Kung tatanungin ang mga miyembro ng ASAP Sessionistas, payag sila na taasan ang buwis para sa mga concert ng foreign music artists. Subalit lahat sila ay hindi sang-ayon na limitahan lamang ang dami ng mga banyagang musikero na maaring pumunta sa bansa.
Nabuksan ang paksang ito dahil sa buwan ng Pebrero, kung kailan gaganapin ang kanilang concert, may ilang foreign acts ang darating sa bansa. Kasama na rito ang mga sikat ngayon na sina Taylor Swift at Bruno Mars.
Gayundin, naunang hiniling ng local diva na si Kuh Ledesma, sa panayam niya sa morning show na Umagang Kay Ganda, ang pag-regulate ng pagdating ng mga international artists na pupunta dito sa Pilipinas.
"Kung tatanungin ako, sana huwag," sabi ni Aiza sa press conference na ginawa kamakailan para sa darating na concert ng grupo sa Pebrero 5, sa Araneta Coliseum.
Patuloy pa ng dating child star, na ngayo'y isa nang singer-songwriter, "Siguro much more than regulate, kailangang mas magdagdag sila ng mga pumupunta dito, e.
"Kasi, unang-una, it's good for tourism and at the same time marami ring matututunan ang mga artist natin dito. Siguro lang, sana kung pupunta dito, sana huwag 'yong masyadong suplado. Sana lang ma-share nila 'yong experience, na sana lang marami rin ang magbe-benefit."
Sinabi rin ni Aiza na hindi dapat tanggalan ng karapatan ang mga Pinoy na mamili ng mga pakikinggan at pupuntahang concert.
Paliwanag niya, "Kasi, ang music naman hindi dapat nire-regulate 'yan. Ang music naman dapat sine-share 'yan.
"If the people wanna watch these artists, fine. Huwag natin silang tanggalan ng choices, ng options. At the same time, kaming mga local artists, kailangan pagbutihan para at the same time at par kami with these artists."
Sa puntong ito, sumang-ayon ang bagong miyembro ng grupo na si Princess Velasco.
Aniya, "For me, it's good for music lovers like us, na makita natin sila mag-perform. Siguro, ang nagiging conflict lang minsan kapag February, di ba, parang share of money to people. Parang imbes na manonood ng local artist, manonood foreign. Actually, challenge din siya sa mga local artist who is at par with foreign acts na ganyan.
"I think, iba-iba naman genre, iba-iba ang gusto ng mga tao, iba-iba rin ang market. Like Taylor Swift, pambata 'yan. Kapag concerts ng mga veteran na local, iba rin po ang market nila. Kahit magkakaroon ng conflict, it's healthy naman to have them go here."
Bukod dito, may paalala rin ang RnB artist na si Duncan Ramos sa mga producers tungkol sa panlasa ng Pinoy pagdating sa musika.
Sabi niya, "Huwag natin i-underestimate ang interest ng mga Pilipino, 'yong mga hindi mga-Usher or Beyonce. Maraming artists na pinapakinggan, e. Kumbaga, ang mga Pilipino, basta entertainment, gumagastos 'yan, e."
MAS MATINDING SUPORTA MULA SA GOBYERNO. Kung hindi man ire-regulate, isa pang mungkahi na ipinahayag ng singer-songwriter na si Ogie Alcasid, na siya ring presidente ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM), ang pagtataas ng buwis para sa mga concert ng international music artists.
Sumang-ayon dito si Sitti. Aniya, "Sana 'yong suporta ng gobyerno, for example, 'yong taxes for local producers will be lessened."
Nais niya rin na kung maaari ay magkaroon ng pagkakataon na puro kanta lamang ng mga Pinoy music artist ang maririnig sa ere.
"May narinig akong initiative dati, parang may one month na all OPM. Sana magkaroon ng gano'n, parang Buwan ng Wika, kasabay ng OPM Music naman. 'Yong one month na 'yon, walang foreign artists na darating because it's all OPM," paglalahad ni Sitti.
Sabad naman ng big band crooner na si Richard Poon, "Hindi ba may time na parang sinarado ang radio for OPM? Parang they called it "The Golden Era of OPM." Kaya alam natin ang mga VST and Company kasi nga, 'yon ang binubugbog sa radyo.
"Sana gano'n ulit. Walang foreign sa radio para lahat ng concerts mo Pinoy. Radikal lang 'yon ha. I think hindi puwede 'yon. Pero ang ganda sana no'n."
Bukod sa mga suporta ng gobyerno, sabi ni Aiza, dapat manggaling din mismo sa mga local music artists ang pagtulong para umangat ang Original Pinoy Music.
"Sa opinyon ko, 'yong problema ng industriya ngayon, I think problema hindi lang ng mga recording companies. Problema rin kasi ang laki na hinihingi ng mga rent music stores. Ang laki ng ganito, ang laki ng ganyan.
"Kumbaga, honestly, sa tingin ko maso-solve lang 'to ko kung lahat tayo, alam ko medyo cliché, lahat tayo magtutulungan na ayusin ito. You know, i-set aside 'yong mga interest natin. Huwag na tayong maging plastic, lahat tayo may personal na interest. Pero kailangan nating i-forward 'yong pangkalahatan."