PEP EXCLUSIVE: Marlene Aguilar challenges QC judge to fisticuffs; threatens release of "video exposé"

IMAGE 0

"Wala pa rin siyang surgery. It's been a year. One year nang nakakulong si Jason Ivler. Dalawang parte ng bituka ang nakalabas. He has internal infection because the jail is dirty. Bakit ayaw nilang pa-ospital ang anak ko? It doesn't make sense!" says Marlene Aguilar about the condition of her son, Jason Ivler (inset), who is now in prison awaiting trial.


Pikon na pikon na si Marlene Aguilar.

Ito ang mariing ipinarating ng nanay ng murder suspect na si Jason Ivler kagabi, March 23, sa isang phone interview sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Tinawagan ng PEP si Marlene matapos mapabalitang nagwala ito sa hearing para sa murder case ng kanyang anak noong hapong ding iyon sa Quezon City Regional Trial Court.

Hinamon din ni Marlene si Judge Bayani Vargas ng Branch 219 sa isang suntukan.

Ayon sa balita, nagwala ang kapatid ng folk singer na si Freddie Aguilar sa gitna ng hearing matapos malamang nawala ng korte ang record ng ballistic test na ginawa sa murder weapon sa naganap na pagpatay kay Renato Ebarle Jr. noong November 18, 2009.

Si Jason Ivler ang itinuturong salarin sa road-rage murder incident.

Agad na itinigil ni Judge Vargas ang pagdinig dahil sa nangyaring kaguluhan. Pag-aaralan daw ng hukom kung dapat bang i-cite for contempt si Marlene dahil sa paggawa niya ng eskandalo.

Samantala, naniniwala naman si Senior State Prosecutor Richard Fadullon na dapat ngang patawan ng parusang contempt si Marlene dahil sa nangyari sa pagdinig.

LOSS OF EVIDENCE. Sa ekslusibong panayam ng PEP kay Marlene, sinabi nitong nagalit siya nang malamang nawala ang isang ebidensiya na magpapatunay umano na walang kasalanan ang kanyang anak, na noo'y pumasok sa pag-aartista.

Bagamat puno ng emosyon, may reservations pa si Marlene sa pagsasalita, at tila pinipili niya ang kanyang mga sasabihin sa telepono.

Naniniwala raw kasi siyang sinadyang iwala ang ebidensiya.

Pahayag niya, "Kasi ano, actually I've known for some time, for a long time, but I didn't know whom to trust, I didn't know what to do about the information I had. And, so...

"The murder [evidence] should be submitted to SOCO (Scene Of the Crime Operatives), the crime lab ng Crame... The records in SOCO said it was given to Judge Balut, it was received by Judge Balut."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Judge Alexander Balut ang unang hukom sa kaso. Nag-inhibit siya noong August 2010, at napalitan ni Judge Vargas.

Pagpapatuloy ni Marlene, "Between Judge Balut and Judge Vargas, this record disappeared. This is the most important evidence, okay, that could ever prove Jason's innocence. And it's gone.

"I don't know how much to tell you because this is really DOJ [Department of Justice] stuff. DOJ na ang nakikialam dito, e. So tinanong si Judge Vargas ng isang mataas na opisyal ng DOJ, sabing ganun, 'Bakit nawawala ito? Bakit nung napunta sa 'yo, wala na itong record na ito?'

"Sabi naman niya, 'E kasi po, wala na 'yan nung mapunta sa akin.' So, either nawala sa kanya, winala ni Balut or siya, but, I don't know... Puwede ring magkakakuntsaba sila because the executive judge should know that this record should be there to begin with.

"This is the most controversial case in so many years. Hindi naman puwedeng basta mawala na lang yung napakaimportanteng papel ng SOCO."

Nalaman na nawawala ang records nang mag-request umano ang Bureau of Immigration ng mga kopya ng court records.

"According to our source in NBI, the murder weapon is missing as well. So, yun yung kaninang pinapalabas ko. Ilabas n'yo yung murder weapon! Ilabas n'yo yung findings ng SOCO! Kasi wala na dun sa file ni Ivler, e," saad ni Marlene.

Inulit pa ni Marlene na ang nawawalang ebidensiya raw ang mag-aalis ng sala sa kanyang anak.

"Now, yung findings nun were submitted to Judge Balut. Apparently the murder weapon was registered to an NBI agent. There were two fingerprints found on the gun, none belonging to Jason...

"Kaya kanina, yun yung sinasabi ko sa media kanina, nung nasa court kami, nasaan yung murder weapon? Alam n'yo ba na yung murder weapon is registered to an NBI agent? There were two fingerprints; wala si Ivler. Asan na yun? Ilabas na yun? Sabi ko kay Judge Vargas, 'Judge Vargas, asan na yung murder weapon? Sagutin mo nga!'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ipapa-inhibit daw nina Marlene si Judge Vargas sa mga susunod na pagdinig. Naniniwala rin siyang mapapawalang-sala na si Jason, na nakakulong pa sa ngayon sa Quezon City Jail.

"Kaya nga pinapalabas yung murder weapon. Anong gagawin nila kung walang murder weapon? At paano nila sasabihing anak ko ang bumaril kung wala namang fingerprints dun sa baril na nakapatay kay Ebarle, at kung sa NBI din pala yun?" pagdidiin niya.

VIDEO EXPOSE. Bukod sa hamon na pakikipagsuntukan, may dagdag pang banta si Marlene. May ilalabas daw siyang video kung sakaling ipa-inhibit siya ng korte at ni Judge Vargas.

"Kung ako i-contempt of court niya, maaatake siya sa puso sa ilalim. At baka ilabas ko pelikula niya. Baka maglabas ako ng pelikula, at maglabas ako ng paper trail. Mga hayop sila!

"Pikon na pikon na ako diyan sa mga 'yan! Isang taon na! Isulat mo, subukan niyang i-contempt of court ako! Kasi hindi malaking kasalanan yun! Mas malaki kasalanan niya! And I can prove it on paper, at baka ilabas ko pelikula niya," saad niya.

Nang tanungin naman siya ng PEP kung tungkol saan ang pelikulang ito ay pahapyaw lamang ang sagot ni Marlene, at tila umiiwas itong ibigay ang detalye.

"Pelikula ng mga judge sa city hall, siguro may mga video yun na kumakalat-kalat... Baka may mga nakapag-video sa kanila, baka lang, na tumatanggap sila ng pera. Ewan ko kung anong gagawin nila. Baka lang!" saad niya.

Ngunit matapos ang panayam ay agad namang nagpadala ng dagdag na text message si Marlene.

"Hoy, Judge Vargas bago namatay si Fiscal Sunio ng DOJ alam mo bang may video syang iniwan at ikaw ang leading man dun? Saan kaya napunta ang videong yun? Bakit kaya may perang involve dun?" pahayag ni Marlene sa text.

WITNESS'S ACCOUNT. Isa sa mga taong dumalo sa hearing ang nakapanayam ni Karen Pagsolingan, na managing editor ng PEP, tungkol sa eksena. Hiniling nito na huwag na lang pangalanan dahil ongoing pa rin ang hearing.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, nagsimulang magwala si Marlene noong "nag-oppose" si Senior State Prosecutor Fadullon sa motion ng abugado ni Ivler na pabalikin na ang kanyang kliyente.

Hindi ito napagbigyan dahil wala namang "written waiver," ayon sa source ng PEP.

Tungkol naman sa tanong ng ina ni Jason na, "Where's the murder weapon?"

Ang pagkakaintindi ng source ng PEP, "May procedure kasi na sinusunod. Start pa lang ng hearing, at yung first eyewitness pa lang ng prosecutor ang iprinesent."

Na-reset ang hearing sa April 6.

Sinubukan din naming kuhaan ng pahayag si Judge Vargas sa Branch 219, subalit ang sabi ng nakasagot sa linya, "Hindi kasi nagpapa-interview si judge..."

Bukas ang PEP na agad ilathala ang anumang sagot o komento ng sinumang indibidwal na nabanggit sa artikulong ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN