Luis Manzano says his new show LOL is no Wow Mali! copycat; begs off questions about aborted attempt to get back Angel Locsin

IMAGE 0


"Hindi porke't gusto naming magpatawa ng tao, e, manggagaya na kami ng isang show. Napakaramot isipin na isang show lang ang puwedeng magpasaya't magpatawa sa isang tao," Luis Manzano said when asked why his new show LOL (Laugh Out Loud) is copying the format of TV5's Wow, Mali!


"Prank Show" ang tawag sa mga palabas o TV programs na nagpapakita sa mga taong walang kamalay-malay na ginu-"good time" o ginagawan ng pagbibiro habang kinukunan ng TV camera.

Sinasabing ang American TV show nung 1960s to 1970s na Candid Camera ang nagpasimula ng ganitong tipo ng palabas at siyang pinaggayahan ng iba pang kilalang prank shows ngayon—tulad ng Just For Laughs Gags, Howie Do It, Punk'd (ng sikat na Hollywood actor na si Ashton Kutcher) at ang Pinoy prank shows na Wow Mali! at Victim.

Kaya naman hindi matanggap ni Luis Manzano sa press conference ng bago niyang ABS-CBN show na LOL (Laugh Out Loud), nang may magtanong na showbiz reporter kung bakit kinopya ng bagong show nila ng co-host niyang si Alodia Gosiengfiao ang long-running TV5 prank show na Wow, Mali!

"I think there are more shows that came before Wow, Mali! And dun po sa gag show or prank show, we can't even claim na talagang nauna ang Wow, Mali!, not just in the Philippines, marami nang naunang prank show," reaksyon ni Luis sa tanong.

Reaksyon pa ni Luis sa harap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang nagsidatingang entertainment press sa presscon na ginanap sa Belisario Restaurant sa Sct. Tuazon, Quezon City, kaninang pananghalian:

"Sana...there is so much to smile [about], so much more laughter, if you allow it.

"Hindi porke't gusto naming magpatawa ng tao, e, manggagaya na kami ng isang show. Napakaramot isipin na isang show lang ang puwedeng magpasaya't magpatawa sa isang tao.

"So, kung nagawa na 'yan ng certain channel, it doesn't mean na ABS-CBN will not have the right na gumawa ng sarili nilang show na magpatawa o magpasaya ng ibang tao.

"I think that [we are] fooling ourselves to say, na porke't nagawa na ng GMA yan, or ng ABC5 [TV5], that means hindi na tayo puwedeng magpasaya ng tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"There is so much laughter needed in this world for only one station," dagdag pa ni Luis.

Pangangatuwiran pa ng kasalukuyan ding Panahon Ko 'To! Ang Game Show ng Buhay Ko host, may iba pang aspeto ang LOL na iba sa Wow Mali! na hosted by Joey de Leon.

Bukod sa tambalan nila ng tinaguriang Philippine Cosplay Queen na si Alodia, ipinagmalaki rin ni Luis ang kanilang "Laugh Team" na siyang bahala sa mga pranks o biro sa mga walang-malay nilang "biktima."

May pagkakataon ding manalo ng cash prizes na P10,000 at P3,000 ang mga manonood ng show.

"Nanonood ka lang ng LOL, may chance ka pang manalo ng pera," pagmamalaki ni Luis. "So hindi lang namin nili-limit sa mga pranks ang pag-entertain."

PITTED AGAINST JOEY. Pero dahil itinatapat nga ang LOL sa Wow, Mali! itinatapat na rin tuloy si Luis kay Joey. Kaya ang sumunod na tanong kay Luis: May karapatan na ba siyang banggain ang isang itinuturing na "pader" sa industriya ng telebisyon at pelikula na tulad ni Joey de Leon?

"Wow... Well, sobra... sobra. Kampi pa sila ni Pekto, e," sabay tawa ng nagbibirong si Luis.

Pero pagseseryoso ni Luis, mataas daw talaga ang respeto niya kay Joey. Lalo na sa trio na kinabibilangan nito, ang Tito, Vic and Joey.

"When I hosted Star Awards [for TV] nga, nung nag-perform ang TVJ, I took a picture of them at sabi ko, Tito, Vic and Joey—institusyon!"

Ang TVJ ay para sa Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon, ang triumvirate na nagpasikat ng 31-year-old Eat Bulaga!

"I think I will never do well na makabangga ang TVJ. Ang sa akin lang, gagampanan ko ang trabaho ko."

Habang-buhay niya raw bibigyan ng mataas na pagtingin ang tatlong Eat Bulaga! hosts.

"Iba talaga ang nagawa ng TVJ not just for every channel, kundi yung ginawa nila sa industriya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, kung makakabangga ko si Tito Joey, if you will, makakabangga ko siya, with my utmost humility. Kasi iba talaga ang paghanga ko kay Tito Joey," mapagkumbabang sabi ni Luis.

WORKING WITH ALODIA. Tungkol naman sa kanyang co-host na si Alodia, sinabi ni Luis na matagal na silang magkakilala nito.

"We met online, through our friends. May mga friends kasi ako na nakasama na niya before. Since she was doing cosplay nga."

Isa kasing part-time model at estudyante sa Ateneo de Manila University dati si Alodia, bago napansin ng animation channel na Animax na kumuha sa kanya para maging VJ.

Popular na sa cosplay (costume play) scene sa abroad at dito sa Pilipinas nang mga panahon na iyon si Alodia, kaya hindi rin nagtagal at nakuha na rin niya ang atensyon ng ABS-CBN na inilagay na nga siya bilang co-host ni Luis sa LOL.

"Nabigla pa nga ako nung makita ko siya sa audition for hosts ng LOL. Sabi ko, 'O, ikaw pala ang makakatrabaho ko?' So, it's nice to work with not only a new face but with a friend pa."

WILL NO LONGER COMMENT ON ANGEL. Hindi naman maiiwasan pa ring itanong kay Luis ang tungkol sa naudlot na muling panliligaw niya sa dating kasintahan na si Angel Locsin.

"Ayoko kasing sayangin ang oras n'yong lahat dito," seryoso ngunit kalmado munang simula ni Luis tungkol sa tanong.

"When I was in E-Live! three or four weeks ago, I'm not sure... Nung nagsalita ako, I said na, this will be the first and last time.

"So siyempre, di ba, ang weird naman na sinabi ko na 'this will be the first and last time,' 'tapos magsasalita ako about anything?

"So kung anuman ang sinabi ko, iwan na natin dun. Kung anuman ang sinabi ko sa E-Live!, let that be the last regarding Angel and me.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang sama naman na sinabi ko na nga sa live TV na this will be first and the last, 'tapos ngayon, sasabihin ko na, 'Ito kasi ang nangyari, e...' Di ba? I'll be contradicting myself.

"So, kung anuman ang sinabi ko sa E-Live! let that be the last na pinag-usapan kung anuman ang namagitan sa amin," kalmado pa ring pakiusap ni Luis.

"LOL" MEMORIES WITH ANGEL. Dahil ayaw na ngang magsalita ni Luis tungkol sa naudlot na panliligaw niyang muli kay Angel, tinanong na lang ang TV host-actor kung ano ba ang mga bagay o naalala niya kay Angel na nakapagpapa-LOL sa kanya.

Hindi muna sumagot si Luis. Bagkus ay nagtanong muna kung sa positibong kahulugan ba ang gamit ng "LOL."

"Baka kasi ang ibig nyong sabihin, yung nakaka-'LOLka.' So, ang ibig sabihin dito ng LOL, in a positive connotation?" tanong muna ni Luis.

Sumagot naman ng "oo" ang nagtanong na reporter.

Nang masigurong ang tanong ay kung ano ang naaalala niya sa dating kasintahan na nakapagpapangiti o nakapagpapasaya sa kanya nang husto, isang salita lang ang sagot ni Luis:

"Everything."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN