Showbiz scions Bodie and Djanin Cruz want to make their papa, Tirso Cruz III, proud

IMAGE 0


Bodie and Djanin find themselves the recipients of the good will their dad has sowed in his nearly 50 years in show business. Says Djanin, "Inaalagaan po ako ng staff ng show dahil anak daw ako ni Pip."


First time na magsasama sa isang show ang magkapatid na Bodie at Djanin Cruz, dalawa sa tatlong anak ng mag-asawang Tirso Cruz III at Lynn Ynchausti. Ito ay sa bagong telefantasiya ng GMA-7, ang Grazilda.

Hindi kataka-takang sumunod sina Bodie at Djanin sa yapak ng ama, dahil kilala ang buong Cruz clan bilang mahuhusay na actors at singers.

Pero ang maipagmamalaki ni Pip, na siyang palayaw ni Tirso, ay nakapagtapos ng kolehiyo sa De La Salle University ang lahat ng anak.

Si TJ (Tristan Jedidiah) ay graduate ng international studies at nagtatrabaho sa St. Luke's Medical Center. Wala raw itong balak mag-artista.

Pero si Bodie (Elmo Jeremiah), na graduate ng computer science, ay may posisyon sa isang malaking computer company nang sumali ito sa Pinoy Big Brother (PBB) ng ABS-CBN, sa Season 2, nung 2007.

Si Djanin (Dionina Saraiah) naman ay graduate last year ng business management sa De La Salle University.

SHOWBIZ OPPORTUNITIES. Hindi na raw nakabalik si Bodie sa dating trabaho pagkatapos ng PBB dahil binigyan siya ng mga proyekto ng ABS-CBN at naging Star Magic talent din siya.

Pero ngayon ay Kapuso talent na ang binata, at sa launch ng Studio 5 ng GMA Network Center, nakausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal), noong Tuesday, September 7.

Kuwento ng binata, "Naisip ko po, kung babalik muli ako sa dating trabaho, panibago na namang pakikisama. 'Saka lumipat na rin po ako sa GMA Network, at first project ko sa kanila ang action-drama na Zorro with Richard [Gutierrez], at nakapag-guest din ako sa ibang drama series ng GMA.

"Then, nag-sign na rin ako, kami po ni Djanin, sa GMA Artist Center. Nag-host din kami ni Paolo Paraiso ng Bluffing with Paolo & Bodie for two seasons sa Q Channel 11...

"Dito sa Grazilda, ako po si Ben, ang nakatatandang kapatid at best friend ni Eric [Geoff Eigenmann], na hingahan niya ng sama ng loob. Pero wala po kaming costume ni Geoff kasi kami ang nasa mortal world sa paglipat ni Grazilda [Glaiza de Castro] from Fantasia.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa Lunes, September 13, pa po kami magsisimulang mag-taping, iyong cast ng nasa mortal world."

Bodie turned 25 last September 8. Sa ngayon ay wala raw siyang girlfriend. "Ini-enjoy-enjoy ko lamang ang buhay ko at focus muna sa trabaho," aniya.

STEPPING-STONE. Si Djanin naman ay di raw pinangarap na maging artista.

"Kaga-graduate ko pa nga po lamang noon. Kaya sabi ni Mama, magpahinga daw muna ako, saka na ako magtrabaho, kasi po trimester kami sa La Salle.

"Pero kapag puwede, sumasama-sama ako sa mga showbiz events ni Papa at Kuya Bodie.

"Minsan naging contestants kami nina Papa sa Eat Bulaga! Napanood pala ako ng isang executive ng GMA at tinawagan niya si Papa na isama raw ako sa GMA at pag-artistahin na.

"Iyon na po, nag-sign na kami ng contract sa Artist Center, nag-workshop na with other GMA Artist Center talents.

"Sa Grazilda, ako po si Anatalia, ang wicked stepsister ni Cinderella [Gwen Zamora] at older sister ni Grazilda [Glaiza de Castro] sa mundo ng Fantasia.

"Iba-iba rin po ang costume na isinusuot ko rito. Mahaba po ang role ko rito kasi magko-cross over ang character ko from Fantasia to the mortal world. Sabi po ay babait din daw ang character ko."

Paano kung ma-typecast siya sa kontrabida roles?

"Okey lang po siguro, baka ito ang maging stepping stone ko para makilala. Nakapag-guest na po ako noon sa The Last Prince, as the best friend of Carla [Abellana], at sa Diva, na love interest ni Mark Herras."

LEARNING PROFESSIONALISM FROM DAD. May mga pointers bang ibinibigay sa kanila ang amang si Tirso, na noong 1960s pa nag-aartista at ilang nang awards ang natanggap?

"Lagi pong sinasabi ni Papa, lalo na sa akin dahil bago nga lamang ako, na kapag magti-take na kami, huwag kaming kakabahan. Kapag kinabahan daw kami, sira na ang pag-arte namin," sabi ni Djanin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi kami dapat nali-late sa shooting or taping. Mahalaga rin ang pakikisama sa mga tao.

"Na-realize nga po namin na mabait at talagang marunong makisama si Papa. Inaalagaan po ako ng staff ng show dahil anak daw ako ni Pip.

"Sa kanilang dalawa, si Mama ang disciplinarian, si Papa, hindi iyan nagagalit, kaya ayaw namin na magalit siya."

Dagdag ni Bodie, "Thankful kaming magkakapatid sa pagkakaroon ng parents na tulad nila. Hands-on sila para sa aming tatlo, kaya naman hindi kami gumagawa ng bagay na ikasasama ng loob nila."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN