Ram Revilla's younger brother RJ wants justice for Ram

IMAGE 0


"Sana mabigyan ng katarungan yung nangyari kay Ramgen, sana mahuli kung sino man ang may gawa nito," says RJ Revilla about the murder of his brother Ram Revilla (in photo).


Nagluluksa ang buong pamilya Revilla sa pagyao ni Ramgen Bautista—o mas kilala bilang Ram Revilla sa showbiz.

Pinaslang si Ram noong madaling-araw ng Sabado, October 29, sa loob mismo ng kanilang tahanan sa BF Homes Parañaque ng hindi pa nakikilalang suspects. (CLICK HERE to read related story.)

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa telepono ang nakakabatang kapatid ni Ram na si Ramon Joseph "RJ" Bautista kagabi.

Sina Ram at RJ ay anak ni dating Senator Ramon Revilla Sr. kay Genelyn Magsaysay.

Ayon kay RJ, ngayon pa lang sila medyo nahihimasmasan sa biglaan at malagim na pagkamatay ng kanyang kapatid, na nakalagak ang mga labi sa Angelus Eternal Garden sa Toclong, Imus, Cavite.

Ayon kay RJ, "Ngayon pa lang po kami nakakapagpahinga simula nang malaman namin ang nangyari kay Ramgen. Sobra kaming nabigla lahat.

"Parang hindi pa nagsi-sink in sa amin yung nangyari, parang ang hirap paniwalaan na nangyari yun kay Ramgen."

Ano ba ang nangyari sa kanilang pagkakaalam?

"Yun nga po, someone entered our house, mga nakatakip yung mukha, tapos binaril si Ramgen at pinagsasaksak.

"Eleven stab wounds. Two stab wounds to his heart which caused his death, according po yun sa autopsy," kuwento ni RJ.

Wala bang kasama noon si Ram?

"Meron, yung kapatid naming babae [Ramona] at si Janelle Manahan," banggit ni RJ.

Si Janelle ay kasabayan noon ni Erich Gonzales sa artista search ng ABS-CBN na Star Circle Quest.

Patuloy ni RJ, "Si Janelle sinaksak din. Last na balita ko nasa ICU [intensive care unit], pero stable na daw yung lagay.

"Yung kapatid ko namang babae, kinidnap for one hour at tinutukan ng kutsilyo, tapos pinakawalan din."

May hinala ba sila kung sino ang gumawa nito kay Ram?

"Wala nga pong prime suspect, pero iniisip nila baka may third party.

"Wala naman po kasi kaming matandaan na nakaaway yung kapatid ko, kaya hindi namin alam kung ano ang motibo ng pumatay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Wala naman kasi siyang kinuha sa bahay. Kung magnanakaw kasi yung killer, di sana may ninakaw na siya. Kaso wala talaga."

Asam ni RJ, "Sana mabigyan ng katarungan yung nangyari kay Ramgen, sana mahuli kung sino man ang may gawa nito."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN