Ang buhay ng tao ay may simula at katapusan. Ito ang isang bagay na madalas napapanood sa mga paborito nating palabas or pelikula.
Gayunman, ang mga kuwentong ito'y maaari rin mangyari sa totoong buhay, at nagiging mas interesante ito para sa publiko kapag nangyari ito sa mga paborito o kilala nilang personalidad sa showbiz.
Gumawa ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng listahan ng ilang personalidad na pumanaw, o may malalapit na kamag-anak na sumakabilang-buhay na.
GONE SO YOUNG. Nakakalungkot sa tuwing mapapabalita ang pagpanaw ng isang batang artista.
Marami pa silang maaaring maiambag sa industriya ng showbiz. Ngunit, nang dahil sa ilang mga pangyayari ay iniwan nila ang mundong ito sa batang edad.
Isa sa mga pinag-usapan sa taong ito ay ang pagpanaw ng batang aktor na si AJ Perez.
Nasa kasagsagan ng pagsibol ng kanyang showbiz career si AJ nang mangyari ang isang aksidente na kumitil sa kanyang buhay.
Madaling-araw ng Abril 17 nang bumangga ang sinasakyan niyang van sa isang bus at isang truck, habang nasa biyahe pabalik ng Maynila matapos ang isang show sa Dagupan, Pangasinan.
Bago maganap ang aksidente, kasama sana sa cast ng pelikula ng Star Cinema na Way Back Home si AJ para makatambal ni Kathyrn Bernardo.
Ngunit, dahil nga sa kanyang pagpanaw ay pinalitan siya ng kaibigan niyang si Sam Concepcion.
Samantala, mula sa aksidente ay tutungo tayo sa alitan ng pamilya.
Ito ang sinasabing dahilan ng pagkakapaslang sa aspiring actor at politician na si Ramgen Revilla.
Si Ramgen, o mas kilala bilang "Ram" sa mga malalapit sa kanya, ay anak ni dating Senador Ramon Revilla Sr. sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay.
Ang 22 taong gulang na aktor ay pinagbabaril at pinagsasaksak sa kanilang tahanan sa BF Homes, Parañaque City, kasama ng kanyang nobyang si Janelle Manahan.
Ayon sa isinumiteng salaysay ni Janelle, alitan sa magkakapatid ang dahilan ng pagpaslang sa kanyang nobyo.
Ang itinuturong suspek sa pagpatay kay Ram ay ang mga kapatid niyang si Ramon Joseph "RJ" Bautista at Ramona Bautista.
Gayunman, hanggang sa ngayon ay hindi pa tapos ang isinasagawang imbestigasyon tungkol sa naturang kaso.
THE LEGENDS. Kung mayroong pumanaw sa batang edad, mayroon din mga beteranong namaalam na sa kanilang kinalakihang industriya.
Ang mga taong ito ang masasabi nating may malaking naiambag sa kani-kanilang propesyon, sa iba't ibang paraan.
Unahin na natin ang pagpanaw ng "Legendary Actress" na si Dame Elizabeth Taylor.
Sumakabilang-buhay siya noong Marso 23, oras sa Amerika, sa Cedars-Sinai Medical Center sa Los Angeles, California dahil sa sakit na congestive heart failure.
Ang 79-taong gulang na aktres ay naging kilala sa pagganap niya sa mga pelikulang Who's Afraid of Virginia Woolf? at Butterfield 8.
Ang mga pelikulang ito ang naging dahilan upang manalo siya noong '60s ng dalawang Oscar awards for Best Actress.
Nariyan din ang pagpanaw ng dalawang mahuhusay na direktor— si Direk Boots "Butse" Plata at Direk Lito Calzado.
Si Direk Butse ay pumanaw sa edad na 68 dahil sa sakit na lung cancer noong Nobyembre 2, sa Saint Luke's Medical Center, Taguig City.
Hindi na siya ibinurol. Bagkus, matapos ang isang misa ay kaagad siyang ipina-cremate, at tulad ng nais niya'y isinaboy sa Pasig River ang kanyang mga abo.
Samantala, si Direk Lito naman ay pumanaw noong Nobyembre 11, dahil sa sakit na liver cancer.
Dinagsa ng mga kilalang personalidad sa showbiz ang kanyang tatlong araw na burol.
Isang linggo matapos siyang mailibing ay ginawaran siya ng posthumous award ng PMPC Star Awards for Television para sa kanyang naging kontribusyon sa industriya.
IN THE FAMILY. Ilang malalapit na kamag-anak naman ng mga kilalang personalidad ang pumanaw sa taong ito.
Sinubaybayan ng publiko ang hinagpis at pangungulila nang masawi ang malalapit na tao sa buhay ng kanilang mga iniidolo.
Una na rito ang pagpanaw ni Ricky Pempengco, ang ama ng international singer na si Charice Pempengco.
Nakaalitan ng ama ni Charice ang suspek na si Angel Capili.
Kaya naman nang nagkaroon siya ng pagkakataon noong hating-gabi Oktubre 30, habang bumibili sa tindahan sa A. Bonifacio Street, Langgam Village sa San Pedro, Laguna, ay pinagsasaksak niya si Ricky.
Ilang araw lamang ang lumipas ay sumuko rin sa awtoridad si Capili at humingi ng tawad sa pamilya ni Charice, isang bagay na hindi nila nagawang tanggapin.
Samantala, ulilang lubos na ang magkakapatid na Younghusband—sina Phil, James, at Keri—nang pumanaw ang ina nilang si Susan Placer-Younghusband.
Massive heart attack ang ikinamatay ng kanilang 49-year-old na ina noong Setyembre 10, sa kanilang tahanan.
Nasa Bacolod ng mga panahong iyon ang magkapatid na Phil at James para mag-ensayo kasama ang ibang miyembro ng Philippine Azkals, nang ibinalita ng nakababatang kapatid nila ang pagpanaw ng kanilang ina.
Masakit naman para sa dating child star na si Camille Pratts ang mabalo sa edad na 23, matapos pumanaw ng kanyang asawang si Anthony Linsangan.
Sumakabilang-buhay si Anthony sa edad na 31, noong Setyembre 23, sa Makati Medical Center dahil sa sakit na nasopharyngeal cancer.
Matagal din itinago ni Camille sa publiko ang tunay na kondisyon ng kanyang asawa.
Bagama't kinumpirma niya noong Agosto sa PEP.ph na may sakit ang kanyang asawa ay tumanggi na itong magbigay ng iba pang detalye.
Ilan pa sa mga pumanaw na pinag-usapan ng publiko ay ang pagsakabilang-buhay nina Paquito Diaz, John Apacible, Jo Ramos, RJ Rosales, Leo Rabago, Shirley Gorospe, Ben Feleo, Don Escudero, at Angelo Reyes.
CLICK HERE para makita ang kabuuang listahan at larawan ng mga pumanaw na pinag-usapan sa taong ito.