RR Enriquez splits from Banana Split because of "lack of exposure"

IMAGE 0


"Hindi po ako nagtampo or whatever. Maintindihin po akong tao. Hindi po ako ganun kababaw para magtampo o magalit sa kanila," clarifies RR Enriquez about her decision to resign from Banana Split.


Ibinalita ng sexy star na si RR Enriquez na nag-resign na siya sa Banana Split. Noon lang daw Martes, February 15, nagdesisyon ang sexy actress na mag-resign sa gag show ng ABS-CBN.

Sa presscon ng Mana Po kahapon, February 17, sinabi ni RR na napansin niya at ng rumored boyfriend niyang si Jayjay Helterbrand (player ng Barangay Ginebra) na "10 seconds" lang ang exposure niya sa episode ng Banana Split noong Sabado, February 12, at halos hindi na raw siya nakita.

"Ang sabi ni Jayjay, 'Napupuyat ka sa pagti-taping, tapos 10 seconds lang ang nakikita sa iyo.' Napaisip ako, 'Oo nga, 'no?'

"Bigla akong nawala sa segments ng 'Balitang Siksik,' at sa 'Show it.' Di ba, original naman ako diyan [Banana Split] at nasa main cast?

"Kumonti ang exposure ko kaya kinausap ko si Mama Bear. Nagpaalam ako na kung puwede... Tutal wala naman akong ginagawa, aalis na lang ako.

"Pero in fairness sa kanila, ayaw nila akong paalisin at naramdaman ko ang pagmamahal nila sa akin," kuwento ni RR sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal).

Ang tinutukoy na "Mama Bear" ni RR ay si Cynthia Jordan, ang business unit head ng Banana Split.

EXPOSURE. Pinabulaanan naman ni RR ang balitang kesyo may kaaway siya sa cast ng Banana Split kaya nag-resign siya.

"Hindi ko alam kung saan nanggaling ang tsismis na 'yan," sabi niya. "Actually, ang kausap ko pa lang dun ay si Mama Bear at mga directors namin.

"Nag-text muna ako kay Mama Bear at nag-taping nung Tuesday, tapos kinausap ko sila. Sinabi po nila sa akin na may one week pa ako to decide kasi, in fairness, ayaw naman nila akong pakawalan.

"The reason is medyo marami na kami sa Banana Split, and then marami pong mga bago dun kaya umi-split na lang po ako. May mga segment po ako dun na nawala po ako. Parang ang feeling ko, parang hindi na ako napapansin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero paglilinaw ni RR, "Hindi po ako nagtampo or whatever. Maintindihin po akong tao. Hindi po ako ganun kababaw para magtampo o magalit sa kanila.

"Naisip ko lang po na siguro it's about time na mag-give way po sa mga baguhan, tutal ako ay nabigyan din nila ng chance na magkaroon ng exposure. Yun po talaga ang dahilan.

"Wala po akong kagalit dun. Mahal ko po ang Banana Split family.

"Actually, eto naman ang ipinaintindi nila sa akin, na hindi naman ako palaging may portion, e. Sa sobrang dami namin ay hati-hati na, siguro ako, hindi lang nasanay.

"Nung una nga, may mga exposure ako na ganun karami, tapos biglang nawala. So, hindi lang ako nasanay. In fairness kasi, hati-hati naman talaga.

"Sinabi rin ni Mama Bear na nagkulang din naman sila at hindi nila napansin. Sabi nga niya, mabuti raw sinabi ko sa kanila.

"Na-feel ko naman sa kanila na ayaw nila akong paalisin. Sabi nila, baka naguguluhan lang ako at nag-decide ako nang bigla-bigla.

"Sabi nga ni Mama Bear, wala naman daw akong kapalit dahil hindi naman ako naging pasaway sa kanila. Pero yun nga, ang naisip ko talaga, sa sobrang dami namin, parang nakalimutan na talaga nila ako."

Bagamat may kontrata pa si RR sa Banana Split, mapapawalang-bisa naman ito at iho-honor daw nila kung ayaw na ng talent at mutual nila itong napagkasunduan.

"Pinag-iisip nila ako ng one week, pero nag-decide ako na titigil na talaga ako," aniya.

Nawala man si RR sa Banana Split, may dalawa pa rin siyang shows.

Kasama siya sa cast ng Precious Hearts Romances Presents Mana Po, na magsisimula sa Lunes, February 21. Tampok dito ang loveteam nina Melai Cantiveros at Jason Francisco.

Meron din siyang show sa Studio 23, ang Pa Bida Ka, kasama si Aaron Atayde.

MAMA BEAR. Kaugnay ng pagre-resign ni RR sa Banana Split, kinuha ng PEP ang reaksiyon ng business unit head ng programa na si Cynthia Jordan, o mas kilala sa bansag na "Mama Bear."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kahit kami ay nagulat sa desisyon niya," sabi ng network executive.

"And when we talked last Tuesday evening... Kasi nag-resign siya sa text, na ang feeling ko, that's not how you should do things kasi kung may isyu na kailangang i-clarify, pag-usapan natin, kasi baka meron siyang naiisip na hindi naman talaga ganoon.

"So, nag-usap kami. Ang parang napagdesisyunan namin ay pag-isipan niya hanggang this weekend. So, nagulat lang kami na may nakuha kaming text from the handler na ayaw na niya talaga. So I said, I will respect her decision.

"Hindi namin siya tinanggal," diin ni Mama Bear. "Wala kaming rason para tanggalin siya. Nalulungkot lang kami na parang ang lumalabas kasi ay kami ang nagkakalat na natanggal na siya sa Banana Split, na hindi naman.

"Kasi, for us, mananahimik na lang kung meron namang pagkakaunawaan, bakit pa naman namin palalakihin? Kasi parang tampuhan ito ng isang magkakapamilya."

Tinatanggap na ba ng Banana Split ang resignation ni RR?

"Ayaw kong mamilit ng tao, e, kung ayaw niya," sagot ni Mama Bear. "Mahirap kasi magtrabaho ang isang tao kapag ayaw mo na.

"Ngayon, kung anuman ang rason niya, iintindihin na lang namin."

Ipinaliwanag din ni Mama Bear kung bakit 10 seconds lang ang naging exposure ni RR sa Banana Split noong Sabado.

Birthday presentation daw kasi yun ni John Prats. Naka-concentrate daw talaga ang episode na yun kay John.

Pero mahaba naman daw ang exposure ni RR sa Banana Split Daily Servings, ang daily edition ng gag show na ito ng ABS-CBN.

Hindi rin daw nila uni-unting tinatanggal si RR dahil nung nag-leave at magpunta siya sa U.S. ng isang buwan ay pinabalik pa rin siya. Sana raw ay ginawa na nilang dahilan yun para hindi na siya nakabalik sa show.

Hindi rin daw tinanggal si RR sa "Balitang Siksik" dahil ang buong segment daw ang nawala. Ipinalit nila rito ang "TV Patrol" segment na tinatampukan nina Pooh, Angelica Panganiban, Pokwang, at John Prats.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Walang intensiyon yun para bawasan siya. Kung nawalan man siya ng segments sa studio, ang dami niyang segments sa backpack na siya mismo ang makaka-attest. Hindi talaga namin maintindihan kung bakit ganoon ang nangyari," sabi ni Mama Bear.

Sino ang ipapalit kay RR at kay Melai Cantiveros na nag-resign na rin dahil hectic na schedule nito?

"Walang ipapalit. Maggi-guest-guest lang," sabi ni Mama Bear.

Pero aniya, "Nakakapagtampo lang na bumibitaw, pero walang concrete na rason. Kasi yung mga sinabi niyang rason ay na-explain ko na sa kanya. Klinaro ko na sa kanya na walang ganun."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN