Zoren Legaspi reveals Ruffa Gutierrez still confides in him; says wedding with partner Carmina Villarroel "is just around the corner"

IMAGE 0


"Kaya kami nagkahiwalay noon, e. Kasi noong nag-Miss World na siya, iniwan niya ako, e, naging international siya, e. Ang dami niyang nakilalang personalities, kumbaga naiwan ako sa kanya. Umangat siya sa akin in terms of career, yung mundo niya biglang lumaki masyado," says Zoren Legaspi about ex-girlfriend Ruffa Gutierrez (inset).


Naging special guest co-host si Zoren Legaspi sa Paparazzi ng TV5 kahapon, June 5, dahil wala ang regular hosts na sina Mo Twister at Dolly Anne Carvajal.

Kasalukuyang nasa Paris pa si Mo, habang si Dolly Anne naman ay nasa Palawan at naging judge sa Miss Earth Philippines kagabi.

Kaya sina Ruffa Gutierrez at Cristy Fermin ang tanging nakasama ni Zoren sa paghu-host.

Siyempre, hindi rin nakaligtas sa pang-iintriga si Zoren lalo na't madalas pa silang magkatabi ng dating kasintahan na si Ruffa.

Isinalang pa nga siya sa "Presscon Express" segment ng show.

WHEN IS THE WEDDING? Unang inusisa kay Zoren ng mga bisitang press ang tungkol sa pagkakaudlot ng planong pagpapakasal nila ni Carmina Villarroel.

Ang pangako kasi ng GMA-7 sa kanila noon, kapag nag-anniversary ang morning show nilang mag-asawa na Love ni Mister, Love ni Misis ay magaganap na ang kasal nilang dalawa na sasagutin ng show.

Pero hindi nga umabot ng isang taon ang show at nawala ito sa ere kaya naudlot din ang kasal.

May image din umano ng pagkakuripot si Zoren kaya wala munang kasal.

Ang tanong tuloy kay Zoren ay kung may balak pa ba siyang ituloy ang kasal o maghihintay pa siya ng bagong show na willing gumastos sa kasal nila?

"Well, unang-una, yung kasal is just around the corner," sagot niya.

"Ang nagiging problema namin, hindi namin alam na hindi pala kami kasal.

"So, ganun ka-stable yung relationship, e."

Pero may kulang pa rin?

"Sa aming dalawa, walang kulang," sabi ni Zoren.

"But yung mga formality, yung mga papers, yun ang nagiging kulang.

"Nabi-bring up 'yan pag may mga reporters tayong nagtatanong tungkol sa kasal.

"Pero pag-uwi namin, nalilimutan talaga namin."

Ganun sila ka-secure?

"Honestly," sabi niya.

"And if ever may kasalang mangyayari, hindi naman siya big bang na wedding.

"Few friends and relatives lang," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tungkol naman sa isyu ng pagiging kuripot, ibinuko naman ni Ruffa si Zoren tungkol dito.

Kuwento ni Ruffa, "Talagang totoo yung sinabi ni Jun Lalin [na may pagkakuripot daw si Zoren].

"Si Mareng Carmina, she's watching right now... Every time na nagsu-shooting kami noon ng Shake Rattle and Roll, ang promise niya, ice cream, ketchup...lahat ng endorsements niya.

"Humingi siya ng lechon kay Mommy [Annabelle Rama]. Ganun siya kakapal!

"Binigyan ko siya ng lechon Cebu para sa family reunion nila.

"Hanggang ngayon, wala pa rin yung ice cream at ketchup.

"Sana yung something ano naman. Malapit na ang birthday ko," lambing pa ni Ruffa.

Nangako naman si Zoren na ipadadala na lang daw niya.

MONEY MATTERS. Sumunod na inusisa kay Zoren ang pagiging top product endorsers nilang buong pamilya.

Kaya ang tanong ay kung paano nila ine-enjoy ang mga kinikita nila at saan napupunta ang kinikita ng anak nilang kambal na sina Mavie at Cassy?

"Yung kita doon sa mga endorsements, yun ang pera na ayoko talagang mawala.

"Yung iba kasi sasabihin, it's an easy money, easy income kasi one to two days lang ang shoot, pinakakawalan nila.

"Baliktad ako. Pag easy money, lalo kong iniingatan kasi talagang it's really a blessing.

"Ngayon, ayoko ring sermunan ako nung kambal na, 'Ikaw, Tatay, ang tanga-tanga mo. Kumita kami noong araw, hindi mo man lang in-invest at pinalago ang pera namin.'

"Kasi ang isang bilyon ngayon, ten years from now, hindi na pareho ang halaga.

"So, naka-invest talaga yun.

"Meron na kaming mutual understanding ni Carmina, basta pera ng mga commercials, ako ang may hawak."

ISSUE WITH SHALALA. Nabanggit na rin naman ang tungkol sa defunct morning show nila ni Carmina, gaano katotoo na may nakaalitan daw siyang staff sa show kaya tuluyan nang tinigbak ang show nila?

"First of all, yung show na yun, hanggang ngayon maraming naghahanap, lalo na yung may mga age, yung may mga edad, kasi natutuwa sila doon sa output and input ng show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"But, you know, may mga istasyon na... They have their own reasons kung bakit nila tinatanggal yung mga shows.

"Doon sa natsismis sa akin noon na meron akong pinagagalitan na mga staff doon, sinisigawan ko raw at ang sabi namura ko nga raw. Hindi ako ganun.

"Nanggaling kasi 'yan... Kay Shalala nanggaling 'yang isyu na 'yan. Nanggaling 'yan sa blind item.

"E, ako naman kasi pag blind item, sasabihin ko, 'Ako 'yan, ako ang pinag-uusapan diyan.'

"So, tumawag agad ako kay Kuya Germs [German Moreno, kaibigan at mentor ni Shalala].

"Sabi ko, 'Kuya Germs, ano ang balita? Bakit ganun si Shalala?'

"Hanggang sa may pinaliwanag sa amin si Kuya Germs na ganyan talaga ang blind item, blah, blah, blah.

"Tapos, pumunta nga si Shalala sa set. Bilib ako kay Shalala doon.

"Sabi ko, 'Kalimutan na natin. You don't have to really say I'm sorry.' Kasi may dala pang flowers. So, yun.

"Kasi ang balita naman po kasi nagkakamali.

"Ang maganda lang doon, may recovery siya."

ON DIRECTING BB GANDANGHARI. Bukod sa pagiging aktor ay nagdidirek din si Zoren.

Kung mabibigyan ng pagkakataon, willing ba siyang idirek si BB Gandanghari o si Rustom Padilla, na dating asawa ni Carmina?

"You know, sa akin, kaya ko siyang idirek," sagot ni Zoren.

"Ang problema, pagkatapos noon. Ibo-bombard ako ng mga questions.

"Kailangan ready ako to answer any questions kahit below the belt."

Pinuri naman ni Cristy si Zoren na noong panahon na nagladlad si BB ay walang narinig na salita sa aktor at maging kay Carmina.

"Wala naman kasi kaming bad blood ni BB. 'Madame BB' nga ang tawag ko sa kanya, e.

"You know, hindi kami na-introduce formally kahit noong noon pa," sabi niya.

Hindi ba niya natanong si Carmina kung hindi man lang ba nito naamoy na si Rustom ay ganun?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam mo kasi si Carmina, may pagka-dedma. Masyado siyang kampante sa isang relationship.

"Ako nga, hindi niya alam kung saan-saan ako nanggagaling, e!" tila pambubuko ni Zoren sa sarili niya.

Pero natatawang bawi niya, "Pero doon lang naman sa ano lang...diyan-diyan lang.

"Ibig kong sabihin, wala naman akong ginagawa.

"Hindi ako nagpapaalam sa kanya. Hindi siya nagpapaalam sa akin."

RUFFA GUTIERREZ. Kung sakaling libre silang dalawa ni Ruffa ngayon at walang Carmina Villarroel sa buhay niya, posible bang magkabalikan sila ng dating kasintahan?

"Ang mahirap kay Ruffa, ligawin masyado 'yan," sabi ni Zoren.

"Kaya kami nagkahiwalay noon, e.

"Kasi noong nag-Miss World na siya, iniwan niya ako, e, naging international siya, e.

"Ang dami niyang nakilalang personalities, kumbaga naiwan ako sa kanya.

"Umangat siya sa akin in terms of career, yung mundo niya biglang lumaki masyado."

Bakit naman siya natakot agad?

"E, para na lang akong naging ano, e, buwan na lang ako. Ganun na ako kaliit, e, sa mundo niya.

"Ako naman, very realistic naman ako, tumatanggap naman ako kung ano ako, kung saan ako lulugar.

"Pero ang kagandahan doon, tuwing may problema siya, doon siya sa buwan bumabalik."

So, hanggang ngayon yun?

"Yes, hanggang ngayon," pagkumpirma ni Zoren.

"Kasi napatunayan ko 'yan nung nag-shoot kami ng movie, marami siyang ni-reveal sa akin na hindi ko akalain.

"At saka yung maturity niya, nakita ko.

"Siguro kung wala kaming family, baka puwede," nakangiting sabi ni Zoren.

Sinegundahan naman ni Ruffa ang sinabi ni Zoren.

"Totoo yun, nakapag-open up ako kay Zoren.

"In fairness sa kanya, tahimik siya at hindi niya sinabi sa mga tao yung ni-reveal ko sa kanya noon.

"So, isa si Zoren sa mga taong katiwa-tiwala," sabi ni Ruffa.

POSSIBILITY OF WORKING WITH TV5. Dahil nag-guest na siya sa Paparazzi, may mga magtatanong kung sila ba ni Carmina ay may posibilidad na maging Kapatid sa TV5?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Si Carmina, I think may mga few months to go sa mga show niya [sa GMA-7].

"Sa akin, sabi ko nga, kung ako ang may-ari ng istasyon, magpapahiram ako ng artista. Hindi ko isosolo.

"Kunwari, I have Piolo Pascual with me. 'O, hiramin mo ito, akin na si Richard Gutierrez. Igawa mo ng magandang soap diyan si Piolo, ha. Gagawan namin ng magandang soap dito si Richard.'

"In that case, hindi boring ang network. Hindi paulit-ulit ang pairing.

"Of course, ang artista may pangarap na sana maka-partner ko si...'

"E, nasa kabilang channel, paano mo mapa-partner?

"So, individually, yung mga artista, hindi rin naggu-grow.

"Dapat tayo umiikot-ikot," saad niya.

MORE QUESTIONS. Pagkatapos ng kanyang guesting sa Paparazzi ay nagkaroon pa ng pagkakataon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na ma-interview si Zoren para sa mga karagdagang mga tanong.

Kaagad tinanong ng PEP kung in-enjoy ba niya ang pagiging guest co-host sa Paparazzi?

"Yeah, unang-una nandiyan kasi si Ruffa at saka si Tita Cristy, na pag may moments na bigla kang mag-hang, alam mong nandiyan sila para sumalo sa iyo.

"Comfortable naman ako sa pagho-host kasi ginagawa ko na rin naman ito."

Okay lang ba sa kanya na hindi siya nakaligtas sa pang-iintriga?

"Okay lang, sinabihan naman nila ako about it.

"Atsaka ready naman tayong sumagot.

"Honest answers lang and it went well naman, di ba?"

Ano ang reaksiyon ni Carmina nang malamang makakasama niya sa show si Ruffa?

"Kay Carmina, wala namang problema because she trusts me. At alam naman niya yun.

"Magbabarkada sila nina Ruffa. Nagte-text-an 'yan.

"Happy rin si Carmina na makasama ko si Ruffa. Kaya wala talagang problema."

Muli naming itinanong kay Zoren ang tungkol sa posibilidad ng pagtatrabaho niya sa TV5. May offer na ba ang TV5 sa kanya?

"Well, ano 'yan, e, testing the waters," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pag maganda naman ang performance mo kahit saang istasyon, they will offer you something. Ganun naman 'yan.

"Hindi naman ako nag-e-expect. I'm just happy na they are calling.

"Hindi naman ako nawawalan ng project kahit saan.

"So, it's a blessing."

Pero kung magkaroon ng offer ang TV5, tatanggapin ba niya?

"Sa akin, wala akong problema. Kahit saang istasyon ako, wala akong problema."

Wala bang projects na ibinibigay sa kanya ang GMA-7?

"GMA kasi kampante sa akin na lagi akong bumabalik sa kanila dahil majority of my works sa GMA naman talaga.

"Pag nababakante ako sa GMA, doon lang ako nangangapitbahay," sabi niya.

Sa ngayon daw kasi ay ang afternoon soap lang na Nita Negrita ang show niya sa GMA-7.

"Sa ngayon kasi ongoing yung Nita Negrita. Matatapos yun siguro second week of June.

"So, pag natapos yun, paganito-ganito lang ako, guesting.

"Kasi hindi ka puwedeng mag-soap na may umeere kang soap sa kabila.

"Tapos na kaming mag-taping, yung airing na lang ang hinihintay matapos."

Paano kung magkaroon ng counter-offer ang GMA?

"Naku, mahirap yata 'yan. Tingnan na lang natin kung may ganung mangyayari," sabi ni Zoren.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN