PEP EXCLUSIVE: Claire dela Fuente asks GMA-7 to "protect" Bela Padilla from "harassment" by Marian Rivera

IMAGE 0


"Very thankful kami sa GMA-7 for giving us such an opportunity for Bela... Ang amin lang request is maging safe lang siya in the workplace," says (inset) Claire dela Fuente about her talent, (right) Bela Padilla, who she claims is being harassed by (left) Marian Rivera.


Hiniling ng singer at talent manager na si Claire dela Fuente sa pamunuan ng GMA network na mamagitan na sa diumano'y pangha-harass ni Marian Rivera sa kanyang alagang si Bela Padilla sa set ng Endless Love.

Sa exclusive interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Claire sa telepono kahapon, September 9, sinabi niyang kamakailan lamang niya nalaman ang mga napapabalitang insidente sa pagitan ng new talent na si Bela Padilla, 19, at ng lead actress ng primetime series Endless Love, si Marian Rivera, 26.

Ito ay may kinalaman diumano sa "pagseselos" ni Marian kay Bela, na gumaganap bilang girlfriend ni Dingdong Dantes sa serye. Si Dingdong ay boyfriend ni Marian sa totoong buhay.

Matatandaang naunang nagsalita si Bela tungkol sa isyu, sa pocket presscon para sa kanya ng GMA Artist Center noong August 31. Magkatulong ang GMA Artist Center at si Claire dela Fuente sa pamamahala ng career ni Bela, na pamangkin ng action superstar na si Robin Padilla.

Bagamat hindi kinumpirma ni Bela ang napapabalitang "harassment" sa kanya ni Marian, inamin ng baguhang aktres na madalas ay umiiwas siya kay Marian at sa boyfriend nitong si Dingdong tuwing matatapos ang kanyang eksena. (CLICK HERE to read related article.)

Pahayag ni Bela, "She [Marian] didn't do anything physical to me. I'm okay naman with her... Siguro mga three or four times lang kaming nagkasama sa eksena ni Ate Yan dahil we work in different units.

"Ako, madalas sa unit ni Direk Andoy Ranay, sila ni Dingdong sa unit ni Direk Mac [Alejandre]."

BITS AND PIECES. Pero ngayon ay ibang-iba ang kuwento ng talent manager ni Bela na si Claire dela Fuente. Ayon sa beteranang singer/manager, nagulat daw siya dahil kamakailan din lang niya nalamang may dinadaing pala ang alaga sa set ng Endless Love.

"We didn't know that this is happening for three months. Tinatago-tago lang niya," mahinahong bungad ni Claire sa PEP.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy niya, "Actually, lately lang 'yon lumabas. Actually, bits and pieces lang 'yong nakukuha ko. Una, I think, I first heard of something like this maybe a week ago..

"Kasi, ganito 'yon nag-start, e. Basta na lang nag-text sa akin [ang road manager ko], sabi niya sa akin, 'Nanay, I think you should read this. Text ito ni Bela sa akin. Gusto mo i-forward ko sa 'yo?' So, sabi ko, 'Sige, paki-forward na lang.'

"Noong finorward niya sa akin, I was so shocked kasi she [Bela] was on this tone, e: 'Ate Shawie [road manager], puwede ba kitang makausap? Kasi, I don't know who to talk to and I've been bothered.'

"Hirap na hirap na daw siya and she wanted to talk to someone because she needed to at least confide something. Ang sabi niya, 'Ang Mommy ko, lalo na si Tita Claire, baka magalit sa akin. Baka sabihin niya gumagawa ako ng gulo.'

"Sabi ko, 'What's wrong kaya?' Sabi ko [sa road manager], 'Check her out first.' Kasi, baka sabihin ni Bela nagsusumbong siya sa akin."

Ayon pa rin kay Claire, ang text message ni Bela sa kanyang road manager ay patungkol sa pagpapahirap diumano sa kanya ni Marian sa set ng Endless Love.

"I think tinext niya that she's being, you know, harassed," sabi ni Claire. "Hirap na hirap siya sa set because Marian is giving her a hard time. I thought all the while... alam mo, hindi ako basta-basta naniniwala sa salita ng mga tao. I have to investigate."

Dahil hindi pa raw nakukumpirma ni Claire ang alegasyon, sinabihan lang muna niya si Bela na makisama nang mahusay sa mga kasamang artista.

Aniya, "I told Shawie na, 'Can you please tell her na makisama na lang siya nang maigi, but I will also check what's going on. Sabihin mo sa kanya na mag-meet kami para ma-advice ko siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"'Tell her na pagbutihan na lang niya muna ang pag-arte niya, and iwasan na lang muna niya 'yong encounter nila ni Marian and all.'"

HOW IT STARTED. Noong una, hindi raw inakala ni Claire na isang malaking isyu na ito, hanggang sa nalaman niyang naisusulat na ito sa ilang pahayagan.

"I didn't know that it was that big already because even her mom doesn't know anything. Bigla na lang may mga naglabasan sa diyaryo na may ganito, may ganyan. 'Yon pala, ang sabi nila...

"Kasi, si Bela naman is very secluded, hindi naman 'yan lumalabas nang gano'n. Ako lang ang naglalabas ng story about her sa mga tabloid, sa mga publicity," pahayag ni Claire.

Sinabi ba ni Bela kung ano at gaano kadalas ang sinasabing "harassment" ni Marian sa kanya?

"Almost every day 'yon. Almost every day na ginaganun siya, pinaparinggan siya," sagot ni Claire.

Kasunod nito, inisa-isa na ni Claire ang mga insidente umano sa pagitan nina Bela at Marian. Ito raw ay ayon sa mga nakalap niyang impormasyon.

"It all started, I think, noong magkakaroon na sila ng eksena ni Dingdong, na yayakap siya kay Dingdong. 'Tapos ang balita pa nila, pinagpapalitan kung ano ang laman ng script—itong day na ito iba ang script, the next day, iba na rin.

"So, hindi na lang siya kumikibo, kasi iniisip niya, siyempre, big star 'yon. Maliit lang naman siyang tao, mamaya ano'ng mangyari, baka sabihin basagulera siya and all. Tahimik lang siya," kuwento ni Claire sa PEP.

"Isang beses naman daw, nandoon si Bela sa Party Pilipinas," pagpapatuloy ni Claire, na ang tinutukoy ay ang Sunday musical-variety show ng GMA-7. "Sinabi raw sa kanya [ni Marian], 'Bakit hindi mo ako binati? Nandoon ako sa dressing room ko, bakit hindi mo binati ako?'

"Kaya ang sabi raw ni Bela sa sarili niya, 'Teka, hindi ko naman alam na nandoon ka.' [Sabi ni Marian] 'Makakarating ito kay Mrs. Annette Abrogar.' Actually, nakarating nga! Nagsumbong siya the next day."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ng co-manager ni Bela, "Actually, kapag nagsu-shoot daw, palagi daw sinasabi sa kanya [ni Marian], 'Ang pangit-pangit mo! Ang bobo-bobo mo umarte! Hindi kita ka-level, huwag mo akong babatiin!'

"Puro ganun daw ang sinasabi sa kanya. Paulit-ulit 'yon. 'Tapos, sometimes she [Marian] storms in, 'Sa tingin mo papatulan ka ni Dingdong? Kahit kailan hindi ka papatulan ni Dingdong!'"

Hindi ito ang unang project na pinagsamahan nina Bela at Marian. Bago nagkaroon ng Endless Love, nauna na silang magkasama sa pelikulang You To Me Are Everything. Gumanap rito si Bela bilang nakababatang kapatid ni Marian. Kasama rin dito ang screen partner at boyfriend ni Marian na si Dingdong.

THE COMFORT-ROOM INCIDENT. Marami pa raw ang nangyaring mga kaganapang katulad nito, ayon kay Claire. Pero ang pinakahuli raw ay ang pagkukulong diumano nina Marian at Bela sa loob ng comfort room, na kumakalat na sa tabloids.

Totoo ang pangyayaring ito, ayon kay Claire. Ayon pa rin sa kanya, naganap ito sa taping ng Endless Love, sa Fontana Leisure Park sa Pampanga.

Salaysay ni Claire sa PEP, "Actually, ang pinakahuli sa lahat...kasi, umabot nga ng three months, kaya sumobra na sigurong dami. 'Yong ibang tao, hindi na makatiis dahil marami nang incidents. Ang pinakamabigat sa lahat ay 'yong kinulong siya sa CR."

Nang araw daw na iyon, may love scene sina Bela at Dingdong. "Actually, 'yong sa CR daw...may eksena si Bela at si Dingdong dapat. I don't know kung ano 'yon, pero parang magyayakapan sila and all.

"'Yong kuwarto daw na 'yon [na pagkukuhanan ng eksena], nakasara. Ang nagbantay daw sa labas ay si Jana Dominguez." Si Jana ay co-star nina Bela at Marian sa Endless Love.

"Sabi raw ni Jana, 'Maganda ito, panonoorin ko ito.'" Ang tinutukoy nga raw ay ang love scene nina Dingdong at Bella.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, naghintay daw sila [Bela]. Hindi sila pinapapasok! Ang feeling daw nila, hindi sila makapasok sa loob dahil nakaharang sa may pinto si Jana.

"So, ngayon, noong pumasok na siya [Bela] sa loob, sinabi raw niya, 'Jana, papasok na ako kasi tinatawag na ako ni Direk Andoy!'

"So, pumasok siya sa loob. Tapos na ang eksena. Lumabas na siya. Nakita raw niya si Marian at si Jana, nandoon sa may pinto.

"Pagkatapos, I think, they [Marian and Jana] went right, and she [Bela] went left. Kasi, kaya she went left, kasi wala ang mommy niya, nasa parking lot yata.

"Parang natatakot siya to have another encounter kasi katatapos lang ng eksena na 'yon. So, parang may icky feeling siya na, 'Teka muna, baka mayroon na naman.' Actually, kasi magkasama nga 'yong dalawa, si Jana and Marian.

"Then, at the end of the hall sa left side, nakita niya si Marian nandoon, inaabangan siya sa dulo ng hall. Pagkatapos, paglapit daw niya, akala raw niya lalampasan lang siya ni Marian.

"Bigla raw sumigaw si Marian na, 'Pasok!' Tinuturo daw 'yong CR."

Sumunod naman daw si Bela.

Patuloy na kuwento ni Claire, "Tinanong namin sa kanya, 'Bakit ka pumasok?' So what kung gusto niyang papasukin ka sa CR?

"Ang sagot niya sa akin, kasi, she was thinking at that time na baka sakaling puwede nang ayusin, mag-e-explain na siya na, 'Ate Marian, hindi ko gusto si Dingdong. Hindi ko plano 'yan na agawin siya sa 'yo or anything.'

"Sasabihin daw sana niya 'yon...that she can do something to appease her. Magso-sorry na lang siya, magpapakumbaba na lang siya.

"Pumasok din daw siya. At saka isa pa, noong pumasok naman daw siya, marami din namang tao."

INSIDE THE COMFORT ROOM. Ano ang kuwento ni Bela sa pangyayari pagkapasok nila sa CR?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang ginawa raw ni Marian pagpasok, pinaalis daw lahat ng tao sa loob ng CR. 'Lumabas kayo. Lamabas lahat kayo.'

"Pinaalis daw lahat ng tao, pagkatapos ni-lock daw ang pinto. Pagka-lock ng pinto, natulak na siya [Bela], hanggang she was put into a corner.

"Siguro, mga ilang inches lang daw kay Marian. At ang mukha ni Marian ay dikit na dikit sa mukha niya. She was put, I think, at the sink, in between the sink and Marian.

"Ganun na daw, na hindi na siya makaalis talaga. At nakaliyad na raw siya, nilalayo na raw niya talaga ang face niya, dahil talagang akala niya sasaktan siya ni Marian at that time, e.

"Dinuduru-duro daw siya, at ang sabi raw sa kanya, 'Ang landi-landi mo! Ang pangit-pangit mo! Kahit kailan, huwag mong iiisipin na mai-insecure ako sa 'yo! Hindi ka magugustuhan ni Dingdong kasi diring-diri 'yan kapag may eksena kayo!'"

Dagdag pa ni Claire, na nagsabing worried na siya dahil naaapektuhan na ang trabaho ng alaga, "Kung anu-ano ang sinasabi sa kanya. 'Alam mo, every time na nakikita kita, gusto na kitang saktan.! Ang mga kaibigan ko, gusto ka nang bugbugin!'

"Si Nadine [Samonte] daw at saka si Jana. 'Huwag ka nang magpapakita kahit kailan sa set!' ganun daw ang sabi ni Marian sa kanya. 'Huwag ka nang babalik dito!' Ganyan daw ang sabi."

Wala bang nagtangkang pumasok sa CR, kahit si Dingdong, na kaeksena ni Bela bago ang insidenteng ito?

"Wala si Dingdong at that time. At saka si Dingdong, he's such a gentleman, hindi nagsasalita 'yan," sagot ni Claire.

Dagdag niya, "Wala naman doon si Dingdong, e. I don't know if he knows about it. I don't think he knows about it. Siguro nagpaalam sa kanya na magsi-CR. I don't know, I cannot speculate on that. Basta mga 10 to 15 minutes sila nandoon [sa loob]. Kung anu-ano ang sinasabi sa kanya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang naging reaksiyon ng staff ng Endless Love sa mga insidenteng ito?

"Siyempre, tahimik din kasi natatakot, because in the past marami rin naman ginanyan si Marian na, e. Pero hindi na kumibo, hindi na nakarating sa press 'yong iba.

"Talagang alam nila 'yan, na lahat ng leading ladies ni Dingdong, nagkakaproblema talaga kay Marian," sagot ni Claire.

COMING OUT TO DEFEND BELA. Isa raw dahilan kung bakit nagsalita na si Claire ay upang depensahan ang alagang si Bela sa mga negatibong balitang lumalabas.

Kasama na rito ang balitang ginagamit umano ng bagong aktres si Marian para mapag-usapan siya. (CLICK HERE to read related article.)

Ito raw ang kinaiinis talaga ni Claire. "The only reason why we came out in the open is because kami na nga ang naagrabyado—si Marian pa ang nagsasabi na ginagamit namin siya, on TV. Sinabi niya 'yon sa Showbiz Central [September 5]. So, sobra namang sakit no'n.

"Sabi ko nga, e, there are hundreds of people there. It's a public place, sa Fontana Pampanga. Public place 'yan and ang dami-raming tao sa set that day.

"Sabi ko nga kay Bela, 'Why did you try to hide it? E, samantalang marami namang tao doon!'

"And 'yon namang mga taong iyon ang mismong nag-report sa mga reporter, hanggang sa nakarating na nga sa kung sinu-sinong reporter!

"Ang dami raw pa lang tao sa labas ng CR—'yong mga guest, staff, lahat—nakikinig sa lahat ng pinagsasabi ni Marian sa kanya."

Pagpapatuloy ni Claire, hindi lang daw "pangbu-bully" ang inabot ng 19-year-old na alaga. Nakatanggap din daw ito ng banta mula sa lead actress na matatanggal na siya sa show.

Kuwento ng mahinahong magsalita ngunit galit na manager, "'Huwag ka nang magpapakita kahit kailan sa set!' ganun daw ang sabi ni Marian sa kanya. 'Huwag ka nang babalik dito!' ganyan daw ang sabi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"'Yon daw ang huling words sa kanya: 'Huwag ka nang babalik sa set na ito.'

"'Tapos, after that, narinig na niya na ipatatanggal siya sa show. Mga kuwento lang naman sa staff 'yon, hindi naman natin alam kung totoo 'yon.

"'Tapos, parang nagkaroon na ng tensiyon sa set. Pagkatapos, ang sabi pa raw sa kanya, e, mawawalan na siya ng trabaho. 'Yon na ang last day niya, papatayin na siya sa [Endless Love], puro ganun."

A CO-MANAGER'S ADVICE. Sabi pa ni Claire sa PEP, hindi siya nagkulang bilang co-manager sa pagpapaalala kay Bela na umiwas sa mga ganitong isyu sa mga makakasama sa trabaho.

"Actually, I told her na, 'I need you to know that whatever it is that you're hearing about your co-stars, basta ang importante sa akin, anak, wala akong madinig tungkol sa 'yo.

"'Ang gusto ko, ang maririnig ko lang tungkol sa 'yo, lahat puri, lahat mabait ka, lahat professional ka. Because puwede ang ibang tao, pero ayaw ko na ikaw ang napipintasan.'"

Dagdag pa niya, "I always tell her na, 'We're just starting and we have to be very nice because the way we impress them is itong mga unang araw mo sa showbiz.

"'Yong impression will always last, e. Sabi ko, huwag tayong maging pabaya sa trabaho natin.'

"Siguro dahil doon, natakot siya na magkaroon ng intriga. So, itinago niya by herself lahat ng ginagawa sa kanya ni Marian. Up to the point na ang dami na palang ginagawa sa kanya!"

GMA-7 TALENT CENTER. Sinubukan na ba nilang kausapin ang panig ni Marian upang linawin ang isyu?

Hindi raw, pag-amin ni Claire. Sa halip, dumulog daw siya kamakailan sa mga opisyal ng GMA network para humingi ng "proteksyon" para sa kanyang talent. Sina Marian at Bela ay parehong may kontrata sa network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi sinabi ni Claire ang mga tiyak na hiniling niya. Ang sabi lang niya ay, "Actually, they're trying to help us out in this situation, na iayos kung anuman 'yon. Kasi, nagko-contemplate na to go to court ang pamilya niya [Bela]."

Nang kumustahin naman ng PEP ang relasyon nina Bela at Marian ngayon sa set, sabi ni Claire, "I have yet to see that. I'm sure that this is known to the network na.

"Naniniwala ako sa kanila, kaya nga ako nakipag-co-management sa kanila ng artist ko. Kasi alam ko na hindi nila pababayaan ang artist ko."

Sa huli, muli niyang sinabi, "Ang ni-request lang namin ay proteksyon sa artist ko. 'Yon lang naman ang ni-request ko.

"Very thankful kami sa GMA-7 for giving us such an opportunity for Bela, that they believe in her. Napaka-thankful namin doon. Ang amin lang request is maging safe lang siya in the workplace."

MARIAN'S SIDE. Sinikap kunin ng PEP ang panig ni Marian, sa pamamagitan ng kanyang manager at kaibigang si Popoy Caritativo.

Matapos ang tatlong text messages na ipinadala namin sa kanya—dalawa kahapon (Sept. 9) at isa kaninang tanghali (Sept. 10)—sinagot ni Popoy ang aming ikatlong text message ngayong hapon, 2:37 p.m.

Ayon kay Popoy: "We have no comment at the moment. We will answer at the right time and at the proper forum. Thanks."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN