Jennylyn Mercado's former P.A. released from jail in theft case, but still faces other lawsuits

IMAGE 0


"Wala na akong galit kay Jennylyn and Becky. Mas mangingibabaw ang forgiveness sa akin at sa pamilya ko. Pero natuto lang naman akong lumaban sa legal na paraan, na susunod lang ako kung ano yung iutos ng lawyer ko," says Mel Pulmano (main photo) about former employers Jennylyn Mercado and Becky Aguila (inset).


Nakalaya kamakailan mula sa kulungan ang dating personal assistant ni Jennylyn Mercado na si Mel Pulmano.

Ngayong gabi, April 26, ay nagpaunlak si Mel ng phone-patch interview sa Tweetbiz Insiders—ang showbiz talk show ng GMA News TV Channel 11.

Unang tinanong ng mga host na sina Tim Yap at Lolit Solis kay Mel kung gaano ba siya katagal nakulong.

Nakulong si Mel dahil sa kasong qualified theft na isinampa sa kanya ni Jennylyn, at iba pang estafa cases laban sa kanya.

"Na-detain po ako ng one year and five months," sagot ni Mel.

Ano ang nasa puso niya noong naka-detain siya?

"Hindi naman po ako masyadong nahirapan dahil tinanggap ko na lang po... dapat kasing tanggapin mo na lang sa sarili mo na naka-detain ka para hindi mahirap sa kalooban mo."

Na-release siya sa kulungan. Anong mga kaso ang na-dismiss?

"Pinaka-main case po yung pinayl sa akin ni Jen na qualified theft at yung falsification of documents.

"Pero una pong na-dismiss yung falsification of documents.

"Kaya ang natuloy po, yung qualified theft, na na-acquit naman po ako noong January 25," paliwanag ni Mel.

MEETING JENNYLYN AND BECKY AGAIN. May kinakaharap pa ba siyang ibang kaso at may hearing pa ba siyang naka-schedule?

"Kahapon [April 25] po nag-hearing kami.

"Magka-co-accuse po kami nina Jen at Becky [Aguila, Jennylyn's manager] sa kasong pinayl ni Leon Tan na BP 22 [Batas Pambansa 22 or Anti-Bouncing Check Law]."

Ito ang kasong isinampa ng mag-asawang Leon at Cathy Tan dahil sa pagtalbog ng tseke ni Jennylyn.

Ito ang dalawang tseke ni Jennylyn na nai-forge diumano ni Mel, kaya nadamay sa kaso ang aktres at si Becky bilang manager ni Jen.

Kumusta naman ang pagkikita nila ulit ni Jennylyn sa korte? Nagbatian ba sila?

"Hindi po, e. Nasa likod ako ni Jennylyn.

"Pero parang masaya naman si Jen, tawa lang nang tawa. Tapos napalingon siya sa akin na nakangiti.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya lang, wala kaming time na magkausap. Parang nagkatinginan lang po. Tapos dumating na si Becky," kuwento ni Mel.

MOVING ON. Ano naman ang plano niya ngayong nakalaya na siya?

"Move on lang po," sagot niya.

"Pero sabi ko naman po, wala na akong galit kay Jennylyn and Becky. Mas mangingibabaw ang forgiveness sa akin at sa pamilya ko.

"Pero natuto lang naman akong lumaban sa legal na paraan, na susunod lang ako kung ano yung iutos ng lawyer ko."

Ano ang mensahe niya para kay Jennylyn?

"Ang mensahe ko po kay Jennylyn, and Becky na rin po, na maliit lang naman ang mundong iniikutan namin, na talagang magkikita-kita kaming tatlo.

"Sana maging okay na po itong case naming tatlo. Ipaubaya na lang namin sa mga lawyer namin at saka sa hustisya," huling pahayag ni Mel.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN