Venus Raj: Behind the glitz and glamour of a beauty queen

IMAGE 0


Venus Raj's life was not all wine and roses before she became famous. But with her confidence, determination, and the support of family and friends, everything is possible. "Kung meron kang gustong isang bagay, kailangang i-claim mo siya. Kailangang gustuhin mo talaga siya. Kung gusto mo talaga yung isang bagay, kailangang gustuhin mo," Venus advises dream seekers.


Hinahangaan siya ngayon dahil sa pagtaas niya ng bandera ng Pilipinas sa pagkapanalo niya ng 4th-runner up sa Miss Universe 2010 pageant.

Isa siya sa tinatanghal na pinakamagandang babae sa buong mundo sa kasalukuyan. Maari siyang kainggitan dahil sa kanyang fame and fortune, ngunit hindi naging madali ang lahat para kay Venus Raj.

Nakakagulat isipin na ang 22-anyos na beauty queen na tubong-Bicol ay nakaranas ng mga pangungutya mula sa mga kalaro noong siya'y bata pa.

Dahil kakaiba ang kanyang kutis at kulot ang buhok, madalas ay naging pulaan siya ng tukso. Kuwento niya, "Noong bata ako, ang daming tumutukso sa akin. Tinutukso ako ng pangit, kinky, maitim."

Ngunit hindi ito ininda ng morena. "Wala, dedma lang po ako," ang walang pagpapanggap na sinabi ni Venus sa isang intimate na salu-salo.

Naganap ito sa Lu Restaurant sa Rockwell noong ika-11 ng Nobyembre, kung saan ipinakilala siya bilang bagong endorser ng conditioner brand CreamSilk.

Dagdag pa niya, "Ang beauty ay hindi lang naman yung nakikita mo sa isang tao kundi, kung ano exactly yung taong 'yon."

SOURCE OF STRENGTH. Naging tanglaw para sa kanya ang lakas ng kanyang nanay Ester Bayonito, na siyang ilaw at haligi ng tahanan. .

"Sabi ng nanay ko, maganda ako, kaya maganda ako," pabirong pag-alaala ni Venus.

Inamin niyang minsan ay nasasaktan siya sa mga pangungutya, ngunit hindi hinayaan ni Venus na maging hadlang ito sa kanyang mga pangarap.

Dahil na rin sa pagmamahal, paniniwala at suporta na binibigay ng kanyang ina, lumaki si Venus na may tiwala sa sarili, anuman ang marinig mula sa ibang tao.

"Umiiyak po ako pero sa nanay ko lang. So, parang kahit ganun ang mga nangyari sa akin dati, naniniwala po ako na kahit na ano pang sabihin ng ibang tao, bakit ako maniniwala?

"Ako, alam ko ang kaya kong gawin, alam ko ang strengths and weaknesses ko," taas-noong pahayag ni Venus.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Lumaki si Venus na walang kinikilalang ama. Nagkaroon siya ng stepfather kalaunan ngunit ang kanyang ina ang siyang humawak ng responsibilidad ng pagpapalaki sa kanya bilang ina at ama.

Hindi nakilala ni Venus ang kanyang tatay na taga-India. Isinilang si Venus sa Doha City, Qatar sa Middle East kung saan nagtrabaho ang kanyang ina bilang isang OFW.

Dahil hindi kasal ang kanyang nanay, kuwento pa ni Venus, noong baby pa siya, may bumibili sa kanya upang mailigtas ang kanyang ina sa kahihiyan pag-uwi rito sa Pilipinas na may dalang anak at walang kasamang asawa.

"Pero I know how strong my mom is. Sabi niya, parang, 'Bakit ko ibebenta yung anak ko, e, anak ko iyan, hindi naman parang hayop na, parang baboy lang na itre-trade mo sa ibang tao," ani Venus.

Malaki ang pasasalamat at paghanga ni Venus sa kanyang ina sa naging desisyon nito.

"And I really admired my mom for that. Na siguro kung ano man yung pinagdaanan niya, mga pinagdaanan niyang pang-aapi, siguro mga pagtsitsismis ng ibang tao, yung umuwi siyang may anak na dala na walang asawang kasama," kuwento ni Venus.

Dagdag pa niya, "Saludo talaga ako sa kanya. Siguro kung ibang tao, hindi natin alam kung anong magiging desisyon nila. Hindi natin alam kung anong magiging reaksyon nila."

Bilang pasasalamat sa mga sakripisyo at pagmamahal ng kanyang ina, ipinangako niya na lahat ng ginagawa niya ngayon ay inaalay niya sa kanyang nanay.

THE SCHOLAR. Bago ang buhay niya bilang isang beauty queen, kuntento na si Venus sa kanyang tahimik na buhay sa Bicol. Pinakabata sa limang magkakapatid, payak at simple lamang ang kanilang buhay sa Bato, Camarines Sur.

Siya at ang kanyang pamilya ay naninirahan sa isang barong-barong sa gitna ng palayan na kung saan kailangang dumaan sa mga pilalapil at wala pang kuneksyon sa elektrisidad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit hindi naging hadlang ang kahirapan upang makapagtapos ng pag-aaral si Venus. Gumawa siya ng paraan upang makapag-aral siya sa kolehiyo. Nakahanap siya ng foundation na nakapagbigay sa kanya ng scholarship grant.

Kumuha siya ng Communication Arts, major in Journalism, sa Bicol University at nakapagtapos bilang cum laude.

PRE-MISS UNIVERSE PLAN. Pagkatapos niyang mag-aral, agad na nagtrabaho si Venus sa Dept. of Environment and Natural Resources (DENR)-Region V bilang Information Assistant.

Ayon kay Venus, balak niyang mag-apply bilang flight attendant bago siya sumali ng Binibining Pilipinas para kumita ng mas malaking pera at matulungan niya ang kanyang pamilya.

"God is good. Nag-decide ako na mag-join ng Binibining Pilipinas bago ako mag-apply at sabi ko, 'If it's really for me, if it's God's plan for me na mananalo ako sa Binibing Pilipinas, then hindi ko na ipagpapatuloy yung isa ko pang plano,"' ani Venus.

Dagdag niya, "But if Binibining Pilipinas or Miss Universe is not for me, then I will pursue yung gusto kong career before."

Mukhang may plano ngang ibang mas malaki para kay Venus. Hindi lamang Binibining Pilipinas ang nakamit niyang korona, pati na rin Miss Universe 4th runner-up.

"I know naman na ito yung gusto ng Panginoon para sa akin. Therefore, I'm very thankful," nakangiting sambit ni Venus.

ENTERING SHOWBIZ. Hindi inakala ni Venus na ang pagkapanalo niya sa dalawang pageant ang siyang magbubukas ng bagong pinto.

Kuwento niya, "Dati oo, gusto ko po mag-Miss Universe. Gusto ko manalo sa pageant pero po, ni minsan hindi ko naisip na makakapasok ako sa showbiz.

"Parang dati kuntento na ako sa buhay ko sa Bicol. Pero after Miss Universe, it opened a lot of doors para sa akin. Hindi ko po actually plinano na ganun pero I would like to thank the people who gave me the opportunity," ani Venus.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Malayo man ang estilo ng pamumuhay ng isang artista sa kinagisnan ni Venus, unti-unti na nitong nasasabayan ang agos ng industriya.

"Sometimes inisip ko na ibang compartment, ibang klaseng buhay meron ang mga tao dito pero alam mo 'yon, natututunan ko na din siyang mahalin," sambit ni Venus.

CELEBRITY STATUS. Kasabay ng kanyang pagiging beauty queen, hindi maiwasan ang popularity at fame.

Naikuwento ni Venus ang mga adjustments na kailangang niyang gawin ngayong celebrity na nga siya.

"Grabe, ganito pala, na pag lalabas ka kailagangan maayos na maayos ka kasi yung mga tao tinitignan ka. Dati lalabas ako at pupunta ako ng mall wala lang, naka T-shirt lang, nakajeans, kahit gulo- gulo yung hair mo, okay lang. Pero ngayon, kailangan ayos na ayos ka!" At hindi napigilan ni Venus ang pagtawa.

Kuwento pa niya, na ngayong may commercial na nga siya sa TV, "Dati naiinis yung nanay ko, bakit ang dami-daming commercials, pero nung nagkaroon na ako ng commercial, sabi ng nanay ko, 'Sana lagi na lang commercial para makita ko yung anak ko."'

GAY FRIENDS. Kapansin-pansin din ang suporta na natanggap ni Venus mula sa mga kaibigan niyang bakla. Marami pa nga ang nagkaroon ng kanilang seconds of fame dahil sa all-out na pagsuporta kay Venus.

Ayon kay Venus, malaki ang pasasalamat at utang na loob niya sa mga kaibigang gay.

"Sila kasi yung reason bakit ako pumasok sa pageantry. Hindi naman po ako sasali ng pageant if not because of them. Yung unang nakadiscover sa akin, yung unang nag-push sa akin para sumali are gay," paliwanag ni Venus.

Dagdag pa niya nag-volunteer daw ang mga kaibigang ito sa lahat ng kailangan niya sa pagsali sa mga beauty pageants.

"Sa Bicol, kailangan magbabayad ka ng magme-makeup sa iyo, ng gown mo. Pero sila, 'No, Venus! Ako na magme-makeup sa 'yo, ako na bahala sa gown mo.' Lahat ganun. And because of them, doon na ako nagkaroon ng interes sa beauty pageants," ani Venus.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi lamang doon nagtatapos ang tulong ng mga kaibigan. Noong na-dethrone si Venus sa Binibining Pilipinas, sila rin ang tumulong para mabawi niya ang korona. Nag-signature campaign sila!

WANTS TO INSPIRE OTHERS. Tunay ngang napakaraming blessings ang natatanggap ngayon ni Venus, ano pa ba ang gusto niyang makamit at magawa?

"Gusto kong makatulong dun sa foundation na pinanggalingan ko kasi parang iba po kasi yung feeling na natulungan ka ng ibang tao at parang utang na loob mo sa kanila kung sino ka ngayon.

"Siguro, 'yon lang din po yung way ko na hindi ko man maibalik sa kanila lahat ng nagawa nila para sa akin, makatulong lang ako sa kanila kahit kaunti and maging inspiration sa mga nag-aaply na scholars," aniya.

Ayon kay Venus, gusto niyang maging inspirasyon sa mga kabataan na magsikap sa buhay upang makapagtapos ng pag-aaral. "Parang [masabi nila na], 'Kailangang mag-aral nang maayos kasi si Ate Venus, dati scholar lang din siya, tapos ngayon ang dami niya na nagawa.'"

Ang gustong gawin ngayon ni Venus at maka-inspire ng ibang tao sa kahit na anong paraan.

Ano nga ba ang maipapayo niya sa mga taong nangangarap din na makamit ang mga ambisyon sa buhay?

"Kung meron kang gustong isang bagay, kailangang i-claim mo siya. Kailangang gustuhin mo talaga siya. Kung gusto mo talaga yung isang bagay, kailangang gustuhin mo," ang payo ni Venus.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN