Genelyn Magsaysay's financial problems being probed by the police

IMAGE 0


Genelyn Magsaysay's Facebook notes of October 21, 9:18 p.m.: "I need to work ASAP so i can have my own ,i dont like to hear them saying im a parasite.before i met him im working already,now they are telling me im a parasite when the allowance that you are giving is not enough for monthly consumption." Ito ang Facebook status ni Genelyn Magsaysay, ina ng pinaslang na si Ramgen Revilla, noong Oktubre 21. Ngayon ay tinitingnan na rin ng pulisya ang naiulat


Sinusubukan na rin ngayong siyasatin ng pulisya ang mga pinansiyal na problema ni Genelyn Magsaysay, ina ng napaslang na si Ramgen Revilla.

Si Genelyn din ang ina ng dalawang itinuturong pangunahing suspek sa pagpatay kay Ram, na sina Ramon Joseph "RJ" Bautista at Ramona "Mara" Bautista.

Sa press conference ni Genelyn noong Linggo, Nobyembre 6, nagpasaring ito tungkol sa maliit na sustento sa kanyang siyam na anak mula kay dating Senador Ramon Revilla, Sr.

Ayon kay Genelyn, "Gusto ko pong ipakita sa lahat na si Don Ramon po ay may mga anak na nakakabatang kapatid [ni Ramgen], na hindi po nailalabas sa media, na hindi nailalabas sa tao, na mas higit na dapat ay higit na nakakakuha ng higit na atensiyon ni Don Ramon dahil kailangan ng kanyang kalinga at pagmamahal."

(CLICK HERE to read related article.)

Sa hiwalay na pakikipag-usap sa media, pinabulaanan naman ito ni Senator Ramon "Bong" Revilla Jr., ang kapatid sa ama nina Ramgen, RJ, at Ramona.

Saad ng actor-politician, "Huwag nating ibahin ang usapan. Siguro harapin natin ang tunay na problema ng bayan.

"Ang problema na hinaharap natin ngayon ay ang pagpatay kay Ramgen, at 'yong kay Janelle [Manahan, girlfriend ni Ramgen] na problema.

"'Yong problema sa aspeto na 'yon. I don't think napapabayaan sila."

(CLICK HERE to read related article.)

Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na nagparinig si Genelyn tungkol sa pinansyal na sustento para sa kanyang mga anak.

Noong Oktubre 21, 9:18 p.m., inilathala ni Genelyn sa kanyang Facebook account ang sumusunod:

"I need to work ASAP so i can have my own ,i dont like to hear them saying im a parasite.before i met him im working already,now they are telling me im a parasite when the allowance that you are giving is not enough for monthly consumption.God is my witness,election is coming again then you will publisized that you love all your siblings ,God knows what to do ,You want to be the president of the Phillipines ,it's up to the Lord."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinundan pa niya ito ng isang post bandang 9:49 p.m.:

"if you really love your siblings you wont let your dad do something silly to his younger 9 children,telling him what we have is not enough ,but you are passive, you just let him say bad words to us.pure heart is not just doing good ,just as that but having love in your heart.Ready to cover the little mistakes of others,yes thats love ,loving unconditionally in spirit..."

CREDIT CARD DEBT. Sa ulat ni Anthony Taberna ng ABS-CBN News na lumabas kagabi, Nobyembre 7, sinabi raw ni Ramgen sa kanyang ama, na si dating Senator Ramon Revilla, Sr., ang tungkol sa P2.3 million na utang sa credit card ng kanyang ina.

Ikinagalit daw ito ng dating senador at aktor.

Gayunman, nag-issue pa rin umano ang nakatatandang Revilla ng mga tseke noong October 18 at 25 para mabayaran ang mga utang na ito.

Sinabihan din daw ng dating senador si Genelyn na ipaputol na ang kanyang mga credit card.

Pinatunayan naman ito ng personal assistant ni Ramgen na si Ronald Ancajas.

Ayon kay Ronald: "Malaki raw ang utang ni mam sa credit card.

"Noong nakaraang buwan lang... Katunayan nga ho raw binayaran ni Senior 'yan.

"Pumunta raw sila sa mansion."

Sa ngayon, ayon naman kay ParaƱaque Police Chief Senior Superintendent Billy Beltran, hindi nila ikinukunsiderang suspek ang ina ni Ramgen.

Pero tiniyak ni Chief Senior Superintendent Beltran na tinitingnan ng kanilang grupo ang lahat ng mga posbileng ebidensiya sa kaso.

Kasama na rito ang napabalitang alitan sa kanilang pamilya, na inilahad ni Genelyn sa kanyang Facebook account.

Tungkol naman sa balitang mga utang ni Genelyn, sabi ni Chief Senior Superintendent Beltran:

"It says something about the motive din. I feel this is material doon sa ongoing investigation."

Sinubukan daw ng ABS-CBN News na hingan ng pahayag si Genelyn tungkol sa isyu na ito subalit hindi niya sinasagot ang kanilang mga tawag.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nag-iwan din ng mensahe ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Facebook account ni Genelyn para sa isang panayam, subalit hanggang ngayon ay hindi pa ito sumasagot.

SIBLING RIVALRY. Nang mapaslang si Ramgen noong gabi ng Oktubre 28, Biyernes, sari-saring espekulasyon ang mga lumabas bilang motibo ng krimen.

Isa na rito ang diumano'y hindi pagkakaunawan sa pagitan ng mga anak ni Genelyn.

Una nang nagpatunay nito ang personal assistant ni Ramgen na si Ronald Ancajas.

Ayon kay Ronald, "Ang alam ko ay matagal nang may tampuhan sila tungkol sa budget ng bahay dahil si boss Ramgen ang humahawak, at sinisiraan daw sila sa Daddy nila, at mga ilang buwan din silang hindi nagkikibuan."

Sa kanyang sinumpaang salaysay, inihayag din ni Ronald na nakita niya ang mga itinuturong suspek, na sina Ramona at RJ, na palabas sa gate ng BF Homes ParaƱaque ilang sandali matapos ang krimen.

"Nakaidlip po ako dahil sa pagod at puyat at mga ilang minuto, bigla akong nagising at pagsilip ko sa bintana ng kuwarto ko ay nakita ko si Joseph na naglalakad palabas ng gate ng subdivision.

"At mga ilang minuto sumunod naman si Mara [Ramona].

"Akala ko papunta na sila ng Baguio. Dahil aalis nga sila papuntang Baguio.

"At napadura ako sa labas ng bintana, at bumalik ako sa higaan ko at natulog."

Saka na lamang daw niya nalaman ang pagkapatay sa kanyang amo nang gisingin siya ng pulisya.

Bukod kay Ronald, nagbigay na rin ng pahayag ang tatlo pang kasambahay ng pamilya ni Ramgen na kinilalang sina Roselyn Albajer, Nelia Orasa, at Fidelina Roman.

Narinig daw nila ang kaguluhan bago mapaslang ang 22-yeard-old na si Ramgen.

Subalit hindi nila ito pinansin sa pag-aakalang isa na naman itong hindi pagkakaunawaan sa magkakapatid.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN