Nora Aunor on being second choice in El Presidente: "Hindi naman po sa pagmamayabang, wala naman akong dapat na patunayan pa, 'ika nga!"

IMAGE 0


"Kaya yung mga nangyari noong araw, yung mga pagkukulang ko pag nagtatrabaho ako, tapos na po yun. This time po, gagawin ko lahat ng makakaya ko na hindi sila magkaroon ng problema sa akin," says Superstar Nora Aunor.


Isang malaking balita ang pagbabalik sa Pilipinas ng Superstar na si Nora Aunor pagkalipas ng walong taon mula nang manirahan siya sa Amerika.

Kaya naman ngayong araw na ito, August 2, 2011, ay nagbunyi ang mga fans ni Nora at mga taong naniniwala pa rin sa kanyang kakayahan bilang isang mahusay na aktres.

Sa wakas ay balik-Pinoy showbiz na ang itinuturing na one of the greatest actresses of all time.

Tanging ang TV5 at si Laguna Gov ER Ejercito ang nakapag-pauwi kay La Aunor pagkatapos ng maraming pagtatangka noon na pabalikin ng Pilipinas ang aktres.

Sa telebisyon ay gagawa ng political drama mini-series ang aktres sa direksiyon ni Mario O'Hara, at sa pelikula ay gagawin naman nito ang El Presidente: The Emilio Aguinaldo Story under the direction of Tikoy Aguiluz.

Sa pagdating ni Nora sa NAIA Centennial 2, pagkalapag ng eroplano ng Philippine Airlines PR 103 flight, mainit siyang sinalubong ng kanyang loyalistang Noranians, mereseng alas-tres ito ng madaling-araw, singing "Pearly Shell," habang dumadaan si Guy sa hallway.

Kahit na may jetlag pa at nagpatawag na agad ng press conference ang TV5 para ianunsiyo ang wala pang title na mini-series na ito, na tatakbo ng one month (October 2011), napuno ng emosyon ang Boracay Ballroom ng EDSA Shangri-La Hotel kanina nang isa-isang yakapin ni Nora ang mga malalapit sa kanyang press na ilang taon niyang na-miss.

TWO PROJECTS. Ang unang tanong kay Nora ay kung kumusta na ang boses niya mula nang mapabalitang nasira ito dahil sa umano'y pagpapaopera a couple of years ago—sa isang kundisyon na dumapo sa katawan ng aktres.

"Medyo nahihirapan po akong magsalita," bungad ni Nora, na maiksi ngayon ang buhok at masigla ang pangangatawan.

"Alam n'yo na po kung ano ang nangyari, pero sa ngayon, 'wag na po muna natin ito pag-usapan.

"Nandito po ako para sa presscon ng Channel 5, na may mini-series po akong gagawin for 20 taping days.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa ngayon po ay talagang hindi pa ako puwedeng kumanta.

"Baka sayaw, puwede pa, dahil natuto na po akong sumayaw!" biro pa ni Nora.

Dagdag ng aktres, "Maliban din po sa Channel 5, may gagawin din po ako kay ER, yung El Presidente... Tinanggap ko po yun.

"Marami nga ang nagsabi sa akin na 'second choice ka lang diyan.'

"E, kaya lang, sa panahong ito, sabi ko sa kanila, depende, basta maganda ang proyekto, at historical ang movie, e, ano ba kung second choice ako, wala namang diperensiya sa akin yun.

"Hindi naman po sa pagmamayabang, wala naman akong dapat na patunayan pa, 'ika nga!" sambit ng balikbayang multi-awarded actress na pinalakpakan sa kanyang sagot.

ERAP IS MY GUY. Tanong ng beteranong kolumnista na si Alfie Lorenzo, "Kaya mo daw tinanggap itong El Presidente, e, it's a way para magkabati na kayo ni Erap (former President Joseph Estrada)?"

Totoo ba na galing sa kampo ni ER ay willing daw si Nora na mag-public apology kay Erap?

"Okey lang naman po yun, wala naman pong problema doon," sabi ni Nora.

"Ang nakaraan ay nakaraan na. Siguro naman, si Erap, wala nang sama ng loob...

"Marami akong pagkukulang noong araw, inaamin ko po yun.

"Hindi lamang kay Erap, hindi lamang sa inyong lahat, sa mga press..."

"Mahal ka no'n [Erap]!" sigaw naman ni Tito Alfie na nasa harapang table lamang nandoon.

"Mahal din po natin siya!" sagot naman ni Nora.

Matatandaang nagkaroon ng hidwaan sina Nora at Erap nang sumanib sa oposisyon ang aktres noong magsagawa ng People Power para mapatalsik sa puwesto ang dating Pangulo.

CONTRACT WITH TV5. Ano ang nature ng kontrata ni Nora na pinirmahan with TV5?

"Sa totoo lang po, exclusive po ako sa Channel 5," banggit ni Nora.

"Yun pong ipinakitang importansiya sa akin, kay Kuya Germs... Ayokong mapahiya si Kuya Germs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya yung mga nangyari noong araw, yung mga pagkukulang ko pag nagtatrabaho ako, tapos na po yun.

"This time po, gagawin ko lahat ng makakaya ko na hindi sila magkaroon ng problema sa akin," seryosong pahayag ng multi-awarded Superstar.

Dugtong naman ni Perci Intalan, TV5 executive, "Yung exclusivity ng contract sa amin ni Ate Guy, masyado siyang malaking artista, Superstar siya, e, so, hindi naman siya puwede angkinin. Para siya sa industriya."

Ang working title ng serye na gagawin ni Nora sa TV5 ay Donya Negra. May kinalaman ba siya sa casting o kuwento ng serye?

Ayon kay Nora, "Actually, hindi ko pa po alam, wala pa pong istoryang napapag-usapan.

"Mag-uusap pa lang po kami ni Direk Mario this Friday [August 5].

"Wala pa pong direktang meeting pa dahil kakarating ko lang."

Samantala, ang casting ng series ay pinapa-finalize pa as we go to press. Bagamat ayon kay Perci, marami ang nagpapahayag na artista na sana'y makasama sila sa seryeng ito ni Ate Guy.

Kumpirmado na ba na makakasama sa cast ang ex-husband ni Nora na si Christopher de Leon, tulad ng nasusulat?

"Marami kaming kinakausap," sabi ni Perci.

"Kasi, kasabay ng pagbuo ng casting ay pagbuo ng istorya.

"We spent six hours sa pag-uusap namin with Direk Mario kahapon.

"Nag-uusap pa lang po kami, ipa-fine tune yung story, saka ipe-present kay Ate Guy."

Pero nakarating sa PEP na noong una pa lang niyang nalamang si Direk Mario ang makakatrabaho niya ay agad daw sumagot si Nora na "it's a go."

HOMECOMING. Anong pakiramdam ni Nora sa mainit na pagtanggap sa kanya dito sa Pilipinas, sa local showbiz na minsang pinag-reynahan niya sa pelikula?

"Noong nasa Amerika pa ako, noong papunta ako dito, sabi ko nga, wala akong nararamdaman.

"Noong una, parang hindi ako excited. Siguro dahil sa mga pinagdaanan ko siguro, yung mga problema noong nakaraan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero bago po ako bumaba ng eroplano, doon na po nagsimula ang excitement. Hindi ko na po talaga mapigilan.

"And yun talagang pag-welcome po sa akin sa airport ng lahat, ng mga press, lalo na ang mga fans, lalo na si Albert [Sunga]... Siya po ang nagre-report sa akin lagi kung ano ang nangyayari sa akin dito.

"And of course, si Kuya Germs [German Moreno], dahil nagtatawagan po kami ni Kuya Germs...

"At saka si Suzette [Ranillo], halo-halo na po ang pakiramdam, e.

"Hindi ko maintindihan kung ano ang pakiramdam ko ngayon.

"Pero kagalakan lang po ang alam kong namamayani sa akin ngayon."

Nilinaw rin ni Nora na talagang may naunang balak na uuwi siya noong July 21, pero hindi nga siya natuloy dahil may dahilan naman pala.

"Tinapos pa po kasi ni Kuya Germs ang negosasyon with Channel 5," sabi ni Nora.

"Kaya humihingi po ako ng paumanhin sa mga fans sa States na naghintay sa airport, na akala nila aalis ako."

Tatlong buwan lang daw magtatagal si Nora sa bansa upang magtrabaho, from August to October.

"Pero malay n'yo, bumalik ako ng December?" aniya.

May plano ba si Nora na pumunta ng mga probinsiya sa Pilipinas habang nandito siya tulad ng Cebu o Davao man lang upang maabot siya ng kanyang fans doon?

"Depende po kasi talaga 'yan sa schedule," sabi niya.

LOTLOT DE LEON. May isang radio show ang nagdiskusyon na ang panganay niyang anak na si Lotlot de Leon ay inuna pa raw ang pagsu-shooting ng pelikula niya with Star Cinema, ang Way Back Home, ay puwede naman daw itong magpaalam sa producers nito upang sumalubong sa kanya sa airport. (CLICK HERE to read related story.)

Pero pakiusap ni Guy, "Hayaan na po natin ang mga ganyang intriga.

"Basta po kami ng mga anak ko, nagkakaintindihan na.

"Sa puso at sa damdamin, e, alam na po namin kung ano ang dapat naming gawin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya di na dapat pinag-uusapan ang mga ganyan."

LOVELIFE. Hirit naman ng beteranang reporter na si Letty Celi, "Kumusta ang lovelife mo?"

Natawa muna si Guy bago sumagot.

"Ang puso ko po ay nasa fans.

"At si 'Ney [tawag niya kay Kuya Germs]. Nililigawan ko nga, e, ayaw pa akong sagutin!" tawa niya.

"Pero sa puso po, wala na po yun. Sa edad kong ito, dyusko!

"Pero hindi ko po sinasabing matanda ako, pero medyo puwede pa!" tawa niyang muli.

LIFE IN THE STATES. Tanong kay Nora, noong nasa States pa siya, anu-ano ba ang mga bagay na sa tingin niya ay nagpabago sa kanyang pananaw sa buhay?

"Kung ano po yung mga nabalitaan ninyong hindi maganda para sa akin, yun po siguro yung mga pananaw na natutunan ko, noong nasa States po ako.

"'Wag na po nating isa-isahin. Maraming nangyari sa akin na siguro, e, hindi na dapat pag-usapan. Pero lahat ng mga nangyaring yun...

"May mga balita na totoo, may mga balita pa rin naman na hindi totoo.

"Alam n'yo naman po na kahit nasa Amerika ako, ang mga balita po ay hindi pa rin talaga maaalis.

"Nandiyan pa rin ang mga paninira, pero 'wag na po nating intindihin yun.

"Ang importante po dito ay yung makapagpatunay ako ng isang bagay na kung noong araw, hindi n'yo siguro nagugustuhan...

"Ngayon, papatunayan ko dito sa pamamagitan ng pagtratrabaho ko sa TV5 at sa El Presidente," seryosong lahad ni Nora at muli siyang pinalakpakan ng press.

Sabi nga nila, ang pangalang Nora Aunor ay living legend na dahil sa laki ng naiambag niya sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.

At sa muling pagbabalik niya sa Pinoy showbiz, karapat-dapat lang siyang gawaran ng kaukulang respeto ng industriya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN