Sa birthday celebration ni Marian Rivera sa Party Pilipinas last August 8, maraming natuwa na nakitang magkaibigan na sila ni Katrina Halili, ang gumanap na kontrabida sa launching primetime series niyang Marimar. Sa isang production number ay kasama ni Marian si Katrina na kumanta, along with Heart Evangelista, Lovi Poe, and Roxanne Barcelo. Nag-akbayan at nag-holding hands din sina Marian at Katrina onstage.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Marian sa taping ng Endless Love last August 11 sa Trinoma Mall ay ikinuwento niya kung paano naayos ang hindi nila pagkakaunawaan ni Katrina noon.
"Ay, hindi, kasi ganito 'yan, nakakatawa talaga 'yan," simula niya. "Nung time talaga ng Marimar, siyempre naman pinag-aaway talaga kami. Hindi ko alam kung bakit, siguro para mag-rate kami? Parang tinotoo na, na ganyan.
"Siyempre, ang lola mo, palaban naman talaga ako! Walang sinuman ang puwedeng umapi sa akin! E, ganun din si Katrina! Tapos, nagsama kami sa Darna. 'Beh, Beh, galit ka ba sa akin?' sabi niyang ganun. Sabi ko, 'Bakla, hindi!' 'Kasi, ganito-ganito.' 'E, bakit ba tayo nag-away?' 'Hindi ko alam.' 'E, bakit nagagalit ka sa akin?' 'Hindi ko rin alam.' 'E, bakit ikaw, galit ka din sa akin?' 'Hindi ko din alam.'
"So, sabi namin, ibig sabihin, wala naman palang pinagmulan. Pinagsasabong lang talaga kami. Tapos, simula noon, nagte-text na siya, 'O, Beh, baka gusto mong magpa-facial, facial kita.' Pinapupunta ako sa bahay niya. Sabi ko, 'Ano ka ba, ang dami kong trabaho.' 'May RF [isang uri ng slimming method] ako dito, para lalo tayong sumeksi. Alam mo naman, kailangan maintain.' Alam mo yung ganun?
"So, nakakatuwa, na pati si Nanay Rita [Avila], kasi nanay-nanayan ko, nanay-nanayan din niya. Na nandun din sa bahay ni Kat, nagpe-facial sila doon, niyayaya nila ako. E, hindi ko naman mapagbigyan kasi ang dami ko naman ding trabaho."
Dagdag niya, "Nakakatuwa lang na, sabi ko, na iba talaga kapag hindi mo nakakasama, hindi open communication. Tingnan mo nangyari. Sabi nga namin ni Kat, 'Ano ba 'yan, nasayang natin ang buong Marimar na hindi tayo okay.'
"Parang nung nag-Darna kami, si Iwa [Moto, na gumanap na Valentina], 'Ate ha, pag inaway kita dito, 'wag kang magagalit.' Sabi ko, 'Gaga!' Alam mo yung para tuloy nagkakaroon ng phobia na kapag kalaban ko, nagiging ganun tuloy. So, pinutol ko yun. At least sa Darna, lahat okay. Wala namang hindi okay, e.
"So, di ba, parang nakakatuwa lang kay Katrina. Kaya nung lumabas si Katrina [sa Party Pilipinas], nag-react talaga [ang mga tao]. Sabi ko, 'O, ano, akala ninyo, 'no?' Nag-text naman si Kat, sabi niya, 'Alam mo, Beh, thank you isinama mo pa rin ako sa mga kaibigan mo.' Sabi ko, 'Oo naman!' Kasi mabait naman si Katrina.
"Sinasabi niya pa nga, 'Alam mo ba, may aaminin ako sa 'yo. Kunwari nagtatapang-tapangan ako pero natatakot ako sa 'yo. Umiiyak ako sa room,' sabi niya. Sabi ko, 'Talaga? Alam mo, hindi halata. Akala ko maldita ka din.' Sabi niya, 'Maldita nga ako, Beh, pero pagdating sa 'yo, natatatakot talaga ako sa 'yo.'"
Hindi ba't iyakin pa naman si Katrina?
"E, hindi ko alam," sabi ni Marian. "Kasi nung time ng Marimar, 'O, bakit? Okay!' Ganito-ganito, ganyan. Yun pala, sabi niya, 'Beh, may aaminin ako sa 'yo, alam mo ba natatakot ako sa 'yo?' Tapos yun na, dun na nagsimula, bonding na ulit kami. Ayan, text-text-an, okay ang lahat."
NEGATIVE IMAGE. May mga nang-iintriga raw kasi kay Marian na suplada siya at mahirap pakisamahan. Ano ang masasabi niya rito?
"Ang hirap kasi minsan sa tao, ang hilig nilang mag-judge nang wala naman sa lugar," sabi niya. "Kaya isa lang sinasabi ko, malas ninyo hindi ninyo ako nakatrabaho, hindi ninyo nakilala si Marian Rivera. Kasi pag hindi ako nakatrabaho, 'Ay, ang taray niyan! Prima donna 'yan, e! Ganito 'yan!'
"Kasi sa totoo lang po, bilang beinte-sais na ako, sabi ko nga, lahat halos ng nakakatrabaho ko, ate yung turing sa akin. Katulad niyan si Nadine [Samonte, gumaganap na Shirley sa Endless Love], pag nainterbyu ninyo 'yan, lahat ng kung anumang problema sa buhay niya, sa akin talaga siya tumatakbo. Si Roxanne [Barcelo, gumanap na kaibigan niya sa Darna], ganun din. Di ba, lahat?"
Maging ang Kapamilya actress na si Roxanne Guinoo ay kaibigan din daw ni Marian.
"Nagkasama kami noon sa pelikula [Tarot]," banggit ni Marian. "E, bakla din pala siya, hindi maarte. E, alam n'yo naman, ayoko nang maarte. Dyusko, mag-aarte ka, lagot ka sa akin!"
"Bakla" raw ang tawagan nila ni Roxanne.
"Oo, kasi nung nagkasama kami, sabi niya... Nasa isang room siya, siyempre iba ang room ko. Sabi ko, 'Bakla, bakit nandiyan ka?' 'E, dito daw ako.' 'Halika dito.' Tinawag ko siya. So, magkasama kami sa room. Nandun kami sa kama tapos nagdadaldalan kami."
Ang sabi pa nga raw sa kanya ni Roxanne, "Alam mo, akala ko ganito ka. Kasi ganito yung sinabi nila sa akin."
Sagot naman ni Marian kay Roxanne, "O, puwes, alam mo na!"
Dagdag niya, "Mga tao talaga, ang hilig manira."
Kukunin din daw siyang ninang ni Roxanne sa isisilang nitong sanggol.
Kuwento ni Marian, "Nag-ano nga siya nung [baby shower], hindi naman ako nakapunta. Niloloko nga niya ako, 'Hoy, bakla, kapag pumunta ka sa kasal ko, 'wag kang magmaganda, ako dapat ang maganda!' Sabi ko, 'Oo naman!' Sabi pa niya, 'Kailangan hindi ka mag-effort, ha?'
"Nakakatuwa kasi baklaan lang talaga kaming dalawa, alam mo yung walang kumpetensiya na porke taga-doon siya [ABS-CBN], ako taga-dito [GMA-7]. Okay talaga, kaya ang sarap kaya ng puro okay, di ba, na walang ano?"
Kahit sila raw ni Angel Locsin ay magkaibigan din. Si Angel ang napabalitang gaganap sana sa Marimar, pero nang lumipat ito sa ABS-CBN ay si Marian ang pumalit sa kanya.
"Oo naman!" bulalas ni Marian. "E, kasi, pinag-aaway. Kita mo nung nanghingi siya ng tulong para sa ano niya [fundraising event], nag-picture pa nga kami, e, tapos, 'Hoy, na-meet na kita!'"
Bag at mga damit ang idinonate ni Marian sa Shop and Share fund-raising ni Angel para sa Ondoy at Pepeng victims last year.
"'Di ba, wala naman, e. Sabi ko nga sa kanya, 'Alam mo, 'Gel, buti na lang nagkita tayo'. Sabi niya, 'Oo nga, at least okay tayong dalawa kahit anong sabihin nila.' Sabi ko, 'Oo, 'yan ang panghahawakan ko, 'yang sinabi mo.' Sabi ko talaga sa kanya.
"Kahit sina Anne Curtis 'tsaka sina Shaina [Magdayao] na dati ko pang nakatrabaho, pag nagkikita kami, 'Ay, ano, ano kumusta na, ano latest?' Nagtsitsismisan kami! Nakakatuwa na hindi man kami madalas mag-text or mag-usap sa phone, pag nami-meet nila ako, 'Ay ano na? Ano na?'" kuwento pa ni Marian.
Na-meet daw ni Marian si Anne through Kris Aquino.
"Si Shaina," patuloy niya, "nakasama ko siya sa Bahay Kubo. Kahit paano, nagkaroon na kami ng bonding niyan tungkol sa buhay-buhay. Alam mo yung ganun, nakapag-open up siya."
So, happy siya na happy ang lovelife ni Shaina with John Lloyd Cruz?
"Ay, ako, kahit kung sino man ang mag-couple... kung sino man sila diyan, e, hangga't wala silang nasasagasaan at masaya sila, care nila sa iba, di ba?" sagot ni Marian.
