Amy Perez on ex-husband Brix Ferraris: "Sana lang magpakita siya sa anak niya."

IMAGE 0


Sa mga issue na tinalakay sa Face to Face, sobrang naaapektuhan ang host na si Amy Perez sa topic ng pangangaliwa ng asawa. "Palagi kong sinasabi sa mga guest naming babae, 'Kapag nagbi-break kayo ng relationship at ng asawa, huwag n'yong isipin na end of the world na. Mayroong light at the end of the tunnel,'" she says.


Lubos ang pagpapasalamat ng TV5 host na si Amy Perez dahil sa suportang kanyang natatanggap para sa programa niyang Face to Face, na kasalukuyang nagdiriwang ng unang anibersaryo.

At bilang pasasalamat, mga espesyal na episode ang ipapakita ng kaniyang programa ngayong linggo.

Kabilang sa mga ito ang kasalang-bayan na kanilang inihandog para sa mga manonood na gustong magpakasal at ang mga hindi malilimutang kumprontasyon na naganap sa programa.

Ipapakita rin ng Face to Face ang kaso ng mga huli-sa-aktong pagtataksil.

Sa nakaraang isang taon, halos 275 episodes ang naipalabas ng morning talak-serye ng TV5.

Mula sa mga ito, aminado si Amy na may ilan dito na talagang tumatak sa kanya. At ang madalas na problemang sobrang naaapektuhan siya ay ang mga pangangaliwa ng asawa.

"Sa totoo lang, yung mga tao nga, hindi nila alam na every time, kapag ang topic tungkol kunwari sa bigamy, adultery, nangaliwa, ganito... parang ako, gusto kong lumubog sa lupa because I am in that situation," sabi ni Amy sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media.

Ito ay naganap matapos ang ng anibersaryo ng Face to Face na ginanap kanina, Marso 28, sa Annabel's Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Hanggang ngayon, hinihiling pa rin ng TV host na ma-annul na ang kanyang kasal sa dating bokalista ng South Border na si Brix Ferraris.

Kung sakali, gusto na rin sana nilang magpakasal ng kanyang boyfriend of six years na si Carlo Castillo.

Ayon kay Amy, "Parang naba-bother din ako doon. Baka sabihin ng mga tao, 'Ito namang si Amy, may karelasyon pa rin.' Parang 'yon din, nafi-feel bad ako doon. Hindi naman ako nang-agaw. Kaya nga hinihintay ko na lang din na makasal kami para din naman sa mga bata. Sana maawa ang DOJ sa amin." Ang DOJ ay ang Department of Justice.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ngayon, sabi ni Amy, wala na siyang kahit anumang paraan ng komunikasyon sa dating asawa. Kaya naman maituturing niya na wala pang "closure" sa kanilang dalawa.

"Hi-nang niya kami ng parang telepono. Iniwan niya kami sa sampayan na parang sando," pabirong sabi niya.

Maayos na ang lahat sa kanyang buhay, subalit, "Talagang 'yon na lang ang hinihiling namin. We are truly so blessed na talaga. Finally, masasabi ko na 'the storm has passed.'"

Sa press conference, biniro si Amy kung handa na siyang makipag-Face to Face kay Brix.

Natawa lamang siya, sabay sabi na, "Sana lang si Brix magpakita sa anak niya. 'Yon lang ang wish ko."

"WE'VE STOPPED LOOKING." Samantala, bagamat sobrang tagal nang hindi nagpaparamdam ang dating asawa sa kanila, madalas naman na pinakikiramdaman ni Amy ang kanyang anak.

Kamakailan lang ay nagkaroon sila ng heart-to-heart talk ng kaniyang 13-year-old na anak matapos ang 7th-grade graduation nito sa De La Salle University, kung saan nagkaroon siya ng isang song number kasama ang ilan pa niyang ka-batch.

Kwento ni Amy, "Sabi ko lang sa kanya, 'You know, Adi, I just want you to know that dad [Carlo] and I love you so much. And we feel so blessed kasi na-witness namin ito.'

"'Don't feel bad that your pops did not see this. We cannot rewind it anymore. It's his loss, not yours. Huwag kang malungkot anak. Be happy.'

"Alam mo, sobrang na-touch ako kasi parang mamang-mama na siya. Kasi, ang sinabi lang niya sa akin, 'Mom, that's okay. Don't cry.'

"Kasi, siyempre once in a while, I also have to check the emotions of my son when it comes sa pops niya. I think, hindi rin naman nagkulang si Carlo in filling that up. So, wala na talaga akong hihilingin pa."

Nang tanungin ng PEP kung may pagkakataon bang nakausap na ni Adi ang kanyang amang si Brix, sumagot si Amy, "We have stopped looking for his father. Last presscon nga para sa Sapul sa Singko, sinabi ko nga na nag-try naman siya to reach out to his dad sa Facebook. Hindi siya sinagot."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag pa ni Amy, "Parang sinabihan din siya ng daddy Carlo niya na, 'Tama na, anak. We've done our part.'"

Kahit na hindi pa rin nabibigay ang hiling niya na ma-annul ang kanyang kasal sa dating asawa, masaya raw si Amy sa kanyang buhay ngayon.

Kaya naman nasabi niya, "Palagi kong sinasabi sa mga guest naming babae, 'Kapag nagbi-break kayo ng relationship at ng asawa, huwag n'yong isipin na end of the world na. Mayroong light at the end of the tunnel.'"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN