FIRST READ ON PEP: Gerald Anderson breaks up with Bea Alonzo in London

IMAGE 0


Tinapos na ni Gerald Anderson ang anumang namamagitan sa kanila ni Bea Alonzo. Ayon sa source ng YES! Magazine, sa London leg ng Heartthrobs concert tour naganap ang breakup ng dalawa nito lang nagdaang weekend.


Break na sina Gerald Anderson at Bea Alonzo.

Ito ang impormasyong nakuha ng YES! Magazine na ipinarating sa PEP (Philippine Entertainment Portal) ngayong umaga, November 8.

Ayon sa source, nangyari ang breakup ng dalawang Star Magic talents sa final leg ng kanilang Heartthrobs tour-concert sa London nito lang nagdaang weekend, November 6 at 7.

ABRIL, NEW YORK. Bagamat hindi kailanman umamin sina Gerald at Bea tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon, marami ang naniniwala na nagkaroon ng relasyon ang dalawa.

Isang source na malapit sa dalawang Star Magic talents ang nagsabi sa YES! na noong Abril ng taong kasalukuyan nagsimula ang magandang pagtitinginan nina Gerald at Bea. Ito ay naganap sa New York leg ng Heartthrobs concert-tour nila.

Sa New York daw inamin pareho nina Gerald at Bea na gusto nila ang isa't isa.

Si Bea, 23, ay attracted daw sa mga tisoy, kung ang pagbabasehan ay ang hitsura ng ex-boyfriend nitong si Mico Palanca.

Samantalang si Gerald, 21, ay matagal na palang may crush kay Bea, simula pa noong Pinoy Big Brother Teen Edition days niya.

Sa New York, inamin ng dalawa sa isa't isa ang kanilang mutual attraction.

Pero umabot lang daw talaga ang dalawa sa pag-amin. Hindi raw nila naipakita ang kanilang damdamin para sa isa't isa dahil wala silang naging pagkakataon na mapag-isa.

Sa New York daw kasi, palagi silang isang buong grupo kung kumilos. At kasa-kasama nila noon ang iba pang Kapamilya stars sa concert-tour—sina Piolo Pascual, John Lloyd Cruz, at Sam Milby.

Kasama rin ang mismong ka-loveteam ni Gerald na si Kim Chiu.

Bukod dito, nakita raw nina Gerald at Bea na hindi maaaring basta ilabas sa publiko ang kanilang relasyon dahil sa demands ng kanilang mga showbiz careers.

Alam naman ng lahat kung gaano kalakas sa masa ang tambalan ni Gerald kay Kim, samantalang si Bea naman ay ngayon pa lang nakakawala sa team-up nila ng perennial leading man niyang si John Lloyd.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang nangyayari nga sa showbiz ngayon, gusto ng fans na kung sino ang magkapareha sa screen ay siya ring magkapareha sa tunay na buhay. Kaya nagbubuo pa sila ng mga fan clubs sa paligid ng mga tambalang ito—at masama talaga ang loob nila sa sinumang kumalas sa tambalan.

Alam daw ito nina Bea at Gerald kaya tikom-bibig sila sa nararamdaman para sa isat isa.

NATUNUGAN NI KIM. Ayon pa sa YES! source, sa New York tour pa lang ay natunugan na ni Kim ang bagong pagtitinginan nina Gerald at Bea.

Wala nga raw kasing panahon na hindi sila magkakasama bilang grupo. At kung interesado si Kim kay Gerald, sa masikip na mundong iyon ay hindi maaring hindi niya mahalata kung may bagong pinagtutuunan ng pansin ang binata.

Dito na rin nilinaw ng YES! source ang tungkol kina Kim at Gerald.

Nang mga panahon daw na iyon, hindi mag-on ang onscreen couple.

Totoong may naging relasyon sina Kim at Gerald, ayon pa sa YES! source.

Ngunit dahil mga bata pa ang mga ito—si Gerald ay 21 at si Kim ay 20—on and off daw ang relasyon ng dalawa—at nang sila ay nasa New York, talagang off sila.

Si Kim daw ang laging nakikipag-break kay Gerald, habang si Gerald naman ang laging nanunuyo sa dalaga. Ngunit noong mga panahong iyon, matagal-tagal na raw na hindi sinusuyo ni Gerald si Kim.

Lalo raw kung ikukumpara ito sa maraming breakups nila noong nakaraan, ang huli nilang tampuhan ay nagtagal. Kaiba raw ito, dahil dati ay hindi raw masyadong nagtatagal ang pagitan ng away-bati ng dalawa.

At nagkataon nga, doon sa New York, sa panahong libre si Gerald, naroon si Bea, na libre rin naman. Higit pa roon, attracted sila sa isa't isa.

Samantala, sa publiko, pag natatanong si Kim tungkol sa bagong kaganapan, binibiro-biro pa nito si Gerald tungkol kay Bea.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bilang showbiz ang mundo nina Gerald, Kim, at Bea, inaasahang hindi maitatago nang matagal ang sikreto. Ganoon nga ang nangyari.

Ilang linggo lang matapos ang Heartthrobs concert sa New York ay kumalat na sa Pilipinas ang balitang may namamagitan kina Gerald at Bea.

Pero tuwing tatanungin ang dalawa tungkol dito, direkta nilang itinatanggi na may relasyon sila.

Sabi ng YES! source, wala raw naging choice sina Gerald at Bea. Sa kalakalan daw ng showbiz, parang naging "good soldiers" pa nga ang mga ito.

Ibig sabihin, hindi nila kusang bubulabugin ang plano ng kanilang network para sa kanilang mga career.

At kung matindi man ang nararamdaman nila para sa isa't isa, didisiplinahin nila ang mga sarili upang ito ay manatiling pribado na lamang.

"Hindi ko nililigawan si Bea," ang deklarasyon pa nga ni Gerald nang tanungin siya sa isang presscon noong September 16.

NOBYEMBRE, LONDON. Pitong buwan matapos magsabihan nina Gerald at Bea ng kanilang nararamdaman sa New York, may panibagong pangyayari sa isa na namang Heartthrobs concert-tour nito.

Nito lang nagdaang weekend, sa London naman.

Ayon sa source ng YES!, nakipag-break na si Gerald kay Bea.

Matagal-tagal na rin daw pinag-iisipan ni Gerald ang desisyong ito. At hindi raw dahil nawalan ito ng interes sa young actress, o gusto nang makipagbalikan nito kay Kim, o may iba nang napupusuan.

Ginawa raw ito ng young actor para "maprotektahan" ang mga taong pinapahalagahan niya.

Matatandaang umiyak si Gerald sa presscon ng latest movie nila ni Kim, ang Till My Heartaches End, habang sinasabi na may natatanggap siyang death threats mula sa fans.

Ang masama pa, ayon kay Gerald, may mga taong nadadamay.

May banta na raw sa buhay ni Bea. May balitang pasasabuyan ng acid ang mukha ng Star Magic star, kundi man patayin ito.

Dagdag pa rito, iniyakan nang husto ni Gerald ang banta sa buhay ng kanyang ina, na si Vangie Anderson. Dahil hiwalay ang mga magulang ni Gerald, at nang bumalik siya sa Pilipinas ay naging katuwang na niya ang ina, malapít sa isa't isa ang mag-ina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa press conference ring iyon, binanggit ni Gerald ang pagkakalugmok niya sa pagbabanta sa kanyang ina. Bakit naman daw dinadamay pa ang mga inosente, na walang kinalaman sa isyung binabato sa kanya.

Sabi ng YES! source, nito ngang nasa London si Gerald, minabuti nitong gumawa na ng hakbang para maging tahimik na ang lahat.

Lalo na raw at malapit na ang Kapaskuhan, gusto niya ng "peace" para sa kanilang lahat.

Kaya niya tinapos ang relasyon nila ni Bea.

Hindi malinaw kung paano ito tinanggap ni Bea.

PAG-AMIN NI KIM. Aminado si Kim na hindi naging madali para sa kanya ang paglabas ng balita tungkol kina Gerald at Bea.

Lalo pa't sa pagkakaalam ng marami ay nagkaroon din sila ng relasyon ni Gerald nang higit pa sa pagiging magkaibigan at magka-loveteam.

Sa isang interview sa kanya ng The Buzz, inamin ni Kim na nasaktan siya sa pagkaka-link ni Gerald kay Bea.

Ani Kim, "Hindi naman ako robot na walang pakiramdam. Aminin naman natin na, opo."

Noong July nga ay may balitang nagtangkang magpakamatay si Kim dahil daw sa paghihiwalay nila ni Gerald at ang pagkakaugnay nga ng young actor kay Bea.

Pero mariin itong pinabulaanan ng young actress.

"Alam n'yo, kalokohan and katangahan para sa akin na gawin ko yun," sabi ni Kim.

"Patayin ko ang sarili ko? Bakit? Sino ang mag-aalaga sa mga kapatid ko? Sino ang bubuhay sa kanila? At may ipinapagawa akong bahay na dream house ko. Sino'ng magtatapos no'n?"

Dagdag niya, "Lahat naman ng tao dumaraan sa proseso ng buhay, sa baba, sa itaas, masaya, malungkot. Pero dahan-dahan, nagiging okay naman ang lahat. Katulad ko, masaya naman ako ngayon."

Ngayong nakipag-break na si Gerald kay Bea, marami ang mag-aabang kung manunumbalik ang dating magandang samahan nina Kim at Gerald.

O kung mananatili silang magandang mag-partner na lamang sa telebisyon at pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN