Survivor Philippines castaway Moi Marcampo believes her life story can be made into a movie: "Ay, naman! Sobra!"

IMAGE 0


Hindi raw makapaniwala si Moi Marcampo na sikat na siya. "Meron na pong nagpapa-picture. Tapos sasabihin ko, 'Di nga, totoo ba 'yan?' Gumagano'n ako. Kasi parang, hindi ako ano sa, parang, 'Ay, hindi ako naniniwala!' Hindi pa nagsi-sink in sa akin na artista na pala ako, nasa TV pala ako," saad niya


Magiging masaya ang Pasko ng Survivor Philippines Celebrity Showdown (SPCS) castaway na si Moi Marcampo ngayong taon. Sa wakas, mabibili na ni Moi ang mga masasarap na pagkain na hindi pa natitikman ng kanyang pamilya na nasa Zamboanga.

Bago sumali sa hit reality show ng GMA-7, nagtatrabaho si Moi bilang yaya ng award-winning Kapamilya actor na si Piolo Pascual. At kahit nagkaroon siya ng acting role sa top-grossing na pelikulang Kimmy Dora noong isang taon, alam ni Moi na hindi pa rin sapat ito para makaangat siya sa buhay.

Kaya malaki ang pasalamat niya sa SPCS dahil sa pagbibigay sa kanya ng isang malaking oportunidad na manalo ng tatlong-milyong piso. Hindi man si Moi ang nagkamit ng malaking premyo na ito sa huli, nanalo pa rin si Moi ng humigat-kumulang P350,000 mula sa dalawang magkaibang challenges sa show.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang 30 years old na "Yayang Palaban" sa isang pocket interview na ginanap noong November 23 sa isang restaurant sa Quezon City.

Ayon kay Moi, may plano na siyang magpa-Christmas party sa kanyang lugar sa Zamboanga kapag pinayagan siyang umuwi ni PJ, na popular na alyas ni Piolo Pascual.

Saad niya, "Naka-uwi kasi ako nung November. Siguro, kung mag-a-out-of-town si PJ, baka uuwi ako.

"Siguro kung na-celebrate namin dati, simple pero masaya, gusto ko naman, bongga ngayon. Kasi kahit papaano, alam mo 'yon? Gusto mong makain nila sa Noche Buena, masasarap.

"Gawin mo 'yon para sa kanila, para... Kumbaga, para... Baka next year, wala ka nang pera. Yung mga ganun?

"Kahit papaano naman, may naipon naman ako sa Survivor. Bonggahan ko yung Pasko nila. Kaya naman hindi nila makakalimutan yung buhay nila ngayon.

"May mga pa-games, lahat gawin mo na, e. Habang nandiyan yung pera. Chos!"

Palangiti at palabiro si Moi, kaya naman naging magaan ang panayam ng PEP sa kanya. Ito ay kahit puro mga malulungkot na mga pangyayari sa buhay ang kanyang ikinukuwento.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

GETTING PREGNANT. Isa na rito ay ang pagkakaroon niya ng anak kahit na wala pa siyang asawa. "Hindi ako nag-asawa, e. Natsambahan ako ng malas nung 25 na ako," saad niya.

Limang-taong gulang na ang anak ni Moi, at pinangalanan niya itong Isaac. Nakatira ito ngayon sa Zamboanga, kasama ang ina at iba pang kamag-anak ni Moi.

Kuwento ni Moi, 20 years old siya noong magsimula siyang magtrabaho para kay Piolo. Noong nag-25 years old naman siya, nagdesisyon siyang sumubok ng suwerte sa ibang trabaho.

"Kumbaga, umalis lang ako nang panandalian. Nag-experience lang ako ng pabrika tapos bumalik ulit ako," sabi niya.

Nagtrabaho raw siya sa isang pagawaan ng pantalon sa Taytay, Rizal, kung saan niya nakilala ang naging ama ng kanyang anak, isa raw "pulis matulis" at "pulis manloloko."

Ayon kay Moi, hindi raw inako ng lalaki ang responsibilidad sa kanyang pagbubuntis kaya hiniwalayan niya ito.

"Kasi tinry ko siyang puntahan para ipakilala yung anak ko. Kumbaga, umayaw siya, e. So hindi ko na lang siya kinulit, di ba? Sabi ko, kaya ko namang buhayin yung anak ko. Why not? Bakit kailangan kong maghanap ng sakit ng ulo?" sabi niya.

PIOLO'S KINDNESS. Matapos nito, nagbaka-sakali si Moi na humingi ng tulong sa kanyang dating amo. Nagulat siya dahil sa tinanggap siya nitong muli.

"Na-surprise nga ako, e," sagot ni Moi. "Nung pinanganak yung bata, sabi niya sa akin, sige ako magbibigay ng ano mo, parang allowance, pang-gatas."

Sa ngayon daw ay nag-aabot si Piolo ng P3,000 bawat buwan para sa pag-aaral ng bata. Dahil sa kabaitan ni Piolo, loyal na sa kanya si Moi at wala na itong balak umalis.

Sa katunayan, kahit may mga guestings na si Moi sa telebisyon, minamabuti niya pa ring gawin ang kanyang trabaho sa bahay ni Piolo.

"Dun ako nakatira. Ako ang nagluluto, naglilinis. Pagka ano, pag kunwari may guesting, nagpapapalam po ako sa kanya. Kunwari pag na-late naman yung guesting ko, nagluluto muna ako, pakakainin ko muna siya ng lunch.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pag ano, meron naman kaming, kunwari, dalawa yung driver, so nagtutulungan na lang po kami. Aayusin ko po yung gamit niya bago umalis, para hindi naman masyadong mahirap sa kanya.

"Pero bilang Piolo Pascual, bilang tao, hindi siya mahirap kasama't alagaan. Kumakain siya ng talbos ng kamote!" kuwento ni Moi.

Sampung taon na raw siyang naninilbihan kay Piolo, kaya naman napalapit na siya dito. Biro niya, "Kailangan ko siya sa buhay ko. Kailangan niya ako sa buhay niya. Kailangan ko rin siya.

"Parang manager ko si PJ... Siya kasi yung nagtuturo sa akin kung paano gawin yung ganito, gawin mo. 'Wag kang... ano, mag-inarte. Dapat makisama sa mga tao. So, kailangan ko siya."

Dagdag pa ni Moi, malaki raw ang utang na loob niya sa award-winning actor.

"Masasabi ko, oo. Kasi kung nung buntis ako, pinalayas niya ako, wala di ba?

"Sinabi niya lang sa akin, sabi ko, 'PJ, buntis ako.' 'Okay lang 'yan, it's a blessing.' Parang gano'n. Blessing daw yung baby. So, lumakas ang loob ko."

PAGIGING MAHIRAP. Bago pa man nakilala ni Moi si Piolo ay namasukan na siya sa ibang mga amo. Sa katunayan, namasukan siya agad bilang katulong sa Zamboanga pagkatapos niyang mag-high school.

Lumaki kasi sa mahirap na pamilya si Moi, at hindi na bago sa kanya ang magtrabaho ng maaga. Puwede nga raw na isa-pelikula ang kanyang buhay.

"Ay, naman, sobra! Gusto mo bang ikuwento ko sa 'yo?

"Ano, ano kami, a, ako, elementary ako, grade school ako, nilalakad lang namin, siguro mga three to five kilometers. Oo. Yun lang, tapos nakatsinelas lang, wala kaming uniform kasi wala kaming pambili.

"Tapos yung baon ko lang, wala kaming baong pera, e. May dala kaming itlog na kailangan naming ibenta para makabili kami ng ulam na worth piso lang.

"Tapos nagbebenta ako ng chicharon sa school, na ang tubo ko lang, piso. Alam mo yun? Para lang maano ko 'yong... Kasi wala nga kaming pera. Kailangan naming tulungan ang magulang namin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kahit na pang-apat daw siya sa anim na magkakapatid, nais pa rin daw ni Moi na maging breadwinner ng pamilya.

"Ayokong magpabaya, e. Ayokong magutom. Kumbaga, naging breadwinner ako," saad niya.

Nakatira raw sila malapit sa dagat, at paminsan-minsan lamang nagkakatrabaho ng kanyang ama bilang karpintero. Wala namang trabaho sa labas ng bahay ang kanyang ina. Dahil dito, kailangan nilang magkakapatid na maghanap ng sariling pagkakakitaan.

Naalala din ni Moi ang isang pagkakataon na kailangan niyang kumain ng maduming bigas para lamang malagyan ng laman ang kanyang sikmura,

"Ganun din yung high school. May time pa nga na final exam. May pambayad kami sa school pero, alam mo yung wala kaming bigas?

"So ang ginawa ng nanay ko, may natirang maliit na sa sako, konting bigas, ginawa niyang lugaw. Habang kinakain ko yung lugaw, nakikita ko yung maliliit na uod.

"Kasi di ba, pag ano, may mga uod-uod na sa bigas. Kinakain ko para lamang magkalaman yung tiyan ko kasi exam nga.

"Kinakain ko, nakikita ko yung uod, o. Pero dedma lang, kasi kailangan ko, e, kailangang may laman ang tiyan ko para mag-take ng exam."

Matapos makuha ang kanyang high school diploma, nagdesisyon na si Moi na mamasukan bilang katulong. Ngunit naging malupit ang tadhana kay Moi—nakatagpo siya ng malupit na amo.

Dahil dito, bumalik na lang agad si Moi sa kanilang bahay.

PAGTITINDA NG ISDA. Sumubok naman si Moi na mag-aral sa kolehiyo. Kumuha siya ng Bachelor of Science in Secondary Education sa isang Polytechnic College sa kanilang probinsiya.

Para suportahan ang kanyang sarili, hindi nahiya si Moi na maglako ng isda.

"Alam mo, nag-aral ako ng college, nagtitinda pa ako ng isda. Alam mo yung timba-timba? Bago ako pumasok like, kunwari, eight yung pasok ko, kasi di ba, sa college naman hindi naman tuloy-tuloy?

"Naglalako ako! Alam mo yung galing ako sa amin, dala-dala ko yung isda? Yung huli naman yun ng mga kapatid ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, nakalagay sa timba. Nilalako ko sa mga kapitbahay. Or, bago ako umuwi ng bahay, nagungontak na ako kung sino ang kukuha tapos idi-distribute ko na lang.

"Yun, yung buhay ko noon. Kasi walang pambigay yung magulang namin."

May nakuha mang scholarship si Moi para makabayad ng tuition, hindi pa rin niya kinayang tustusan ang iba pang bayarin sa unang taon ng kolehiyo.

"Feeling ko scholar kasi kami nung college, e, mo yung mga pulitiko-pulitiko, yung ganun? So may bayad kami sa tuition.

"Pero yung pamasahe, wala kaming ganyan. Pag may project kami, yung ano, makikihingi kami sa kaklase ko, or kami ang gagawa ng project nila para magkaroon kami ng project."

Dahil dito, nagdesisyon si Moi na lumuwas ng Maynila at iwanan na ang pagkokolehiyo.

MALUPIT NA AMO. Hindi pa rin natapos ang kalbaryo ni Moi dahil nakatagpo uli siya ng mga "malulupit na amo."

"Hindi ka tinuturing na ano, alam mo yun? Iba ka sa kanila, kasi katulong ka. Alipin ang turing sa 'yo.

"Oo, sobra, iyak ako nang iyak. Sabi ko, pagdating ko ng araw, hindi ako ganito. Kung magkaroon man ako ng kasama sa bahay, hindi ko ituturing na ano.

"Kasi pag nakabasag ka ng plato, babayaran mo yun. E magkano lang ang suweldo mo? Tapos yung tutulugan mo, maliit lang. Kumbaga, saan ka hihiga?

"Tapos yung plato mo, bukod sa plato nila. Alam mo yung gano'n, parang discrimination yung ano."

Dito na nagsimulang magdasal si Moi para sa magandang-buhay.

"Sabi ko, yayaman din ako. Lagi kong sinasabi sa sarili ko na yayaman din ako. Kaya pag, tuwing ano, nangangarap ako," sabi niya.

Agad namang sinagot ang kanyang dalangin, at nakilala niya si Piolo Pascual.

"Ni-recommend ako ng kaibigan ko, kasi kailangan ng yaya ng anak niya. Hanggang sa pagdating ng ilang years, sinama na niya ako nang lumipat kami ng bahay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kailangan niya kasi ng tagaluto, kasama niya sa bahay. Marunong akong magluto, e, maglinis. Kasi yung isa niyang kasama, yun yung kasama sa taping. So ako yung naiiwan ngayon sa bahay.

"Nung nag-Piolo naman ako, sobrang positive naman ako, hindi naman ako itinuturing na iba sa kanila. Kaya umabot ako sa ganitong level," kuwento ni Moi.

BAYANI NG MGA YAYA. Dahil sa magandang kapalaran na ibinigay ng Diyos sa kanya, pinapangarap ngayon ni Moi na matulungan ang ibang katulong na nasa hindi magandang kalagayan sa ngayon.

Ito ay bukod sa pangarap niyang mabilhan ng bahay ang kanyang pamilya, at magkaroon siya ng sariling negosyo.

""Hindi ako negative na tao. Kumbaga, kahit sabihin nating forty na ako, maabot ko yung mga pangarap ko noon. Why not, di ba?

"Kaya nga minsan, six floors yung bahay namin, tapos nakadungaw lang ako sa bahay. Sasabihin ni Piolo sa akin, ano bang sinisilip-silip mo d'yan?

"E meron kasi sa baba namin, parang may bakanteng lote doon na for sale. Sabi ko sa kanya, 'PJ, pag ako nagkapera, yung lupang binebenta diyan, bibilhin ko 'yan.'

"Gawin kong school, gawin kong ganyan. Para lang dun sa mga yaya na may napasukan na malulupit ang amo. Para hindi lang hanggang yaya lang sila. May mararating sila sa buhay."

Matagal-tagal na raw niyang pinag-iisipan ang ganitong mga plano.

"Alam mo ba habang naglilinis ako ng CR, lagi kong iniisip 'yan. Dapat yung mga yayang katulad ko, 'wag yung maaapi.

"Kasi yung amo, kung wala namang katulong, hindi naman sila... Di ba, kailangan naman nila ng katulong? Ba't nila ituturing na iba? Sana pantay-pantay lahat.

"Kaya sabi ko, ako ang yayang tatayo sa harap ng mga tao, lahat, at sasabihin ko, kumbaga manindigan. Hindi lang tayo yaya. Kung nagawa nila, magagawa din natin."

Sagot ng PEP kay Moi, puwede na siyang bansagang "Bayani ng mga Yaya" kapag nagkataon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Bayani ng mga Yaya. Naman, why not?" sabi ni Moi na nakangiti. "So, kailangan kong ipaano sa mga amo na pantay-pantay lahat ng tao. Kahit sabihin nating sinahuran kami, bakit, nagtatrabaho rin naman kami, di ba? Kasi pag mabait ang amo mo, ang isusukli sa 'yo mabait din."

Pero aminado si Moi na malayo pa ang kanyang tatakbuhin bago niya magawa ang ganitong mga pagtulong. Gayunpaman, maganda pa rin ang kanyang pananaw sa buhay.

"Kung hindi man ako nanalo dito sa Survivor, malay mo may mga three million na parating. Tapos, positive palagi. Para yung grasya ni God, ibibigay at ibibigay niya 'yon," saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN