Former President Joseph Estrada visits ex-AFP Chief Angelo Reyes's wake

IMAGE 0


Napatawad na umano ng dating Pangulong Joseph Estrada ang ex-AFP Chief na si Angelo Reyes sa pagtalikod nito sa kanya bago siya mapaalis sa puwesto.


Bumisita na sa lamay ni dating AFP chief at Defense secretary Angelo Reyes si dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada kagabi, February 10, sa Arlington Funeral Homes sa Quezon City.



Binawi na ng naiwang pamilya Reyes ang nauna nilang pahayag na nagbabawal bumisita sa lamay ang mga nakasakit umano sa kanilang mahal sa buhay.



Noong una ay pinagbawalan nilang makiramay ang ilang personalidad na hindi kasundo ng kanilang pamilya. Hindi rin daw nila tatanggapin ang mga ipapadalang bulaklak ng mga ito.



Kasama si dating Pangulong Estrada sa listahang ito. Siya kasi ang dating Pangulong napaalis sa puwesto dahil na rin sa pagtalikod sa kanya ni Reyes, na kanyang dating AFP chief of staff.



Kilala ring kaalyado ni Reyes ang dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na siyang pumalit sa puwesto ni Estrada.



Bukod pa rito, ang anak ni Estrada na si Senator Jinggoy Estrada ang isa sa mga gumisa kay Reyes tungkol sa isyu ng korupsyon sa AFP sa isang hearing sa Senado.



Ayon sa report ng GMA News, napatawad na umano ng dating Pangulo ang namatay na heneral. Umabot din daw sa 15 minuto ang pagbisita nito sa lamay, at nakipag-usap ito sa asawa ni Reyes na si Teresita at limang anak nito.



Ayon pa sa GMA News, pinayuhan din ni Estrada ang limang anak ni Reyes na alagaan at huwag pababayaan ang kanilang ina.

Sasama rin daw siya sa funeral procession para kay Reyes sa Libingan ng mga Bayani sa darating na Linggo, February 13.



Matatandaang binaril ng dating heneral ang sarili sa harap ng puntod ng kanyang ina sa Loyola Memorial Park, Marikina City, noong Martes, February 8. Ayon sa mga ulat, hindi na nagawang ma-revive si Angelo Reyes ng mga doktor sa isang opsital sa Quezon City. (CLICK HERE to read related story.)



Sa panahon ng kanyang pagkamatay, isa si Reyes sa mga itinuturong dating opisyal ng AFP na nakatanggap diumano ng milyun-milyong "pabaon" sa pagbaba nito sa kanyang puwesto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN