The Hitmakers will continue to do concerts after Pilipinas Win na Win

IMAGE 0


"Tinitingnan na lang namin na talagang itong grupong ito, may magic ito. Pero kung tatanungin mo kung ano, ewan, hindi rin naming alam," says Marco Sison about the relationship between each member of The Hitmakers, which is composed of (from left) Marco, Rico J. Puno, Rey Valera, and Nonoy Zuñiga.


Ilang buwan pa lamang ang nakararaan nang ipakilala ang The Hitmakers—sina Rico J. Puno, Rey Valera, No noy Zuniga, at Marco Sison—bilang bagong hosts ng noontime show na Pilipinas Win na Win.

Noong Oktubre 4, nang una silang lumabas sa programa, aminado ang mang-aawit na si Rico na bagaman kilala na sila sa larangan ng musika, bago pa rin kung tutuusin ang trabaho na ibinigay sa kanila ng ABS-CBN.

Subalit tila hindi na mabibigyan ng pagkakataon ang apat na ipakita ang kanilang kakayahang mag-host dahil mawawala na sa ere bago matapos ang taon ang Pilipinas Win na Win, na nagsimula lamang noong Hulyo 31. (CLICK HERE to read related article).

Sa mahigit dalawang buwan na pagho-host masasabi naman ng grupo na nasiyahan sila sa kanilang pamamalagi sa PWW.

LIMITED EXPOSURE. Ngunit hindi itinago ni Rey na nakulangan din siya sa ibinigay na exposure sa kanila.

Sa panayam sa PEP (Philippine Entertainment Portal) sa press conference para sa concert ng The Hitmakers at ni Kuh Ledesma kamakailan, sinabi ng singer-songwriter na hindi nila lubusang naipakita kung ano ang puwede nilang ibigay sa programa.

"Sa ABS-CBN, wala akong masasabi financially, thank you very much. Pero dahil sa iksi nga ng programa, ni hindi kami ma-try man lang.... di kami makabuo ng kanta dahil maiksi ang time.

"So, kung sasabihin mong satisfied, of course, not. Pero financial-wise, okay 'yon.

"Pero kung tanong mo sa akin may problema, yes, meron. Pero what can we do? It's not within our power to lengthen it. It is a management decision," sabi ni Rey.

Gayunpaman, natutuwa si Marco dahil sa pamamagitan ng PWW ay naipakilala sila sa bagong henerasyon.

"We're only on our third month, so, I don't think we're already established as far as hosting is concerned. We're not even tested yet. Kasi, wala pa, e. wala pa talaga. We're still learning, nangangapa pa kami as far as hosting is concerned.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At saka iba ang TV," patuloy ni Marco. "Sabi nga ni Rey, hindi kami sumikat gawa ng TV. So, talagang it's a different world. Kami ang na-surprise dito sa ginagawa namin. Pero, why not? We're open to other opportunity and challenge.

"Iba kasi talaga ang medium ngayon, TV na talaga. Unlike before, 'yong generation namin, hindi gano'n. So, bagong mukha pa rin kami pagdating sa generation na ito. We are representing our generation, marami pa 'yon. Although mas marami ang bata, marami pa rin kami.

"So, what we're trying to woo actually are the generation now, the younger generation. Sa tingin ko, hindi naman kami maiiwan pagdating sa mga gano'n kasi we've paid our dues as far as this business is concerned. Meron din naman kaming talent. We have more to offer besides our age," pahayag ni Marco.

FRIENDSHIP OVER THE YEARS. Bagamat patapos na ang kanilang trabaho bilang hosts ng daily show na Pilipinas Win na Win, hindi ibig sabihin nito na matatapos na rin ang samahan ng The Hitmakers.

Sa panayam ng PEP, inusisa namin kung paano ang pagsasamahan ng apat na mang-aawit na nakilala muna bilang sikat na solo performer bago naging grupo.

Lingid sa kaalaman ng iba, halos isang dekada na ang The Hitmakers, na nabuong may pangunahing layunin na makapag-concert para sa mga Pinoy sa iba't ibang bansa.

"Parang dala lang ng pangangailangan kaya kami magkakasama," natatawang kuwento ni Rey, ang sikat na composer ng mga hit tulad ng "Pangako Sa 'Yo" at "Sa Sandaling Kailangan Mo Ako."

Naalaala pa ni Nonoy, "Noong 2001 nag-start ang The Hitmakers—si Rico Puno, Hadji Alejandro, and Rey Valera. Noong 2003, naging Hitmakers 2—Rico, Marco, at saka ako. Kung mapapansin mo, si Rico nasa Hitmakers 1 and 2; ang reason kasi siya ang pinakamura ang bayad. Right after that, nagsama na kami, lima kami, 2003 'yon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mula sa professional relationship, umusbong naman ito sa pagkakaibigan, ayon kay Rey. "Naging close na rin kami dahil marami na rin kaming pinagsamahan. Gano'n ang mangyayari, inevitable.

"Sabi ko nga, hindi kami The Beatles na sumikat as a group. Mayroong Tom Jones, may Frank Sinatra, sumikat nang kanya-kanyang paraan. Magkakaiba kami ng pilosopiya sa buhay, sa ugali. Kung papaano kami sumikat at magtagal... Madaling sumikat pero mahirap magtagal. So, kung magkakaiba kami ng pilosopiya, bakit kami nagtatagal?

"Kapag nagkasama-sama, magka-clash 'yon dahil magkakaibang pilosopiya. Pero pinipilit na lang namin 'yon na paraanan, pasensiyahan na lang. Kapag ginawa mo 'yon at pinairal mo ang sarili mo rito, hindi pupwede 'yon, e. Kapag kasama ka sa isang grupo, kailangang may babatakin ka somehow sa personality mo."

MAGICAL CONCERTS. Ano bang ginagawa nila at palaging dinudumog ng mga Pinoy ang kanilang concerts abroad? Ayon sa grupo, hindi rin nila ito maipapaliwanag.

"Siguro, ang tingin na lang namin doon is parang magic kasi di mo na mae-explain 'yon, e," sabi ni Marco, ang kilalang umawit ng "My Love Will See You Through."

Patuloy pa niya, "Sa America na lang, ilang beses na kaming bumalik. Minsan, naka-perform na kami sa isang city, fifth time na namin. Hindi rin namin alam kung ano ang meron, e. Basta kung anuman ang nararamdaman naming, ine-enjoy lang naming. 'Yon lang, that's how we put it, 'Siguro itong grupong ito, may magic talaga.'

'Yong sinasabi nilang combination, I don't see it. I don't really see it kasi when you're the one involved, hindi mo naman talaga alam. You have to be someone who's an outsider, di ba, for you to be able to explain it.

"Pero for us, hindi namin alam 'yon. Kapag sinasabi nilang, 'Wow, ang ganda ng combination ninyo. Ang ganda, ang galing,' ina-accept naming 'yon. Siyempre, we accept it 100 percent. Bakit naming kokontrahin 'yon?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ilan sa mga lugar na madalas puntahan ng grupo ay Chicago, Los Angeles at San Diego sa California.

Kahit pabalik-balik lang sila sa U.S., sinisiguro naman ng grupo na may bago silang ipapakita sa mga kababayan nila sa bawat concert nila.

"Si Hadji ang makulit diyan. Sasabihin niya, 'Pare, babalik na naman tayo doon. Umisip naman tayo ng bagong joke, bagong act, bagong song.' Kailan lang naman nawala si Hadji, kaya hindi pa namin nata-try. Pero dala-dala ko ang palagi niyang sinasabi na, 'Pare, gawa na tayo ng bagong joke.' Siya kasi ang gumagawa ng script namin," kuwento ni Rey.

Ayon naman kay Marco, hindi mawawala sa plano ang mga kantang pinasikat na nila. "Kasi sa hits namin, wala na kaming choice at wala na rin silang choice. Pero, 'yon nga, kaya nga sila pumupunta dahil sa hits namin, e."

Bukod sa kanilang mga kanta, naniniwala ang grupo na magpapatuloy pa rin ang The Hitmakers dahil nandiyan pa rin ang mga taong masugid na sumusuporta sa kanila.

Sabi ni Marco, "Ang nire-represent naming audience are from the '70s up to the '80s. So, may kanya-kanya kaming audience. Nagsasama-sama 'yon. Hindi sila pumunta doon dahil nauna siya or ako ang pinakamatanda or pinakabata, ako ang pinakasikat sa grupo. Hindi gano'n 'yon. Kasi, kapag isang libo ang nanood sa amin, i-divide mo 'yon sa apat. Kasi nagre-represent 'yon ng audience namin [bawat isa]."

At pabiro pang sumingit si Rey, "'Yong mga mahilig sa sex object, fans ni Marco Sison 'yan. Kapag mga naka-wheel chair, naka-dextrose, mga fans ni Nonoy 'yan. Kapag mga mukhang maton at mga hoodlum, fans ni Rico Puno 'yon. Kapag intelektwal at middle class, mga fans ni Rey Valera. So, halo-halo kami ng mga sector of society."

Sa ngayon, ang concert ng The Hitmakers, kasama ang local diva na si Kuh Ledesma, ang unang music project ng grupo pagkatapos ng Pilipinas Win na Win. Ito ay pre-Valentine concert na gaganapin sa PICC Plenary Hall sa Pebrero 12 at 13, 2011.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN