PEP EXCLUSIVE: Ara Mina tells sister Cristine Reyes to stop tweeting

IMAGE 0


"'Wag na lang nila i-judge yung tao. Lahat ng tao nagkakamali... Ang naging pagkakamali lang siguro ng kapatid ko ay yung pagiging impulsive niya sa pagtwi-tweet niya," says Ara Mina about her sister Cristine Reyes.


Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Ara Mina sa 21st birthday party ng Pinoy Dream Academy (PDA) alumnus, Bugoy Drilon, noong Linggo ng gabi, January 9.

Naging close sina Ara at Bugoy nang magsama sila sa isang concert tour sa U.S. last year.

Sa naturang party ay kinuha namin ang pahayag ni Ara tungkol sa isyu na kinasangkutan ng kanyang kapatid na si Cristine Reyes bago matapos ang 2010.

Ito ay ang pagtu-tweet ni Cristine ng pagkairita niya kay Sarah Geronimo. (CLICK HERE to read related story.)

Sa rehearsal kasi ng musical-variety show na ASAP noong December 12 ay nagbiro si Sarah ng ganito: "'Pag magaling sumayaw, habulin ng mga babaeng sexy."

Ipinagpalagay ni Cristine na ang tinutukoy ni Sarah sa kanyang biro ay si Rayver Cruz, na na-link sa Pop Princess at kasalukuyang boyfriend ni Cristine. Dahil dito ay naglabas ng kanyang sama ng loob sa sunud-sunod na tweets niya sa Twitter.

Humingi na ng paumanhin si Cristine kay Sarah, samantalang wala pang lumalabas na pahayag mula mismo sa Pop Princess.

Tinanong ng PEP si Ara kung anong payo ang ibinigay niya sa nakababatang kapatid tungkol sa nangyaring isyu.

"Nag-usap na kami nang heart-to-heart. I told her to stop tweeting. I asked her not to tweet."

Pero ayon kay Ara, "May pinanggagalingan din naman yung kapatid ko. Pero sinabi ko na medyo maging careful lalo na sa linya ng trabaho [namin]."

Paano niya unang nalaman ang tweets ni Cristine tungkol kay Sarah?

"Actually, hindi ko talaga nakita. May nagsabi lang sa akin na, "O, sino ang kaaway ng kapatid mo?'

"Nagulat din ako. Magkaiba kasi kami ng personality," aniya.

Sa anong aspeto ba sila magkaiba ng personality?

"Si Cristine kasi, ang personality niyan, medyo palaban. Mas impulsive sa akin. Pero hindi siya bratty.

"Baka na-spoil ko. Sobrang favorite ko kasi 'yan, 'tsaka yung isa ko pang kapatid. Ako nagpaaral diyan."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento pa ni Ara, sa pangalan ni Cristine niya nakuha ang kanyang screen name na Ara Mina.

Ang totoong pangalan ni Ara ay Hazel Klenk Pascual Reyes. Nakuha ang Ara sa second name ni Christine at ang Mina sa pangalan ng isa pa nilang kapatid.

ON RAYVER & SARAH. Ngayong alam na ng lahat ang tungkol sa relasyon ng kanyang kapatid at ni Rayver Cruz, pabor ba si Ara kay Rayver para kay Cristine?

"Yeah," ang mabilis nitong tugon.

"Mabait siya. Magalang sa mommy ko. At natutuwa ako na hindi siya nahihiya sa intensyon niya sa aking kapatid.

"Nagkasama kami dati sa isang show. Para ko siyang brother."

Natanong din ng PEP kay Ara kung nagkita na ba sila ni Sarah recently.

"Oo, sa wedding nila Regine at Ogie," sagot ni Ara.

Sa tingin ba niya ay puwede pang maging magkaibigan sina Cristine at Sarah?

"Darating yung time. Not now. Pero parehas naman silang Viva [artists]," sabi niya.

May mensahe rin si Ara sa mga kritiko ni Cristine.

"'Wag na lang nila i-judge yung tao. Lahat ng tao nagkakamali. Kung meron mang problema, silang tatlo lang ang nakakaalam nun. Hindi nila alam ang pulo't dulo [ng isyu].

"Ang naging pagkakamali lang siguro ng kapatid ko ay yung pagigiging impulsive niya sa pagtwi-tweet niya," pahayag niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN