It's Glaiza de Castro's time to shine in her own primetime series

IMAGE 0


"Ako naman, siyempre, although naghahangad ako ng consistent na project, hindi naman ako yung naghihintay na katulad ng ganito. Yung title role ako. Yung ganito kalaki yung project na mapupunta sa 'yo. Para sa akin, too soon. Kasi, parang hindi pa ako sanay sa mga transformation, transition na ginagawa ko. So, parang ako, overwhelmed pa rin ako hanggang ngayon. Pero thankful ako sa lahat," says Glaiza de Castro about grabbing the lead role in Gra


Pagkatapos maging suporta sa ilang top Kapuso stars, finally ay pinagkatiwalaan na ng GMA-7 si Glaiza de Castro upang magbida sa isang primetime series—ang fantaserye na Grazilda. Ginagampanan dito ni Glaiza ang title character, na isa sa mga stepsister ni Cinderella (played by newcomer Gwen Zamora), na mapapadpad sa totoong mundo nang isuot niya ang mahiwagang sapatos ni Cinderella.

Hindi nakuha ni Glaiza ang anumang meron siya ngayon nang madalian. Lahat ay pinaghirapan at pinagtiyagaan niya talaga.

Siyam na taon na sa showbiz si Glaiza. Inilunsad siya bilang teen star sa pelikulang Cool Dudes 24/7 ng Regal Films noong 2001, kung saan nakasama niya sina Cogie Domingo, James Blanco, at Danilo Barrios.

Nagkaroon siya ng bit role sa GMA-7 soap na Ikaw Lang ang Mamahalin noon ding 2001. Pero pagkatapos nito ay naging talent siya ng ABS-CBN sa loob ng tatlong taon, from 2002 to 2005, kung saan ginawa niya ang mga TV shows na Berks, Spirits, at Ikaw ang Lahat sa Akin.

Noong 2006 ay bumalik siya sa bakuran ng Kapuso network at ang una niyang naging regular TV show ay ang Fantastikids, kunsaan gumanap siyang leading lady ng yumaong si Marky Cielo. Pagkatapos nito ay naging sunud-sunod na ang projects ni Glaiza, gaya ng Asian Treasures, Boys Nxt Door, Kamandag, Kaputol ng Isang Awit, Dear Friend Presents Igorota, at Gagambino.

Ngunit higit na nakilala ang husay ni Glaiza sa pag-arte nang gumanap siyang kontrabida sa mga sumusunod na GMA-7 shows: Kung Aagawin Mo ang Lahat sa Akin, Stairway to Heaven, at Diva.

THE LONG WAIT IS OVER. At ngayon nga ay isa nang ganap na bida si Glaiza dahil sa Grazilda.

"Napakatagal," sambit ng 22-year-old actress nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa grand launch ng Grazilda kagabi, September 7, sa Studio 5 ng GMA Network Center.

"Pero ako naman, siyempre," patuloy niya, "although naghahangad ako ng consistent na project, hindi naman ako yung naghihintay na katulad ng ganito. Yung title role ako. Yung ganito kalaki yung project na mapupunta sa 'yo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Para sa akin, too soon. Kasi, parang hindi pa ako sanay sa mga transformation, transition na ginagawa ko. So, parang ako, overwhelmed pa rin ako hanggang ngayon. Pero thankful ako sa lahat."

Kung ipinagkatiwala sa kanya ng network ang isang ganito kalaking project, masasabi ba niyang hinog na siya para magbida?

"Hindi ko masasabi yun, e," sagot ni Glaiza. "Sa akin.kasi, habang nandito ako, learning process, e. Hindi ko puwedeng tuldukan na kaya ko nang lahat. Kumbaga, it's for me to find out kung kaya ko bang talaga o hindi."

Bakit may kaba pa rin siya kung magagawa niya ang api-apihan role to think na bago siya nagkontrabida ay gumanap na rin siya ng mga ganitong klaseng roles noon?

Paliwanag ni Glaiza, "Siyempre, every role kasi, iba. Hindi naman yung character ni Eunice [her role in Stairway to Heaven], mapa-pattern ko sa character ni Tiffany [Diva]. Siyempre, dapat iba-iba.

"And, kailangan mo na maraming pinaghuhugutan. Hindi lang sa mga emosyon, kung hindi kung paano mo bubuuin ang character mo. At ako, siyempre, nando'n pa ako sa stage na nangangapa pa ako, e.

"Hindi pa talaga buo si Grazilda dahil ilang araw pa lang din kami nagte-taping. Pero sobrang excited ako na once na ma-embrace ko na kung sino talaga siya. Sa ngayon, unti-unti ko na siya nae-embrace. Nandoon na ako sa nagiging friend ko na siya...slight.

"Kasi, nakita n'yo kung paano ako magsalita, matalinhaga. At hindi ako sanay na, siyempre, kapag ginagamit mo yun araw-araw. Sa real world, ganoon pa rin. Kaya nga nakakatuwa. Like, magbabayad ako sa karinderya, ang sasabihin ko, 'Sampung pilak.'

"Nakakatuwa rin, ang sarap paglaruan!" masaya niyang paglalahad.

TANDEM WITH GEOFF. Dito sa Grazilda ay susubukan ng Kapuso network ang tambalan nina Glaiza at Geoff Eigenmann.

Galing si Geoff sa love team nila ni Carla Abellana na nakabuo na rin ng following. Sa kabila nito, naniniwala si Glaiza na hindi dahilan yun para magalit sa kanya ang fans ng dalawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Matatalino na naman ngayon ang mga taong nanonood para i-distinguish kung ano yung trabaho sa personal," sabi niya. "Di ba, ano na rin 'to, parang time na rin ito sa mga tao na hindi sila masyadong i-spoil.

"Kumbaga, yung tandem naman naming ngayon ni Geoff ay hindi nabuo sa kung anumang isyu or sa previous project. It's totally different and it's totally something new, di ba, to look forward."

Pero ano ang masasabi ni Glaiza sa pahayag nina Geoff at Carla na deserving siyang maging bida na sa isang primetime show?

"Nakakatuwa siyempre. At yun ang parang nagpapakalma sa akin every time na nagsasabi ang mga tao na 'you deserve it 'or 'magaling ka' or 'kaya mo 'yan.' Yun ang nagiging sanity anchor ko sa lahat ng time na napi-feel ko na pressured ako, at sa time na nag-o-overlap yung iniisip ko, 'Ano kaya ang sasabihin ng tao?' Sila yung nagpapa-neutralize no'n," saad niya.

FELIX ROCO. Bagamat si Geoff ang leading man ni Glaiza sa Grazilda, in real life, alam naman ng lahat na sina Geoff at Carla ang nali-link sa isa't isa. Si Glaiza naman ay nali-link ngayon sa young actor na si Felix Roco.

Sila na nga ba ni Felix?

"Hindi pa siguro dahil hindi pa naman kami yung nasa commitment," sagot ng young actress. "Kumbaga, getting to know... Although, sobrang cliché na yun at paulit-ulit nang pakinggan. Mas importante na makilala mo munang mabuti yung tao, e, kung sino siya."

Ironically, ang kakambal ni Felix na si Dominic Roco ang kasama ni Glaiza sa cast ng Grazilda. Kaya ang tanong ng PEP kay Glaiza, mas magiging happy kaya siya kung nagkataong si Felix ang kasama nila sa cast?

Nangiti ito sabay sabing, "Siyempre, hindi naman ako puwedeng... Kung ano ang ibinigay, siyempre yun ang tanggapin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero kung siya ang papipiliin?

"Ayos lang. Ayos lang, parang isa lang din naman sila, di ba?" natatawa niyang sabi.

Ayon sa mga pahayag ni Glaiza in her past interviews, never pa siyang nagkaroon ng serious involvement sa kahit na sinong lalaki. Kaya ang tanong: Posible kayang si Felix na ang maging una niyang boyfriend?

"Sa palagay n'yo?" balik-tanong niya. "Hindi, hindi e. Getting to know pa talaga."

Pero humabol siya ng: "Tingnan natin."

Masaya ba ang puso niya ngayon?

"Oo...steady," nakangiti niyang sabi.

HER OWN HOUSE. May fear ba si Glaiza na kung magkakaroon siya ng lovelife ay maapektuhan ang kanyang gumagandang career?

"Siyempre, you can't have it all, di ba?" sagot ni Glaiza. "Hindi naman siyempre perfect ang buhay natin.

"Natutuwa ako na may mga taong palaging nakasuporta sa akin. At saka, kung magkakaroon man, it's how you handle it, e. At kung paano mo reremedyuhan ang mga bagay-bagay. Kung paano mo pagtutuunan ng pansin. At saka, natutuwa ako, parang feeling ko talaga, taong-tao na ako!"

Bakit niya nasabing "taong-tao" na siya?

"E, kasi, unang-una, alam n'yo naman, makakabili na ako ng bahay. Alam n'yo naman ang proseso na dati, hinihiling ko pa lang na sana magkatotoo yun.

"Yung parang pagpirma ko pa lang sa title, noong ita-transfer sa amin ang title... Tapos, ako yung pumunta do'n sa bangko. Ako yung nakikipag-usap sa mga tao. Parang fulfilling. Yung gano'n. Hindi lang yung dumarating sa career kung hindi maging yung dumarating sa mismong buhay."

Masaya si Glaiza na posible na raw nilang malipatan ang binili niyang bahay sa Commonwealth, Quezon City, kasabay halos ng airing ng Grazilda sa Lunes, September 13.

"Doon kami magpa-Pasko," sambit pa ni Glaiza.

Almost four million din daw ang halaga ng nabili niyang bahay at bubunuin pa raw niya ang balanse nito.

"Siyempre, kapag may dumating na malaki, ise-save mo na yun," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN