Alma Moreno celebrates 52nd birthday without husband Mayor Fahad Salic; very proud of daughter Winwyn Marquez

IMAGE 0


"Bumabawi naman kami sa isa't isa, quality time kahit tatlong araw. Three days-four days kaming magkasama, pero yung bonding sobra. Kahit magkasama kayo ng buong taon, tapos hindi naman maganda ang pagsasamahan ninyo, wala rin," says Alma Moreno about her husband Mayor Fahad Salic.


Last Wednesday, May 25, ginanap ang birthday tribute show para sa Parañaque councilor at dating aktres na si Alma Moreno sa The Library Malate.

Nag-perform ang mga anak niyang sina WinWyn Marquez at Vandolph, pati na sina Jeffrey Quizon, Mae Rivera, at Rey Valera.

Nanibago lang si Alma sa kanyang birthday dahil first time daw niyang hindi nag-perform sa stage. Pinanood lang niya ang mga nag-perform.

"First time na nanood lang ako, kasama yung mga kasama ko sa PCL [Philippine Councilors League]. Yung mga kasama kong councilors sa Parañaque.

"Sabi ko nga, mula no'ng nag-showbiz ako, ngayon lang ako nakaupo na manonood na...

"Sila lahat ang nagdesisyon, nagtrabaho. Si Yeoj [anak niya kay Joey Marquez], siya ang producer.

"At natutuwa naman ako sa kanya dahil nakikita ko yung interes niya sa pagpu-produce."

Simple lang ang birthday wish ni Alma.

"Ang wish ko lang, good health sa family ko, sa asawa ko, sa akin din.

"Sana makaya ko ang trabaho ko ngayon kahit napakahirap. Yung ibinibigay sa aking trabaho, hindi napakadali.

"Sana maging successful president ako ng PCL."

STILL BEAUTIFUL AT 52. Sa edad ni Alma na 52, marami pa rin ang humahanga dahil nadagdagan man ang kanyang timbang, naroon pa rin ang ganda ng kanyang mukha.

"Natutuwa naman ako kapag may naririnig akong sinasabi yun. Wow! Totoo ba yun?" natatawang sabi ni Alma sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanya.

Marami nang pinagdaanan si Alma sa buhay, showbiz, at pulitika, pero hindi nito nagawang baguhin ang maganda niyang mukha.

Ano ba ang sikreto at napapanatili niya ang kanyang kagandahan?

"Kasi ako yung taong masaktan man ako, madali akong ma-recover.

"Saka pinapasa-Diyos ko na lang kaya magaan sa akin lahat.

"Hindi ako nagtatanim na kahit na ano sa dibdib ko," sabi niya.

Wala rin daw siyang beauty secret.

"Wala naman, e. Basta, totoong tao lang ako—mabait, mapagmahal," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BACK TO ACTING. Wala pa ring maibigay na sagot si Alma kung kailan siya babalik sa acting o pagganap sa mga teleserye, sitcom, o kaya ay sa pelikula.

"Sa ngayon, kung talk show, puwede akong mag-guest.

"Pero yung soap, kahit gustung-gusto ko, hindi puwede.

"Kasi sa trabaho ko bilang PCL President, tapos konsehal ako sa Paranaque—yung sinumpaan kong trabaho, hindi ko pababayaan yun.

"Gagawin ko yung trabaho ko para makapagserbisyo ako nang tama," sabi niya.

Marami na raw tinanggihang TV at movie offers si Alam. Nitong bago mag-eleksyon, dalawa raw ang tinanggihan ng dating showbiz sex goddess.

"Kahit gustung-gusto ko, hindi puwede, e.

"Kasi sa buong buhay mo, kalahati ng buhay ko, nasa pulitika.

"Pag may taping ako, bigla akong tatawagin.

"Kung magte-taping man ako, baka isang araw lang sa isang linggo. Sayang naman.

"Hindi ko talaga puwedeng pagsabayin.

"Oo, nami-miss ko ang showbiz, pero sa posisyon ko ngayon, hindi ko minsan napapansin.

"Actually, natutuwa akong manood minsan pag nakikita ko yung mga kasamahan ko dati, nakakatuwa.

"Siguro pag may time, baka puwede na."

Ilan sa mga napapanood daw ni Alma na kasabayan niya sa showbiz ay si Lorna Tolentino.

Yun nga lang, hindi na niya nakakausap ang kaibigan dahil sa sobrang busy niya sa kanyang pagiging public servant at presidente ng liga ng mga konsehal sa Pilipinas.

Parehong Regal babies noon sina Alma at Lorna. Pareho rin silang naugnay sa yumaong action star na si Rudy Fernandez.

LONG-DISTANCE MARRIAGE. Hindi nakapunta ang asawa ni Alma na si Marawi City Mayor Sultan Fahad Salic sa kanyang birthday celebration.

Nagrason agad ang dating aktres kung bakit hindi nakadalo ang kanyang mister, kasabay ng pagtanggi niyang hiwalay na sila nito.

"Kahit magkalayo kami, na walang katapusang sinasabi na magkahiwalay kami... Oo, magkahiwalay kami dahil nasa Marawi City siya at ako ay nasa Manila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Katulad niyan. Hindi siya puwede ngayon dahil baka biglang magkaroon ng eleksyon doon, hindi natin alam. Tapos wala siya.

"Hindi natin alam, pero mas magandang nandoon siya. Hindi puwedeng basta iwanan.

"Tapos, nagkaroon pa ng bagyo [Chedeng].

"Okey lang. Kasi lagi naman talaga kaming magkausap at talagang bumati naman siya sa birthday ko.

"Yun ang importante," sabi ni Alma.

Hindi raw gaanong mahirap para kay Alma at sa asawa niya ang magkalayo sila nito.

"Siguro dahil sa pagka-busy ko rin.

"Alam mo, mabait din ang Panginoon dahil nagtagpo kami sa tamang oras.

"Dahil siguro mararamdaman ko kung hindi ako ganito ka-busy. Tapos nandito siya sa Manila, nasa ibang lugar naman ako.

"Nong nasa Davao naman ako, nalaman niya, malapit lang sa kanya, ayun, nag-kotse siya, pinuntahan niya ako.

"Bumabawi naman kami sa isa't isa, quality time kahit tatlong araw.

"Three days-four days kaming magkasama, pero yung bonding sobra.

"Kahit magkasama kayo ng buong taon, tapos hindi naman maganda ang pagsasamahan ninyo, wala rin.

"Hindi ko iniisip na baka hindi mag-work yung marriage namin dahil sa sitwasyon naming magkalayo kami.

"Siguro sa pinagdaanan ko na rin, na ang importante yung tiwala namin sa isa't isa, yung pagmamahal namin sa isa't isa kahit magkalayo kami.

"Pag nagkita naman kami, sobrang miss na miss namin ang isa't isa.

"Magti-three years na rin kaming kasal," sabi pa niya.

ZSA ZSA AND DOLPHY. Hindi nakapagbigay agad ng kanyang comment si Alma sa nalamang pagpapawalang bisa sa kasal ni Zsa Zsa Padilla sa dating asawang si Dr. Modesto Tatlonghari.

Si Zsa Zsa ang longtime partner ng dating live-in partner ni Alma na si Dolphy.

Noong birthday lang niya nalaman ni Alma ang balita.

"Natutuwa ako, at least kung ano man yung plano nila, matutuloy na," sabi ni Alma, na ang tinutukoy ay ang naudlot na kasal nina Dolphy at Zsa na dapat sana'y sa Las Vegas gagawin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa tinagal-tagal nilang plano, sana matuloy na.

"Kung iimbitahan nila ako, bakit ba nga hindi? Siyempre, dadalo ako."

Naging mapait man ang paghihiwalay nina Alma at Dolphy dahil sumama ang huli kay Zsa Zsa noon, naging magkaibigan naman ang tatlo pagkatapos ng maraming taon.

Matapos noon ay ikinasal si Alma sa comedian at dating mayor ng Parañaque na si Joey Marquez.

WINWYN MARQUEZ. Maliban kina Mark Anthony Fernandez (anak ni Alma kay Rudy Fernandez) at Vandolph (anak niya kay Dolphy), ang dalagitang anak ng actress-politician kay Joey na si Winwyn Marquez ay artista na rin.

Regular performer sa musical-variety show ng GMA-7 na Party Pilipinas si Winwyn.

"Mas magaling magsayaw ang anak ko sa akin!" buong pagmamalaking sabi ni Ness.

"Lahat ng ginawa ko noon, kayang gawin ni Winwyn.

"Hindi porke anak ko siya, kaya ko sinabi ito.

"Nakita ko siyang magsayaw, magaling siya.

"Pero siyempre, yung projection lang.

"Sinasabihan ko siya na yung projection niya, huwag niyang kakalimutan, importante yun.

"Pero sa pagsasayaw, kaya niyang gawin. Kasi nag-a-ice skating 'yan, e. Nagba-ballet rin siya.

"Hindi ko pinagdaanan yun. Siya, may training talaga.

"Hilig talaga niya ang pagsasayaw. Pag love mo, kusa 'yang lalabas sa iyo."

Bukod sa Party Pilipinas, napapanood din si Winwyn sa afternoon soap na Blusang Itim, kung saan gumaganap siya bilang kontrabida.

"Sabi ko nga, 'Ang galing mong mag-kontrabida!'

"No'ng sinabi niya sa akin na, 'Mama, kontrabida ako,' sinabi ko sa kanya, 'Maganda 'yan, anak. Mabuti nga yun, at least kontrabida ka.'

"Kasi hindi ako naging kontrabida, e. At least siya, ibang linya naman.

"Ibig sabihin, magkakaroon siya ng pangalan sa pagku-kontrabida naman niya. Kaya dapat pagbutihan niya.

"Ako kasi, innocent image ako noon kaya hindi ako nabigyan ng kontrabida role."

Dahil naging sexy star si Alma nong kapananuhan niya, marami ang naghihintay kung susundan din ni Winwyn ang yapak ng kanyang ina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi pa. Hindi pa ako papayag," sabi ni Alma.

"Siguro pag dumating na siya sa tamang edad at gusto niya, okey lang. Pero ngayon, huwag."

Isa lang ang pakiusap ni Ness kay Winwyn sa pag-aartista— huwag nitong pabayaan ang kanyang pag-aaral.

"Ga-graduate na siya at napakataas ng mga grades niya.

"Nakikita ko kasi yung interes niya sa showbiz. Sa Party Pilipinas, lagi siyang nandoon, at may taping pa siya ng teleserye niya.

"Kahit may mga showbiz commitments siya, matataas ang grades niya sa school. Hindi ko nakitang bumaba ang grades niya.

"Dito sa taping niya, nakikita ko naghahabol sila, e.

"Sabi ko, Ooops! Magpapasukan na.'

"Ginano'n ko lang siya, hindi ako nagsalita. Alam niya yun.

"Actually, hindi ako ang nagdesisyon na pasukin ni Winwyn ang showbiz. Siya mismo ang nagdesisyon.

"Noon kasi, ayaw pa niya. Pero hindi ako yung nagsasabing pumasok na siya.

"Yung pagbabalik niya, siya mismo ang may gusto.

"Nong makita nga ni Geleen [Eugenio, dance choreographer] na nagsayaw si Winwyn, isinama siya sa Party Pilipinas.

"Natutuwa naman ako. Buti naman at naging busy siya doon ngayong bakasyon sa school, kaysa sa ibang bagay pa siya maging busy."

Kinumpirma rin ni Alma na may mga humihikayat sa anak niya na sumali sa mga beauty pageant gaya ng Binibining Pilipinas.

"Yun ang isang wish ko sa kanya na sana, sana matuloy yung isang pangarap niyang yun.

"Pag nandoon ka na [showbiz], palagay ko pupunta siya doon.

"Pag ginusto ng Panginoon, ibibigay sa kanya yun," sabi ni Alma.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN