Nora Aunor promises not to cause any problem to her two acting projects

IMAGE 0


"Siguro po, magkakaroon kami [ng konting problema], pero sakit lamang po ang makakapagpahinto [sa akin], kung saka-sakali mang magkaroon ng aberya sa trabaho. Pero hindi po mangyayari 'yon dahil ipinapangako ko, bago ako pumunta rito, kay Kuya Germs, na talagang hindi magkakaroon ng problema sa akin ang Channel 5," says Nora Aunor.


Buong lugod na sinalubong ng local media si Nora Aunor kaninang tanghali, August 2, sa presscon na inihanda ng TV5 sa Boracay Ballroom ng EDSA Shangri-la Hotel sa Mandaluyong City.

Ito ang kauna-unahan at malaking media conference na naganap in honor of the Superstar matapos ang walong taong pamamalagi niya sa Amerika.

Ang ulat kaninang umaga, matapos makababa ng kinasasakyang eroplano (PAL PR103) sa Centennial Airport ng NAIA ay naging emosyunal si Nora dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga sumalubong na fans; kabilang ang regular members ng GANAP (Grand Alliance of Nora Aunor Philippines), ang samahan ng loyal fans ng Superstar.

Sa presscon ay natanong si Nora kung ilang beses nga ba siyang napaiyak sanhi ng naging mainit na pagtanggap sa kanya.

"Ang pag-iyak, pag nasa puso, hindi nabibilang 'yon," makahulugang sagot niya na ikinatuwa ng lahat.

Kabilang sa mga punong-abala at naging katuwang ni Nora sa pagharap sa local media kanina ay ang TV5 executive na si Mr. Perci Intalan, si German "Kuya Germs" Moreno, at ang aktres at kaibigan ni Nora na si Suzette Ranillo.

Naging host naman ng ginanap na presscon si IC Mendoza, apo ng dating talk show host na si Inday Badiday.

Tulad ng kanyang yumaong lola, matindi ang naging pagtuturing ni IC sa nagbabalik na singer-actres.

"Ang nag-iisang Superstar! Ang pinakamahusay na aktres na nabuhay ever—Nora Aunor!"

CONFIRMATION. Ang press launch ay nagsilbi ring kumpirmasyon ng mga proyektong gagawin ni Nora sa sinasabing sandali lamang na pamamalagi niya sa bansa.

Nakumpirma nga rito ang tungkol sa gagawin niyang mini-series para sa TV5, na isasahimpapawid sa loob ng isang buwan. Ang magdidirek ng drama series ay si Mario O'Hara.

Ngunit mauuna ang paggawa niya ng pelikula, kasama si Laguna Governor ER Ejercito. Ito ang El Presidente, na ididirehe naman ni Tikoy Aguiluz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gagampanan ni Nora ang papel ni Maria Agoncillo, ang second wife ni Hen. Emilio Aguinaldo, ang unang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

May paunang nabanggit sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) through e-mail Direk Tikoy. Ayon sa kanya, magsisimula ang kanilang shooting para sa El Presidente anytime bago sumapit ang August 7.

Pero sa petsang 'yon ay magaganap din ang malaking Nora Aunor Fans Day na nai-schedule ng TV5 tentatively sa Broadway Centrum.

Sa presscon proper ay muling nilinaw ang tungkol sa paggawa ni Nora ng pelikula at mini-series, kung anuman ang mauuna.

Maaaring mauna niyang gawin ang pelikula, subalit hindi agad ito maipapalabas this year, ayon sa mga naunang ulat.

Gayunpaman, tuloy lang ang pagte-tape ni Ate Guy ng drama series episodes, at nasa management na ng TV5 ang schedule ng airing nito, na malamang din ay this year maganap.

PASASALAMAT. Punung-puno ng pasasalamat si Nora sa naging mainit na pagtanggap sa kanya ng lahat sa makasaysayan niyang pagbabalik sa bansa.

Narito ang kumpletong pahayag ng Superstar sa local press:

"Muli, maraming salamat sa lahat ng mga nandito ngayon, sa lahat ng press, at sa mga fans, lalung-lalo na.

"Katulad ng sinabi ko sa inyo, ipinapangako ko po na yung salitang 'pagbabago ni Nora Aunor' ay makikita po ninyo ngayon.

"Siguro po, magkakaroon kami [ng konting problema], pero sakit lamang po ang makakapagpahinto [sa akin], kung saka-sakali mang magkaroon ng aberya sa trabaho.

"Pero hindi po mangyayari 'yon dahil ipinapangako ko, bago ako pumunta rito, kay Kuya Germs, na talagang hindi magkakaroon ng problema sa akin ang Channel 5.

"Sapagkat, sabi ko nga po, sila lamang ang nagtiwala.

EXCLUSIVE WITH TV5. Patuloy niya, "Yung iba naman, nagtitiwala din naman po sa akin. But ang talagang parang sumugal [sa akin] ay ang Channel 5. At ang nagpapirma ng exclusive contract sa akin.

"At siyempre, ang nagpaumpisa po nito ay ang ating gobernador na si ER Ejercito, sa pagkuha po sa akin sa pelikulang El Presidente.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kahit na nga po second choice ako, wala hong naging problema sa akin, at hindi po ako nagdalawang-isip para tanggapin po iyon."

Ang unang choice para sa role ni Maria Agoncillo, ayon kay Governor ER mismo, ay si Vilma Santos.

Dagdag pa ni Nora, "Kung may mga interviews po sa ibang istasyon na gusto akong ma-interview, sasabihin ko na po sa inyo ngayon para 'wag pong ikakasama ng loob, magpaalam lang po.

"Ang aking istasyon po ay Channel 5.

"Manggagaling po sa kanila ang [interview appointment]... sa 5. Pasensiya na po.

"Gusto ko lang po malaman po ninyo ang totoo at para wala ding samaan ng loob."

Naitanong naman kay Mr. Intalan kung open ba si Nora na mag-guest sa ibang talk shows ng ibang network stations bukod sa TV5.

Ayon sa TV5 executive, "Nasa management ang decision. Siguro respetuhan na lang. Konting sense of priorities.

"So, pag-aaralan namin. Ipapaalam ko [sa management] kung papayagan."

Ngunit may positibo ring pahayag ang isa sa mga opisyal ng istasyon.

"Pag handa na si Ate Guy na magbigay ng interview, why not?" aniya.

KUYA GERMS AND SUZETTE. Ipinabatid din ni Nora sa lahat ng dumalong press people ang pasasalamat niya sa dalawang kaibigan na sina Kuya Germs at Suzette Ranillo.

Aniya, "Nagpapasalamat po ako kay Kuya Germs, sa sobrang sakripisyo sa akin.

"Kay Suzette, na siya po ang nakipag-coordinate at sumundo po sa akin sa States.

"At siyempre po, ang TV5 na nagtiwala po sa akin, na gawan ako ng mini-serye, at nagbigay ng kontrata po para makapagtrabaho po uli ako."

Ang sumunod na pahayag ni Nora ay lalong makahulugan:

"At sa lahat po ng dating nagmahal—at hindi nagmahal—nagpapasalamat ako.

"Magmahalan na lang po tayo ngayon.

"Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.

"Hindi po ako nagbabago.

"Ako pa rin po si Nora Aunor. Minsan po'y nagluluka-lukahan, pero wala na po 'yon ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Marami pong salamat."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN