Katrina Halili works with women's group Gabriela to help counsel women victims of sex videos

IMAGE 0

"Iba po talaga siyempre yung may malalapitan ka, may masasabihan ka. Kasi, di ba, iba pa rin yung nakaka-relate sa iyo yung sinasabihan mo? Paano ka naman makakapagsalita sa isang taong hindi ka naman naiintindihan dahil hindi naman nila na-experience yung na-experience mo? Ano ang maise-share mo? So, kawawa naman yung babae,"says Katrina Halili about her current work with the women's group Gabriela.


Sa lahat daw ng nangyaring kontrobersya sa buhay ni Katrina Halili, wala raw ni isa roon ang pinagsisisihan niya.

"Basta lahat po ng nangyari sa akin, wala po akong pinagsisisihan kahit ano pa yun. Kasi marami po tayong natututunan sa experience," sabi pa ng dalagang nasangkot sa kontrobersyal na "Hayden Kho Hidden Cam Scandals."

Isang masayahin at mapagbirong Katrina ang nakaharap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang miyembro ng press sa pocket presscon na inihandog ng GMA-7 para sa mga stars ng Munting Heredera, sa executive lounge ng GMA Building nung Martes, May 17.

Dagdag pa ni Katrina, mas naging matibay na siya ngayon dahil nga sa mga kontrobersya't pagsubok na kinasangkutan niya.

Dahan-dahan nga lang daw muna ang ginagawa niyang pagbangon para hindi na muling magkamali.

May bagong pananaw na rin si Katrina sa pagharap sa mga mahihirap na pagsubok sa kanya.

"Hindi ka kasi puwedeng lumampas, e. Lahat tayo may kailangang pagdaanan, di ba?

"So, pag umayaw ka ngayon, sa pagtanda mo, babalikan mo pa rin 'yan. Babalikan at babalikan mo 'yan."

Sabi pa ni Katrina, pagharap sa kung anumang naging resulta ng ginawa mo at pagtanggap sa pagkakamali ang susi para magkaroon ng katiwasayan at tiwala sa sarili.

Ito rin daw ang magiging paraan upang muling makabangon ka mula sa isang matinding pagsubok.

Nagbigay ng halimbawa si Katrina, "Kunyari, kailangan ko pong lumabas ng stage. Di ba, nasa likod ako? O, sige, meron akong isyu.

"Kailangan kong lumabas, mapapahiya talaga ako. Siyempre mahirap talagang lumabas, kasi nakakahiya talaga iyon."

Ang paglabas ng sex video nila ni Hayden Kho ang isyung tinutukoy ni Katrina.

"Kailangan ko lang tanggapin sa sarili ko na ginawa ko yun, kasalanan ko yun. So ganun talaga.

"Yun ang 'karmic,' di ba? May cause and effect siya.

"Pero kailangan mo lang siyang pagdaanan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"'Pag tinanggap mo sa puso mo, na lumabas ka dun, lalaitin ka nila, ganyan-ganyan...

"Tanggapin mo lang siya, 'tapos wala na. Lalampas na.

"Parang ako ngayon, nakakalabas na 'ko, okey na 'ko. Yun lang naman, e.

"Para lang siyang exam," dagdag pa ng 25-year-old na dalagang tubong-Palawan.

NO MORE HATRED. Noong Enero ng taong ito, na-dismiss ang kaso ni Katrina laban kay Hayden (CLICK HERE to read related story).

Iniiwasan ni Katrina na magsalita tungkol sa kaso dahil hindi pa raw niya nakakausap ang kanyang abogado.

"Mahirap po magsalita, e," sagot ni Katrina nang tanungin kung ano ang pakiramdam niya sa pagkaka-dismiss ng kaso niya laban sa boyfriend ng cosmetics surgeon na si Dr. Vicki Belo.

"Hindi na muna po ako magsasalita. Bahala na po muna ang lawyer ko," sabi pa ni Kat.

Lipas na rin daw ang galit sa puso ni Katrina sa dating doktor na inibig niya.

Basta tinanggap niya raw na nagkamali siya.

At kahit hinuhusgahan pa rin daw siya ng mga tao, ipagpapatuloy na lang niyang paghusayin ang sarili niya.

Pero kung sakaling dumating ang pagkakataon na humarap nang personal sa kanya si Hayden upang humingi ng patawad, patatawarin nga kaya niya ito?

"Hindi naman po ako Diyos para hindi magpatawad at magparusa, di ba? Ba't naman hindi po?" sagot ng dalaga.

KARMIC BANK. Iniiwasan na raw niyang magtanim ng galit o magsalita ng masama laban sa kapwa.

"Huwag na tayong magalit sa mga tao, kasi mayroon tayong mga 'karmic' lahat. Mayroon tayong 'bangko' lahat. 'Karmic bank.'

"The more na nagsasalita kayo against sa tao, the more na napaparusahan din po tayo.

"Kahit na yung pagsisinungaling, nakalagay rin yun sa 'bangko' mo."

GABRIELA VOLUNTEER. Bahagi ng self-improvement ni Katrina ang kanyang kusang-loob na gawain sa women's group na Gabriela.

Tumulong din ang grupong ito noon sa kaso ni Katrina laban kay Hayden at gusto naman daw ng dalaga na ibalik ang pagtulong sa pamamagitan ng pagbo-volunteer ng tulong sa mga kababaihang nakaranas din ng "sex video scandal."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nung may case pa po kami [ni Hayden], marami pong tumawag sa kanila na katulad ko ri'ng case. Tumawag sa kanila, 'tapos pinatawag po ako.

"Nagkaroon kami ng parang sharing doon, yung mga victim.

"Parang dati, hindi sila nagsasalita, 'tapos nung lumabas ako, nagkaroon sila ng lakas ng loob.

"Parang nasabi na nila."

Nagbigay nga ng mga halimbawang kaso si Katrina ng mga babaeng nakausap niya na katulad na katulad ng naging kaso niya noon.

Mga babaeng walang kaalam-alam na bini-video ng boyfriend nila ang pagtatalik nila.

"May isa pang kaso na estudyante, tapos nakikipag-inuman, nung mawalan ng malay, ni-rape nung mga kainuman niya tapos na-video.

"Hindi na makapasok sa school, pagkatapos. So, kawawa naman," kuwento pa ni Katrina.

Sa pakiramdam ng aktres, nakakatulong talaga siya sa mga babaeng nakakausap niya.

Nagkaroon daw kasi ang mga ito ng mapaglalabasan ng sama ng loob, na talagang nakakaunawa sa kanila, dahil naranasan din ni Katrina ang naranasan nila.

"Iba po talaga siyempre yung may malalapitan ka, may masasabihan ka.

"Kasi, di ba, iba pa rin yung nakaka-relate sa iyo yung sinasabihan mo?

"Paano ka naman makakapagsalita sa isang taong hindi ka naman naiintindihan dahil hindi naman nila na-experience yung na-experience mo?

"Ano ang maise-share mo? So, kawawa naman yung babae."

Nabanggit na rin niya ang pagtulong sa kapwa babae, tinanong ng PEP kung nakapagbigay na ba siya ng payo sa kapwa artistang babae na, parang tulad niya, ay nagmahal nang husto?

"Hmmm... so far, ngayon wala pa.

"Pero hinanap ko yung number ni Iwa, ha!" banggit ni Katrina sa kapwa Kapuso star na si Iwa Moto.

Kamakailan ay nasangkot sa gulo si Iwa sa non-showbiz boyfriend nito (CLICK HERE to read related story).

"Kahapon ko pa hinahanap ang number ni Iwa. Kasi friend ko po yun.

"Kung mapapayuhan, siguro si Iwa pa lang."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

KATRINA NGAYON. Matagal nang kilala si Katrina sa showbiz industry bilang— "mabait na bata," "mahiyain," "may pagka-probinsiyana," "trusting."

Iyakin pa nga, sabi ng mga nakatrabaho na niya sa FHM Magazine, kung saan siya pa lang ang nahirang na back-to-back winner sa Pilipinas ng 100 Sexiest Women in the World poll ng naturang men's magazine.

Kapag nasasaktan daw ito, o kapag may hindi masabi, umiiyak na lang ito, ayon sa FHM editor na si Allan Madrilejos, na mula sa unang pagkakakilala kay Katrina hanggang ngayon ay bilib sa pagkatao ng batang aktres.

Ngayon ay mukhang nadagdagan pa ang masasabing qualities ni Katrina.

Malinaw na nagkaroon siya ng bagong maturity. At age 25, naging mas introspective. Pinag-iisipan ang mga pangyayari sa buhay niya. Nag-e-examine sa sarili.

Kahit pa napakalaking dagok ang sinasabing pag-dismiss ng kaso niya laban kay Hayden, hindi panlalait kay Hayden at sa abugado nito ang kanyang unang inisip. Malinaw na ang una niyang ginawa ay tingnan ang sarili at tingnan ang sariling pagkakamali.

Nagkaroon din siya ng bagong strength. Kinakaya ang public appearances. Humaharap sa tao. Lumalabas sa telebisyon.

Hindi niya alam kung may taong sisigaw sa kaniya ng salitang bastos o masama, pero lumalabas siya. Hindi nagmamalaki, pero taas noo. Sa kaniya, mukhang totoo iyong sinasabing "what doesn't break you will make you strong."

At ngayon nga, nagkaroon pa siya ng generosity. Kung dati ay sarili at pamilya ang tanging iniintindi ni Katrina, ngayon ay pumalaot na siya—nagkaroon ng simpatiya at nagbibigay ng kusang tulong sa iba.

Napakarami ang nag-iisip na sapat na kapag generous sila sa pamilya, sa magulang at anak, sa kadugo. Nalampasan na sila ni Katrina.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN