PEP EXCLUSIVE: Anna Leah Javier pours out her grief at the untimely death of live-in partner John Apacible

IMAGE 0


"Gusto ko siyang makilala like every day na nakilala ko siya. Kasi, he calls me ano, e. Meron kasi siyang tawag sa akin, na hindi ko alam kung ano ang meaning, pero yun ang tawag niya sa akin—adsubait. Hindi ko alam ang meaning no'n, pero I so love it dahil alam kong mahal niya ako pag tinatawag niya akong gano'n," says Anna Leah Javier (main photo) about boyfriend John Apacible (inset, top). John's children (inset, bottom)&


Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang sexy star na si Anna Leah Javier sa burol ni John Apacible kagabi, March 21, sa Greenland Executive Village sa Cainta, Rizal.

Si Anna Leah ang live-in partner ng aktor, na namatay noong madaling-araw ng Linggo, March 20, pagkatapos itong barilin ng sarili niyang tiyuhin habang nag-iinuman sila. (CLICK HERE to read related story.)

Kahit na nagluluksa si Anna Leah ay nagpaunlak siya ng panayam sa PEP sa pamamagitan ng fashion designer na si Gener Gozum, na malapit nilang kaibigan.

Ikinuwento ng dating miyembro ng Viva Hot Babes sa amin kung paano niya nalamang nabaril si John.

"Tinawagan ako ng mommy niya," simula ni Leah, na halatang galing pa sa pag-iyak. "Shocked ako, tapos nag-breakdown, tapos umiyak nang umiyak. Kasi may point ng disbelief, kasi, hindi ko matanggap [ang pangyayari].

"Tapos, nung kaya ko nang umalis, nagpunta na ako agad sa hospital, nung nasugod na siya. Dead on arrival... Tapos, nakita ko siya...

"Actually, magkasama kami [live-in], di ba? So, nakikita ko siya nang maayos, masaya. Binebeybi ko nga yun, e. So, ang sakit-sakit na makikita mo siya sa ganung kalagayan. Sa ganoong sitwasyon."

Meron ba siyang premonition sa pagkawala ni John?

"Wala, wala akong naramdaman o premonition," sagot ni Anna Leah.

MORE THAN EIGHT YEARS. Naging maganda ba ang kanilang pagsasama ng mahigit eight years?

"Siyempre naman," mabilis niyang sagot. "Hindi naman kami magtatagal ng gano'n katagal... Actually, eight years and six months na kami, going nine years.

"Siguro naman, hindi kami magtatagal ng gano'n kung hindi kami masaya, despite the problems. Kasi, wala naming perfect na relationship. Wala ring perfect na boyfriend, in the same way that I'm not a perfect girlfriend. Pero masaya kami."

Kailan ang huli nilang pag-uusap ni John?

"Actually, hindi kami nagkita for a week. I was here last Sunday [March 13]. Pero three weeks na siyang wala sa bahay," pagtukoy ni Anna Leah sa tinitirhan nilang condo unit sa Ortigas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Patuloy niya, "Kasi, nagkaroon kami ng konting problema, na gusto naming ayusin... Pero hindi siya umalis ng bahay na magkaaway kami. Hindi siya umalis ng bahay na magkahiwalay kami. Hindi kami hiwalay. Walang gano'ng situation.

"Pero meron kaming dapat ayusin. Kasi, parang we felt na ang tagal-tagal na namin, hindi pa kami kinakasal. So, we really planned to settle down na talaga, pero there are issues na kailangan naming ayusin sa sarili namin.

"Like siya, alam kong artista siya, nasanay siya sa gano'ng buhay. Sa lifestyle na happy go lucky. Maraming friends. May bisyo. Mahilig sa gimik.

"If we are to be together, he has to change that, e. He has to overcome that stage. He has to grow up. To [be] mature—yun ang gusto kong mangyari.

"And that was what he was doing... Inaayos naman niya ang sarili niya. And at the same time, ako din, kasi meron siyang pinagseselosan."

May pinagseselosan on her side?

"Oo," pag-amin ni Anna Leah. "So, ayun... Parang gusto naming pareho na kung magsasama kami... Kasi, talaga naming hindi tama sa mata ng tao at sa mata ng Diyos especially, na nagsasama kayo na hindi kayo kasal.

"We've been doing it for the longest time kasi mahal ko siya at mahal niya rin ako. Nagmamahalan kami. So, gusto naming ayusin 'yon."

MARRIAGE PLANS. May mga naging misunderstandings ba sila noong nagsasama sila?

"Walang misunderstandings," sabi niya. "Kasi, pareho naming alam kung ano ang dapat naming gawin, e. Pareho naming alam kung ano ang problema namin, and inaayos namin yun.

"Tapos, when he was planning to go back na... Kasi sabi niya... Nabasa ko lang sa mga text ng friends niya, na uuwi na raw siya ng bahay, kasi gusto niya, magpapakasal na raw kami. Nabasa ko sa text ng mga closest friends niya, yung common friends namin. Tapos, si Mommy, sinasabi niya na yun din ang plano niya [John].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And for how many days, pinapauwi ko na talaga siya. Kasi, this is the longest time na umalis siya ng bahay na hindi ko siya sinuyo, e. Kasi, gusto ko kasing maging sure na, e, na hindi kami magkakaayos ngayon, pero bukas, gano'n na naman.

"Gusto ko, maging natural talaga yung process. Na, 'Kapag talagang feel mo na, balik ka dito.' Ayoko siyang pilitin. Kahit sobrang nami-miss ko siya, hindi ko siya niyayaya.

"Pero kung minsan, nami-miss ko talaga siya. Sabi niya, magpapahinga lang siya, 'Magbabakasyon lang ako dito...' Ayun, tapos it happened. Wala na!"

So, nawasak ang kanilang pangarap na magpakasal?

"Oo, kasi, unang-una, nagkaroon kami ng sarili naming place ngayon because we wanted to be together, so we built it together. Every piece of it, part yun ng pagsasama namin. Kaming dalawa yun sa condo.

"I mean, tumira kami doon, wala pa kaming gamit—walang upuan, walang kurtina. As in over the years, pinuno namin yun, pinundar namin yun. Tapos, we invested in other properties din na kaming dalawa talaga.

"So, lahat in-invest mo... Hindi lang yung money, e. Yung emotions. Yung dedication mo. Yung every working day mo, iniisip mo kung para saan yun. Para sa future n'yo. Tapos, parang biglang bumagsak lahat," saad ni Anna Leah.

Sinasabi ba ni John sa kanya na gusto na niyang magpakasal sila?

"He's always been vocal about it," ani Anna Leah. "As in two years ago, consistently, sinasabi niya, gusto na niyang magpakasal. 'Just wait for me,' sinasabi niya sa akin.

"Siyempre, ayaw niyang biglain, siyempre kailangan maging financially stable rin siya. Although I know he has the desire to marry me, yung finances, kailangan meron ka, e. Ready ka. Yun sana ang pinaghahandaan niya.

"More than that, yung emotions... Kasi, hindi naman puwedeng mag-decide kang mag-asawa, gano'n pa rin ang lifestyle mo, e. Aalis ka ng bahay, gigimik ka, uuwi ka kinabukasan... Siyempre, pag gano'n, magugulo at magugulo kayo, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yun ang gusto kong maayos namin. And siguro, enough na ang eight years na ibinigay ko para ma-enjoy na niya, di ba?"

Dumating daw sa punto si John sa kanyang buhay na nagbabago na ito, unti-unting nagma-mature kahit late na, hanggang sa dumating ang trahedya.

"Oo, 'tsaka yung desire niya na sobrang ayusin niya ang buhay niya, andun. Yung desire niya na magbago. Not only for me, but for himself. Tapos, may mga anak siya, magka-college na. Tapos, he's not getting any younger.

"Ilang taon na rin siyang gano'n, so he wanted a different life. Pahinga na siya sa gano'n."

Sa loob ng eight years, wala silang naging baby?

"We wanted to have. Kaya lang, out of... Hindi pa kasi kami kasal, e. Ang gusto ko kasi, kung magkaka-baby kami, pag kasal na kami. Desisyon ko yun, ako... That's my personal..." sabi niya.

FAMILY TRAGEDY. Sinabi rin ni Anna Leah na wala naman daw silang problema ng pamilya ni John, kahit na ang mga naiwang anak nito na sina Auren, 17, at John-John, 15.

"Walang problema sa family side nila. And yung sa family ko, kahit na hindi sila okey sa gano'ng set-up, I made them accept it. Kasi, mahal ko yung tao, e."

Mabigat ang pinagdadaaanan ni Anna bilang babaeng pinakisamahan ni John sa loob ng mahigit walong taon. Pero ang buhay pala ng lalaking minahal niya'y tatapusin ng mismong kadugo nito—ang tiyuhin ng aktor na si Armando Rustia.

Ano ang nararamdaman ni Anna Leah na kamag-anak pa ni John ang tumapos sa buhay nito?

"Siyempre, sobrang sakit. I don't have to say the obvious," sabi niya. "Tapos, kakilala ko pa. Sobrang taas ng respeto ko do'n sa tao, kasi tito niya, e.

"Nagpupunta yun sa condo... Every so often, nagpupunta kami diyan [sa bahay ng suspect]. Parang, you can't help question why, di ba?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kinompronta ba niya ang lalaking pumatay kay John?

"After that? No! And I don't wish to talk to him ever!" mariing sabi ni Anna leah.

Ano naman ang masasabi niya sa pagsuko ng tiyuhin ni John sa mga awtoridad?

"It's in the news, di ba? I haven't seen him, pero yun ang nasa news. Pero ang alam ko, naka-hospital arrest siya, e [dahil umano sa hypertension]. Pero ang gusto ko, makulong talaga siya! Gusto kong makulong talaga siya!" galit na sabi ni Anna Leah.

Ang pamilya ba ng mga Apacible ay magsasampa ng kasong krimen laban sa tiyuhin ng aktor?

"Siyempre, as much as possible, gusto naming mabigyan ng justice ang kamatayan ni John. Alam n'yo kasi... Alam kong gusto pa niyang mabuhay, e. Ang dami-dami pa niyang plans sa buhay niya. Ang dami pa niyang gustong gawin.

"Every day, nagdyi-gym siya. Every day, tsinatiyaga ko 'yan, magka-carrot juice kami. I mean, that's how we take care of ourselves. That's how he takes care of himself. Tapos, sa isang iglap, gano'n na lang ba yun?"

Dagdag niya, "At saka 'yang si John, ang laki-laking tao, pero parang bata 'yan. Yung heart niya, kahit na meron siyang imperfections, sobrang pure ng heart niyan. Very genuine makisama. Very genuine niya i-treat ang mga tao, lalo na pag mahal ka niya, he loves you genuinely.

"Kasi, inevitable yung nagkakamali ka, di ba? Pero kung sa pagiging tao at pagiging tao lang, sobrang tao siya. Sobrang bait. Kasi, otherwise, hindi rin naman ako tatagal [sa kanya]."

Since mahal niya ang taong namatay, gusto ba niyang ituloy ang pagdedemanda ng kasong krimen sa tiyuhin ni John?

"I'm not in the position to decide, dahil unang-una, hindi pa naman kami kasal. Mahal na mahal ko siya, pero wala ako sa posisyon.

"May immediate family siya na kailangan nating hintayin kung ano ang magiging desisyon nila. But in case na hindi nila itutuloy yun, I will be the one to do it.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, parang... Naman! Ano naman klase ako [kung wala akong gagawin]? Oo, to give justice rin," sabi niya.

Naging close din ba siya sa uncle ni John na isang seaman?

"Kasi, yung family naman niya, talagang nakilala ko na for many years. So, every time na uuwi ang tito niya sa bansa, kasi nga seaman ito, they would invite us. Pupunta kami. Or minsan, i-invite namin sila sa condo. So, may ganoong relationship."

DRINKING PROBLEM. Aminado si Anna Leah na ang "bisyo" ni John ay pag-inom. Ano ang masasabi niya na sa pagkalasing namatay ang boyfriend niya?

"Oo nga, e. Pero yung time na yun, feeling safe ako, dahil nandoon nga siya [sa bahay ng uncle niya]. So, wala akong ine-expect na tragedy na mangyayari.

"Nagpadala pa nga ako ng mangga sa kanila, so gano'n yung confidence na safe siya. Tapos, earlier than that, tumatawag ako dito, kasi gusto ko nga siyang kausapin.

"So, I looked for Mommy [John's mom]. Si Mommy rin, andun. So, confident ako na they're having fun.

"Yung mangga, I was supposed to bring it sa kanya, kaso anong oras na, alas-dose na ng hatinggabi. So, late nang dumating. Pero yung conversation, hindi ko talaga siya nakausap."

PAIN OF LOSING SOMEONE. Papaano niya pinaglalabanan ang nararamdaman niya ngayon?

"Yung nararamdaman kong pain, it's normal. Kailangang pagdaanan yun. It's a process. So, you just have to go through it, and eventually, sana mag-heal.

"Siguro, it's a matter of accepting na lang na in everything, talagang merong purpose si Lord, e, hindi puwedeng wala.

"Masakit kung sa masakit. Hindi mo mai-de-describe yun. May pain. Tapos, may galit. Pero hindi ka naman puwedeng... Di ba?

"Only the Lord knows His purpose. Hindi mo puwedeng tanungin o kuwestiyunin yun," saad ni Anna Leah.

Paano niya gustong maalala si John ngayong pumanaw na ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Gusto ko siyang makilala like every day na nakilala ko siya. Kasi, he calls me ano, e. Meron kasi siyang tawag sa akin, na hindi ko alam kung ano ang meaning, pero yun ang tawag niya sa akin—adsubait. Hindi ko alam ang meaning no'n, pero I so love it dahil alam kong mahal niya ako pag tinatawag niya akong gano'n."

May suporta rin daw ang family ni Anna sa pinagdaraanan niya ngayon.

"My family loves me. So, kung sino yung mahal ko, mahal rin nila. And if I'm hurt, they're also hurt for me. Siyempre, napamahal na rin sa kanila si John dahil during the relationship talaga, nilapit ko siya sa family ko, kasi importante yun. My parents love him.

"As I said, kahit na ang dami-dami niyang imperfections, kailangang tanggapin siya ng family ko."

JEALOUSY. Nag-follow up kami ng tanong kay Anna Leah tungkol sa sinabi niyang parang may "pinagseselosan" si John sa kanya.

"May pinagseselosan siya," pagkumpirma ni Anna Leah. "First time niyang nagselos ever ng gano'n... Nagseselos siya dati, pero hindi gano'n katindi. Ito ay serious.

"Kasi, di ba, lagi akong nagso-show? Lagi akong out of the country o out of town? Siyempre, nakakita ako at nakakakilala ako ng mga tao na may iba't ibang culture...

"May mga things na hindi ko ma-explain, kasi hindi niya maiintindihan, e. Like I went to Dubai. Siyempre, natural, magpapa-picture. May pictures. Natural, makikisama ka sa iba.

"May mga bagay na hindi niya maintidihan dahil lalaki siya. Na kahit na anong explain ko, may gano'ng dating pa rin."

Isa ba ito sa dahilan kung bakit umalis si John sa Ortigas condo nila three weeks ago at "nagbakasyon" ito sa bahay ng pamilya nito sa Cainta?

"Hindi naman yun ang dapat na maging dahilan kasi hindi ko naman siya pinagpalit. Sana kung pinagpalit ko siya. But the thing is, there was a time na nagkaroon ng point of comparison," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Comparison ng ano?

"Comparison ng sitwasyon," sabi ni Anna Leah. "Ahm, kasi, ano, e, naka-appreciate ako ng iba. Hindi ko siya pinagpalit. Naka-appreciate ako ng iba—hindi yung tao, but the way I was made to feel. Hindi yun sa tao."

Kinumpronta ba siya ni John tungkol sa lalaking yun na na-a-"appreciate" niya?

"Tinanong niya ako kung boyfriend ko yun, sabi ko hindi. Tapos, nagtanong siya tungkol dun sa tao, sabi ko, 'Saan mo narinig 'yan?' So, sa point na yun, siguro nagkaroon siya ng... Ang hirap kasing magsalita, e... Siguro, nagkaroon siya ng insecurities.

"E, ang insecurity, pag pumasok 'yan sa utak, ang hirap niyan! Pag pinabayaan mo ang insecurity na 'yan, aabot 'yan hanggang utak. So, ganun ang nangyari sa kanya.

"So, kahit na anong explanation ko, dahil nga sa gusto kong maging maayos kami, nagsabi ako sa kanya na ganito ang gusto kong mangyari, na 'Magkaroon ka ng maturity, hindi yung every time na lang na yayayain ka ng barkada, go ka, as if there is no tomorrow.'

"Siyempre, hindi puwedeng forever, ganoon, di ba?" saad ni Anna Leah.

REMEMBERING JOHN. Ano ang message niya sa mga nakiramay sa kanila sa pagpanaw ni John?

"Yung relationship naman namin ni John was never showbiz 'coz we kept it private, e. May mga nakakaalam din sa showbiz, mga close friends namin.

"Para sa mga sumusuporta or nagko-condole, I just have to thank them. Doon mo makikita na marami pala ang nagmamahal sa kanya. Sobrang galing niyang actor, pero underrated.

"Namu-move ako kasi mga tumatawag sa aking mga kaibigan niyang lalaki, umiiyak. Para iyakan ka ng mga kaibigan mong lalaki, that's something. Kasi, ibig sabihin, ganoon katindi ang emotions nila na napamahal na sila sa kanya. Saka hindi ka naman mamahalin kung hindi pure ang heart mo, e. Thankful na rin kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sana, palagi pa rin siyang ma-remember ng tao. Kapag sikat ka nga... Si Michael Jackson, namatay, pero ang daming supporters. Aalalahanin ka lang naman for a time, pero after that, wala na. Pag-uusapan ka lang for two or three or five years, pero makakalimutan ka rin.

"So, sana, hindi lang siya ma-remember bilang isang artista, kundi bilang tao na may mga na-touch siyang buhay. Sana, ma-remember siya forever, hindi lang ng pagiging artista niya, pero as a person. Kasi, sobrang galing niyang makisama," madamdaming pagtatapos ni Anna Leah.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN