Boy Abunda says PNoy did not appoint him ambassador for the arts; he was invited by the NCCA

IMAGE 0


Boy Abunda, new ambassador for the arts, defines culture: "It is a way of life. Ito'y expression po ng mga artista. Ito'y expression po ng iba't ibang anyo ng sining... Ito'y mga kuwento natin, whether you're a filmmaker or an architect, or a singer, tayo'y bahagi ng kuwento, individually, or as a country."


Malaking paglulunsad ang inihanda ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) noong Martes, January 18, sa Barbara's Restaurant, sa Intramuros, Manila, kaugnay sa programang "Ani Ng Sining" na hudyat ng pagsisimula ng Philippine International Arts Festival ngayong Pebrero 2011.

Ang okasyon ay dinaluhan ng mga kinatawan ng local media, kabilang ang PEP (Philippine Entertainment Portal).

Ang buwan ng Pebrero ang siyang napili ng pamahalaan, na dito'y kabilang ang ahensiyang NCCA, bilang National Arts Month.

May temang "Sa Sining, Bida ang Pinoy Sa Galing!" ang naturang programa, at ito ay dinaluhan ng mga pinuno ng mga komite na tumutugon sa iba't ibang anyo ng sining, tulad ng pagpipinta (visual arts), paglililok (sculpture), arkitektura (architecture), panitikan (literature), musika (music), dula (theater/dramatic arts), sayaw (dance) at pelikula (cinema).

Sa bagong pamahalaan ni Pangulong Noynoy Aquino ay nahirang na Ambassador for the Arts ang talent manager at TV host na si Boy Abunda.

Kaya isa sa mga tampok sa nasabing paglulunsad si Boy Abunda, kasama ang iba pang committee heads/vice-heads, tulad nina: Tanya Lopez (Dramatic Arts); Teddy Co (Cinema); Egai Fernandez (Visual Arts); Ricky de Ungria (Literary Arts); Gerard Lico (Architecture); at Shirley Halili-Cruz (Dance).

Nasa launch din ang bagong hirang na Executive Director ng NCCA na si Ms. Malou Jacob.

Bilang kasalukuyang Arts Ambassador para sa NCCA, si Boy ay maituturing na counterpart ni Dingdong Dantes, bilang Youth Ambassador for the Arts.

At tulad ng young actor, si Boy ay madalas ding matanong hinggil sa kanyang pagkaka-appoint sa naturang posisyon, bunsod ng pagiging kapwa nilang naging malapit sa pamilya Aquino, at pagtulong sa nakaraang kampanya ni Pangulong Noynoy sa May 2010 elections.

INVITED BY NCCA. Sa kanyang talumpati, sa paglulunsad ng National Arts Month ("Ani Ng Sining"), muling binigyang-diin ni Boy ang dahilan ng kanyang pagkahirang, o ngayo'y pagtataglay ng titulong Ambassador for the Arts.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I was not appointed by the President," sabi ni Boy, taliwas sa karaniwang naging impresyon. "I was invited by the NCCA to be its Ambassador. On what basis, hindi ko po alam. O, malalaman po natin.

"Pero, maraming salamat sa atensiyon, dahil kung pinag-uusapan po ang galing, pinag-uusapan po ang kapangyarihan, pinag-uusapan po ang yaman, ng Filipino culture and the arts, ay nais lamang po namin, I mean, simplistically, ang sinasabi po natin... nais po naming makarating sa sambayanang Pilipino," aniya.

"Nais po naming matapik ang mga nanay, ang mga tatay, ang lahat ng Pilipino dito sa ating bayan, tungkol sa mga ginagawa, at mga adhikain ng National Commission for Culture and the Arts.

"At ito po'y mangyayari lamang sa tulong ng media," mahalagang banggit pa ni Boy.

Sa simula ng programa ay isa-isang nagbigay ng mahalagang mensahe ang bawat committee heads/vice-heads, tungkol sa mga tampok na programa't palabas pam-publiko, ugnay sa iba't-ibang anyo ng sining, bilang pagpapasulong ng kulturang Pinoy.

Nabanggit din ng mga ito ang mga itatampok na palabas na masasaksihan ng publiko, simula sa Enero 30, na gaganapin sa Rizal Park at iba pang venues, sa buong Pilipinas.

Sa launching ay nagpamalas ng magagandang bilang ang ilang participants, tulad ng Halili-Cruz Dancers, si Audie Gemora at ang grupong The Company, at singing champion, Erik Santos. Si Laila Chikadora ang nagsilbing host ng media launch.

WAY OF LIFE. "Ako po'y estudyante ng Public Diplomacy at parati ko pong sinasabi sa mga meetings ko with NCCA that culture is 'a way of life,'" patuloy ni Boy sa kanyang talumpati.

"Nasabi na po ang lahat tungkol sa seven art [forms], kukunin ko naman po ang ibang perspektiba, kung bakit tayo'y nagkakatipun-tipon dito at kung bakit napakahalaga ng usaping culture and the arts.

"The keyword that I was hearing, sa lahat ng ating mga pinuno ng iba't ibang komite, ay: 'magaling ang Pinoy, mayaman tayo sa talento, at makapangyarihan ang kultura at arte...'

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Culture is a way of life. Ito'y expression po ng mga artista. Ito'y expression po ng iba't ibang anyo ng sining.

"Pero ano po itong expression na ito?" patuloy ni Boy. "Ito'y mga kuwento natin, whether you're a filmmaker or an architect, or a singer, tayo'y bahagi ng kuwento, individually, or as a country.

"At kung tayo'y may kuwento, doon nagsisimula ang pagkakaunawaan natin, bilang mga Pilipino," sabi pa ni Boy. "At duon natin ginagamit ang mga kuwentong ito, para magpakilala tayo sa ating mga kapit-bayan sa mundo. Because the world has become a global village..."

MESSAGE FROM KABUL. Sa kanyang talumpati ay may pagbabahagi din si Boy ng mga interesanteng anekdota at tala tungkol sa iba't ibang nasyon, kabilang ang isang liping minorya, sa malayong bayan ng Kabul, Afghanishtan.

"Kuwento ito about survival, about people of the world knowing each other," banggit niya. "In Kabul, Afghanistan, nang dumating ang mga Amerikano, there was an improvised poster at the door of one of the museums, na ang nakasaad doon ay, 'You cannot kill us because you will not kill our culture!'

"Whatever it means," sabi rin ni Boy, "o kung ano'ng perspektiba man ang inyong tingin doon, ay nagpapakita lamang kung gaano kahalaga ang kultura."

AMBASSADOR, EMBALSAMADOR. Sa ilang punto ng programa ay napapalitan ng aliw at tuwa ang seryosong tema't kaganapan ng paglulunsad.

Seryoso man si Boy sa kadahilanan ng kanyang pagkahirang, kaya nagbigay siya ng malalim na perspektiba ng kanyang pagkaunawa sa kahalagahan ng ating kultura, ay hindi maiiwasang magkaroon ng manaka-nakang pagtukoy sa ilang "less serious" matters.

Nagbiro mismo ni Boy, gaya nang maitanong sa kanya ang tungkol kay Kris Aquino at ang anumang tungkuling naiatang dito ng kanyang kapatid na Pangulo.

"Actually, tinanggap ko ito," ani Boy, "dahil si Tetay (palayaw ni Kris) ay Ambassador of Dengue. Kaya meron din ako. Totoo 'yon..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Binawi naman niya ito, after a couple of minutes. "Biro lang po," aniya.

And while Laila Chikadora of TV5 called Boy Abunda "Ambassador" with the utmost respect, she jokingly referred to herself as "Embalsamador."

Pinansin naman ni Boy ang dilaw na Filipina dress (Maria Clara-inspired outfit) na suot ni Laila Chikadra, sa simula ng kanyang talumpati.

"Nanibago ako nang nakita ko po ang kanyang kasuotan dahil... ito nama'y atin-atin lamang, medyo, napakabait at napakabuting tao ni Laila (Chikadora), pero may konting kalaswaan. Kaya nu'ng siya'y aking masilayan, ay nakita ko ang katangiang hindi ko nakita nang ilang taon..." biro pa ni Boy.

ALL ABOUT PATRIOTISM. Sa pagpapatuloy ng kanyang talumpati, naipunto ni Boy ang kahalagahan ng kultura bilang isang sukatan ng pagiging matapat sa bayan, o patriotismo.

"Sana'y dahan-dahan nating maunawaan na ang kultura ay tayo, na ang kultura ay kuwento natin, na maipapasa natin sa mga henerasyon, sa ating mga kapit-bahay, dito sa Asya at sa buong mundo.

"One of the reasons I took on the job as Arts Ambassador for the NCCA, specifically for the Philippine International Arts Festival," wika ni Boy, "ito'y isang paalala... para, at least, for a month, sa isang taon, tayo'y pinaaalalahanan ng NCCA, that we have enough reason to love this country.

"This is all about patriotism. Na hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong gumawa ng malalaking bagay para magmahal sa bayang ito. But, I think, appreciating who we are, and appreciating being part of the seven arts, ay isang pamamaraan ng pagmamahal sa bayang ito...

"It's about patriotism; about loving this country," diin pa ni Boy.

Nanawagan din siya bilang isang masigasig na patron of the arts, sa talumpating wari'y nangangampanya, alang-alang sa ikasusulong ng sining.

"Kaya sa sambayanang Pilipino, ito'y isang pagsusumamo," wika rin niya. "Ito'y isang imbitasyon, isang paghihikayat po sa inyo, na makibahagi sa selebrasyon ng National Arts Month, sa buong buwan ng Pebrero, sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At sana, sa mga darating na taon, ito'y magiging mas malaki, magiging mas maingay, at mas marami pa ang makikibahagi dahil ito'y kailangan natin, kung nais natin na ang ating bansa ay umusad at sumulong, as a country, as a people, and as a member of the global community!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN