PEP EXCLUSIVE: Nonito Donaire Sr. apologizes in behalf of Nonito Jr. and Rachel for lambasting the media

IMAGE 0


"Sobrang ligaya ko ngayon. Iba pala ang pakiramdam na wala ka nang sama ng loob sa 'yong puso. Iba ang pakiramdam, akala mo lumulutang ka," says Nonito Donaire Sr. about his reconciliation with son Nonito Donaire Jr.


Hiningi ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang reaksiyon ni Nonito Donaire Sr. sa hidwaan na namagitan sa pagitan ng media at ng kanyang anak na si Nonito Donaire Jr.

Sa reconciliation video na naka-post sa website ni Nonito Jr., ang media ang sinisi nito na nagpalaki raw sa isyu ng away nila ng kanyang ama. Pinangalanan naman ng asawa nitong si Rachel Donaire ang mga sportswriter na inakusahan niyang ginamit ang isyu para magkaroon ng maraming hits ang kanilang mga website. (CLICK HERE to read related story.)

Sa phone interview ng PEP kay Nonito Sr. noong Sabado ng gabi, March 5, mula sa kanilang tahanan sa California, humingi ito ng paumanhin sa media dahil hindi raw sanay humarap sa media ang kanyang anak at manugang.

"Ang akin lang, humihingi ako ng paumanhin sa mga nasaktan. Saka yung media, ako na mismo ang humihingi ng paumanhin para sa kanila.

"Siguro kung minsan, medyo nape-pressure sila [Nonito Jr. at Rachel]. Ang ibig sabihin, rookie sa pakikipagharap sa media.

"Dapat na hindi masabi, bigyan na lang ng konting pasensiya. Ako na mismo ang humihingi ng paumanhin kung anuman ang mga nasabi ng mga anak ko.

"Sana, matuwa na lang tayo na natapos na ang problema. Pagpasensiyahan na lang nila ang mga nasabi ni Rachel. Noong nasa kalagitnaan kami ng pagpapalitan ng mga salita, may media rin na tumitira sa kanila," pahayag ng nakatatandang Donaire.

THE PHONE CALL. Dumating na sa Pilipinas sina Nonito Jr. at Rachel kaninang umaga, March 9, dahil sa kanilang mga tinanggap na commitment. Aasikasuhin din nila ang mga kailangan para sa church wedding nila na idaraos sa November 11, 2011.

Sa guesting nila kanina sa radio program nina Ted Failon at former Vice President Noli de Castro sa dzMM, ikinuwento ni Rachel na siya ang gumawa ng paraan na magkausap sila ng kanyang father in-law, na kinumpirma ni Nonito Sr. sa PEP.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento niya, "Noong Miyerkules ng gabi [March 2], tumawag sa akin si Rachel. Hindi ko nga alam kung siya nga yung tumawag kasi mag-a-alas dose na ng gabi. Saka, nakatulog na ako.

"Nagising ako nang mag-ring ang cell phone ko. Tapos, nang sagutin ko, sabi ko, 'Who's this?' Si Rachel pala. Sabi niya, 'Hi Papa, si Rachel ito. How are you?'

"E, medyo tumaas ang boses ko sa kanya kasi ang akala ko, tumawag siya sa dis-oras ng gabi, magbibigay na naman ng balita. Magsasabi na naman ng masakit para sa akin.

"Ang first reaction ko, tumaas ang boses ko," pag-amin ni Nonito Sr.

THE RECONCILIATION. Pero ang tunay na dahilan daw pala ng pagtawag ni Rachel ay upang makipag-ayos na sa kanila.

"Ang purpose pala niya sa akin, parang reconciliation," sabi ni Nonito Sr. "Pero sa una, medyo nanghingi rin ako sa kanya ng sorry dahil nga sa iba talaga ang tema ng salita ko nang tumawag siya sa akin.

"So, nagpasensiya na rin siya. Siyempre, hindi naman siya nag-react sa mga sinabi ko. Nag-e-explain din siya.

"Anyway, sabi niya, 'Can we talk tomorrow, ni Junjun [palayaw ni Nonito]?' Sabi ko, 'Sige, walang problema.'


THE MEETING. Pagkatapos nito ay ikinuwento na ni Nonito Sr. sa PEP ang pagkikita nila ng kanyang anak at ng asawa nito.

"Nagtagpo kami sa Castro Valley, sa Comfort Suites," banggit niya.

"Noong una, para akong excited na makita siya [Nonito Jr.]. Para bang hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko noong papunta na kami sa hotel. Talagang nanginginig ako. Nandoon yung anxiety ko. Hindi ko talaga mawari ang pakiramdam ko.

"Nang dumating kami sa hotel, ako ang unang pumarada, pero hindi ako bumaba. Nang bumaba ako, tumayo ako sa gilid ng kotse. Maya-maya, si Junjun, lumapit sa mama niya, nagmano, nag-hug sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nang magmano siya sa akin, hindi ko ibinigay ang kamay ko kasi nandoon yung... Kasi ang pagmamano ay isang respeto sa magulang. So, nang magmamano siya, hinawakan ko lang ang kamay niya. Sabi ko, 'Congratulations.' Tumalikod siya na parang mapapaiyak."

Kakapanalo lang ni Nonito Jr. sa laban nila ni Fernando Montiel ng Mexico noong magkita sila ng kanyang ama.

"Nakita ko na may sincerity siya sa pakikipagkita sa akin," sabi ni Nonito Sr. "Humingi ako ng tawad sa kanya nang makita ko ang reaksiyon niya.

"Saka, nagpapasalamat ako kay Rachel dahil siya ang humanap ng paraan na magkabati kami ni Junjun, nagkabati ang buong pamilya. Dahil ang dami-daming tao na nadamay na hindi dapat madamay sa alitang pamilya. Maraming nadamay, mga relatives ko, kaibigan, saka fans ni Junjun at ang media. Trabaho kasi 'yan ng media."

NO MORE LIBEL SUIT. Dahil sa nangyari, hindi na raw itutuloy ni Nonito Sr. ang plano niyang idemanda sina Nonito Jr. at Rachel dahil sa mga sinasabi raw ng mga ito laban sa kanya noon.

"Hindi na ako magdedemanda," sabi niya. "Baka nakonsensiya ang anak ko dahil sa kanyang sinabi na alam naman niya na hindi totoo. Ang akin lang talaga, mabuti na lang, nagkabalikan kami.

"Malaki ang pasasalamat ko dahil isipin mo, mahigit sa dalawang taon yung sakit sa dibdib ko. Ang hirap dalhin. Akala mo mamamatay na ako. Parang mapapaaga ang buhay ko.

"Araw-araw at minu-minuto, nararamdaman ko yung pain kaya sinabi namin na hintuan na. Puro batuhan lang ng masasakit na salita."

Dagdag pa ng ama ng boksingero, "Sobrang ligaya ko ngayon. Iba pala ang pakiramdam na wala ka nang sama ng loob sa 'yong puso. Iba ang pakiramdam, akala mo lumulutang ka.

"Kasi noon, kapag nagmamaneho ako papunta ng trabaho, palagi akong napapaiyak. Maisip ko lang yung mga nasabi nila, talagang tumutulo na yung luha ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero ngayon, first time na nakatulog ako na hindi nag-iisip, na may sama ng loob. Na may tampo kay Junjun. Wala 'yon lahat pagkatapos ng usapan namin.

"Ang sarap ng pakiramdam! Nagpapasalamat ako dahil sila ang lumapit at nagpakumbaba."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN