The 180-degree turn of Jovit Baldivino's life

IMAGE 0


Nang tanungin si Jovit kung ano ang pakiramdam niya sa bago niyang buhay, sinagot niya ito ng maikling tugon, "Mahirap na masarap."


Simple lang ang buhay na kinagisnan ni Jovit Baldovino sa Rosario, Batangas, kasama ng kanyang tatay at nanay, at ang apat pa niyang kapatid.

Ang kanyang tatay na si Larry, ay ume-extra sa bakery na malapit sa kanila.

"Walang-wala po talaga kami dati. Isang kahig, isang tuka," paglalarawan ng first-ever grandwinner ng talent reality search ng ABS-CBN na Pilipinas Got Talent.

Si Jovit Baldivino ay nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ng ibang press sa launching ng kanyang 2nd album titled I'd Do Anthing For Love.

"Pahirapan po kami, naghahanap si Papa ng trabaho. Pa-extra-extra lang po sa bakery. Minsan aalis ng bahay, akala namin may trabaho na, yun po, wala pa po pala," kuwento ni Jovit.

Naging matalinghaga naman ang sagot ni Jovit nang tanungin siya kung ano ang ikinabubuhay nila kapag walang makuhang pera ang kanilang tatay.

"Magbubungakal po ng pagkain," sabi ni Jovit ng may makabuluhang ngiti.

EARLY EXPERIENCES IN SINGING. Nagsimula si Jovit na makitaan ng hilig sa pag-awit noong siya ay tatlong taong gulang pa lamang.

At 12 years old, nakabuo na si Jovit at naging parte ng dalawang banda na kasa-kasama niyang tumutugtog sa mga baryo kapag may mga okasyon, lalong lalo na sa mga piyesta.

Halos mga kasing-edad niya ang mga kabanda sa dalawang bandang nagngangalang Malideta at Salupa.

Bokalista at bass guitarist si Jovit ng dalawang banda.

Kuwento ni Jovit, nagsisimula silang tumugtog ng alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-diyes ng gabi, na may konting pahinga sa gitna. "Sagaran" nga daw ang mga klase ng trabaho na iyon.

Sa buong maghapon, naiuuwi ni Jovit ang halagang P200 mula sa pinaghati-hatian nilang natirang bayad matapos bayaran ang upa ng mga instrumento.

Hindi naman naging sagabal ang hilig ni Jovit sa musika upang mapabayaan ang kanyang pag-aaral. Nagkamit si Jovit ng high school diploma sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Jovit, gusto niyang magpatuloy sa kolehiyo at kumuha ng kursong Mechanical Engineering.

"Mahilig po talaga ako sa Math, e," nakangiting sambit ni Jovit.

Bukod sa hilig niya sa musika, inamin din ni Jovit na isa pang naging libangan niya ay ang paglalaro ng basketball, kasama ng mga kalaro at kababata niya sa Rosario, Batangas.

THE TURNING POINT. Ngunit biglang nagbago ang lahat nang maengganyo siya ng mga advertisement sa TV tungkol sa Pilipinas Got Talent at nagdesisyong sumali sa singing contest na ito.

Napukaw niya ang dibdib ng mga manonood at nagsimula ang kanyang pagsikat dahil na rin sa version niya ng kantang "Faithfully" ng international band na Journey. Lead vocalist nito ang Filipino pride na si Arnel Pineda.

Kasama sa titulo na first-ever grand winner ng Pilipinas Got Talent ang prize na dalawang milyong piso, at kontrata sa nasabing istasyon.

Ngunit ayon kay Jovit, "Mga halos 1.3 million na lang po ang naiuwi namin dahil po sa tax at sa pursyento ng co-manager."

THE NEW LIFE. Isa sa mga nabili na daw ni Jovit mula sa perang napanalunan ay ang kanyang Starex van. Ang kanyang tatay ang siyang nagmamaneho para sa kanya.

Tinanong siya kung marunong na ba siyang magmaneho.

"Maalam na din po," tugon niya.

Ngunit dinagdag niya na hindi pa siya makapagmaneho dahil wala pa siyang lisensya.

Isa sa mga plano ni Jovit ay ang makabili ng sarili nilang lupa at makapagpagawa ng sariling bahay. "Naninirikan lang po kasi kami sa bahay namin sa Batangas," aniya.

Kasama ngayon ni Jovit sa inuupahan niyang condominium ang kanyang tatay at nakatatandang kapatid na lalake.

Ang kanyang nanay ay naiwan sa Batangas upang asikasuhin ang iba pa niyang naiwan na mga kapatid.

Pinag-aaral ni Jovit ang nakatatandang kapatid niya na si Gilcris ng Practical Nursing.

Bukod sa nakakatulong na siya ngayon sa kanyang pamilya, isa sa mga ikinagagalak na ibinalita ni Jovit ay ang mga pagkakataon niyang makalabas ng bansa para sa mga concerts.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakapunta na siya sa Singapore, U.S., at recently sa Australia.

"Dati-rati po talaga sa mga libro ko lang nakikita yung mga bansang 'yon," sabi ni Jovit.

INSPIRATIONS. Ayon kay Jovit, ang pamilya niya ang nagiging inspirasyon niya upang magsikap pa nang mabuti sa kanyang trabaho.

"Masaya po ako na nakakatulong ako ngayon at na-iangat ko yung pamilya ko," aniya.

Isa pa sa mga masayang pangyayari sa buhay ng binata na ibinalita niya sa press ay nang makasama niyang kumanta ang idolo niyang si Arnel Pineda.

"Dati pinakikinggan ko lang yung album niya, ngayon, naka-duet ko na!" bulalas ni Jovit.

Si Arnel daw ang nagsisilbing inspirasyon ni Jovit sa career niya, bukod sa kanyang pamilya.

"Siya po yung inspirasyon ko, kasi gusto ko po marating yung narating niya," aniya.

Sa larangan naman ng pag-ibig, sa edad niyang 17, dalawang babae na ang dumaan sa kanyang buhay.

Tinanong siya kung meron ba siyang girlfriend ngayon?

Pabiro niya itong sinagot ng, "Marami po."

"Yung girlfriend po darating at darating po naman 'yan. Pero ngayon po, pamilya po muna, dapat po mabigay ko muna sa pamilya ko yung mga dapat kong maibigay," ang seryosong pagsagot ng magaling na singer.

Ngunit aminado siya at bukas niyang sinasabi na may paghanga siya kay sa panganay na anak ni Megastar Sharon Cuneta na si KC Concepcion.

Sa mga kapalaran na kanyang natamo, ano pa ba ang kanyang hiling sa darating na Pasko?

"Sana po hindi magsawa sa akin ang tao," ang kanyang naging mabilis na sagot.

Naging maikli at malaman naman ang naging sagot ni Jovit nang tanungin siya kung ano ang pakiramdam ngayon ng bago niyang buhay.

Ngumiti si Jovit at sabi niya, "Mahirap at masarap."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN