Glaiza de Castro will no longer accept kontrabida roles after Grazilda

IMAGE 0


"Okay siya, mabait naman siya. Tapos makulit. In a way, nakikita ko rin yung sarili ko sa kanya dahil parehas kami ng ugali. Mas extreme nga lang siya," paglalarawan ni Glaiza de Catsro sa rumored boyfriend niyang si Felix Roco.


Nanghihina pa ang young actress na si Glaiza de Castro nang abutan siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press sa taping ng Grazilda kahapon, November 11, sa Norzagaray, Bulacan.

Hindi pa raw kasi siya nag-aalmusal at cracker lang ang kanyang kinakain.

"Minsan po kasi sa umaga, pagkagising ko, wala pa ako sa mood na kumain. Hindi talaga ako ma-breakfast na tao. E, minsan, kailangan talaga," paliwanag niya.

Hindi kaya mahimatay na naman siya sa taping, katulad nung nangyari sa kanya noong nakaraang buwan?

"Hindi naman...hindi naman ako nahimatay, nag-hyperventilate lang," paglilinaw ng young actress.

"Noong one time na humid ang lugar, tapos parang walang fresh air, parang wala akong masinghop na hangin."

GRAZILDA AS A WARRIOR. Sa istorya ngayon ng Grazilda, magiging warrior na si Glaiza na gumaganap sa title character. Imbes na naka-gown o naka-ordinaryong damit, na kadalasan niyang isinusuot sa teleserye, isang warrior outfit ang kanyang suot-suot nang makaharap namin siya.

"Pinalitan kasi ito," banggit niya. "Yung unang suot ko, parang naka-skirt pa, tapos hindi pa siya ganito, yung hitsura ng shoes. Tapos ngayon, parang skirt na.

"Actually, nagulat nga rin ako, bigla akong nag-costume. Parang hindi ko rin ini-expect na magiging warrior si Grazilda, di ba? Biglang naging warrior, bigla siyang lalaban."

Mula kasi sa Fantasia, ipinatapon si Grazilda ni Fairy Godmother (Jolina Magdangal) sa mundo ng ordinaryong tao bilang parusa sa pagkakasala niya kay Cinderella (Gwen Zamora). Pero ngayon ay nagbalik na sa Fantasia si Grazilda upang harapin naman ang mga bagong hamon sa kanya.

Paano niya pinaghandaan ang bagong character niya bilang warrior?

"Hindi nga po ako nakapag-prepare," nakangiting pag-amin ni Glaiza.

"Tapos yung suot ko pa, medyo ganito, mabigat. Tapos masikip. So, kailangan kong magbawas-bawas ng konti.

"At the same time, hindi naman ako yung nanghihina. E, ngayon kasi, parang hindi ako nakapagbuwelo kaya parang ganito ako ngayon, medyo nanlalata ako. Pero ayos lang, kailangan ko lang talagang bumuwelo."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung pakikinggan ang mga salita ni Glaiza, tila nahirapan siya nang husto sa Grazilda kumpara sa mga nakaraan niyang serye.

"Parang lahat na kasi ginagawa," sabi niya. "May action, tapos nakaka-drain pa rin emotionally kasi yung mga eksena rin, di ba? Tapos minsan, action-action... Yung mga location pa, maiinit.

"Pero ganoon talaga. Okey lang naman din," saad niya.

DANIEL MATSUNAGA. Habang wala silang eksena ng leading man niyang si Geoff Eigenmann, na gumaganap bilang Eric, may ipinasok na bagong character sa Grazilda para magsilbing bagong love interest ni Glaiza—ang Brazilian-Japanese hunk na si Daniel Matsunaga.

"Siya yung tutulong sa akin sa pagkumpleto ng misyon ko. Parang siya ang magliligtas sa akin sa mga kapahamakan," banggit ni Glaiza.

"Tapos, meron siyang dark secret kasi nito ko lang siya nakilala. Hindi ko naman alam kung ano ang background niya. Parang related pala siya sa isa sa mga pinaka-kalaban ko."

First time nilang magkasama ni Daniel, pero natutuwa raw si Glaiza sa bagong leading man niya.

"Kasi, ang cute niyang magsalita!" bulalas niya. "At saka, nagpo-Portuguese siya rito. Kasama rin kasi sa lines niya na mag-Portuguese.

"Tapos, ang cute niyang magsalita ng Tagalog. Noong first time kong narinig, natuwa talaga ako."

NO MORE KONTRABIDA ROLES? May lumabas na balita na pagkatapos ng Grazilda, kung saan siya na ang bida, ay hindi na raw muna tatanggap ng supporting o kontrabida roles si Glaiza. Totoo ba ito?

"Yun nga yung sabi ni Direk Manny [Valera]," sabi ni Glaiza, na ang tinutukoy ay ang kanyang talent manager.

"Kasi ako naman po, sumusunod lang ako kung ano sa tingin nila ang makakabuti para sa akin. Hindi naman ako yung tumatanggi.

"Hindi naman din ako yung namimili. So, ever since naman, sila talaga ang nagbibigay."

Pero kung si Glaiza ang papipiliin, ayaw rin ba muna niyang tumanggap ng character roles?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre ako, parang hindi naman masama para sa akin din dahil nae-exercise din naman yung pag-arte ko sa mga ganoong bagay, at ayoko rin magbigay ng limitation when it comes to choosing a role.

"Pero alam mo yun, mas may authority talaga si Direk [Manny] sa mga pagpili ng roles. So, hinayaan ko na lang siya," sagot ng 22-year-old actress.

Pero aminado si Glaiza na malaki ang nagawa sa kanya ng Grazilda.

"Mas naging driven ako sa pagtatrabaho," sambit niya. "Actually, ngayon lang din naman ako nagsunud-sunod.

"Tapos, yung kapag may taping kayo, every taping, parang lahat halos ng eksena, ikaw. Tapos, yung mga lines mo... So, kailangan mo talagang maging focused. Kasi before, parang petiks lang ako.

"Like sa Diva, may eksena ako, isa lang. Iko-call ako ng 8 a.m., tapos na ako before lunch. So, parang okay lang yun, hindi na ako magbabasa ng script. Ang aaralin ko lang, mga scenes ko, mga lines ko.

"Pero ngayon, kailangan ko talagang malaman kung saan nagmumula yung mga eksenang yun. Hindi puwedeng hindi ko alam ang buong script.

"Kasi, kapag 'eto, kaya nangyayari sa akin 'to, medyo nag-o-overlap ang dating ng script, e. Hindi pa ako tapos magbasa ng script, like week 7, dumarating na ang week 8. So, parang nagrarambol-rambol na.

"So, ngayon, it's a challenge for me para maging focused. Kahit minsan, hindi kumakagat yung ulirat ko, kailangan kong bumuwelo," saad niya.

GLAIZA'S LOVE LIFE. Kung maganda ang takbo ng career ngayon ni Glaiza, gayundin naman ang kanyang love life—courtesy of rumored boyfriend Felix Roco.

"Ayos lang, steady lang," nakangiting sagot ni Glaiza nang kumustahin namin ang kanyang buhay-pag-ibig.

Dinadalaw ba siya ni Felix sa taping?

"Hindi," nakangiti niyang sabi, na halatang ilang pa rin kapag love life na ang topic.

Binabawalan ba niya si Felix?

"Hindi naman, pero hindi naman namin napag-uusapan yun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi ba siya sinasabihan ni Felix tungkol sa kissing scenes?

"Wala naman, trabaho lang naman po, e."

Ano ba ang mga nagustuhan niyang katangian kay Felix?

"Okay siya, mabait naman siya. Tapos makulit. In a way, nakikita ko rin yung sarili ko sa kanya dahil parehas kami ng ugali. Mas extreme nga lang siya."

Paanong mas extreme?

"Kasi lalaki siya... At saka, mas ano yung mga trip niya, mas talagang... Although parehas lang kami, like sa mga movies, sa music. Tapos, kapag nag-usap kami, parang nakaka-relate kami sa isa't isa."

Kung totoo ngang sila ni Felix, ang Kapamilya actor ang first boyfriend ni Glaiza. Ngayong in a relationship siya, ano ang mga nakita niyang pagbabago o na-discover sa kanyang sarili?

"Patient pala ako!" natawang sabi ni Glaiza.

"Although, hindi ko ine-expect. Mabilis akong pumetiks talaga, e. Alam ng kapatid ko 'yan. Alam ng mga nakakakilala talaga. Medyo iritable ako kapag may mga bagay na hindi ako nagugustuhan.

"Pero siyempre, kapag nakikita mo yun sa tao, nakakatawa, kasi ganyan ako, e. Yung ganoon...

"Tapos, ang gagawin mo, magpaparaya ka. Magiging patient ka. Hayaan mo na lang muna na kumalma ka bago ka mag-confront. Tapos, saka mo na lang aayusin kapag okay na ang state of mind n'yo.

"So, parang dito talaga tine-test ang pasensiya," saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN