Empress transforms into rocker chick on her 18th birthday

IMAGE 0


"Masaya parang sana every birthday na lang. Kahit araw-araw ganito na lang," says Empress when asked about her debut party.


Halos hindi mawala ang ngiti sa mga labi ng dalagang si Empress sa kanyang debut party na ginanap kagabi, Pebrero 20, sa The Grand Terrace, Commonwealth Avenue Quezon City.

"Rocker chic" ang temang napili ng Star Magic talent, na ipinanganak noong Pebrero 19, 1994, para sa kanyang ika-18 kaarawan. Kaya naman napuno ng mga pink na rosas at iba pang palamuti ang Lotus Hall, na tanging mga spotlight at blue strobelights lamang ang nagbibigay liwanag.

Ayon sa isa sa mga malapit na kaibigan ni Empress na si Kitkat, matagal nang pinaplano ni Empress ang ganitong tema para sa kanyang debut. At masaya siya, kasama na ang iba pang miyembro ng grupo nila na Chiurigogobaschu—na kinabibilangan din nina Kim Chiu, Melissa Ricks, Erich Gonzales, at Beauty Gonzalez—dahil nangyari lahat ng kanyang plano.

Samantala, sabi naman ni Empress sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment media, talagang naging hands-on siya sa paghahanda ng big event na ito ng kanyang buhay.

"Marami po akong ginawa para dito. Mabuti na lang at maganda rin ang kinalabasan," dagdag pa ni Empress.

Ilang saglit makalipas ang ika-walo ng gabi, nagsimulang umawit ang mga singer na sina Brenan Espartinez, Lloyd Zaragosa, at Joshua para bigyang aliw ang mga bisita ni Empress habang naghihintay magsimula ang programa.

Nang sumapit ang ika-siyam ng gabi, lumabas na sa entablado ang Big Band Crooner na si Richard Poon at tila nanghaharana sa kanyang bersyon ng Frank Sinatra classic na "The Way You Look Tonight."

Kasabay nito ay ang pagbaba naman ng birthday celebrator na si Empress sa hagdan patungong stage, suot ang kanyang pink with black lining gown, na gawa ng fashion designer na si Pepsi Herera. Pawang naging Barbie doll din ang itsura ni Empress sa kanyang makeup by Gio Medina ng Artista Salon.

Habang nakaupo sa mala-Victorian na black and white sofa si Empress, umaawit si Richard ng kantang "Can't Take My Eyes Off You." Lahat ng salitang "baby" sa kantang ito ay pinalitan ni Richard ng "lady" dahil ang debut raw ay "coming of age" para sa isang babae.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matapos nito ay lumabas ang mga nagsilbing host sa okasyong iyon—sina Kitkat, Melissa, Robi Doming, Dinno Imperial, Angela Antonio, at Katrina Aguila.

18 ROSES. Hindi rin nagtagal, matapos nila batiin ng "Maligayang Kaarawan" si Empress, ipinakilala na nila ang '70s OPM group na The Rainmakers upang patuloy na haranahin si Empress habang pinakikilala ang tinaguriang 18 roses sa kanyang buhay.

Ayon sa tradisyon, ang 18 roses ay binubuo ng mga espesyal na lalaking naging parte ng buhay mo. Kaya naman sa 18 roses ni Empress, kasama ang ilang lalaking kaibigan niya sa showbiz.

Sa saliw ng mga kantang pinasikat ng The Stylistics tulad ng "Betcha By Golly, Wow," "You Make Me Feel Brand New," at "Let's Put It All Together," at ang kilalang kanta ng Bee Gees na "How Deep is You Love," isa-isang naghandog ng rosas at isinayaw si Empress ng mga lalaking malapit sa kanya.

Kasama na rito ang mga na-link sa kanya na sina Enchong Dee, Dinno Imperial, Angelo Patrimonio; ang mga leading men niya na sina Matt Evans, Felix Roco, Ejay Falcon; at kasamahan sa Star Magic at boyfriend ng kaibigang si Melissa, si Jake Cuenca.

Ang huling lalaking nagbigay ng rosas kay Empress ay walang iba kundi ang ama niyang si Hans Schuck. Bukod sa pagsayaw, inalayan niya rin ng kanta ang dalaga, ang "She" na original soundtrack ng Hollywood film na Notting Hill, na pinagbidahan ni Julia Roberts.

MORE SURPRISE PERFORMANCES. Pagkatapos ng 18 roses, nagkaroon naman ng sandaling gap sa program para bigyang panahon ang mga bisita na kumain.

Para magbigay ng kasiyahan, muling nag-perform sina Brenan, Lloyd, at Joshua. Nagbigay din ng kanyang special performance ang ate ni Empress sa pamamahala ng talent manager na si Becky Aguila, ang singer-actress na si Jennylyn Mercado.

Namataan din ng PEP si Jennylyn kagabi kasama ang isa pang talent ni Becky na si Valerie Concepcion, kasama ang kanyang anak na babae na si Fionna. Nandoon sina Wendy Valdez at Neil Coleta na kasama rin sa talents ni Becky Aguila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama rin sa mga nagbigay ng entertainment ang alternative pop band na 3 A.M., na binigyan ng rock version ang dance music na "Dynamite" ng foreign artist na si Taio Cruz.

18 TREASURES. Nang matapos ang dinner na inihain, ipinagpatuloy ang programa kung saan ipakikilala naman ang tinaguriang 18 treasures.

Sa makalumang tradition, tanging 18 roses at 18 candles lamang ang parte ng isang debut party. Ang huli ay binubuo ng mga babaeng malapit sa may kaarawan.

Subalit sa modernong celebration, nagkaroon na rin ng 18 treasures, kung saan ilang piling malalapit na tao naman ang magbibigay ng regalo na may symbolic meaning sa may kaarawan.

Ngunit sa kaarawan ni Empress, tila ginawang isa na lamang ang 18 candles at 18 treasures. Labingwalong babae na malapit sa kanya ang nagbigay ng kani-kanilang regalo na may kasamang mensahe para kay Empress.

Natural na hindi mawawala sa 18 treasures ang mga miyembro ng Chiurigogobaschu na sina Melissa, Beauty, Erich, at Kitkat. Nasurpresa din sila nang dumating si Kim na nauna nang nagsabi na hindi makakadalo sa party dahil sa isang engagement.

Bukod sa mga 18 roses, 18 treasures, at mga kapamilya, dinaluhan din ang debut party ni Empress ng ilang kasamahan niya sa Kapamilya network.

Ilan sa mga ito ay ang mga kasama niya sa katatapos pa lang na afternoon variety show na Shoutout—sina Sam Concepcion, Aaron Villaflor, AJ Perez, Enrique Gil, Rhap Salazar, Makisig Morales, at Nel Gomez.

Nandoon din ang mga dating Pinoy Big Brother: Teen Clash of 2010 housemates na sina Ivan Dorschner and Tricia Santos. Magkasabay rin na dumating ang mga lead actors ng Mara Clara remake na sina John Manalo at Julia Montes.

Hindi matatapos ang anumang birthday party kung wala ang tradisyonal na pag-ihip ng mga kandila sa cake.

Kasabay ng pag-ihip, hiniling ni Empress, "Siyempre po, hindi mawawala na sana magtuluy-tuloy pa rin ang blessings na dumarating. 'Yong mga projects sana tuluy-tuloy pa rin and sana more happiness."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sandaling nawala si Empress pagkatapos noon. Pero nang bumalik siya naka-black with gold accent party dress na ang dalaga—handang-handa na para sa after-party na sayawan kasama ang mga malalapit na kaibigan.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN