Fanny Serrano personally chose model Rocky Salumbides as his leading man in Tarima

IMAGE 0


"May mga na-meet din akong mga bading doon na may mga alaga rin silang mga preso. Na nakita ko, may mga dala siyang bagong plantsa na mga brief, shorts...mga gano'n. Sabi ko, 'O, ang dami mo namang damit na dala?' 'Sa dyowa ko 'to,'" narrates Fanny Serrano about his conversation with an inmate while shooting the film Tarima.


Mahigit tatlong dekada na si Fanny Serrano sa local movie industry.

Ito ay bilang isang top fashion stylist-designer at beauty guru ng mga sikat at dekalibreng mga aktres ng showbiz, kabilang na sina Vilma Santos, Sharon Cuneta, at Lorna Tolentino. Part-time actor-director din si Fanny. Ang isa sa most memorable performances niya ay ang klasiko na niyang paglabas sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN with Gabby Concepcion noong early '90s.

Lumabas si Fanny bilang suporta sa ilang pelikula ng mga kaibigan niya noong araw: Star? (1979) nina Janet Bordon, Rudy Fernandez, at Eddie Garcia; Awat Na, Asyong Aksaya (1979) nina Chiquito at Suzette Ranillo; Cover Girl (1981) nina Lorna Tolentino, Beth Bautista, at Amy Austria; Sinasamba Kita (1982) nina Vilma Santos at Christopher de Leon; at Laruan (1983) nina Carmi Martin, Angela Perez, at Mark Gil.

BACK TO ACTING. Ilang taon ang nagdaan, pasulput-sulpot lamang si Fanny sa TV dahil busy siya sa larangan ng beauty and fashion. Pero noong nakaraang taon, tila natagpuan ni Fanny ang tamang oras upang balikan niya ang isa pang passion niya sa buhay—ang pag-arte sa harap ng kamera.

Ginawa ni Fanny ang indie film na Tulak, isinulat at dinirek ni Neal Tan. Isang advocacy film tungkol sa masamang dulot ng droga sa komunidad, ginampanan ni Fanny sa pelikula ang isang tumatandang bading na nag-aruga ng mga kabataang lalake, na bagamat minahal niya ang mga ito'y napariwara ang mga buhay.

Dahil sa critical success ng exposure ni Fanny sa Tulak, kung saan siya na-nominate bilang Best Supporting Actor sa PMPC Star Awards for Movies noong 2009, nagbalik-sigla at muli siyang nagkaroon ng "obsessive mood" upang pagyamanin muli ang kanyang passion sa pagganap.

Ito ay sa pamamagitan ng pelikulang Tarima, na idinirek din ni Neal Tan. Ang role ni Fanny dito ay isang aging gay muli. Pero this time, ang kasalamuha niya ay mga lalake sa kulungan, specifically ang pagkaka-encounter nito sa "conjugal visits" o tarima, kunsaan ang mga preso at ang kanilang mga bisita ay pinapayagang makipagtalik sa loob ng ilang oras.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa nasabing tarima (o love nest), nailalabas ng mga preso ang suppressed sexual desires nila sa kanilang partners sa buhay—asawa, girlfriend, o gay lover.

May world premiere ang Tarima sa August 28, sa CCP Main Theatre. Pagmamalaki ni Fanny, imbitado ang kanyang malalapit na kaibigang artista tulad nina Sharon Cuneta, Lorna Tolentino, at iba pa.

Kasama sa cast sina Rocky Salumbides, Gloria Romero, Rustica Carpio, Chokoleit, Ana Capri, Oskar Peralta, at ang baguhang si Raymond Cabral. May love scenes si Fanny rito kina Rocky at Raymond.

GAYS IN PRISON. Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Fanny pagkatapos ng unang press preview ng Tarima sa mismong bahay-shop nito sa Scout Rallos St., Quezon City,

Original material ba ang Tarima?

"Yes, original," sagot ni Fanny. "Based kasi ito sa mga stories ng mga kaibi-kaibigan namin, na pinagsama-sama namin. Kagaya ni Renee Salud [fashion designer]. Noong nakita niya yung character ko na nakahawak ako sa Nazareno, sabi niya, 'May kaibigan akong ganyan!'"

Isa sa highlights ng scene ay ang mahaba at mainit na love scene ni Fanny at ng model-actor na si Rocky Salumbides sa tarima sa loob ng napakasikip na espasyo. Matagal daw ang eksena at first time itong ginawa ni Fanny sa buong career niya.

Kuwento ni Fanny, "Hanga ako sa ad lib ni Rocky, yung hinalikan niya yung bulag kong mata. Ad lib na niya yun! Kaya hindi ba, ang 'itsura ko, hindi pa kami dapat na maghalikan... 'Ay, bakit ako agad hahalikan nito?' Yun pala, doon na siya magsisimula, kaya nagulat ako. Noong ginano'n niya, pagtingin kong gano'n, 'Wow, grabe 'tong taong 'to, ganda ng ginawa!' Walang kalaswaan. Ako'y na-shock sa kanya. Pero ang landi ko sa tarima, di ba?

"Spanish word ang tarima. Makeshift lang na higaan nila na parang love nest nga. Tinarima nga niya ako sa istorya, dahil birthday gift nga niya sa akin, 50th birthday ko. Na nagkuntsaba lahat, pati si Chokoleit [friend niyang bading na nakakulong rin], tapos yung warden, naka-ready na... Para daw kasi mabago ko siya [Rocky]. Kasi, parang naaawa rin siya sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos, nung nagsu-shooting kami doon sa kulungan, sabi sa akin ng mga preso, na nakiki-TF [palayaw ni Fanny] din sa akin, 'Ayun, o, TF, 'yan yung role ni Rocky dito [sa totoong buhay].' Meron daw talagang gano'n silang kasamahan sa selda.

"Ang dami nilang tinuro sa akin," patuloy niya. "'Suplado rin yung isang yun, kasi wala ring dumadalaw.' Ang nakakaloka, may nagpakamatay daw doong preso dahil hindi na siya dinadalaw ng ka-on niyang bading! Sabi ko nga sa presong kausap ko, 'Ha? Bakit naman gano'n, kelan nagpakamatay?' Kagabi raw...nagbigti raw. Hindi raw siya dinadalaw ng asawa niya. Bading daw ang asawa niya na hindi na nagpupunta roon. Mga halos kalahating taon na raw. Sabi ko, 'E, ang dami namang bakla [na preso] din dito, a?' Ganoon!

"May mga na-meet din akong mga bading doon na may mga alaga rin silang mga preso. Na nakita ko, may mga dala siyang bagong plantsa na mga brief, shorts...mga gano'n. Sabi ko, 'O, ang dami mo namang damit na dala?' 'Sa dyowa ko 'to.'

"Tapos, yung nagbu-beauty contest sina Chokoleit sa pelikula, talagang merong gano'ng nangyayari sa loob. Nakita ko na naman yung bading, nag-aayos ng damit sa tarima. Sabi ko, 'Hoy, ano'ng ginagawa mo diyan, para kang labandera?' Sabi sa akin, 'Ito 'yung apartment namin ng boyfriend ko.' 'A, gano'n ba?, 'Asan siya?' 'Ando'n, namamalengke.' May palengke sila sa loob ng kulungan... Maya-maya, nakita ko na silang nagluluto sila."

Sa Manila City Jail ang location ng kanilang shooting. Kuwento rin ni Fanny, ang kaibahan ng Tarima sa ibang pelikulang may kuwento tungkol sa mga preso, ipinapakita rito ang buhay ng mga bading sa loob ng piitan. Dagdag pa nito, habang nagsu-shooting sila ay nag-e-evolve ang iba't ibang scenes.

"Habang nagsu-shooting kami doon, sabi ko kay Direk, 'Baka mali na ang ginagawa nating ito, Direk?' Pero nung naririnig kong diretso ang mga kuwento ng mga preso doon, sabi ko, tama ang ginagawa namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May mga supladito palang mga preso na di daw dinadalaw ng mga asa-asawa, gano'n. Pag may gano'ng naririnig sina Direk, iinterbyuhin ni Direk. Mayroong nadadagdag ngayon. Parang ang script namin dito, parang skeletal.

"Kagaya noong palaspas scene. Noong nasa jeep ako at bumaba na kami, kunwari Zambales na, biglang may nasa jeep na may hawak na palaspas kaya, 'Cut! Ano ba 'yang dahong 'yan?' sabi ni Direk. Sabi ko, 'Palm Sunday po ngayon, Direk!' "Ha? Oo nga pala, halika, tapusin natin ito, tatakbo tayo ngayon din sa Quiapo dahil gusto kong mahuli yung mga nagpapalaspas doon.'

"Sabi ko, 'Direk, ang daming tao ro'n!' Sabi niya, 'Ako'ng bahala do'n!' Kaya ayun, nakunan. Nadagdag yung palaspas because of that incident na may nakunan kaming may palaspas sa jeep!" lahad ni Fanny.

Paano nga ba ang nagsimula ang project na ito?

"Nag-meeting kami dito [sa bahay niya], in-offer sa akin ang movie, January 1st [2010], New Year's Day, andito kami... Plano, plano. Tapos, may nagsabi, 'Uy, tamang-tama, January 9, shooting tayo sa Quiapo! Piyesta ng Nazareno.' Kinunan agad ni Direk. Yun ang first day namin."

FROM TULAK TO TARIMA. Ani Fanny, ibang-iba ito sa Tulak na unang pinagsamahan nila ni Direk Neal, na nagsilbi ring inspirasyon ng beauty specialist-designer upang maging aktibo sa paggawa ng indie films sa ngayon.

"Iba naman yun," sambit niya. "Pinagbigyan ko lang siya sa Tulak dahil pinapangarap daw niya talaga akong madirek. Kumbaga, MMK fan raw siya. Sabi niya, kung hindi ko raw tatanggapin ang role ko sa tulak, aalisin na lang daw niya ang character na yun. Sabi ko, 'Sige na nga, sige na nga!' Nakukulitan na ako kila Maribel [Maria Isabel Lopez]... "

Hindi rin daw niya pinagkatiwalaan noong una ang kanyang director na noo'y nalinya sa paggawa ng bold films. Hindi na ngayon ginagamit ng direktor ang palayaw niyang Buboy sa film credit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Meron pa akong narinig na ang idinidirek raw ni Neal Tan noong araw ay mga kung anu-anong kababuyang mga pelikula! Sabi pa ni Gina Alajar... Sabi ko kasi, may indie film na offer sa akin. Sabi ni Gina, 'Sino'ng director?' Sabi ko, 'Neal Tan.' Sagot ba naman, 'Ha? Bakit?' Sabi ko, 'Bakit ganyan ang reaction mo?' 'Ay naku, bahala ka na kung ano man ang ma-experience mo sa kanya.'

"May mga naririnig-rinig na ako kasi nga, inimbestigahan ko na. May nagsabi, 'Bakit ka magpapadirek diyan? 'Sabi ko, 'Oh, my God!' E, nahiya na ako dahil naka-oo na ako, e. Kaya itinuloy ko na yung Tulak. Kaya ang ginawa ko, 'Ay naku, dahil hindi ko alam kung anong klase siyang director, pagbubutihan ko ang acting ko dito. Paninindigan ko ang gagawin ko sa character ko.'

"Lalong na-in love sa akin ang bading! Sabi niya, 'TF, may gagawin akong pelikula pero kabadingan.' Sabi ko, 'Hindi ako gumagawa ng kabadingan pelikula, puro advocacy ako.' Pero gusto na raw niya gawin ang pelikulang nasa isip niya. Sabi ko, 'Ano bang kuwento noon?' Say niya, 'Sa kulungan. May asawang bading, nabulag ito dahil sa mahigpit na lola, ganito-ganyan'...

"Second day pa lang namin ng shooting ng Tulak, ikinukuwento na niya ito. Sabi ko, 'Bakit di mo gawin?' Ayoko kasi ng mga kabadingang pelikula ngayon na laplapan lang nang laplapan...

"Sabi niya, 'Gusto ko, ikaw ang gaganap.' Sabi ko, "Ha? Talaga?' Sabi ko, ano ba ang istorya?' Aaayusin pa raw, basta umoo lang daw ako. Sabi ko, 'Tingnan ko muna'ng istorya! Hindi kasi ako pumapayag kaagad, e. Delikado na 'to, pelikula na 'to, ako na 'to!'

"Nang ikinuwento niya sa akin dito, verbal pa lang yun, habang ikinukuwento niya sa akin, parang nagkakaroon ako ng involvement. Ang ginawa ko, sumisingit ako. 'Ayan, maganda 'yan!' Nakita ko, nag-a-accept siya ng suggestions and inputs ko, 'Oy, maganda 'yan, TF, gusto ko 'yan, ilalagay ko 'yan!' Hanggang sa natapos na ang story."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi ba siya nagko-commit na gagawin niya ang part noong ikinukuwento pa lang ang plot sa kanya ni Direk Neal?

"Okey lang sa akin yun dahil ang sa akin lang, mabuo ang story," sabi ni Fanny. "Kunin man ako o hindi, at least, kahit na papaano, gumanda ang istorya dahil sa akin. Pero ang sinasabi niya, talagang hindi niya raw gagawin kundi ako. Nakatatak na raw yun sa utak niya.

"Hanggang sa, 'Naku, sige na nga!' Seven days shooting ito, pero seven days rin nila akong prinoblema dahil concert ni Sharon, isang buwan sa Amerika. Natapos lang kami last Holy Week lang. From January to palaspas. After palaspas, na-stop uli ng ilang buwan." (Si Fanny ay paboritong akay-akay ng Megastar sa mga concerts nito abroad.)


BUDGET FILM. Ano ang mensahe ang gustong iparating ni Fanny sa paggawa niya ng Tarima?

"Unang-una, sa movie industry. Ito ay indie budget film na walang maniniwala na this is an indie-budget film. It doesn't look like an indie film. It looks like a mainstream movie. Meron kasing character, e. Sabi nga, meron tayong indie concept na, 'eto lang ang puhunan, kaya ito lang ang gagamitin natin sa pelikula, yun ang makikita n'yo.

"Pero siguro, sa koneksiyon ko na rin, para lambingin ko na, 'I want Tita Gloria [Romero] here!' Sabi ko kay Direk, 'Pag di mo nakuha si Tita Gloria, walang samaan ng loob, hindi ko gagawin ang pelikulang 'yan! I want Tita Gloria here!' Kasi, habang nagkukuwentuhan kami dito, walang ibang pumasok sa utak ko kundi Tita Gloria.

"Sabi niya, 'Ha? O, sige!' Eto na, maya-maya, sabi ko, 'Can I also ask for Rustica Carpio as my yaya?' Sagot ni Direk, 'Ano? Gloria Romero tapos may Rustica Carpio pa?' Sabi ko, 'Direk, sige na, try n'yo lang. Kung hindi, maghanap tayo ng iba.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Gusto pa nga ng iba, Estrella Kuenzler. Sabi ko, 'No, I want Rustica Carpio!' Tapos, eto na, dito sa bading role [na kaibigan niya sa pelikula], 'Ang gusto ko diyan, si John Lapus!' Para sa totoo lang, sabi ko, 'Direk, maganda ang crowd ni John Lapus. Kahit papaano, siyempre pampadagdag 'yan sa manonood sa pelikula natin.

"Biglang hindi raw puwede si John, busy-busy... Sabi ko, 'Teka muna, si Chokoleit na lang!' Nawala sa isip ko si Chokoleit! ' Tinawagan ko siya agad, 'Chokoleit, may gagawin akong indie movie, e. Kung puwede sanang...' Hindi ko pa natatapos ang statement ko, 'Kelan ang shooting? Sige na, i-text mo agad sa akin!'

"Sabi ko, 'E, hindi mo pa alam kung ano ang role mo...' Wala pang presyo... Sagot niya, 'Wala akong pakialam kahit na ano'ng role ko basta ikaw ang kasama ko diyan. At kailan ang shooting?' Ayun, tawagan na kami. Sa asawa [ni Rocky Salumbides], ang daming napili, pero nagbotohan kami kay Ana Capri."

LEADING MAN. Ayon pa rin sa salaysay ni Fanny, nagpa-casting call pa ang produkisyon para sa controversial role bilang leading man niya, na napunta sa mga palad ni Rocky Salumbides.

"Naku, sangkatutak na lalaki ang pinanhik dito ni Direk! Dyusko, nag-go-see kasi kami dito. May mga names na yung iba, lumabas na yung iba sa indie films. Sabi ko, 'Direk, hay naku, mukhang artista 'yan, di ko 'yan feel, di ko nararamdaman si Brian [pangalan ng character ni Rocky].' 'Itong isa?' 'Gano'n din, Direk. Wala akong nararamdaman.' Hanggang sa natapos ang go-see, wala akong napili. Hindi mabilang ang araw!

"Sabi ni Direk, 'Ay naku, para matapos ang problema mo, akin na ang laptop mo, dadalhin kita sa website na Pinoy Hunks, doon ka mamili!' 'Ano'ng Pinoy Hunks?' 'Basta, buksan mo!' Naku, ang dami! Sabi ni Direk, mamili raw ako. May mga nagpakita na ng nota, 'Ang laki ng nota niyan!' Guma-gano'n si Direk, pero hindi ko pa rin type! Nakatanga lang ako. Hanggang sa mamaya, may na-browse ako, 'Direk, ibalik mo nga sa picture na yun.' Si Rocky Salumbides."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inamin ni Fanny na hindi pa raw siya pamilyar sa mukha at pangalan ni Rocky kahit na naging model ito noon, ngunit nag-stop nga lang at nagtrabaho sa ibang bansa at naiba ang linya. Pagbalik naman sa circulation ay sinubukan nito ang showbiz sa pamamagitan ng pagpasok sa Pinoy Big Brother ng ABS-CBN.

Ayon kay Fanny, "Sa nakita kong picture ni Rocky sa Internet, ang damit pa niya noon, naka-Versace! Sabi ko, 'Sino 'yan, Direk?' 'A, si Rocky Salumbides. Ano ka ba, taga-PBB 'yan na boyfriend ni Eula Valdes.' Lumayas daw sa PBB para sa dyowa... Nag-istorya si Direk.

"Sabi ko, 'Direk, feel ko siya!' 'Ay, hindi ko alam kung marunong umarte 'yan!' 'E, siya ang nakikita kong Brian ko, e. Hindi siya mukhang artista. Tapos, sabi pa, 'Naku, meron daw nude picture! Hindi namin makita yung nude picture niya daw na nakuha sa libro. 'Direk, wala naman, e.' Baka raw tinanggal na. 'Pero kokontakin natin 'yan kung 'yan ang gusto mo, sige!'

"Ang daming nag-go-see, hindi ba, sangkatutak? Hanggang sa nakausap namin sina Eula at Ricky Gallardo [Rocky's manager]. Okey na raw, di ko alam kung ano'ng pinag-usapan nila.

"Nagkita kami ni Rocky, first day shooting. Walang prior meeting. On the set na. At ang unang eksena namin, yung niyakap niya ako sa kulungan na hinawakan niya ang kamay ko...ang tagal. Walang warm-up. Sabi ko lang, 'Hi, Rocky!' Pero ninenerbiyos ako. Basta sabi ko, 'Wag kang umarte rito, ha?'

"Dito, hindi siya artista mag-deliver [ng lines]. Hindi siya yung actor. Bagay yung 'itsura. At aminin natin, may chemistry kami. Noong mapanood ko, meron. 'Ay, salamat, nag-swak kaming dalawa!'

"Kasi, doon ako kinakabahan. 'Tsaka ang galing niya mag-emote ng mga mata niya. Effortless. Kaya masaya ako sa casting dahil swak sila sa kabuuan ng pelikula," mahabang salaysay ni Fanny.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN