Mas maingat na ngayon ang premiere comedienne na si Eugene Domingo sa kanyang mga kinikita mula sa kanyang TV shows, pelikula, at kung anu-ano pang mga raket sa showbiz. Lalo na ngayon na umabot na raw sa milyones ang kanyang naiipon.
Ito ang dahilan kung bakit kumuha na ang tinaguriang "Comedy Diva" ng isang financial manager para ma-monitor ang kanyang mga gastos at mabigyan siya ng advice sa kanyang mga papasuking investments.
Deserving naman si Uge (palayaw ni Eugene) sa mga kinikita niya ngayon dahil sa sobrang sipag niya sa trabaho. Bukod sa mga show niya sa GMA-7 na Wachamakulit, Comedy Bar, at ang bagong sitcom niyang JejeMom, patuloy ang pagpo-promote niya ng pelikulang Mamarazzi ng Regal Films na ipalalabas na sa August 25.
Ayon kay Uge, hindi naman siya magastos na tao kaya magiging intact ang kanyang mga kinikita sa shows niya. May pagkakuripot din daw siya kaya alam niyang nandiyan lang ang pera niya.
"Sa totoo lang, wala naman akong bisyo. Hindi naman ako nagda-drugs. Hindi naman ako lasengga. Lalo namang hindi ako bumibili ng aliw mula sa mga lalake! Hindi ba? Diyan naman nauubos ang pera ng ibang tao: droga, alak, at lalake! Talagang kailangan kasama ang lalake, di ba?" natatawang sabi ng comedienne nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng JejeMom last Friday, August 6, sa 17th floor ng GMA Network Center.
YOUNGER LEADING MEN. Pero wala raw balak na bumili ng lalake si Uge. Biro nga sa kanya, hindi na niya kailangang umupa ng aliw dahil sa estado niya ngayon, ang mga guwapong lalake na ang nakapila sa kanya.
"Hindi naman gano'n!" natatawang sabi ng 40-year-old actress. "Grabe, para naman akong matronang saksakan ng yaman! Kasi ngayon, ang mga pina-partner sa akin ay yung mga hunks talaga ng bagong henerasyon. Nagsimula nga sa Kimmy Dora with Dingdong Dantes and Zanjoe Marudo. Tapos yung Here Comes the Bride with Tom Rodriguez. Ngayon naman sa Mamarazzi, with Diether Ocampo naman.
"Sa TV naman, si Fabio Ide ang pilit na nili-link sa akin sa Comedy Bar. Talagang may pilit na nili-link, di ba? Tapos sa JejeMom, si Wendell Ramos naman. Kaya ang sarap ng pakiramdam kasi hindi na ako ang namimilit, sila na ang may gusto!" halakhak pa niya.
Totoo ba na special request niya si Wendell na maging partner niya sa JejeMom?
"Hindi naman ako nagpapapadyak para kunin nila si Wendell. Wala namang gano'n. Yung mga nasa creative na ang nakaisip na i-partner ulit ako kay Wendell kasi naging hit yung 'Hot Mama' na ginawa namin noong SRO Cinemaserye. 'Tsaka kami ni Wendell, wala kaming malisya sa bawat isa. Very professional ang relationship namin kaya huwag kayong mainggit!" sabay tawa ni Uge.
HEALTH IS WEALTH. Dahil sa sipag ni Eugene, malapit na raw matupad ang pangarap niyang magpatayo ng sarili niyang bahay. Kapag nagawa na raw 'yon ay matutupad na ang isang goal niya para sa kanyang sarili.
"Unti-untiin lang natin ang lahat. Siyempre, 'yang bahay, pangarap ng kahit sino 'yang nasa trabaho natin. Yung mga young stars nga ang gaganda ng mga bahay na ipinatayo nila, di ba? Bakit naman hindi ko makakaya? Kaya it motivates you to work harder at magawa ang nagawa rin nila. Kaya unti-unti muna tayo para hindi mabigla ang budget," saad niya.
Nagiging maingat din si Eugene sa kanyang kalusugan ngayon. Hindi raw siya puwedeng magkasakit dahil ayaw niyang mabitin ang kanyang mga trabaho, lalo na ang maging sanhi siya ng delays sa tapings at shootings.
Nagpapasalamat nga sa Diyos si Eugene na wala pa naman siyang nararamdaman na mga sakit ngayon. Kahit na nga sunud-sunod ang puyat niya ay ipinagdarasal niya na maging maganda ang pakiramdam niya sa susunod na araw.
"Mahirap kasi ang magkasakit sa panahon ngayon at ayokong may trabahong maapektuhan dahil sa magkakasakit tayo. Thank you, Lord, talaga dahil malakas pa tayo ngayon kahit na sobra ang puyat natin."
Dahil sa magkakasunod na trabaho ay marami ang nakakapansin na malaki na ang ipinayat ni Uge.
"Ipinangako ko kasi sa sarili ko na ngayong taon ay magbabawas ako ng timbang. Nagiging mahirap na rin kasi sa akin, lalo na sa edad ko, na kumilos nang mabilis kaya kailangan magsakripisyo tayo para mabawasan ang timbang natin. So far, so good naman at maganda ang resulta.
"'Tsaka ang mga shows ko naman, puro mga once a week lang. Hindi muna ako tatanggap ng drama series kasi three times a week ang trabaho diyan. Kawawa naman ako kung sobra na akong mapagod. Kaya tama lang ang tatlong shows na once-a-week dahil may pahinga pa ako."
Nakaplano na rin ang magiging bakasyon ni Uge sa gitna ng kanyang busy schedule.
"Ang bakasyon ang hindi mawawala sa akin. Panahon ko na 'yan for myself. Kumbaga, regalo ko na 'yon para sa mga pagpupuyat ko. Magulat na lang kayo at may mga bago akong vacation pictures sa Facebook albums ko!" natatawang pagtatapos ni Eugene.
