Dennis Trillo keeps mum about details of breakup with Jennylyn Mercado; not afraid of ex-girlfriend's "bombs"

IMAGE 0


Dwarfina leading man Dennis Trillo keeps mum when asked to reveal details about his recent breakup with actress Jennylyn Mercado. "Kasi personal na mga insidente sa buhay 'yon na hindi na dapat isinisiwalat," said Dennis.


Bagamat kagagaling pa lang sa hiwalayan ay siniguro ng aktor na si Dennis Trillo na maayos naman ang lagay niya at nananatili siyang ganado pagdating sa trabaho.

"Ang paghihiwalay, normal lang na nangyayari sa magkarelasyon. 'Tsaka kung may mangyari mang ganun, siyempre hindi tayo magdu-dwell lang dun, kailangan mag-move on—tuloy ang buhay," seryosong pahayag ni Dennis nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press sa set ng Dwarfina kaninang hapon, April 14, sa Marilao, Bulacan.

Pumasok na sa huling kabanata ang nasabing GMA-7 primetime telefantasya na pinagbibidahan ng aktres na si Heart Evangelista, at siniguro ni Dennis na mas lalong magiging exciting ang mga eksena na dapat abangan ng mga manonood hanggang sa inaasahang pagtatapos nito itong darating na Mayo.

KEEPING THINGS PRIVATE. Hindi siyempre maiwasan na kamustahin ng press si Dennis, lalo pa nga't halos mag-iisang buwan pa lang nang maiulat dito sa PEP ang paghihiwalay nila ng girlfriend na si Jennylyn Mercado. (CLICK HERE to read related article.)

Marami na rin ang mga lumabas na balita at haka-haka kung bakit naghiwalay ang dalawa, subalit nanatiling tahimik si Dennis.

Maging ang mismong manager nga ng aktor na si Popoy Caritativo ay nagpahayag noon sa PEP na hindi magsasalita ang kanyang alaga tungkol sa isyu dahil "napaka-ungentleman" naman daw kung gagawin ito ni Dennis.

Kanina ay nanatiling tikom ang bibig ni Dennis tungkol sa tunay na dahilan kung bakit nagwakas ang almost one-year relationship nila ni Jennylyn.

Hindi rin daw siya natatakot sa sinasabing "pasasabugin" ng kampo ni Jennylyn tungkol sa kanilang nakaraan.

"Alam n'yo kung meron mang pasasabugin, dapat nung umpisa pa lang kasi, di ba, anong use?" tanong ni Dennis.

Nang sabihin ng press na baka itiyempo ang pagsasalita ni Jennylyn sa nakatakdang birthday concert nito sa susunod na buwan ay bahagyang napangiti si Dennis sabay sabi ng, "Ayun!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dugtong ng aktor: "Ako kasi, never ako naging open sa mga nagiging problema kasi yung mga 'yon, personal na ano 'yan... And ayoko maging open 'yan sa public dahil kung ano man 'yon, yung mga nangyari, sa amin na lang yun. Kasi personal na mga insidente sa buhay 'yon na hindi na dapat isinisiwalat."

LESSON LEARNED. Sinabi ni Dennis na noong simula ay nananatiling bukas ang posibilidad na baka maayos pa ang nasirang samahan nila ng aktres.

"Nung bandang umpisa," tango ni Dennis. "Pero ngayon, wala na, wala na."

Patuloy pa niya, "Ganun na 'yon, e. Kasi wala nang mangyayari kung pahahabain pa, baka lalo lang... Yung mga ganung bagay, ibig sabihin, andun nangyayari and hindi natin maiiwasan—minsan uubra, minsan hindi talaga uubra. So, kung hindi uubra, 'wag na lang pilitin."

May natutunan daw si Dennis sa nangyari at ito ay: "Mahirap magkaroon ng syota sa showbiz. Siguro 'yon na talaga yung pinakamalaking lesson na natutunan ko."

Ibig bang sabihin ay matapos ang kanyang nakaraang high-profile relationships kina Carlene Aguilar, Cristine Reyes, at Jennylyn Mercado, ay ayaw na niyang makipagrelasyon sa kapwa artista?

"Malamang ganun na nga lang. Mas tahimik," nakangiting tugon ni Dennis.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN