Arnell Ignacio denies giving Suzuki Sadatsugu expensive cellphone and P250,000 motorcycle

IMAGE 0


Comedian-host-entrepreneur Arnell Ignacio says he did not give Suzuki Sadatsugu a BlackBerry cellphone and a P250,000 motorbike. Instead, Arnell admitted giving the Japanese-Filipino hunk a toy helicopter. "Kaya nung binili at binigay ko sa kanya, tuwang-tuwa! Sobrang nagpapasalamat. Bumili rin ako ng dalawa. Isa sa kanya at isa sa akin. Ayun, yung sa akin hindi ko pa napapalipad."


Mistulang nasa Cloud 9 nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Arnell Ignacio sa GMA-7 kahapon, September 29. Kinumpirma kasi nito na nakapunta na siya sa bahay ni Suzuki Sadatsugu, ang model turned actor na nali-link sa kanya.

Ayon kay Arnell, narating na niya ang bahay ni Suzuki sa Gagalangin, Tondo. Nakilala na rin daw niya ang pamilya ni Suzuki. Mula sa lola, tatay na Hapon at nanay na Pinay, hanggang sa mga tita at kapitbahay ng Japanese-Filipino hunk ay nakaharap ni Arnell. Dinala pa raw siya ng pamilya ni Suzuki sa restaurant ng mga ito, ang Suzuki Japanese Pinoy Food.

"Pati nga mga tambay sa kanila kinaibigan ko na at nakipaglaro ako ng dart, ha-ha-ha! Kaya mo yun?"

"Pero, no, kidding aside, masaya talaga, kasi hindi ko inakala na iimbitahan ako ni Suzuki sa birthday ng mommy niya. Kaya naman na-touch talaga ako at talagang from MOA (SM Mall Of Asia) pumunta talaga ako ng Tondo. Ha-ha-ha!" kuwento pa ni Arneli.

Hindi ba siya kinabahan o kaya'y natakot na makaharap ang pamilya ni Suzuki, lalo na ngayong kalat na kalat yung issue sa kanilang dalawa?

"Naku, sanay na ako sa ganyan, yung mga nakikilala kong lalaki, sinasabi ko talaga na, 'Pupunta ako sa bahay niyo, ha. Para makilala ko ang mommy at pamilya mo.' Yung lalaki pa nga ang naloloka. Pero sinasabi ko na, 'Bakit, kinakahiya mo ba ako? Kung kinakahiya mo ako, ngayon pa lang maghiwalay na tayo.'

"Sinasabi ko sa kanila na mas maganda nga, maaga pa, alam na nila. Ipakita na natin para hindi na sila masyadong mag-isip ng kung anu-ano. At least alam na kaagad nila.

"Kaya nang pumunta ako kina Suzuki, nagsama pa talaga ako ng interpreter na marunong mag-Hapon. Ha-ha-ha! Kasi hindi ako marunong mag-Niponggo.

"Pumunta naman ako kina Suzuki dahil inimbitahan niya ako sa birthday ng mommy niya at bilang kaibigan. Matalik na kaibigan. Ha-ha-ha!" makahulugan at may diing sabi ni Arnell.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tuwang-tuwa raw ang daddy ni Suzuki, na hindi makapaniwalang pumunta si Arnell sa Tondo para makilala lang sila nang personal.

"Ambait ng daddy niya. Ang galing magluto. Bale siya yung nagluluto sa restaurant nila at nanghuhula. Titingnan ka lang niya sa mukha mahuhulaan ka na niya. Yun nga lang, hindi kami masyado nakapag-usap kasi nga Hapon at dumadaan pa sa interpreter. Ha-ha-ha!" tawa nang tawa pang kuwento ni Arnell.

GOOD IMPRESSION. Kung okey si Arnell sa daddy ni Suzuki, kumusta naman ang pakitungo sa kanya ng mommy, lola at iba pang kamag-anak ni Suzuki?

"Okey naman, mabait sila sa akin, tsika-tsika. Nahiya nga ako kasi nang pumunta kami dun, sobrang gutom na gutom kami kaya naman lamon yata yung ginawa namin. Pero alam kong natuwa sila kasi kitang-kita nila na nasarapan kami sa pagkain na niluto ng daddy ni Suzuki," sagot ng comedian-host-entrepreneur.

Ano naman ang sabi ng pamilya ni Suzuki tungkol sa isyu sa kanilang dalawa?

"Wala naman, sabi ko sa kanila ganun talaga sa showbiz. 'Tsaka sabi rin naman ng parents ni Suzuki na hangga't hindi ka gumagawa ng masama, walang problema dahil tsismis lang naman yun.

"Nakakatuwa yung pamilya nila, kasi sobrang mabait at inasikaso talaga nila kami nang sobra-sobra. Pagdating pa nga namin, sabi ko, doon na lang ako sa labas. Pero sabi ni papa, ay, daddy pala ni Suzuki, doon daw ako sa loob. Ha-ha-ha!" biro ni Arnell.

Natutuwa raw talaga si Arnell sa treatment na ipinakita ng daddy ni Suzuki sa kanila ng kasama niyang interpreter. Espesyal pa nga raw ang pagkaing inihanda nito para sa kanila.

"Ang galing magluto ng daddy niya. At yung sauce nila, ang sarap-sarap, iba-iba. Basta one time, isasama ko kayo dun para matikman n'yo. Naloka nga ako kasi ang daming niluto ng daddy niya . Lahat ang sarap-sarap!" pagmamalaki ni Arnell.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa takbo ng kuwento ni Arnell kung paano siya hinarap ng pamilya ng former Survivor Philippines Season 2 castaway, mukhang tanggap na tanggap na siya ng mga ito. Talaga bang wala pang namamagitan sa kanilang dalawa na mas malalim pa sa pagiging magkaibigan?

"Natural nasa proseso pa kami na kinikilala ang bawat isa!" pa-tweetums na sagot ni Arnell, na tumatawa pa rin.

"Siguro naman tanggap nila ako kasi maganda naman yung unang pagkikita-kita namin nina mama, lola at papa. Ha-ha-ha! At maganda ang aming mga pag-uusap."

GIFT FROM SUZUKI'S DAD. May nakarating sa PEP na niregaluhan daw si Arnell ng daddy ni Suzuki. Totoo ba?

"Diyan na ako naloloka, ha! Papaano mo nalaman yan?"

Ngiti lang isinagot namin sa tanong ni Arnell. Itinuloy na lang ng komedyante kung ano nga ang iniregalo sa kanya ng amang Hapon ni Suzuki.

"Binigyan lang naman ako ng daddy ni Suzuki ng saranggola ng Hapon," paghahayag ni Arnell.

At bakit daw saranggola?

"Sabi ng daddy niya, ayon na rin sa interpreter ko na kasama, kasi mataas daw ang tingin nila sa akin. Di ba, ang saranggola habang hinahatak-hatak mo, pataas nang pataas ang lipad? Ganun daw ang tingin nila sa akin. Nakaka-touch, di ba?"

Touched at nagulat din daw siya sa mga pahayag ni Suzuki sa PEP ilang araw na ang nakararaan. Sinabi kasi ng binata na walang masamang makipagkaibigan kay Arnell kahit na isa itong bading dahil mabait naman daw ito.

"Nagulat ako sa sinabi niya. Napabilib talaga ako sa kanya. Kasi kung ibang lalaki yan... Di ba, pag na-iisue na ganyan, baka nasapak ka na? Pero siya mabait pa rin at walang halong pagka-showbiz."

BLACKBERRY AND EXPENSIVE-BIKE RUMOR. Noong Setyembre 25 pa unang inilabas ng PEP ang mga sagot ni Suzuki sa usap-usapang niregaluhan siya ng mamahaling telepono at bike ni Arnell. Pinabulaanan ng Japanese-Filipino hunk ang mga ito. (CLICK HERE to read related article)

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero dahil may ingay pa rin ito, kinumusta uli ng PEP kay Arnell ang natsitsismis na regalo nga niyang BlackBerry cellphone at mamahaling motorsiklo kay Suzuki.

"Actually yung cellphone, hindi naman talaga BlackBerry yun. Totoo na binibigyan ko siya ng cellphone pero siya yung tumatanggi. Ayaw niyang kunin.

"Sabi ko sa kanya, binibigyan ko siya ng cellphone hindi dahil sa kung ano-ano, binibigyan ko siya ng cellphone para may magamit siya. Kasi yung dati niyang cellphone bumagsak yata. Kaya pag tinatawagan mo siya, parang akala mo may bubuyog, na ang maririnig mo lang 'bzzz...bzzz...bzzz...' ganun. E, pag tumatawag ako, hindi talaga kami magkaintindihan!

"Kaya sabi ko sa kanya, kunin na niya. Pero hindi nga niya kinuha at bibili na lang daw siya ng cellphone niya mula sa pera niya. Nakakaloka, di ba?"

Bilib daw si Arnell sa prinsipyo ni Suzuki.

"Siya yung tipo ng lalaking hindi mo madadaan sa mamahaling bagay, o pera. Nakakabilib talaga!

"Ayun, ang ending, bumili siya ng sarili niyang Nokia phone at pinakita niya pa sa akin."

At ang tungkol naman sa sinasabing "mamahaling motorsiklo?"

"Yung sa motor, ako yung bibili no'n. At dahil marunong siyang magmotor, nagpapaturo ako sa kanya. Actually, bibili na sana ako. Kaya hindi ko pa mabili-bili ngayon kasi medyo busy rin.

"Pero kung bibigyan ko siya ng motor, hindi yung tig-250 thousand lang ang bibilhin ko para kay Suzuki. Yung tig-500 thousand na. Yung Harley [Davidson]! Ha-ha-ha!

"Pero ang tanong, tatanggapin ba niya? Kung cellphone nga, hindi tinanggap yung motor pa."

GIVING SUZUKI A HELICOPTER. Pero ang isang regalong ibinigay niya kay Suzuki na tinanggap daw nito ay ang laruang helicopter na nakita nila sa pamamasyal nila sa Mall of Asia. Tinanggihan nga raw kasi nito ang offer niya na ibili ito ng cellphone na mamahalin.

"At kahit anong pilit ko, ayaw talaga. Kaya ang ending, nang makakita ako ng laruan, yung lumilipad, sabi ko, ito sigurado kong magugustuhan nito kasi mura lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya nung binili at binigay ko sa kanya, tuwang-tuwa! Sobrang nagpapasalamat. Bumili rin ako ng dalawa. Isa sa kanya at isa sa akin. Ayun, yung sa akin hindi ko pa napapalipad."

Nakita niya raw na talagang simpleng tao lang si Suzuki at mas lalong nagpabilib sa kanya.

INVITATION TO VISIT JAPAN. Ibinalita rin ni Arnell ang imbitasyon ng ama ni Suzuki na pumunta ito sa Japan kasama sila.

"Oo, sabi ko, kasi gusto kong pumunta ng Japan. Kasi nga ang ganda-ganda sa Japan. Pero sabi ko, mahirap pumunta sa Japan kasi ang hirap kumuha ng visa. Pero sabi ng daddy niya, pag kasama raw sila, madali lang kasi Japanese passport sila."

So, pupunta nga siya ng Japan kasama ang pamilya ni Suzuki?

"Tingnan natin, ha-ha-ha!" Napahalakhak na lang muli si Arnell.

Bago magtapos ang panayam ng PEP, hiningan muna namin siya ng mensahe sa pamilya ng lalaking nali-link sa kanya ngayon.

"Ano ba? Siguro ang masasabi ko kina mama, papa, at lola...ha ha ha! Nakiki-mama, papa, at lola talaga! Maraming-maraming salamat po sa mainit at magandang pagtanggap sa amin nang pumunta kami sa inyo," pagwawakas ni "Ms. Friendship," ang bansag ni Arnell sa sarili.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN