Meryll Soriano on her second Cinemalaya Best Actress award: "Tsamba lang 'yon!"

IMAGE 0


"Napaka-natural naman sa akin na gumawa ng indie. Ito na yung buhay ko. Taon-taon, [halos] meron ako sa Cinemalaya," says Meryll Soriano, who won her second Cinemalaya Best Actress award for her performance in Donor

.


Sa Cine Adarna ng University of the Philippines Film Institute (UPFI) pinapanood ni Meryll Soriano ang karamihang entries sa Cinemalaya 2010. Ongoing sa UP ang festival simula July 20 hanggang sa Biyernes, July 30.

"Ang layo kasi ng CCP [Cultural Center of the Philippines, venue ng Cinemalaya, mula July 9-18, 2010], di ba? Napanood ko doon yung pelikula ko lang, yung Donor, kaya nakonsensiya naman ako," bungad ni Meryll sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) last July 21.

Sa nabanggit na Directors' Showcase entry nagwaging Best Actress si Meryll Soriano. Napili ring Best Picture ng nasabing kategorya ang Donor. Ang kuwento'y tungkol sa organ trafficking at iba pang ilegal na gawaing kinakasangkutan ng pangunahing tauhang si Lizette Bernal (Meryll) na may live-in lover na batugan, si Danny (Baron Geisler).

"Grabe din talaga yung bakulaw na 'yon!" biro ni Meryll, patungkol kay Baron na kasama niyang nanalo ng parangal (Best Actor) para sa Donor. "Mahusay talaga, e. Galing!"

Naging magandang ideya na pagsamahin sa Donor ang dalawang past winners ng Cinemalaya full-length feature category: Meryll Soriano (Cinemalaya 2005 Best Actress, for Aloy Adlawan's Room Boy) and Baron Geisler (Cinemalaya 2008 Best Actor, for Francis Xavier Pasion's Jay).

"Pressure talaga kay Mark Meily!" natatawang komento ni Meryll, na ang tinutukoy ay ang direktor ng Donor.

Bukod sa pagwawagi nina Meryll at Baron, nanalo pa ng tatlong parangal ang Donor: Best Supporting Actress (Karla Pambid), Best Production Design (Aped Santos), at Directors' Showcase Best Picture.

Donor was cited "for its mastery of nearly all the technical elements of filmmaking, its all-too real depiction of the compromises and sacrifices that Filipinos go through to get out of the poverty trap, and its engaging portrayal of a woman forced to donate a part of her body in order to discover herself."

Dahil nanalong Best Picture (Directors' Showcase) ng Cinemalaya 2010, dalawa ang screening ng Donor sa UP Cine Adarna: sa July 28 (Wednesday), 5 p.m.; at July 30 (Friday), 7:30 p.m.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ON DOING DONOR. Hindi ba nagkaroon ng pag-aalinlangan si Meryll nang i-offer sa kanyang magbida sa Donor, na ang dating title ay Isang Pirasong Buhay, with its delicate theme and characterization?

"Hindi naman," sagot niya. "Kasi ako, ang golden rule ko sa paggawa ng pelikula, babasahin ko muna yung script. Kahit excited na excited akong makatrabaho ang direktor, importante sa akin yung material.

"I've been in this business for a very long time already," sabi pa ng aktres, na nagsimula rin sa showbiz bilang isang child star. As a grown-up, nahasa siya sa pagganap sa mga pelikulang drama, then lately sa mga indie movies na tulad ng Donor ay nagbibigay sa kanya ng self-fulfillment bilang aktres.

"Parang masarap din, e. Nakikita mo, nanonood ka ng ibang pelikula, sa ibang bansa, mga indie films, mga art films... Donor is something that I really wanted to do. Walang overacting... And you know, as an actor, you wanna try different things," makahulugang sabi pa ng premyadong aktres.

"Tsamba lang 'yon," sambit naman ni Meryll sa punang isa na siyang multi-awarded actress with two Best Actress awards from Cinemalaya (for Meily's Donor and Adlawan's Room Boy) and an Urian Best Supporting Actress trophy for Ron Bryant's Rotonda (2006), na entry rin sa Cinemalaya nang taong 'yon.

She's particularly happy over her latest win.

"Pana-panahon lang, e. Pero magaling talaga si Mark Meily. Pangarap ko talaga siyang maging direktor," sabi niya of her director, whose past full-length features, like Crying Ladies (2003), La Visa Loca (2006) and Baler (2008), ay pinanonood daw lahat ni Meryll.

"Gustung-gusto ko yung Crying Ladies!" sambit ng aktres. "Fan na fan ako! Sabi ko nga... tinanong ko pa siya, 'Talaga bang gusto mo akong kunin?'"

Unang nagkasama sina Meryll at Direk Mark sa TV commercial shoot para sa isang disposable diaper brand, kung saan gumanap as mom and baby ang real-life mag-inang sina Meryll at Elijah, ang two-year-old son ni Meryll sa nakahiwalayang aktor na si Bernard Palanca.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

AUNT MARICEL. Kinumusta rin ng PEP kay Meryll ang kanyang actress-aunt na si Maricel Soriano. Sabi niya'y si Marya ang unang bumati sa kanya upon her winning. No doubt, Maricel is very happy for her actress-niece.

"Oo, siya nga yung unang nag-congratulate!" banggit ni Meryll. "Sabi ko, 'Ang galing mo naman. Alam mo agad!' Sagot niya, 'Of course! Ako pa!'"

Hindi lang si Maricel, maging ang iba pang kaanak ni Meryll ay matamang sumusubaybay sa takbo ng kanyang propesyon ngayon. Nasa showbiz din ang isa niyang tiyuhin, si Mel Martinez. Ang mommy ni Meryll ay si Bec-Bec Soriano at ang kanyang daddy ay isang top TV host ngayon, si Willie Revillame.

"Lahat!" masayang banggit pa ni Meryll. "Kasi we're a tightly-knit family. Talagang close kami ever since."

Of Maricel, Meryll added, "Ang daming itinuro no'n sa akin bilang artista."

SON ELIJAH. Sa pagiging mommy ng two-year-old son na si Elijah ay may fulfillment din si Meryll.

"Ay, ang saya!" bulalas niya sa PEP. "Kaya masaya rin na wala akong masyadong ginagawa, kasi siyempre, may oras talaga ako. Magti-three years old na siya..."

Tutok nga raw talaga si Meryll sa kanyang anak. At wala raw muna siyang gagawing TV series o anumang show o pelikula sa ngayon.

"Wala pa akong offer sa ngayon. Hindi naman sa ayaw, wala pa lang nag-o-offer. Pahinga muna. Meron akong mga inaasikaso, outside showbiz. Ibang business naman," saad niya.

Gagawa pa rin daw siya ng indie movies.

"Napaka-natural naman sa akin na gumawa ng indie. Ito na yung buhay ko. Taun-taon, [halos] meron ako sa Cinemalaya."

Kabilang sa mga ginawa ni Meryll para sa Cinemalaya ang mga sumusunod: Room Boy (2005), In Da Red Corner (2006) by Bong Ramos; Concerto (2008) by Paul Alexander Morales, at Donor (2010).

BERNARD AND JOEM. Ang dalawang nakarelasyon ni Meryll, past and present, respectively, na sina Bernard Palanca at Joem Bascon ay parehong aktibo ngayon bilang artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Of Bernard, ang ama ni Elijah, sabi ni Meryll. "Okey naman. You know, we're civil."

At sila pa rin nga ni Joem Bascon ang magkarelasyon.

"Yeah, oo. We're happy," saad din ng aktres.

We asked Meryll to correct a "misinformation" na diumano ay may problema sila ngayon ni Joem sa relasyon nila?

"Bakit naman problema agad ang tinanong mo? Saan?" tugon nito.

And we told her, maybe "misinformation" nga ang tungkol doon.

"Wala lang silang magawa," sabi naman ni Meryll. "Mabait 'yon [Joem]... mabait. Meron din siyang entries [sa Cinemalaya 2010], Rekrut at Limbunan."

May balak din bang pakasal later sina Meryll at Joem?

Hindi sinagot ni Meryll ang tanong. "Ayoko na 'yang mga ganyang tanong. Okey na ako... art [topics] na lang tayo. Next time, pag may pelikula ulit ako. Salamat."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN