FIRST READ ON PEP: Eva Cariño-Padilla tells Marian Rivera to apologize to her granddaughter Bela Padilla

IMAGE 0


"Hindi sila puwedeng manahimik! Kailangan nilang sagutin ang mga akusasyon ng apo ko...!" says Eva Cariño Padilla (inset) about the silence of Marian Rivera's (left) camp in the face of Bela Padilla's (right) charges of harassment.


"Galit na ako! Mainit na ang isyung ito!" ang pambungad ni Eva Cariño-Padilla nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa telepono kaninang umaga, September 11.

Ang isyung tinutukoy ni Mrs. Padilla—na mas kilala sa showbiz bilang Mommy Eva—ay ang alegasyon ng apo niyang si Bela Padilla na hinarass siya at ikinulong ni Marian Rivera sa isang comfort room. (CLICK HERE to read related story.)

Ito raw ay nangyari sa out-of-town set ng Endless Love, ang pinagsasamahan nina Marian at Bela na primetime series ng GMA-7.

"Nagagalit ako dahil nalaman ko kagabi ang statement ng manager ni Marian Rivera na mananahimik muna sila," patuloy ng lola ni Bela, na ang tinutukoy ay si Popoy Caritativo, ang manager ni Marian.

"Hindi sila puwedeng manahimik! Kailangan nilang sagutin ang mga akusasyon ng apo ko para malaman ng mga tao kung sino ang nagsasabi ng totoo!

"Nagagalit ako dahil hindi tama na ikinulong ni Marian sa CR si Bela. Ginawa niyang hostage ang apo ko! Paano kung may nangyari sa kanya? Tulala at hindi na makakain si Bela!"

Si Mrs. Padilla ang ina ng action superstar na si Robin Padilla at ang male-turned-female artist na si Rustom Padilla. Ang iba pa niyang anak ay ang character actor na si Rommel Padilla, at si Royette Padilla, na dati ring aktor at nagsasabing brigadier general siya ng H-World United Nations Philippine Military Government International Police Commission.

Apo ni Mommy Eva si Bela dahil anak ito ng kanyang pamangking si Meg Cariño. Screen name ang Bela Padilla. Ang tunay na pangalan ni Bela ay Krista Cariño Sullivan.

Ang kanyang ama, ayon sa September 3 Journal online column ng beteranong showbiz writer na si Mario Bautista, ay si Cornelio Sullivan, na tubo raw ng Nottingham, England.

Base sa exclusive interbyu ng PEP kay Claire dela Fuente, manager ni Bela, na lumabas rito kahapon, Setyembre 10, si Bela ay 19 taong gulang. Ngunit base sa profile ni Bela na isinulat ni Walden Sadiri sa Manila Bulletin online ng Setyembre 4, 2009, 19 years old na si Bela nung nakaraang taon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BELA'S VERSION. Nalaman ni Mommy Eva na may isyu sa pagitan ng kanyang apo at si Marian nang mapanood daw niya sa Juicy, showbiz talk show ng TV5, noong September 8, Huwebes, ang interbyu kay Claire dela Fuente.

Sa pananaliksik ng PEP, nagsalita si Claire nang walang clearance o coordination sa GMA Talent Center, na co-manager nito sa career ni Bela. Si Claire ay singer na tumanyag bilang local Karen Carpenter, naging isang successful bus operator, at nitong huli ay isa na ring talent manager.

Si Bela Padilla, na matuturing na starlet pa lamang, at si Marian Rivera, na ilang taon nang premier star ng telebisyon at pelikula, ay parehong nakakontrata sa GMA-7.

Sabi ni Mommy Eva, "Tinawagan ko agad si Bela nang mapanood ko ang interbyu ni Claire. Nagkuwento si Bela sa akin na pack-up na raw ang kanyang taping nang tawagin at ikulong siya ni Marian sa CR ng Fontana Hotel.

"Hindi raw siya makalabas ng pinto dahil nakaharang si Marian at pinaalis nito ang ibang mga tao.

"Sinabi raw ni Marian na ayaw nito na makita si Bela. Gusto raw niyang saktan, gusto niyang bugbugin ang apo ko... [Sinabihan] na 'Ang bobo mong umarte! Ang pangit-pangit mo at kahit kailan, hindi magkakagusto si Dingdong sa 'yo!'

"Ang sabi ni Bela sa akin, 'Umiyak na lang po ako. Pinakakalma ko po siya dahil takot na takot ako. Gusto kong mag-collapse dahil sa takot sa kanya.'"

Pagpapatuloy ni Mommy Eva, "Kilalang-kilala ko si Bela. Relihiyosa siya. At the age of 8, preacher na siya sa simbahan namin sa Seventh Day Adventist Church. Hindi siya marunong makipag-away. Wala siyang alam kundi ang mga salita ng Diyos."

Ipinasok na rin ni Mommy Eva sa usapan ang angkan ng mga Padilla: "Kaya ngayon, sabi ng mga Padilla, hindi namin puwedeng payagan ang ginawa ni Marian kay Bela. Masyado niyang tinakot ang apo ko. Naaawa kami kay Bela.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Napagkaisahan namin na maghanap ng katarungan. Hindi niya...hindi masabi ng dila ko... si Dingdong!"

"Nilalandi" ang salitang gustong sabihin ni Mommy Eva, pero hindi niya binigkas ang salita. Ang tinutukoy na Dingdong ay ang GMA-7 leading man na si Dingdong Dantes, ang boyfriend ni Marian sa tunay na buhay.

"Ngayon," sabi ni Mommy Eva, "kung totoo na may kasalanan si Bela, may karapatan si Marian na hiyain siya. Kung may pruweba siya! Pero kilala ko nga ang apo ko.

"Tinakot ni Marian ang bata. Ikinulong niya. Parang ginawa niya na hostage.

"Paano kung may nangyari kay Bela? Buti sana kung butangera siya. Ang kaso, ni hindi nga siya umaalis ng bahay...

"Concerned ako sa apo ko. Hindi ko siya pababayaan.

"Nasaktan kami ni Marian. Sakit ng kalingkingan, sakit ng buong katawan.

"Isipin mo ang nerbiyos na inabot ni Bela? Ngayon, kung aaminin ni Marian ang kanyang pagkakamali, hahangaan pa siya ng mga tao. Magandang tingnan na nagpapakumbaba ang isang nagkamali."

GAMITAN ISYU. Sinagot din ni Mrs. Padilla ang isyung "ginagamit" ni Bela si Marian, na isa sa pinakasikat na artistang babae sa bansa ngayon at kinikilalang pinakamalaking female star ng GMA-7.

Angal ng lola ni Bela, "Sinabi niya na ginagamit siya ni Bela? Paano manggagamit ang mga Padilla, e, panahon pa ni kopong-kopong ang mga Padilla? Kailangan pa ba ni Bela na manggamit?"

Ngunit sa tinutukoy ng kampo ni Bela na sinabi raw ni Marian na ginagamit siya nito, walang malinaw na pinanggagalingan ang akusasyon. Sa interview ni Marian sa Showbiz Central noong September 5, walang tinukoy na pangalan si Marian.

Nang tanungin si Marian ng host na si Pia Guanio kung may pagkakataong nararamdaman niyang ginagamit siya ng ibang tao, ito ang sagot ni Marian: "Mayroon. Ganoon talaga, e. So, wala, laban!"

Pagpapatuloy naman ni Mommy Eva, "Tingnan natin ang mga irarason ni Marian. Basta kilala ko si Bela, may takot siya sa Diyos, at subukan mo na magtanong sa kanya tungkol sa Bible, alam niya!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Magpunta siya sa school ni Bela at ipagtanong niya doon ang apo ko. Wala siyang nakaaway sa school."

Nagpahiwatig din si Mrs. Padilla na may gagawin silang hakbang laban kay Marian pag nagkataon: "Dapat mag-apologize si Marian dahil kung hindi niya ito gagawin, medyo mabigat ang magiging resulta.

"Kung siya kaya ang ganunin, ano ang mararamdaman niya? Kung talagang may kasalanan si Bela, mabuti nga na bugbugin siya at sabunutan, pero wala talaga.

"Bakit niya pinag-iinitan ang apo ko? Parang hindi siya artista... Artista rin naman siya dahil nakaka-partner niya ang ibang aktor."

KAMPO NI MARIAN TAHIMIK PA RIN. Sa kabilang banda, hanggang ngayon ay nananatiling tahimik ang kampo ni Marian.

Sa maikling statement, via text message, na ipinadala ng manager ni Marian, na si Popoy Caritativo, sa PEP kahapon, September 10, sinabi nitong wala pa silang komento sa ngayon.

"We will answer at the right time and at the proper forum," sabi ni Popoy.

Hinihintay pa rin ng PEP ang panig ni Marian. Samantala, napag-alaman ng PEP na kumikilos na ang GMA-7 management upang maintindihan ang puno't dulo ng isyung kinasasangkutan ngayon ng dalawang contract stars ng network.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN