Kyla is "ready," but in no hurry to settle down with cager boyfriend Rich Alvarez

IMAGE 0


"Pareho kasi kaming childlike. Siguro sa five years namin sa relationship, isang beses pa lang kaming nag-away. Tapos basta, puwera usog ha, kasi mabait siya, e, and ang sarap ng feeling na nararamdaman mo na you're loved back, tapos you're giving love. Ang sarap ng ganung feeling, tapos nararamdaman mo 'yong sincerity," says Kyla about her relationship with PBA player Rich Alvarez.


May sentimental value para kay Kyla ang kanyang latest at pang-walong album under PolyEast Records na pinamagatang Private Affair.

Isa kasi sa mga piyesa na nakapaloob sa album ay ang kantang "A Song For The Love In Summer," na dati nang isinulat ng ama ni Kyla para sa ina ng singer.

"Kasi, 'yong song na 'yon, kinumpose niya 'yon nung binata pa siya, mag-boyfriend pa sila ng mommy ko, 1975 'yon.

"Parang kinumpose niya 'yon for my mom, so alam ko special for them 'yong song na 'yon.

"Tapos nung naisipan ko, sabi ko, 'Mommy, ire-record ko 'yong song na ginawa ng daddy para sa 'yo. Parang tuwang-tuwa siya," masayang kuwento ni Kyla sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment reporters kaninang tanghali, December 9, sa press conference na ginanap sa Dulcinea along Tomas Morato, Quezon City.

Tandang-tanda rin ni Kyla ang naging reaksiyon ng kanyang ama matapos marinig sa unang pagkakataon ang recorded version ng kanta na originally ay isinulat nito bilang isang tula.

"Ay, naku, hindi ko ma-explain!" sambit ni Kyla.

"Alam mo, naiiyak ako nung makita ko 'yong reaction niya nung first time kong ipinarinig sa kanya.

"Kasi kitang-kita ko sa mukha niya na talagang masayang-masaya siya.

"Tapos, ikinuwento pa niya sa mommy ko, sabi niya, 'Mommy, full-fledged composer na ako!'

"Nakakatuwa, di ba?" natatawang sabi ni Kyla.

Dagdag niya, "Si Daddy ko kasi, medyo frustrated din siyang musician, hindi lang siya nabigyan ng chance.

"Parang through me, na-achieve na rin niya. Nakakatuwa lang and ang sarap ng feeling."

BRANCHING OUT. Proud si Kyla sa kanyang latest album dahil very much involved siya maging sa production aspect nito.

May mga tracks sa album na co-producer si Kyla.

Personal din niyang inimbitahan ang ilang kaibigan katulad nina Jay R, Kris Lawrence, at Billy Crawford para mag-guest sa awiting "Don't Tie Me Down."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag ni Kyla, "Kasi 'yong last two albums ko, di ba, puro cover songs?

"So, after two albums siguro, 'yong difference lang kasi this time, 'yong gumawa ako ng original songs.

"Kasama na ako sa mga nagsulat, co-producer ako, tapos 'yong sound, mas more personal."

Last November 29 ay nag-concert si Kyla kasama si Jay-R sa Music Museum sa Greenhills, San Juan.

Soulmates ang title ng nabanggit na musical event at isa sa mga well-applauded numbers ng gabing iyon ay ang performance ni Kyla ng jazz standard tune na "How High The Moon." (CLICK HERE to read related article.)

Indikasyon ang ipinamalas ni Kyla during the concert sa landas na nais niyang tahakin ngayon bilang singer.

Hindi nangangahulugan na jazz na ang preferred music ni Kyla. Ang ibig sabihin lang ay mas malawak na ang kanyang panlasa ngayon at willing siya to experiment at mag-incorporate ng ibang genres pagdating sa kanyang sariling musika.

Ganito na rin ang naging approach ni Kyla nang i-record niya ang mga awitin sa Private Affair album.

"Kakaiba siya from the past albums. Mas mahirap siya vocally—challenging!" bulalas niya.

"Kasi dito, nag-invite din ako ng ibang producer, like si Karel Honasan and 'yong friend ko po na si Yosha [Honasan], mga great musicians din po sila.

"Parang fusion na of different sounds na kasi mga jazz instrumentalists and performers sila, e."

DISCUSSING MARRIAGE. Isa lang ang cover song sa latest album ni Kyla, at ito ay ang awiting "How Deep Is Your Love," na unang pinasikat ng musical trio na Bee Gees.

Personal favorite ng boyfriend ni Kyla na si Rich Alvarez ang nasabing kanta kaya naisip ng Party Pilipinas mainstay na isama ito sa album.

Five years na ang relasyon ng dalawa at hindi naman itinanggi ni Kyla na napag-uusapan na din nila ang posibilidad na magpakasal at lumagay sa tahimik.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Napag-uusapan naman. Pero ayoko kasi nang nag-a-assume, e.

"Siyempre, babae ako, di ba? Ayoko naman siya madaliin kasi baka ma-pressure siya," sabi ni Kyla nang matanong about the idea of settling down.

At this point of her life ba ay masasabi ni Kyla na handa na siyang mag-asawa kung sakaling biglang mag-propose sa kanya ang cager boyfriend?

"Oo, ready naman ako," sagot niya.

"Kasi sa akin, like now, may naipon na rin naman ako.

"Parang okay na naman ako basta mag-continue singing pa rin ako, okay naman.

"I mean, hindi naman ako naghahangad ng sobra-sobra.

"Para sa akin, importante makapag-build ka ng sariling family, di ba?"

Kumpara sa ibang girlfriends at mga misis ng professional basketball players, hindi madalas manood nang live si Kyla sa mga laro ni Rich, na kasalukuyan ay kabilang sa koponan ng Talk N' Text.

"Nahihiya din kasi ako actually manood parati ng game niya.

"Kasi, di ba po, nakaka-conscious 'yong parang, kunwari siya 'yong naglalaro, titingin sa 'yo yung mga tao, hindi ka maka-act nang normal.

"Parang 'Hay, sige na nga, hindi na nga ako tatayo,'" nakangiting pag-amin ni Kyla.

Aware si Kyla na may reputasyon ang mga basketball players sa pagiging lapitin ng female admirers.

Paliwanag ng magandang singer, "Hindi naman ako selosa, pero nasa lugar lang.

"Pero hindi ako 'yong tipo na ina-nag siya or aawayin ko siya.

"Kapag curious ako, tatanong ko siya in a nice way, na tipong hindi siya mapipikon or hindi siya maiinis."

Nabanggit din ni Kyla na guilty siya pagdating sa common practice ng mga magkasintahan na pasimpleng titingnan ang cell phone ng kasintahan para makita kung may iba itong ka-text.

"Ginagawa ko 'yon!" malakas na tawa ni Kyla.

"Pero alam niya naman, 'Uy, patingin nga ng mga games mo' kunwari.

"Tapos, idyu-joke naman niya ako, sasabihin niya, 'Patingin nga ng SMS.'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May pinagselosan na ba siyang female fan ni Rich?

"Meron na po. Naku, mga dalawa!

"Pero pa-cute lang, para lang masabing nagselos!" natatawang sagot ni Kyla.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN