Willie Revillame on ABS-CBN's copyright infringement case against Willing Willie: "Kung hindi ma-TRO 'to, hindi ako titigilan ng mga 'yan."

IMAGE 0


Willie Revillame insists that he is hosting Willing Willie for the masses who watch his TV program. "Ang problema dito yung mga taong pinapasaya namin, hindi kami... Dun ako concerned, e. Kung ako, yung scout namin, siyempre kahit papaano may trabaho kami, yung mga crew namin. Pero lahat talaga pag nahinto ng TRO 'to, lahat ng scout, lahat ng crew, lahat ng mga umaasa sa programa e mawawalan ng trabaho. At lalong-lalo na yung mga umaasa sa amin


Live na nagpa-interview ang kontrobersiyal na TV host na si Willie Revillame kahapon, Nobyembre 28, sa espesyal na edisyon ng Aksyon, ang primetime newscast ng TV5.

Dito ay nagbigay ng saloobin si Willie sa P127-million copyright infringement case na isinampa ng ABS-CBN laban sa kanya noong Nobyembre 24 sa Makati Regional Trial Court. (CLICK HERE to read related story.)

Naka-pambahay na damit lamang si Willie habang nagpapa-interview sa kanyang bahay sa Ayala Heights, Quezon City.

Dalawa ang naghatid ng mga tanong sa kanya: ang TV5 reporter na si MJ Marfori na dumayo sa bahay ni Willie, at ang showbiz commentator na si Cristy Fermin, na nasa isang studio ng TV5 sa Novaliches.

Seryoso at mahinahon ang tono ng pananalita ni Willie sa kabuuan ng panayam, bagamat may mga pagkakataong nangilid ang kanyang mga luha. Tumagal ng halos sampung minuto ang panayam na ito.

Si Willie ay ang host ng Willing Willie, ang primetime variety at game show sa TV5 na ipinapalabas mula Lunes hanggang Sabado ng gabi. Dati siyang host ng Wowowee, ang dating noontime variety show sa ABS-CBN.

Nabigong mapigilan ng ABS-CBN ang pag-eere ng TV5 sa Willing Willie. Hindi pinayagan ng hukuman ang petisyon ng Kapamilya network na agarang hainan ang nasabing programa ng temporary restraining order (TRO).

Ayon sa network, hindi maaaring magkaroon ng ibang programa si Willie sa ibang network dahil naka-kontrata ito sa kanila hanggang sa isang taon. Hindi naman nakita ng hukuman ang sinasabi ng network na "urgency" para agad ibigay ang desisyon ng korte.

HINDI MAINTINDIHAN. Pagbubungad ni Willie sa panayam niya sa Aksyon, nalalabuan daw siya sa ikinikilos ng ABS-CBN, ang TV network na nagbigay sa kanya ng break sa pamamagitan ng Wowowee.

"Di ko maintindihan kung bakit galit na galit sa akin ang ABS-CBN," saad ni Willie.

"Sila naman ang nagtanggal ng programa na Wowowee. Sila naman ang nagsabi sa akin na hindi na ako tanggap ng tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nag-file sila ng case sa Quezon City, na-junk yung TRO. Yung mataas na korte na, sa Court of Appeals, na-junk yung TRO.

"Kaya sa Makati, hindi ko maintindihan kung bakit lahat na lang yata ng korte sa Pilipinas, e, kakasuhan nila ako. Hindi ko maintindihan kung bakit."

Pahayag pa ni Willie, hindi niya raw nais makipaglabanan sa ABS-CBN.

"Hindi naman 'to paligsahan, hindi naman 'to away ng mga tao, e.

"Yung the word 'Kapamilya,' dapat naintindihan nila yung ginagawa ko naman, e, para sa pamilya rin naman, e.

"Saka ang importante dito, hindi ako nakikipaglaban. E, sino ba ako para sa ABS, di ba?

"Sino ba yung katulad ko na gusto lang magpasaya, gusto lang magbigay ng tulong.

"E, napakahigante ng ABS para labanan ko 'yan. Hindi ako nakikipaglaban sa inyo, Mr. Lopez," ang sabi ni Willie na parang kinakausap si Gabby Lopez, ang Chairman and CEO ng ABS-CBN.

Pagpapatuloy ni Willie, "Hindi ako nakikipaglaban sa inyo dahil, sa sarili ko, e, yung mga taong umaasa sa akin, basurero.

"Di ba, lahat ng taong ito, kung pamilya kayo, dapat iniisip n'yo yung kaligayahan ng tao. 'Wag ako. Dahil ako, okay lang ako, e.

"Sinabi n'yo sa akin na hindi na ako kailangan diyan kasi ayaw na ako ng mga tao sa email, sa lahat ng mga nag-i-email sa inyo.

"Wala kayong narinig sa akin.

"Ang hinihingi ko lang naman, kalayaan ko na dahil ang sabi n'yo sa akin, wala na, ayaw na sa 'kin ng tao. Tinanggal n'yo yung programang Wowowee."

KONSEPTO NG WOWOWEE. May reaksiyon din si Willie sa pahayag ng Kapamilya network na sarili nitong konsepto ang Wowowee.

"Ang sabi n'yo, kayo nag-iisip ng mga programa diyan, kayo nag-iisip ng concept.

"Maipapalabas ba namin sa Wowowee kung ayaw kong ipalabas yung mga segments, dahil ako'ng nakaharap sa tao?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung kayo ang nag-iisip niyan, inaangkin niyo lahat 'yan, okay lang 'yan. Pero hindi ko maipapalabas 'yan sa sarili ko, kung hindi ko inaapruban ang mga segments na 'yan, yung lahat ng 'yan.

"'Yang ginagawa namin na 'yan, lahat ng iyan ho, e, hindi naman para sa amin.

"Di ba, sinasabi namin na ang programang ito, e, para sa mga Pilipino? Para sa mga tao naman 'yan, e.

"So, hindi ho ito paligsahan, hindi ho ito labanan. Hindi kami nakikipag-away sa inyo.

"Nag-trade launch ako sa TV5, sinabi ko, nagpasalamat ako kay Ma'am Charo [Santos-Concio], kay Boss Gabby [Lopez]. Tinutuloy ko lang naman yung kabutihan na ginawa ng programa, ng dati kong programa."


COPYRIGHT INFRINGEMENT. Ibinunyag din ni Willie ang isa umanong copyright infringement na sa kasalukuyan ay hinaharap naman ng ABS-CBN dahil sa isa sa mga dati nitong noontime show.

Ayon kay Willie, ginaya raw ng ABS-CBN ang isa pang popular na game show format para ilagay sa Magandang Tanghali Bayan o MTB.

Isa sa mga laro ng MTB noon ay ang "Pera o Bayong," na kahawig ng "Kuwarta o Kahon" ng veteran game show host na si Pepe Pimentel.

"Alam mo, merong kaming issue diyan dati sa MTB, na I think nag-file ng demanda si Tito Pepe Pimentel kasi ginagaya daw namin yung 'Kuwarta o Kahon,' 'Pera o Bayong.'

"O, ngayon, dinedemanda nila ako na ginagaya ko din 'yong programa. E, may pending case pa nga 'yan, e. May pending case pa 'yan: 'Kuwarta o Kahon,' 'Pera o Bayong.'

"E, dinedemanda n'yo ako na ginagaya ko, e, gayon din yung naging kaso natin kay Tito Pepe. Ginagaya natin 'Kuwarta o Kahon.'

"So, parang naguguluhan lang ako. Parang hindi ko alam bakit galit na galit sila sa akin.

"After nito, anong next na kasong ibibigay nila sa akin? Kung hindi ma-TRO 'to, hindi ako titigilan ng mga 'yan."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi lang daw "Pera o Bayong" ang gaya sa MTB, ayon kay Willie.

"Hindi po ba ginaya din namin ang Eat Bulaga!? Hindi ba, Randy Santiago, John Estrada, Willie Revillame—Tito, Vic and Joey? Hindi ba ginaya din namin 'yan?

"Di ba, kasi top-rater ang Eat Bulaga!, so kailangan daw talunin, kasi gayahin. Hindi din naman kami nanalo.

"So, halos pareho lang din yung binibintang nila sa akin."

Tinawagan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang ABS-CBN corporate communications department. Hinihintay namin ngayon ang anumang pahayag nila tungkol sa sinasabing ito ni Willie.

SAMA NG LOOB NI WILLIE. Inilabas din ni Willie ang sama ng loob niya sa dati niyang network.

"Nagpasalamat ako sa kanila nang taus-puso, at maganda naman yung ginawa namin.

"Ano bang gusto n'yong gawin sa akin, huminto na ako?

"Ano ho bang gusto niyong gawin sa 'kin, hindi na ko mag-programa, magbigay ng saya sa mga kababayan natin?

"Noon ho, okay, babalik na ako. Alam n'yo ho 'yan, Ma'am Charo [Santos-Concio], nag-meeting tayo, Direk Bobot [Mortiz], Tita Arlene de Castro, Linggit Tan, na babalik na ako ng July 31.

"And after that meeting with Ma'am Charo, nag-meeting ako sa bahay ko with the staff ng Wowowee, at sa mga programang dapat gawin.

"Tapos, isang araw, tatawagan n'yo ako na hindi ka na makakabalik kasi 'ayaw na ng mga tao sa 'yo'? Tapos, hindi n'yo ako bibigyan ng programa?

"Alam mo, ang kontrata ko sa ABS, isang daily show. Six times a week na primetime.

"Tapos tinanggal nila yung Wowowee. Ano pang babalikan ko?

"So, anong gagawin niyo? Ipi-freeze niyo ako, hindi ako magtatrabaho?

"May pamilya rin ho ako, may mga tao akong tinutulungan.

"Bakit ho gano'n ang galit niyo sa akin? Hindi ko maintindihan.

"Sino ba ako sa ABS-CBN?

"Nung una, nagmamahalan tayo, mahal na mahal n'yo ako, nagre-rate ang show, kumikita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero nung sinabi n'yo sa akin na hindi na ako dapat lumabas diyan, nagpapaalam na ako sa inyo, nagpa-release na ako ng contract, 'tas 'eto na ang ginagawa, inaamo n'yo naman ako?

"Hindi ko lang ho maintindihan kung bakit ganun."

HINDI TITIGIL SA LABAN. Sa pagtatapos ng panayam, humingi muli ng suporta si Willie sa mga manonood ng Willing Willie para samahan siya sa hearing niya na gaganapin bukas, Nobyembre 30, sa Makati Regional Trial Court.

"Hindi po kami titigil sa laban na 'to. At sa Martes po, pupunta kami nina Shalani [Soledad], buong staff namin, buong crew namin, makikipaglaban na kami para sa inyo.

"Tumahimik ako from the start. Hindi ako nagsasalita sa mga pangyayari sa ABS.

"Pero 'eto ho, ginaganyan pa nila ako.

"Lalaban na ho ako this time. Ipaglalaban ko na yung ating mga kababayan na umaasa sa programang ito.

"Hindi na ako, yung mga taong ito na lang.

"Sa Martes ho, alas-nuwebe ng umaga, nandiyan ako sa Makati, andiyan kami ng buong staff ko, ng buong crew. Nasa inyo na po 'yan kung gusto n'yo kaming samahan.

"Ang paglalaban natin dito, e, yung kaligayahan n'yo sa gabi-gabi, at yung tulong na mabibigay namin sa inyo.

"Alam mo sa edad kong 'to, dapat hindi na ako nagsasalita ngayon. Parang nagda-drama pa ako, e.

"E, ang programang ito, Willing Willie—willing magpatawa, willing magbigay ng pag-asa.

"Katulad nun, sinasabi ko din daw sa Wowowee yun. Hindi ho yun ang sinasabi ko."

May huling mensahe rin si Willie kay Mr. Gabby Lopez.

"Inyo ba lahat ng sasabihin ko? Lahat na lang ba ng ano, sasabihin ko, pag-aari nila? Napakahirap po naman yata niyan.

"Mr. Gabby Lopez... pabayaan n'yo na ako dahil ang ginagawa ko naman ay para sa mga kababayan natin," saad ni Willie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN