at Nor kahit ang mga ito ang mas napapansin ng mga tao.

Sabi ni John, "Hindi na po namin iniisip yun. Basta po nag-stick kami as a band. Nagtutulungan po kami sa grupo and we love each other po. Hindi na po namin iniisip yung mga ganyang isyu po."

Naitanong naman ng PEP kay Kaye kung nagkaroon ba sila ng pangako sa isa't isa na walang iwanan. Kadalasan kasi sa mga vocalist ng mga banda kapag nakilala na ay humihiwalay at nagkakaroon ng solo career. Maipapangako niya ba sa banda na hindi niya ito iiwan?

"Opo. Nagkaroon na rin po kami ng bond, para na rin po kaming magkakapatid. Ako po, ang masasabi ko sa kanila hindi ko sila iiwan," sagot niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

THANKFUL TO FANS. Ano na ang mga nagbago sa kanila simula nang makilala sila sa PGT?

Sabi ni Nor, "Marami na po ang nakakakilala sa amin. Marami na pong nagpapa-picture. Yung pananamit namin, dapat laging presentable sa mga tao."

Wish ni Nor na sana magtagal ang banda nila sa industriya.

"Alam naman po natin na matindi ang kumpetisyon ng mga banda, ng mga artists dito sa industriya. Sana with God's grace, maabot po namin yung matagal na panahon," sabi niya.

May mensahe rin sila sa kanilang mga fans at supporters.

Ayon kay Kaye, "Sobra po kaming nagpapasalamat sa mga sumusuporta sa amin, sa mga Ezralites at mga Ezraberks at sa iba pang naniniwala sa amin. Hindi namin mararating ito kung hindi dahil sa inyo. Sana tuluy-tuloy n'yo lang ang pagsuporta n'yo sa amin. Promise namin na hindi kami magbabago at lagi namin kayong papasayahin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN