PEP EXCLUSIVE: Shalani Soledad's aunt defends the politician-TV host against negative issues

IMAGE 0


Ipinaliwag ni Baby Soledad kung bakit ilag sa media ang pamangkin niyang si Shalani Soledad. "Mahirap kasi, e. Di ba? Minsan... Mahirap sa posisyon niya. Pero ngayon okay na siguro dahil wala na sila ni Noy [Pres. Aquino]. Dati kasi, siyempre may pinoprotektahan," saad niya.


Eksklusibong nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Nobyembre 24 si Mrs. Edith "Baby" Soledad, ang tita ng konsehal at TV host na si Shalani Soledad sa kanilang compound sa Valenzuela City.

Sa nasabing panayam ay sinagot ni Baby ang mga negatibong issue na ipinupukol sa kanyang pamangkin.

Hindi lang tita ang turing ni Shalani, 30, kay Baby. Second mother na rin niya ito dahil sa lumaki siya sa poder ni Baby at sa asawa nitong si Ramon Soledad, na kapatid ng ina ni Shalani na si Evelyn.

Kamakailan lamang kasi nakilala ni Shalani ang kanyang ama na si Adi Aguirre, samantalang matagal namang nagtrabaho sa Kuwait ang kanyang ina.

Kaya naman maraming maikukuwento si Baby tungkol kay Shalani, na malapit sa kanya. Palangiti at mahilig tumawa ang tita ni Shalani kaya naging magaan ang panayam namin sa kanya.

Binanggit ni Baby sa PEP na nasasaktan siya kapag nakababasa ng mga masasamang issue tungkol kay Shalani, kabilang na ang akusasyon na nagkaroon na raw ito ng anak.

"Siyempre, lalo na kung hindi totoo. Kahit naman sino, di ba?" sabi niya.

Iginiit ni Baby na walang anak si Shalani.

"Kahit kanino mo itanong dito. E, ilang taon nang konsehal dito 'yan? Hindi naman umaalis kaya 'yan? Visible na visible siya dito.

"Siyempre, alam n'yo kung... di ba? Halos isang taon ka kayang mawawala pagka may anak ka. Wala."

Isa pa sa mga issue laban sa baguhang host ng Willing Willie ay ang pagpapanggap umano nitong mabait at mahinhin. Ipinagtanggol naman ni Baby ang anak-anakan.

"Oo, gano'n talaga siya," sabi nito. "Di ba sabi nga nila, mahina boses, mahinhin masyado.

"E, sabi namin, pag binago natin 'yan, hindi na 'yan si Shalani. Hindi ba?

"Ganun talaga siya."

Itinanggi rin niya na nagtangka umano ang kanyang pamilya na manghingi ng espesyal na mga pabor kay President Noynoy Aquino, na ex-boyfriend ni Shalani.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dinenay na nga nila na wala kaming gano'ng issue-issue, lalo na kung tungkol sa pera. Wala, wala.

"Saka yung mga posi-posisyon na ganyan, wala kaming ganun na hinihingi kay Noy," sabi ni Baby.

HOSTING WILLING WILLIE. Marami naman ang nagulat nang tanggapin ni Shalani ang offer na maging co-host ni Willie Revillame sa TV5 game and variety program na Willing Willie.

Nagkaroon pa nga ng mga espekulasyon na kaya raw tinanggap ito ni Shalani ay dahil sa nagbabalak itong tumakbong senador sa susunod na eleksyon.

Pangatlong termino na kasi ni Shalani bilang konsehal sa District 2 ng Valenzuela City, kaya iniisip ng ibang manonood na nais ni Shalani na magkaroon ng national exposure sa pamamagitan ng pagho-host ng isang primetime program.

Sagot ni Baby, wala pang nakalatag na political plan para kay Shalani dahil higit sa dalawang taon pa siyang magiging konsehal.

Dagdag pa niya, hindi nga sila agad pumayag na maging co-host ng Willing Willie si Shalani. Pumayag lamang daw sila nang ipaliwanag sa kanila na maaaring gawing public service ang paghu-host sa show.

"Una talaga, ayaw niya. Lahat kami ayaw namin talaga nung una. Kaya lang, siyempre nung marinig mo yung kanilang balak, napa-oo," saad ni Baby.

Sa katunayan, wala pa raw pinipirmahang kontrata ang konsehal para sa show. May mga kundisyon pa raw kasing kailangang linawin.

Pero aminado rin si Baby na napapalawak ang imahe ni Shalani bilang public servant dahil sa Willing Willie. Sa ngayon, hindi na lang taga-Valenzuela ang humihingi ng tulong sa kanya.

"Kasi, magkano lang naman ang pondo ni Shalani, di ba, dito sa Valenzuela? Maliit lang.

"So, limitado lang yung matutulungan niya. So ngayon, medyo malaki-laki na," sabi ni Baby.

Kung dati ay tulong pangmedikal at pampalibing ang hinihingi kay Shalani, ngayon daw ay humihingi na ang mga tao ng slot para mapanood ng live ang show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ang hinihingi na nila ngayon, gusto na nila makapanood doon. Hindi na sila humihingi ng mga gamot, hindi na sila humihingi ng mga solicitation, mga ganyan, medical assistance.

"Nakikita kasi nila ano, e, parang dun may chance. Di ba?

"Minsan lang pag na-meet mo lang si Willie, accidentally, o ano nagustuhan ka, naawa sa 'yo, ano, instant money kaagad. Bibigyan ka, 2,000, 3,000. Di ba?

"Sa kanila, malaking bagay na 'yon. Kaya kahit papaano, gusto nilang doon magpunta. Nag-e-enjoy pa sila."

Malapit na rin daw ipakita sa Willing Willie ang bagong segment ni Shalani, kung saan bibisita siya sa depressed areas para mamigay ng mga regalo.

SHALANI'S LOVE LIFE. Ayon kay Baby, naging maganda raw ang epekto ng Willing Willie sa disposisyon ni Shalani. Dahil sa show, madali raw itong naka-recover matapos makipaghiwalay sa dating kasintahan na si President Noynoy Aquino.

"In a way, blessing din sa kanya, kasi napabilis yung pag-recover niya.

"Sabi ko nga sa kanya, kasi kako, 'Paladasal ka, palasimba ka, so 'yan ang ibinigay sa 'yo ni Lord para maano ka, di ba, para hindi mo maramdaman yung pain,'" saad niya.

Iniyakan ba ni Shalani ang pakikipag-break kay PNoy?

"Ay, hindi naman sa harap namin," sagot niya.

"Siguro in private. Imposible namang hindi, di ba, kasi nasaktan din siya."

Ipinahiwatig din ni Baby na may mga nanliligaw na kay Shalani sa ngayon. Hindi niya lang ma-entertain ang mga ito dahil sa dami ng trabaho.

Nagsisimula ang araw ni Shalani ng mga 9 a.m. para gampanan ang kanyang pagiging konsehal. Pagdating ng 4 p.m., dumidiretso naman siya sa TV5 studio sa Novaliches para sa Willing Willie, na natatapos ng 9 p.m.

Hindi ba nahihirapan si Shalani sa ganitong schedule?

"Actually, yun ang problema namin. Lalo na pag may appointment siya ng morning.

"Usually, mga one-hour late, two hours late, di ba, yung mga ganun? Kasi ang hirap magising once na makatulog na siya," saad ni Baby.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil dito, labas na sa plano ng konsehal ang magpakasal nang maaga.

"Alam mo naman yung pag-aasawa, para kayang magnanakaw 'yan. Dumarating lang ng hindi mo naman inaasahan. Di ba?

"Minsan, dumadating yun when you least expect it.

"Kamukha niya, kabe-break lang niya ng boyfriend. Siyempre hindi naman agad-agad magbo-boyfriend.

"So, siguro matagal-tagal pa rin," saad ni Baby.

CHANGES IN SHALANI'S LIFE. Sa bigat ng kanyang schedule, hosting at endorsements lang daw ang kayang atupagin ni Shalani sa ngayon.

Si Shalani ay malapit nang i-launch bilang endorser ng Bench, ang apparel brand na ine-endorse din ni Willie Revillame.

Wala raw munang acting na tatanggapin ang konsehal, sabi ni Baby.

"Wala muna. Although si ano... Parang I heard si Jinggoy, parang nag-offer na gawin siyang leading lady. Pero hindi pa siguro," saad niya.

Baguhan pa kasi sa showbiz si Shalani, at wala itong oras para makapunta sa mga acting workshops.

"Kailangang mag-workshop, e, wala na siyang time para sa workshop," dagdag ni Baby.

Tanong ng PEP, hindi kaya nagsa-suffer ang mga tungkulin ni Shalani bilang pulitiko dahil sa pagho-host sa Willing Willie?

"Hindi naman talaga ano, kasi marami naman siyang tao," sagot ni Baby.

"Pag wala siya, marami naman siyang puwedeng mautusan para gumalaw."

Dahil nagagawa naman daw ni Shalani nang mabuti ang mga hinihingi sa kanya sa ngayon, proud na proud daw sa kanya si Baby Soledad pati na rin ang iba pang mga nagmamahal sa kanya.

"Bakit ka naman hindi magiging proud? Di ba?

"Unang-una, yung Soledad, di ba, medyo nakilala?

"Tapos, pangalawa yung Valenzuela, medyo nalagay din sa mapa ng Pilipinas because of her," sabi ni Baby.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN