Vaness del Moral denies living together with boyfriend Biboy Ramirez

IMAGE 0


"Lahat naman ng artista gusto magbida sa sarili nilang palabas. Pero naniniwala kasi ako na kapag time mo na, darating at darating sa 'yo yun. Kumbaga, patience is a virtue!" says Vaness del Moral.


Masayang-masaya si Vaness del Moral dahil may bago na naman siyang show after ng three months na pamamahinga. Kasama siya sa pinakabagong telefantasya sa GMA-7, ang Dwarfina, na pinagbibidahan nina Heart Evangelista at Dennis Trillo.

"Ang hirap palang mabakante, nakaka-bore!" natatawang sabi ng StarStruck alumna nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Dwarfina last week.

"Nasanay kasi ako ng sunud-sunod ang trabaho kaya naman nung nabakante ako ng matagal-tagal, feeling ko, parang isang taon na.

"Workaholic kasi ako, gusto ko laging trabaho nang trabaho. Kaya naman nang sinabi ng handler ko sa akin na may bago akong project, sobra-sobrang thankful talaga ako kay Lord kasi dininig niya yung panalangin ko.

"Sabi ko nga, kahit anong role, okey lang sa akin. Basta ang mahalaga may trabaho at hindi nababakante."

SUPPORTING ROLES. Isang duwende na kasa-kasama ni Heart ang role ni Vaness sa Dwarfina. Kahit puro supporting roles ang napupunta sa kanya ay okey lang daw.

"Sa akin naman kasi, kung magaling kang artista, maliit mang role 'yan, o kaya support, o kontrabida ka, basta magaling ka at nagagampanan mo nang maganda, tatatak at tatatak ka sa mga manonood.

"Kaya ako, kahit support , kontrabida man 'yan, tinatanggap ko kasi trabaho pa rin 'yan. Kung yung iba nga, hindi nabibiyayaan ng trabaho kahit gusto nila.

"Kaya ako, pag may project, tanggap lang nang tanggap. Mahirap yata tumanggi sa grasya, baka ang grasya ang tumanggi sa akin. Yun ang nakakatakot!

"Kaya naman solve na ako sa role ko dito sa Dwarfina bilang alagad ni Dwarfina [Heart]."

Pero ayon kay Vaness, napaka-plastic naman niya kung sasabihin niyang hindi siya nangangarap maging bida.

"Naku, sino ba naman ang ayaw magbida, di ba?" sambit niya.

"Lahat naman ng artista gusto magbida sa sarili nilang palabas. Pero naniniwala kasi ako na kapag time mo na, darating at darating sa 'yo yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kumbaga, patience is a virtue!" tawa ni Vaness.

"Kasi, naniniwala ako na kung para sa 'yo, para sa 'yo talaga. Harangin man ng kung sinong Pontio Pilato, sa 'yo pa rin mapupunta ang proyekto.

"Siguro yung sa akin, hindi pa talaga dumadating at handa naman akong maghintay. Kung kailan, ewan. Pero maghihintay pa rin ako.

"Basta ngayon, happy na ako at meron akong bagong project."

LIVE-IN ISSUE. Itinanggi naman ni Vaness ang balitang nagli-live in na sila ng kanyang boyfriend na si Biboy Ramirez.

"Naku, tsismis lang 'yan! Hindi po totoo 'yan!" bulalas niya.

"Ang totoo, magkatabi lang kami ng bahay. Minsan nasa bahay niya ako kasama ang ate ko, at minsan naman siya yung nakikikapit-bahay sa amin.

"Malabo namang mangyari na mag-live in kami, kasi dalagang Pilipina ito, 'no! Siguro magsasama lang kami pag kasal na kami, pero matagal-tagal pa yun.

"Masaya na kami na nagkikita araw-araw kasi magkapit-bahay kami, bukod pa sa hinahatid at sinusundo niya ako minsan sa trabaho.

"Pero yung mag-live in, no way! Malabong-malabo talaga. Kung saan man galing 'yang balita na 'yan, super-imbento talaga."

BUSINESS PARTNERS. Ikinuwento rin ni Vaness na nagbabalak silang magtayo ng negosyo ni Biboy.

"Bale napag-uusapan namin ni Biboy na magnegosyo. Kumbaga, sosyo kami.

"At ang pareho naming gusto ay ang magkaroon ng restaurant. Kasi, pag pagkain ang negosyo mo, walang talo, dahil lahat naman ng tao mahilig kumain.

"Pero sa ngayon, pinag-iipunan pa namin. Gusto kasi namin yung ready kami sa lahat ng gastusin.

"May nakita na kaming venue ng pagtatayuan namin ng negosyo, pero inaayos pa namin.

"Siguro kapag nandiyan na at siguradong-sigurado na, 'tsaka ko na lang ikukuwento sa inyo ang lahat ng detalye. Pero ngayon, siguro yun muna."

Paghahanda na ba sa future nila ang pagsasama nila sa negosyo?

"Naku, hindi naman! Hindi naman porke't magnenegosyo kami, magpapakasal na kami. Hindi namin pinag-uusapan 'yan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Basta sa ngayon, gusto lang naming magnegosyo para nakikita namin kung saan napupunta ang kita namin.

"'Tsaka maganda naman, di ba, na habang marami kang raket, mag-invest ka ng negosyo para pag hindi ka na ganun ka-active sa showbiz, may paghuhugutan ka."

Nag-iisip din daw sila ni Biboy na huminto pansamantala sa pag-aartista at muling bumalik sa pag-aaral.

"Pero siguro hindi pa ngayon. Magtatrabaho muna kami para makaipon para sa negosyo namin.

"Pag nakaipon na kami at medyo tumamlay ang dating sa amin ng trabaho, siguro yun yung time na pahinga muna kami sa pag-arte at aasikasuhin muna ang pag-aaral," saad ni Vaness.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN