John Lloyd Cruz denies rumor that he married Shaina Magdayao in Europe

IMAGE 0


"Huwag kayong mag-alala, kung meron kaming dapat na sabihin, at kung totoo mang nangyari, hindi namin ipagkakait lalo na sa mga tunay na nagmamalasakit sa amin. Huwag kayong maniwala sa sabi-sabi," says John Lloyd Cruz about rumors that he and girlfriend Shaina Magdayao got married in Europe.


Kagagaling lang ni John Lloyd Cruz sa Europe para sa isang buwang bakasyon doon kasama ang kanyang girlfriend na si Shaina Magdayao.

Ang unang showbiz event na dinaluhan niya pagkauwi niya ay ang premiere ng Kasambuhay Habambuhay short film anthology ng Nestle noong Biyernes, June 10, sa Rockwell.

Si John Lloyd ang bida sa episode na "Sign Seeker," kapareha si Solenn Heussaff.

Dahil tiga-ABS-CBN si John Lloyd at tiga-GMA-7 naman si Solenn, tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang aktor kung paano tumakbo ang pakikipagtrabaho niya sa isang taga-kabilang channel.

"Dalawang araw lang tumakbo yung shooting namin," simula ni John Lloyd.

"Pero nakapagtrabaho na kami sa Greenwich. Kasi magkakasama na kami.

"Dati nahahati sa dalawa. Kami sa pizza, yung kay Anne [Curtis] sa pasta.

"Ngayon, gumawa kami ng campaign. And I think ipinalabas na yung campaign namin na magkakasama na kami.

"Doon, yung magkakasama na kami ni Solenn."

Sabi pa ni John Lloyd, hindi sila nabigyan ng pagkakataon na magkasama nang matagal ni Solenn sa kanilang pizza commercial dahil isang araw lang daw silang nag-shoot para sa TV commercial at isang araw naman para sa print.

"Pero marami kami, hindi talaga kami nabigyan ng chance," banggit niya.

"Dito sa short film, kaming dalawa lang. Mas may time na makapag-usap.

"Hindi ko naman masasabing close na kami or nakapag-bond na kaming dalawa.

"Nagtatanong ako about France, about Paris. That time, papunta ako.

"Siya naman, French yung family niya, familiar na sila doon sa lugar.

"Nagtatanong-tanong ako. Basically, gano'n-gano'n lang.

"Saka yung tungkol sa artwork na bibilhin ko na gawa no'ng parang...tita ba niya? Parang French artist.

"Noong makita ko, pop art pala. Hindi naman ako gaanong into pop art.

"Binigay niya yung picture, yung parang pamphlet," kuwento ni John Lloyd.

Mahilig si Solenn sa portrait painting gaya ng ginawa nito kay Richard Gutierrez noong ipinu-promote nila ang pelikula nila. Posible bang pumayag si John Lloyd na ipinta ni Solenn?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo ba! Gusto ko yung idea," sagot ng Kapamilya actor.

"Actually, may nakilala nga akong artist sa France, wala lang akong time. Pero gusto ko talaga.

"Nakita ko yung ilang mga gawa niya [Solenn]. Gusto ko yung gano'n, mas personal."

EUROPEAN VACATION. May isang linggo pa lang mula nang makabalik si John Lloyd para sa bakasyon niya sa Europe.

"Yeah, isang buwan. Ang dami naming napuntahan," masigla niyang pagbabalita.

Naging madali kay John Lloyd ang matagal niyang bakasyon na ito dahil ipinagpaalam daw niya ito sa Kapamilya network.

"Nagawa ko na rin ito dati. Pero ngayon ko lang uli ito nagawa," sabi niya.

Limang bansa ang napuntahan ni John Lloyd at sa bawat bansa, tatlong cities ang nabisita nila.

Pero natatangi raw sa kanya ang Paris.

"Para sa akin, yung Paris, talagang namangha ako sa mga nakita ko, ang ganda!

"Hindi ko first time, pero dun sa mga places na napuntahan ko now, first time.

"Laging tinatanong sa akin kung alin yung pinaka... Well, maliban sa Paris... mahirap sabihin kung ano yung pinaka, e, kailangang tingnan ko yung mga pictures at ma-refresh para masabi kong ganito, ganyan.

"Pare-pareho yung kung paano ko na-enjoy yung Spain, na-enjoy ko rin yung Italy.

"Saka at a certain countries, cities, nagkikita-kita kami ng sisters ko, ng mga pinsan ko kasama yung mga family nila.

"So, ayun, kaya masaya."

Inamin ni John Lloyd na nag-gondola sila ni Shaina at na-enjoy raw nila ang pagiging turista.

"Kailangang maranasan mo yung nararanasan ng isang typical na turista gaya nga no'ng sinasabi n'yo [gondola].

"Na-enjoy rin namin yung city bus tour."

MORE SPECIAL. Mas na-realize niya ba na mas naging romantic ang Europe dahil kasama niya ang special someone niya?

"Well, not necessarily na special someone, basta kasama mo... Well, it becomes more special.

"Ibang experience rin siguro kung makakapunta ka at makakapag-ikot ka kahit wala kang kasamang girlfriend, partner, o asawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Talagang napakaganda. Ang dami mong matututunan.

"Pero yun nga rin, iba siyempre pag may kasama ka.

"Hindi mo pa rin puwedeng i-compare doon sa wala kang kasamang...

"Yung trip naman namin, hindi naman ang point no'n para lang mag-romance. Hindi para mag-romance.

"Hindi lang naman yun lang ang dahilan.

"Parang mas na-appreciate namin yung napuntahan namin kaysa doon sa pangsarili naming dahilan," paliwanag niya.

Hindi itinatanggi ni John Lloyd na nakatulong din sa kanilang relasyon ni Shaina ang bakasyon nilang ito.

"Definitely mas marami na kaming alam sa isa't isa.

"Gano'n naman yun, e. Pag araw-araw mong kasama, mas marami kang natututunan.

"Definitely, mas marami akong alam na mas makakatulong sa relasyon namin.

"How to make it stronger, kung paano kami magkakaunawaan sa mas magandang paraan."

NOT YET MARRIED. Pinagtatakhan lang ni John Lloyd ang mga balitang lumabas na nagpakasal na raw sila ni Shaina sa Europe o engaged na sila.

"May mga sumasagi na may mga bagong balita na kesyo engaged na raw kami. Hindi po yung totoo," tanggi ni John Lloyd.

"Yung mga bagay na ganyan, kung tunay kang lalake at tunay kang nagmamahal, at wala ka namang tinatapakang tao, hindi mo dapat itago.

"Yung mga bagay na 'yan, isang beses lang o maaaring maulit sa mga... Pero sa unang beses, parang gusto mong maging tama, espesyal.

"Huwag kayong mag-alala, kung meron kaming dapat na sabihin, at kung totoo mang nangyari, hindi namin ipagkakait lalo na sa mga tunay na nagmamalasakit sa amin.

"Huwag kayong maniwala sa sabi-sabi."

Ang pagpapakasal ay hindi pa nakikita o nararamdaman sa ngayon ni John Lloyd kaya hindi niya masagot kung sa estado niya ngayon ay puwede na siyang magkaroon ng sarili niyang pamilya.

"I don't think sa edad mo yun," sabi ng 27-year-old actor.

"Mararamdaman mo yun kung ready ka na emotionally, mentally, physically.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pag nandoon na lahat ang aspetong yun, at pakiramdam mo yun ang taong pakakasalan mo, e, di yun na yun."

Sabi pa ni John Lloyd, hindi raw talaga sumagi sa isip nila ni Shaina ang magpakasal sa gitna ng kanilang bakasyon sa Europe.

NEXT PROJECT. Wala pang ideya si John Lloyd kung ano ang susunod niyang project sa Kapamilya network pagkatapos ng Imortal nila ni Angel Locsin.

"Hindi pa kami nakakapag-usap, e. May pagbabago.

"Hindi ko lang alam kung puwede ko nang i-share yung pagbabago.

"Kailangan ko pang kausapin yung boss ko sa Star Cinema, sa ABS-CBN.

"Halos kadadating ko lang, hindi pa kami nagkakausap ulit," pahayag niya.

Pero posibleng pelikula raw muna ang una niyang gawin.

Sa ngayon, malabo pa ring magsama sa isang acting project sina John Lloyd at Shaina.

"Gano'n pa rin ang stand namin, e. Siguro mas okey kung paninindigan namin na gano'n.

"Let work be work and personal time para sa isa't isa."

Hindi rin niya masabi kung mapagbibigyan niya ang hiling ng fans nila na magsama sila sa isang serye o pelikula.

"Siguro pag dumating na yung pagkakataon na yun, saka na siguro ako makakapag-decide at malalaman ko kung ano ang pakiramdam ko.

"Sa ngayon, hindi ko makita yung idea," saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN