Bianca Manalo on John Prats: "Yes, we are exclusively dating."

IMAGE 0


Marami ang nagsasabi na hindi raw bagay sila Bianca Manalo (left) at John Prats dahil sa kanilang height difference, kung saan mas mataas si Bianca kay John. Ayon naman sa beauty titlist/TV host, never daw siya nagkaroon ng boyfriend na mas matangkad kaysa sa kanya.



Humarap na rin sa press si John Prats sa presscon ng MSE (Marikina Shoe Expo) para aminin ang panliligaw niya sa Happy, Yipee, Yehey co-host na si Bianca Manalo.

Sa naturang interview din ay inamin ng TV host/actor na personal na niyang naipakilala si Bianca sa kaniyang pamilya at nagustuhan naman ng Prats family ang former beauty queen.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Bianca last Wednesday sa Happy, Yipee, Yehey, aminadong ikinagulat niya ang pag-aming ito ni John pero di rin niya itinago ang kanyang tuwa.

"Eto, naloloka ako pero ayan na ang pinaka-aabangan ninyo. Finally, nagsalita na siya.

"Sinasabi naman niya every day sa Happy, Yipee, Yehey na live on national television kung ano ang nararamdaman niya, na napapanood sa buong mundo, so mas mahalaga sa akin yun. Yung interview niya na nasabi na niya ang lahat, bonus na lang yun," aniya.

"Nasa eroplano ako, pauwi galing Hongkong, tinext niya ako bigla, 'O, nagpa-interview ako.'

"Tapos tumawag siya sa akin, sinabi daw niya ang totoo, ang nararamdaman daw niya sa akin. Nakakaloka, sabi ko sa kanya, 'Sinadya mo talagang wala ako dahil wala akong magagawa,'" ang salaysay ni Bianca.

Kinumusta namin kung paano manligaw si John at kung anu-ano ba ang nagugustuhan niyang katangian sa young actor.

"Sobrang malambing, sobrang sweet, sobrang romantic. Everyday yan, everyday, he won't allow na lumagpas ang araw na hindi kami nagkikita, na hindi niya ako napupuntahan."



Sa pag-amin ni John na naipakilala na niya si Bianca sa Prats family, ikinuwento naman ng former beauty queen na maging ang aktor ay naipapakilala na rin niya sa Manalo family.

"Niyaya niya ako. Masaya, masaya kasi magkakasama kami sa isang lamesa. It happened nung Saturday [September 3], sa Decagon sa Silver City, Ortigas. Surprise birthday yun para sa daddy niya. Maganda, parang may event, nag-perform siya, silang magkakapatid.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sobrang bait nila, sobrang family-oriented, sobrang maka-Diyos silang lahat. Catholic kasi ako, so importante yung Katoliko din yung ano, in case...

"Naipakilala ko na rin naman siya sa family ko. Mas kinakausap nga nila si John and nababaitan sila [sa kanya]. Nag-dinner kaming lahat kasama yung family at yung relatives ko from abroad. Pagdating namin, beso ako sa mommy ko, beso [din] siya, tapos sabi ng mommy ko, 'O John, sit down.'"

Pareho ang kwento ni John at Bianca na nagsimula talaga sa wala ang lahat.

Naging tulay ang pagkaka-involved ni Bianca sa breakup nila Rachelle Ann Go at John kung saan naiturong third party si Bianca hanggang nauwi ito sa tuksuhan, pag-uusap at lumalim na nang lumalim habang tumatagal.

"Exactly, di ba yun ang sinabi ko sa inyo na nakapag-usap kami kasi humihingi siya ng pasensiya dahil nadadamay ako sa isyu tapos yun na, lagi na niya akong tinatawagan," paliwanag ni Bianca.

"Pag tumatawag siya, nagpapakwento siya, 'Dali, kuwentuhan mo lang ako.'

"Sabi ko nga, ano ang ikukuwento ko? Kung ano raw nangyayari sa buhay ko, yung mga pinagdaanan ko. Dun nag-start hanggang sa makilala niya akong mabuti. Para daw akong, hindi ko alam, hinahanap-hanap niya yung bibig ko, yung ingay ko."

Marami ang nagsasabi na hindi raw bagay sila John at Bianca dahil sa kanilang height difference. Mas mataas si Bianca kay John. Ayon naman sa beauty titlist/TV host, never daw siya nagkaroon ng boyfriend na mas matangkad kaysa sa kanya.

"I never had a boyfriend na mas matangkad sa akin. Never. Ewan ko kung masyado lang ba talaga akong matangkad. Hindi naman nagma-matter sa akin 'yan, ang importante sa akin ay ugali.

"Basta maka-Diyos ka, marespeto ka sa magulang mo. Ako kasi naniniwala ako kung paano ka sa Nanay mo, ganun ka sa babaeng mapapangasawa at makakasama mo habang buhay."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



Di rin daw issue kay Bianca ang mga paratang kay John na babaero daw ito at two-timer.

"Alam kong hindi yan totoo. Hindi ako natatakot kasi alam ko kung ano man mayroon sa amin ngayon, malinis yun. Malinis na nagsimula, hindi totoo lahat ng mga intriga.

"Wala kaming tinapakang tao, may respeto [kami] sa lahat ng taong nakapaligid sa amin."

Exclusively dating ang estado na ibinigay ni John sa relasyon nila sa ngayon, bagay na sinang-ayunan din ni Bianca. Sa tanong namin kung gaano kalaki ang pag-asa sa kanya ng aktor, di naman tinago sa amin ni Bianca na isa sa nagpapasaya sa kanya ngayon ay si John.

"Oo naman, ako kasi hindi na ako nakikipag-date sa iba, siya rin naman, sinabi niya sa inyo na ako lang so, yes, we are exclusively dating. I don't know what to say. I'll just comb my hair 'coz it's so long.

"Kayo, kung di ninyo type ang isang tao, sasama ba kayo? Yun na lang, hindi ako magbubuhos ng oras at mag-i-invest ng oras ko, at panahon kung wala naman. Basta ako, I'm very, very happy right now and definitely, he's one of the reasons," ang sabi ni Bianca.

"Basta time will reveal. Alam ko na magiging masaya ako sa birthday ko (November 28), magiging masaya ang Pasko ko, at ang Valentine's Day."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN