PEP looks into the occupational health of celebrities

IMAGE 0


Sa totoo lang, hindi biro ang buhay-artista. Maraming artista, lalo na 'yong mga sikat sa telebisyon, ang nawawalan ng oras para sa sarili dahil sa walang patid na trabaho. Ang dulo niyan, sobrang kapaguran hanggang bumibigay ang katawan. Pahinga ang kailangan, siyempre. Sa kabilang banda, may mga artistang maalaga sa kanilang kalusugan kaya ligtas sa anumang sakit na bunga ng overfatigue.


Medyo nahuli ang actor-dancer na si Jhong Hilario sa press conference ng ABS-CBN primetime series na Mara Clara kamakailan. Ayon sa miyembro ng Streetboys, sunud-sunod kasi ang kanyang trabaho noong araw na iyon, sabi niya.

"Sobrang [busy], 6:00 a.m. na ako na-pack up kanina sa taping ng Mara Clara. Then, umuwi ako ng bahay para matulog ng konti, isang oras.

"'Tapos 10:30 a.m. ang presscon ko do'n sa Chooks To-Go. Hindi naman endorser, pero parang kinuha nila ako para sa kanilang dance contest. After that, natapos kami mga 1:00 or 2:00 p.m., umuwi na lang ulit ako para matulog," paliwanag ni Jhong nang usisain ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung bakit parang puyat ang kanyang hitsura noong sandaling 'yon.

Isa lamang si Jhong Hilario, na miyembro ng Streetboys, sa mga artistang subsob sa trabaho.

May iba namang sa sobrang kapaguran ay talagang bumibigay ang katawan.

Matatandaang napabalita kamakailan na nag-collapse si Glaiza de Castro habang nasa taping ng kanyang pinagbibidahang fantaserye sa GMA-7, ang Grazilda.

"Nagising na lang ako, hindi na ako makahinga, naninikip ang dibdib ko," kuwento ng 22-year-old na aktres sa Showbiz Central habang inaalala ang mga nangyari bago siya mag-collapse. (CLICK HERE to read related article.)

Kung susuriin ang ganitong mga balita sa showbiz, maliwanag na hindi pulos "bed of roses" ang buhay-artista. Maraming artista, lalo na 'yong mga sikat sa telebisyon, ang nawawalan ng oras para sa sarili dahil sa walang patid na trabaho. Ang dulo niyan, sobrang kapaguran hanggang bumibigay ang katawan.

OVERFATIGUE. Ito ang madalas na diagnosis ng mga doktor sa mga artistang biglaang isinusugod sa ospital habang nagtatrabaho.

Noong 2008, panandaliang na-pullout si Gerald Anderson sa taping ng My Girl, ang dati niyang teleserye na kasama si Kim Chiu, dahil biglang nilagnat ang binatang aktor

"He was advised to get at least three-day rest," ayon sa nakausap noon ng PEP. "Mataas ang temperature niya. At first, we thought it was dengue."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Napag-alamang nilagnat si Gerald dahil sa sobrang pagod sa taping ng kanyang teleserye. (CLICK HERE to read related article.)

Tulad ni Gerald, pansamantala ring namalagi sa ospital ang mga aktres na sina Cristine Reyes at Jennylyn Mercado. "Overfatigue" ang dahilan.

Inamin naman ni Mark Herras na nahihirapan siyang matulog nang maaga dahil madalas ay paidlip-idlip lang siya sa pagitan mga appointment niya sa isang araw. Kaya nang sabihan siya ng doktor na magpahinga, niresetahan din siya ng sleeping pills.

Matatandaan na noong Agosto, na-diagnose si Mark na mayroong kidney stones at polyps sa gall bladder, kaya pinayuhan siyang magpalakas ng resistensiya.

Sabi ni Mark, "Kulang daw ako sa tamang tulog. Iba raw kasi yung may eight-hour sleep ka kumpara sa nakakatulog ka sa taping set or sa sasakyan mo. Kulang na kulang daw ako sa pahinga kaya maraming gamot na ibinigay sa akin para maging okey ako.

"Niresetahan nga ako ng sleeping pills kasi hirap akong makatulog talaga. After kasi ng taping, na inaabot kami ng umaga minsan, hindi na ako nakakatulog. Makakaidlip ako, pero saglit lang 'yon, kasi may iba ka pang appointments sa araw na 'yon." (CLICK HERE to read related article)

Overfatigue din ang naging diagnosis ng doktor na sumuri sa SexBomb Girl na si Rochelle Pangilinan. Isang dahilan kung bakit matagal siyang naka-recover mula sa pabalik-balik na lagnat na umabot ng tatlong linggo noong Setyembre. (CLICK HERE to read related article)

Ayon sa emedicinehealth.com, ang fatigue ay karaniwang problemang pangkalusugan "generally defined as a feeling of lack of energy."

At ilan sa mga dahilan ng pagdanas ng ganitong karamdaman ay ang mga sumusunod: "not enough or too much sleep, alcohol, shift work (changing shifts, night shifts), lack or too much exercise, excessive workload, anxiety, grief, and stress."

WORK CONDITIONS. Marahil nakapagtataka kung paano ang trabaho bilang artista. Karaniwan, lalo na pag nag-popromote ng isang show, sinasabing masaya sila sa set o sa taping. Bakit may mga insidenteng nagaganap tulad ng kina Glaiza, Gerald, Cristine, at Jennylyn?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bilang aktor sa isang telenovela, madalas na hindi kukulangin sa sampung oras ang dapat ilaan para sa isang taping day. Dagdag pa rito ang ilan pang proyekto, tulad ng promotional tours at mga photo shoot para sa mga endorsement.

Minsan, naisisingit din sa punuang iskedyul ng mga artista ang mga rehearsal para sa weekly variety shows, pati na ang mga out-of-the-country concert—dahilan para mas lalong mawalan ng panahon upang makapagpahinga.

Matatandaan na noong Marso, bigla na lang nag-blackout ang singer-actor na si Sam Milby sa isang pampublikong palikuran sa Tokyo, Japan. Ito ay naganap ilang oras matapos ang concert niya, kasama ang PEP celebrity blogger na si Giselle Sanchez, mga dating Pinoy Dream Academy scholars na sila Bugoy Drilon at Laarni Lozada, at Zanjoe Marudo.

Sa ulat na inilabas ng PEP noong Marso 19, naikuwento ni Giselle, "He passed out. He told Enrique [Olives, TFC Japan Head] he just felt dizzy and blacked out. He was in the Japanese public toilet floor for a good thirty minutes. It was a good thing Japan is known for its honesty, so nobody got his wallet while he was flat on the bathroom floor.

"When Enrique arrived, the manager was trying to help Sam up. Please take note that Sam did not drink any Sake or red wine. Averaging eight hours of sleep in three days, rehearsing and performing a total of twenty songs in a performance level, kissed and mobbed by literally a thousand women, Sam's body could not take the stress toll and gave up. And it just had to be in a public bathroom without anybody knowing it..." (CLICK HERE to read related article)

Kung babalikan ang interbyu kay Glaiza matapos ang kanyang pagko-collapse, mapapansin na hindi talaga gano'n kadali ang trabaho ng isang artista. Di tulad ng mga karaniwang empleyado na madalas ay namamalagi lamang sa opisina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag din sa hirap ng kanilang trabaho ang palipat-lipat ng lokasyon sa isang araw para kunan ang mga eksenang kailangan sa teleserye.

Sa kuwento ni Glaiza, "Nanggaling kami noon sa Sta. Mesa. Doon pa lang medyo hindi na ako makahinga, parang walang masyadong hangin. 'I need fresh air!' gumaganoon ako.

"So, nung paglipat namin, pagkabaklas namin doon sa may Manila, doon na nagsimula. Hindi na talaga ako makahinga."

At ang sinasabing dahilan, ayon sa doktor na tumingin sa kanya, "Overfatigue, 'tsaka iyon, stress. Kasi halos araw-araw kaming nagte-taping, 'tapos malayo ang locations, 'tapos yung locations hindi pa... parang kulob pa."

EMOTIONAL STRESS. Bukod pa sa physical factors, minsan nagiging sanhi rin ang mga karakter na kanilang ginagampanan sa stress ng mga artista.

Isa rin itong dahilan na binigay ni Glaiza kung bakit siya bumigay minsan sa taping. Aniya, "Iyon, minsan kasi nadadala rin ako ng mga emotions ko sa eksena. So, baka nakakaapekto rin."

Katulad ito ng naging pahayag noon ni Bea Alonzo sa isang interbyu sa kanya ng PEP. Inamin ng Kapamilya actress na minsan dahil sa sobrang emosyon na kinakailangan sa eksena, naaapektuhan na rin ang kanyang kalusugan.

Kuwento ni Bea, "I asked my cardio about that kasi noong Maging Sino Ka Man Book 1, sobrang daming emotional scenes doon. 'Tapos nagha-hyperventilate na ako most of the scenes kasi hindi ka nakakabitaw. Kasi si Jackie [Bea's character], wala na yata siyang happy moment sa buhay niya, kahit na happy ako, tears of joy pa rin.

"Pumunta ako sa [cardiologist], in-ECG niya ako, lahat-lahat. Sabi niya, mayroon akong irregular heartbeat. Pero sabi niya naman, it's not too dangerous or scary kasi nga siguro mga 30 percent or 40 percent of women may gano'n.

"So, sabi niya lang sa akin, huwag masyadong magkakape. 'Tapos sabi niya, 'Puwede bang huwag ka masyadong umiyak sa [soap opera]?' So sabi ko, 'Mawawalan ako ng trabaho.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam mo 'yon, lalo na kapag ending yung scene na breakdown, kahit na titigil ka na, ang sakit pa rin [sa dibdib]." (CLICK HERE to read related article)

FOLLOW HEALTHY LIFESTYLE. Bagamat hindi maiiwasan na minsan ay mawalan ng oras para alagaan ang sariling kalusugan, may ilang mga artista naman na pinipilit nilang mabigyang pansin ang mga pangangailangan ng kanilang katawan.

Kapansin-pansin na ngayon ay mas marami na ang mga celebrity na nagiging conscious sa kanilang kalusugan. Ilan sa kanila ay aktibong sumasali sa iba't ibang sports tulad ng running, biking, badminton, at marami pang iba.

Ang three-time Box Office King na si John Lloyd Cruz aminado na, "Kapag hindi ako nakakapag-bike, parang I feel weak. Kailangan na, e. Parang it gives me a certain energy kapag nakakapag-bike ako."

Kaya naman kahit sobrang hectic ng kanyang showbiz schedule, pinipilit ng 27-year-old actor na makapag-bike kahit minsan.

"Sabi nila kasi after 25, kung ano ang body mo, 'yon na ang body mo for the rest of your life. Talagang dapat alagaan mo ang katawan mo. 'Yong health and fitness mo, talagang dapat if not five, nasa top three priorities mo," paalala ng Imortal actor. (CLICK HERE to read related article)

Tulad ni John Lloyd, nakahumalingan na rin ng tinaguriang Mr. Pure Energy na si Gary Valenciano ang mag-bike kapag may libreng oras.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan na matagal nang nilalabanan ng singer-composer ang diabetes. At isang solusyon na nakita ni Gary para mapanatili ang malusog na pangangatawan ay ang pagbibisikleta.

"I love mountain biking," sabi ni Gary nang makausap siya ng PEP noon. "I bike from the house to ABS-CBN for ASAP. Well, not upper Antipolo, but like near the Marikina area, from there Marcos Highway then, malapit lang yun up to Santolan, right to Gilmore, right to N. Domingo.(CLICK HERE to read related article)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Samantala, ang mga aktres na sina Iza Calzado at Karylle naman ay kadalasang nakikita sa mga running event.

Ayon kay Karylle, bukod sa magandang benipisyo nito sa kanyang kalusugan, nakatutulong din ang pagtakbo sa kanyang pagkanta.

Sabi niya sa isang panayam ng PEP, "Lumalakas ako kapag kumakanta. Hindi ako masyadong hinihingal at ngayon, mas mataas na ang energy level."

Matatandaan na sina Charlene Gonzales-Muhlach at Lucy Torres-Gomez, na dating naging host ng mga dancing shows, ay nakilala rin sa pagsasayaw.

Sina Richard Gomez, Joey Marquez, John Estrada, Drew Arellano, at Arnold Clavio ay kilala naman sa larangan ng golf. (CLICK HERE to read related article)

Samantalang si Aga Muhlach ay matatandaang nanguna pa minsan sa paglunsad ng isang wakeboarding event sa kilalang lugar para sa ganitong sport, ang Lago de Oro sa Calatagan Batangas. (CLICK HERE to read related article)

Gayundin ang aktres na si Sherilyn Reyes na madalas manguna sa taunang Perpetual Cup cable wakeboarding competition sa Batangas.

Madalas pumunta sa ganitong event ay sina Carlene Aguilar, Bianca King, Marco Alcaraz, Paolo Paraiso, at marami pang iba.

Mahirap man para sa ilan ang maging seryoso sa mga sports habang aktibo sa kanilang showbiz career, dapat pa rin gumawa ng paraan ang mga artista upang maiwasan ang stress at overfatigue.

Ang ilang madaling paraan na nailista ng emedicinehealth.com ay ang mga sumusunod: "(1) Manage your stress: practice relaxation and take time out for yourself; (2) Get exercise; (3) Improve your diet; and (4) Get enough sleep."

Kinakailangan din na bigyang pansin ng mga network executive ang kalagayan ng kani-kanilang mga artista upang maiwasan ang paghina ng kanilang resistensya. Kung gayon, maiiwasan din ang posibleng pagka-delay ng anumang proyekto.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN