Big band music lives in Richard Poon's The Crooner concert

IMAGE 0


Kinanta nina Richard Poon at Lea Salonga ang ilang contemporary hits tulad ng "Crazy Little Thing Called Love" ng Queen, "Cheek to Cheek" ni Fred Astaire, at "You Make Me Feel So Young" ni Frank Sinatra.


Matagumpay na binuhay ni Richard Poon ang ilang mga kantang nalimutan na ng panahon sa kanyang concert noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 12, sa Philippine International Convention Center (PICC), Manila.

Ang pamagat ng concert ay The Crooner: A Concert with a 25-Piece Orchestra. Akmang-akma ito sa status ni Richard sa music industry bilang "Big Band Crooner" ng Pilipinas.

Ang big band ay isang genre ng music na popular noong 1930s at 1940s, kung saan may isa o maraming bokalista na kumakanta sa saliw ng isang bandang may 12 hanggang 25 na miyembro. Ilan sa mga instrumentong gamit sa big band ay gitara, piano, saxophone, trumpet, drums, violin, at iba pa.

Halos hindi na karaniwan ang big band. Sa katunayan, malayong-malayo na rito ang mga kantang nagiging hits ngayon. Halimbawa, ibang-iba ang istilo ng mga kanta ni Lady Gaga at Kesha kumpara sa istilo ng mga big band artists na sina Frank Sinatra, Bing Crosby, at Ella Fitzgerald.

Kaya naman tila hit na hit ang concert ng Filipino-Chinese na si Richard Poon—nagsilbi itong break sa maingay at mabilis na pop music na pumupuno sa airwaves sa ngayon.

Nagsimula ang concert ng 9 p.m. Opening acts sina Markki Stroem ng Pilipinas Got Talent, at ilan sa mga contestants ng reality-singing tilt na Star Power.

Nagpalakpakan agad ang mga nanonood nang magsimulang tumugtog ang banda matapos ang mga opening acts. Naghiyawan din ang mga fans ni Richard Poon nang umakyat siya sa stage at binati silang lahat.

Nagpasalamat si Richard dahil maraming dumating sa concert kahit na mabigat ang traffic sa mga kalsada ng gabing 'yon.

"Nice to see you all here. Tonight we will enjoy wonderful music. These are the songs we miss, songs not normally played on the radio," sabi ni Richard.

Una niyang kinanta ang isang big band medley ng "Every Breath You Take" ng The Police, "The Way You Make Me Feel" ni Michael Jackson, at "Fever" ni Peggy Lee.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Bawal ang stress ngayon!" sigaw ni Richard matapos ang medley. "You can sing along, hold hands, and dance."

Matapos ng medley, nagbigay-pugay naman si Richard sa mga "legends" of standard and big-band music. Tuwang-tuwa ang audience sa segment na ito dahil nakihalubilo si Richard sa kanila habang nagpe-perform.

Ilan sa mga numbers na kinanta ni Richard dito ay "I Left My Heart in San Francsico" ni Tony Bennett, "Misty" ni Johnny Mathis, "Unforgettable" ni Nat King Cole, "Put Your Head on My Shoulder" ni Paul Anka, "Portrait of My Love" ni Matt Monro, "Release Me" ni Engelbert Humperdinck, at "Let Me Try Again" ni Frank Sinatra.

EVA MARIE POON. Matapos nito, tinawag ni Richard ang una niyang special guest, ang nakatatanda niyang kapatid na si Eva Marie Poon.

Agad na nagbiro si Eva na ang Syoti (younger brother in Chinese) niyang si Richard ay magkaka-syota na. Tawa lang ang isinagot ni Richard, na nabalitang nililigawan umano ang aktres na si Maricar Reyes.

Kinanta nina Richard at Eva ang dalawang popular na kantang Chinese, pati na rin ang "All The Way" ni Frank Sinatra at ang "Dahil Sa Iyo" ni Rogelio de la Rosa.

Matapos ng duet ay binati ni Richard si Erickson Raymundo, ang kanyang manager, na nasa audience. Katabi ni Erickson si Eric Santos, na tinawag naman ni Richard para tulungan siyang kantahin ang "Kahit Maputi na ang Buhok Ko" ni Rico J. Puno.

POKWANG. Ang sumunod na special guest ay ang comedienne na si Pokwang. Pag-alis ni Richard sa stage, agad na kinulit ni Pokwang ang mga magulang ni Richard na nakaupo sa VIP area.

Biro ni Pokwang, sana raw ay tanggapin na siya nina Robert Poon at Eva Hwang bilang kanilang "manugang." Dagdag pa ni Pokwang, matagal na raw niyang "pinagnanasaan" si Richard.

Tawa lang nang tawa ang mga magulang ni Richard, pati na rin ang audience, sa lahat ng biro ni Pokwang. Maging ang performance ni Pokwang ay nakakatawa rin. Tumawag siya ng isang lalaki mula sa audience, pinahawak dito ang mike, at inutusang habulin siya habang kumakanta siya ng "Sinta" ng Aegis.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama rin si Pokwang sa unang dance performance ni Richard sa stage. Magaling magsayaw ang dalawa kaya naman natuwa ang audience sa kakaibang number.

Palakpakan ang isinukli ng audience sa nakatutuwang guesting ni Pokwang sa concert.

LEA SALONGA. Ang sumunod na special guest ni Richard ay si Lea Salonga. Malaking karangalan daw para sa crooner na makasama sa stage ang internationally acclaimed singer at theater actress.

Nag-duet sina Richard at Lea ng ilang contemporary hits tulad ng "Crazy Little Thing Called Love" ng Queen, "Cheek to Cheek" ni Fred Astaire, at "You Make Me Feel So Young" ni Frank Sinatra.

Bago matapos ang concert, ipinaliwanag ni Richard kung bakit hindi makararating ang huli niyang special guest na si Sam Milby. Aniya, nasa ospital daw ang Kapamilya actor at "very very sick."

OPM HITS. Puro OPM hits na ang kinanta ni Richard bago matapos ang concert. Kasama dito ang "Toyang," "Pare Ko," at "Ang Huling El Bimbo" ng Eraserheads, "No Touch" ng Juan de la Cruz Band, "Binibini" ni Janno Gibbs, at ang Tagalog rendition ng "My Way" ni Frank Sinatra.

Kinanta naman ni Richard ang Christmas song na "Grown-Up Christmas List" para sa encore.

Natapos ang concert ng 11:30 p.m., habang pinapasalamatan ni Richard ang audience sa pagtupad ng pangarap niyang mabuhay muli ang big band music.

"It's nice to be able to share a brand of music that is unpopular today... making us feel that it is alive and well," pahayag ng singer.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN