Newbie actor Fredison "Fred" Lo makes leap from stage acting to comedy sitcom

IMAGE 0


Theater actor Fred Lo clinched role in TV5's remake of Iskul Bukol after passing an audition.


Malaking hamon para sa baguhang aktor na si Fredison "Fred" Lo ang remake ng Iskul Bukol na mapapanood sa darating na Martes, May 24, sa TV5.

Bagamat may acting experience na si Fred matapos lumabas sa maraming stage plays, katulad ng Rent, Magsimula Ka, at N.O.A.H., ibang-iba ang pag-arte sa harap ng kamera kung ihahambing sa nakagawian niya sa teatro.

"Talagang challenge po siya kasi pag sa stage po, malaki po yung galaw, pero sa TV kailangan i-tone down kasi nagiging OA kung minsan," pag-amin ni Fred nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nung Lunes, May 16, sa Metro Bar, West Avenue, Quezon City.

"So ngayon, pinag-aaralan ko pa po siya at nag-a-adjust pa po ako ng konti.

"Pero marami naman po akong kasama na talent dito, 'tsaka learning experience po talaga sa akin ito."

Kasama ni Fred sa programa sina Sam YG, Alwyn Uytingco, Keempee de Leon, Jerald Napoles, Erika Padilla, Regine Angeles, Joel Saracho, Tess Antonio, at Lao Rodriguez.

GRABBING THE CHANCE. Dumaan sa audition si Fred bago tuluyang nasungkit ang ginagampanang papel na Rude Valentino.

Aminado si Fred na masaya na siya dati bilang isang theater actor at hindi naman pumasok agad sa kanyang isipan na subukan ang pag-arte sa telebisyon.

Subalit mahirap rin daw palagpasin ang pagkakataon na mapabilang sa isang sitcom na may makulay na kasaysayan katulad ng Iskul Bukol, na naunang pinasikat noong 1977 nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.

"The opportunity came and I felt lang na hindi naman every day nabibigyan ang lahat ng opportunity to actually enter showbiz.

"'Tsaka marami na rin akong naging kaibigan sa showbiz dahil sa theater kasi yung iba sa kanila nagta-try din sa theater," paliwanag ni Fred.

Si John Lloyd Cruz ang itinuturing na paboritong local actor ni Fred.

Bilib daw siya sa husay ng award-winning Kapamilya aktor sa pag-arte at napatunayan naman daw ito sa tagumpay na inani ng mga proyektong ginawa ni John Lloyd.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Meron ba siyang crush sa showbiz?

"Si Angel [Locsin] po," nahihiyang tugon ni Fred.

Ano naman ang nagustuhan niya sa In the Name of Love lead star?

"Maganda siya and mukha siyang mabait," mabilis na sagot ng batang aktor.

Incidentally, kasama ni Fredison sa Iskul Bukol si Erika Padilla na nakasama ni Angel dati sa primetime series na Imortal.

"Siya [Erika] mismo ang nagsabi sa akin na mabait talaga si Angel," dagdag ni Fred.

ADJUSTING TO CRITICISMS. During the press conference ay magkahalo ang ipinakitang reaksiyon ng mga showbiz reporters kaugnay sa pagbabalik ng Iskul Bukol.

Pakiramdam kasi ng ilan ay mahihirapan ang programa na tapatan ang tagumpay na nakamit ng lumang bersiyon sa pangunguna ng TVJ trio.

Pinuna rin ng iba ang late evening timeslot ng programa dahil papasok ito sa ere pagkatapos ng TV5 primetime drama series na Mga Nagbabagang Bulaklak.

Karaniwan ay gabing-gabi na natatapos ang drama series lalo pa't nagbalik na muli si Willie Revillame sa pamamagitan ng programang Wil Time Bigtime.

Hindi naman itinanggi ni Fred na nagulat siya sa kritisismo na ipinaabot ng mga reporters during the Q&A portion.

Gayunpaman, sinagot niya at ng iba pang artista ng programa, kasama ang kanilang prodyusers, ang ibinatong tanong ng mga bisita.

Ano ang naging pakiramdam ni Fred matapos na marinig ang komento ng entertainment press?

"Medyo, siyempre, gulat. Bago lang po kasi ako dito," pag-amin ng aktor.

"Ganun pala talaga, and sabi rin nila sa akin, 'Ganyan talaga ang showbiz at presscons.'

"Pero kinakaya naman po. I take it as a challenge."

Pinanindigan ni Fred na wala silang balak na gayahin ang istilo at formula na ipinamalas ng lumang Iskul Bukol kaya ito naging matagumpay noon.

Sa katunayan nga raw ay hindi nila kinopya ang pangalan ng mga karakter ng lumang bersiyon para mabawasan kahit papaano ang anumang pagkukumpara na maaaring gawin ng mga manonood na pamilyar sa istorya ng lumang sitcom.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"As they said talaga kanina, this is parang re-imagining.

"We're not trying to be the old Iskul Bukol, kasi talagang Tito, Vic, and Joey—wala nang makakatalo sa kanila.

"What we're trying to do is kind of put the idea of Iskul Bukol into the new generation.

"Yung mga bata na hindi nila naabutan yung Iskul Bukol, and just to show them na nagkaroon ng Iskul Bukol dati, and to continue yung legacy nila.

"So ayun po yung ginagawa namin," katwiran ni Fred.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN