Empress Schuck considers sports car her "boyfriend" if she gets it when she turns 18

IMAGE 0


Nang tanungin si Empress Schuck kung love life na lang ba ang kulang sa kanyang buhay, ito ang kanyang sagot: "Hindi, hindi kulang yun. Marami pang kulang, marami pa. Madami pa akong gustong maabot, marating. Ayun. Pagpapatuloy ko lang para magawa ko na lahat."


Hindi inakala ng young actress na si Empress Schuck na malaki na pala ang naipon niyang pera. Kaya pala mahigpit sa pera si Gina Schuck, ang ina ni Empress—iniipon nito ang lahat ng kinikita ng anak simula noong child star pa lamang siya.

Kuwento ng 17-year old Kapamilya star, "Kaya kapag nagwi-withdraw siya, isang beses sumama lang ako, hindi ko alam kung ba't ako sumama. Tapos sinabi nung isang babae dun na, pinakita niya sa akin yung laman ng bangko, parang, 'Wow, 'eto na yun? Lahat ng hard work ko?' Simula nung bata pa ako hanggang ngayon, nandun."

Dagdag pa niya, "Ang sarap sa feeling na, ito pala yun. Akala mo kasi, pinaghihigpitan ka ni Mama, na ayaw ibigay yung mga gusto mo. Pero, pag nakita mo naman yung laman, parang, eto pala yung pinaghirapan naming dalawa."

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Empress nang i-launch siya bilang pinakabagong endorser ng Natasha, isang direct-selling brand, noong Oktubre 27.

Bata pa lamang si Empress nang pasukin niya ang mundo ng showbiz. Walong taong gulang pa lamang siya nang madiskubre ng ABS-CBN noong 2001. Matapos ang dalawang taon, nanalo siya ng Most Popular Child Actress sa 2003 Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation.

Supporting cast lamang si Empress nang ilang taon sa ilang network. Ilan sa mga nagawa niyang shows ay ang Ikaw Lang ang Mamahalin at Etheria para sa GMA-7; at Super Inggo, Mars Ravelo's Lastikman, at Agimat para sa ABS-CBN.

Lumabas na rin siya sa mga pelikulang Pacquiao: the Movie, Resiklo, Magkaibigan, at Ang Darling Kong Aswang.

Ngayong taon lamang nabigyan ng malaking break si Empress ng ABS-CBN sa pamamagitan ng Rosalka, isang panghapong soap opera na nagtapos noong October 22.

Sa isang interview ng nanay ni Empress sa The Buzz, ang weekly showbiz talk show ng ABS-CBN, sinabi ni Gina Schuck na mahirap lang sila. Ito ang dahilan kaya naging masinop siya sa pera. Pangarap daw niyang makabili ng bahay para sa anak na artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mukha namang namana ni Empress ang pagiging matipid ng ina. Aniya, wala siyang balak na bumili ng designer bag, isang status symbol para sa mga kababaihan. Ang isa sa mga popular na brand ng designer bag ngayon ay ang Birkin, na may price range mula $9,000 hanggang $150,000. Kung iko-convert sa peso, aabot sa P360,000 hanggang mahigit sa anim na milyon ang halaga ng bag na ito.

"Parang, hindi ko pa iniisip yun, e," paliwanag ni Empress. "Mas may iba pa akong iniisip. Siyempre, tapusin ko muna yung pag-aaral ng mga kapatid ko siguro. And ako, siyempre hindi pa rin ako tapos, nag-aaral pa rin ako. Siguro kapag gusto ko talaga, puwede ko namang pag-iipunan."

Ayon kay Empress, mas nakahihiligan daw niya kasi ang magkolekta ng mga gadgets kaysa mag-ipon ng designer bags. Sa katunayan, isa sa mga hinihiling ni Empress para sa kanyang 18th birthday sa darating na Pebrero ay magkaroon ng sarili niyang sports car.

"Gusto ko sports car. Hindi ko po alam, pero gusto ko talaga. Ayun talaga yung pinakagusto ko pag 18 na ko. Gusto ko maregaluhan ako ng isang kotse na pang sa akin lang," pahayag ni Empress.

Aminado naman siya na mahaba-haba pa ang itatakbo ng kanyang showbiz career para makabili ng isang sports car, na tipong kasingmahal din ng Birkin.

"More Natasha endorsements pa. Mga six years ng Natasha pa," sagot ni Empress.

Dahil nga sa mga pangarap ni Empress, hindi prayoridad para sa kanya ang magka-boyfriend.

"Yun ang magiging boyfriend ko pag 18 na ako. Kotse," saad ni Empress.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN