Manila Vice Mayor Isko Moreno cries foul over his inclusion in IIRC list

IMAGE 0


"Kaming nagmamalasakit na magkaroon ng peaceful end, makapagpalabas ng mga hostages, matapos nang maayos yung hostage-taking, kami pa yung ibinabaon ngayon," says Manila Vice Mayor Isko Moreno.


Gaya ni Manila Mayor Alfredo Lim, naging maramdamin din si Vice Mayor Isko Moreno nang malaman niyang kasali siya sa mga kakasuhan kaugnay ng Manila hostage-taking noong August 23. Walong Hong Kong nationals ang nasawi sa pagtatapos ng hostage- taking sa Quirino Grandstand na pumukaw sa atensiyon ng buong mundo.

Ayon sa full report ngIncident Investigation and Review Committee (IIRC), na isinumite nila kay Pangulong Noynoy Aquino, ang mga posibleng sampahan ng kaso kaugnay ng Manila hostage-taking, bukod kina Lim at Moreno, ay ang mga sumusunod:

Philipine National Police Chief Jesus Verzosa; former Manila Police District chief Rodolfo Magtibay, National Capital Region Police Office chief Leocadio Santiago, chief hostage negotiator Manila Superintendent Orlando Yebra, Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Rico Puno, Chief Inspector Santiago Pascual, head of the Special Weapons and Tactics (SWAT) team, Ombudsman Merceditas Gutierrez, Deputy Ombudsman Emilio Gonzalez III, TV5's Erwin Tulfo, Radio Mo Nationwide's (RMN) Michael Rogas, at ang media networks na GMA-7, ABS-CBN, at TV5.

Ang IIRC ay pinamunuan ni Justice Secretary Leila de Lima.

Sa phone-patch interview ni Vice Mayor Isko Moreno sa programa ni German "Kuya Germs" sa dzBB kahapon, September 22, ay tuluy-tuloy na isiniwalat ng dating aktor ang kanyang saloobin sa pagkakasama niya sa listahan ng posibleng kasuhan. Si Kuya Germs ang itinuturing na ama-amahan ng Vice Mayor ng Manila noong nasa That's Entertainment pa siya.

"Kahit mga kakilala natin, kahit mga kaibigan natin, o mga taong nakakasalubong ko, nagtataka," simula ni Isko.

"Ngayon po sa opisina ko, ang daming tumatawag. Pati mga religious sector, NGO, nagtatanong kung bakit nasama tayo dito.

"Na ang katotohanan lamang ay tayo ay nagmalasakit. At kung sino yung mga nagmalasakit, yun pa ang mga sumabit.

"Yung mga walang malasakit sa kapwa at sa kanilang tungkulin, sila pa yung nag-aakusa. Sila pa yung mga taong nag-iimbestiga na dapat ginagampanan nila yung tungkulin nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E, nangyari ho ay para bang turu-turuan pa, e. Nakakalungkot, ano? Pero tayo, Kuya Germs, lalabanan natin 'yan."

Tinanong ni Kuya Germs si Isko kung siya ba ang nagbigay ng liham sa hostage-taker na si Rolando Mendoza, na ipinakiusap at kinuha niya sa Ombudsman during the hostage-taking.

Kuwento ng actor turned politician, "Pagdating ko po, ibinigay na yun sa alkalde [Mayor Lim] at ibinigay yun sa negotiator, tapos ibinigay na kay Capt. Mendoza.

"E, pinanggigigilan yata ni DOJ Secretary De Lima na hindi daw nagustuhan ng hostage-taker yung laman ng sulat. Hindi ko masabi sa kanya na hindi naman ako manghuhula para malaman kung ano ang damdamin nung hostage-taker nung pagkabasa ng sulat!"

Alam niya ba yung nilalaman ng sulat?

"Opo, alam ko po yung nilalaman ng sulat dahil kaparte po tayo doon sa diskursyo sa loob ng Ombudsman. At kami po ay tuwang-tuwa dahil ibinigay nila kung ano yung kahilingan.

"O, di ire-review na yung kaso at pinangakuan siya [hostage-taker] ni Ma'am Merceditas Gutierrez ng Ombudsman over the phone. Tapos yung pangako over the phone, nilagay sa letter.

"Because I tell myself na I will not go back to Manila na empty-handed. Buong kababaang-loob ko po na nakausap ang mga deputy ng Ombudsman at si Ma'am Merceditas Guttierrez," saad ni Isko.

Ito ba ang naging dahilan kung bakit "binalatuhan" pa siya ng ilang hostages para makalaya?

"Sa totoo lang po, Kuya Germs, yung 70 years old na matanda na isang Hong Kong citizen, yun yung physically requested ng Hong Kong Embassy at nailabas po namin."

Alam ba ng Hong Kong Embassy ang nagawa niya nang sa gano'y makatulong sa kaso, dahil isa siya sa naging daan para mailigtas ang matanda?

"Alam po nila yun," sagot ni Isko.

"Kasi sabi po nila, 'May sakit yun na diabetes, kailangan na ng medication. Puwede bang makisuyo?'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ako naman, siyempre sa record, out of too many, ibinigay namin yung pagkain ni Captain Mendoza. Ang kapalit, bigyan mo naman kami ng hostages, at yung matanda yung request namin.

"Ini-release yun," diin niya.

Kasama ba siyang bumaba sa bus ng matanda?

"Hindi po ako parte ng nasa bus. Nasa field po kami ng command post, kami po ni General Magtibay."

Diin pa ni Isko, "Wala do'n ang DOJ secretary, DFA secretary. Wala ho yung mga secretary ng bansang ito!

"At 'yang mga secretary na 'yan, 'yan yung mga nag-aakusa sa amin! Na dapat, sila ang nanduduon sa field. 'Yan ang mga taong nag-aakusa!

"So the public may know, 'yan ang mga taong di makita at matagpuan noong mga panahon na yun. At hinahanap na sila ng mga journalist, lahat ng mga international correspondents.

"Tapos doon sa DOJ interview, tinanong nila ako kung bakit ako ang in-interview ng CNN. Ang sabi ko, 'Ako din ho, nagtataka. Bakit ho ako, e, meron naman hong spokesperson ang Pangulo? Meron namang DILG secretary. Merong secretary ang Pangulo. Meron namang DOJ secretary, Merong DFA...'

"O, nasa'n sila? Wala sila lahat, hindi sila makita. Ultimo chief ng PNP, hindi makita.

"At kaming nagmamalasakit na magkaroon ng peaceful end, makapagpalabas ng mga hostages, matapos nang maayos yung hostage-taking, kami pa yung ibinabaon ngayon," himutok ni Isko.

Sabi pa niya, "Bakit sinasabi nila local crisis? Local crisis? Kayo, Kuya Germs, at kayong mga nakikinig, local crisis pa ba ang ganitong hostages na ang mga involved ay mga foreign internationals, mga banyaga?

"Kaya nga ako nagtataka bakit ako ang tinawagan ng CNN. Kaya nga nang tumawag sila para interbyuhin ako, ang sabi ko, 'Why me? Why are you calling me? Why don't you call the DOJ Secretary?'

"Ang sabi sa akin, 'Nobody is answering the phone.' That's the exact word of CNN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang sabi ko, 'Can you call back after 10 minutes? I will just get some information.' In fact, after 10 minutes, tinawagan ako ulit ng CNN.

"At sinabi ko na sa telebisyon kung ano ang laman ng bus at kung ano ang nangyayari sa Luneta. Nobody is nowhere [sic] to be found, at yung mga taong yun, yung nag-aakusa sa amin ngayon.

"Ang nakakalungkot lang kasi," patuloy ni Isko, "naapektuhan na ang mga anak ko. Maliliit pa mga anak ko. Nag-eeskuwela pa yung mga anak ko.

"Malilit pa yung mga anak ko, tapos malalaman nila na ang tatay nila na kasama sa ganitong insidente. Tapos nun, nakita at napanood naman nila na yung tatay nila gumawa ng mabuti, gumawa ng tama.

"Yung mga nag-aakusa ba sa inyo, hinarap na ba kayo nang harap-harapan o kinausap na kayo bago kayo kinasuhan?

"Inakusahan lang kami. Lumalabas, opinyon lang nila, e.

"Alam mo, Kuya Germs, sa tunay na husgado, ipinapaalam muna sa inaakusahan at hindi sinasabi sa ibang tao kung ano ang akusasyon sa kanya.

"Kaya nagtataka po ako at nagkakaroon ng agam-agam, bakit isinapubliko muna at isina-TV bago ang mga inaakusahan?

"Parang sinabi nila sa amin na, 'O, mga bata, ipapako muna namin kayo sa krus bago ibibilad muna namin kayo sa araw, bago namin ilatag yung sentensiya. O, pasensiya na kayo, wala pala kayong kasalanan.'

"E, paano 'yan, napako na ako sa kamay? Sugat na maghilom man, naging parte na ng buhay ko. Yun ba yung human rights? Yun ba yung karapatan namin para ipagtanggol, di ba?

"Ang tanong namin: Sila ba na magaling na nag-aakusa, sila ba na magaling na mag-opinyon, nandun ba sa oras ng pangangailangan ng bawat Pilipino? Nandun ba sila bilang tao ng Pangulo?

"Wala, hindi sila mahanap!"

Pero sa kabila nito, sinabi ni Isko na haharapin nila ang paratang sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ipaglalaban po namin ang karapatan namin," sabi niya. "Sisiguraduhin namin na yung mga taong may kasalanan, dapat managot sa taong-bayan. Dapat lang naman na maging responsable sila.

"Mahiya naman sila, 'no! Marami na silang palpak. Ang saya nila! Puro lang sila kuwento, ibang tao dinadamay nila.

"Nung mga panahon na kinakailangan sila ng taong-bayan, hindi sila makita."

Anong masasabi ni Isko sa sinabi ni Mayor Alfredo Lim na siya na lang ang akusahan at hindi ang kanyang bise-alkalde?

"Ako po ay talagang natutuwa," sabi ni Isko. "Siyempre, nagulat din ako.

"Ultimo si Mayor Lim, nararamdaman niya na wala tayong pagkakamali o pagkukulang. Kaya naman nasabi ko na kung ipapakulong nila si Mayor Lim ay sasama na lang ako sa kulungan."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN