Carla Abellana is hoping for a year that is not "kasing stressful at kasing-ngarag ng 2011"

IMAGE 0

Carla Abellana does not believe in New Year's resolutions. She says, "Kasi hindi ko naman natutupad, di ba? Puwedeng iisa lang ang goal mo for the whole year. Pero mas naniniwala kasi ako na maliliit na goals na lang spread out through the year. 'Tapos isa-isahin mo na lang na i-a-achieve."


Bago naganap ang Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival noong December 28, pinag-uusapan ang pagkaka-disqualify ng Yesterday Today Tomorrow.

Tinanggal ng MMFF executive committee ang pelikulang ito ng Regal Entertainment sa nominees para sa apat na kategorya: ang best picture, best director, best story, at best screenplay.

Ayon sa MMFF execom, ito ay dahil sa mga revisions sa script, na ibang-iba na raw sa orihinal na isinumite at naaprubahan.

Kaugnay nito, balitang inutusan ng Regal Entertainment ang lahat ng artista sa dalawang film entries nito na iboykot ang awards night.

Kasama na rito si Maricel Soriano, na siyang lead actress sa Yesterday, Today, Tomorrow. No-show si Maricel sa gabi ng parangal.

Sa kabila nito, nanalo pa ring best actress si Maricel.

Bagay naman na ikinatuwa ni Carla Abellana, na kasama ng Diamond Star sa cast ng nabanggit na pelikula:

"Yes, at least, di ba? Nabigyan siya ng gano'ng recognition," pahayag ni Carla sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong gabi mismo ng awarding ng taunang film fest.

Ang interview ay naganap sa harap ng isang Shakey's outlet sa Resorts World, kung saan nag-blow out naman si Governor ER Ejercito dahil humakot ng awards ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.

Si Carla ang leading lady ng Asiong Salonga.

Ang sabi pa ng young Kapuso star tungkol sa pagkapanalo ng Diamond Star na kanyang idolo: "She deserves it.

"At least kahit papa'no, may malaking karangalan natanggap ang Yesterday Today Tomorrow."

Sinasabing isa raw si Carla sa naging top contenders para sa best-actress trophy?

"Isa ba ako?" ang nakangiting reaksiyon ni Carla. "Hindi. Sa kanya [Maricel] na lang iyon.

"Lahat naman deserving ma-nominate, at least.

"I'm sure marami ring deserving manalo.

"Pero hindi naman lahat mabibigyan ng chance.

"So, ultimately, it will go to the most deserving. So, si Ms. Maricel, sa kanya na 'yon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasa vicinity na si Carla ng Resorts World, pero bakit hindi siya dumalo?

Sinabihan nga ba sila ng lady bosses ng Regal Entertainment na huwag nang dumalo? Liban kay Mother Lily, ang isa pang boss ng kumpanya ay ang anak nitong si Roselle Monteverde-Teo.

Ayon kay Carla, "Hindi naman. Hindi ko siya [Mother Lily Monteverde] nakausap. Hindi ko rin siya na-text.

"Ang una pa ngang nakapagsabi sa akin, si Lovi [Poe], na hindi nga raw makakapunta ang lahat ng cast ng Yesterday Today Tomorrow, pati na rin ang cast ng Shake, Rattle & Roll 13."

Ang dalawang pelikula ay entries ng Regal Entertainment sa MMFF.

"So, wala....Wala naman akong narinig na anything from Mother or kay Ms. Roselle kasi inaayos pa nila 'yong issue with MMFF."

May binago ba sa script?

Ang sagot ni Carla, "Hindi ko alam 'yong tungkol sa isyung ninety percent ng script ng Yesterday Today Tomorrow, nabago.

"Sa pagkakaalam ko kasi, based sa original script na 'yong mga eksena ko, walang nabago.

"Hindi ko alam 'yong mga binago. Hindi ko talaga alam na may mga nabago pala."

Aminado ang aktres na may panghihinayang ito dahil hindi siya nakadalo sa awards night.

"Kasi gusto kong tumayo at pumapalakpak.

"Gusto kong magbigay ng standing ovation sa Asiong Salonga.

"Pero online na lang akong naki-update sa mga pangyayari.

"Online na lang ako nagbasa ng mga results ng winners," ang pahayag ng anak ni Rey PJ Abellana.

Sa tono ng pananalita ni Carla, halatang hindi siya pabor sa nangyaring "pag-boykot."

Ang kuwento pa niya, "Hindi pa naman ako nakabihis para sa MMFF awards night no'ng nasa area na ako ng Resorts World.

"On my way pa lang kasi ako nasabihan. So, hindi pa talaga ako naka-ready or anything.

"Pero nakakalungkot kasi pinaghandaan namin 'yong awards night.

"Hindi lang naman ako kundi all the other artists. Sina Lovi, si Jericho [Rosales], lahat sana kami nakapaghanda na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakakalungkot na akala mo ready ka na. Hindi pala kami makakapunta.

"But at least, 'yong winners, kahit papa'no nasabihan ko na ng congratulations through text o sa Facebook."

Gayunpaman, masaya raw ito dahil umani ng 11 awards ang isa pa nitong pelikula.

"Napakasaya ko na humakot ng awards ang Asiong.

"Hindi ko man napanood at wala man ako doon sa awards night, I was very much updated with the results of the MMFF awards night.

"'Tapos 'yong puso ko, parang ang bilis-bilis mag-beat. 'Tapos parang 'yong tiyan ko, parang kumukulo sa kaba at sa excitement.

"So, masaya ako dahil, finally, nabigyan ng recognition 'yong ganito kagandang pelikula."

Iyong pagpunta niya sa blowout ni Governor ER, walang issue kay Mother Lily?

Matatandaang hindi nakapag-promote ng pelikula ni ER si Carla dahil sa exclusive contract nito sa Regal Entertainment para sa mga pelikulang gagawin niya.

"Walang issue 'yan. Uhm... tapos na ang pelikula. Tapos na ang awards night.

"Nasa publiko na ang paghusga kung alin ang panonoorin nila.

"So, this is the least that I can do na rin for Gov. ER Ejercito.

"Dahil hindi rin naman ako nakapagbigay ng full support ko sa buong team ng Asiong Salonga.

"So, at least man lang dito, last but not the least, di ba? Victorious... makiki-celebrate ako.

"Hindi na magagalit si Mother.

"Mas magalit na lang siya kung bakit na-disqualify ang Yesterday kesa rito.

"I think that's a bigger issue."

Positibo raw si Carla na nagkaroon man ng aberya dahil naipalabas ang Asiong sa 17 lang out of 51 theaters na target nito noong first day ng MMFF, makakahabol pa rin daw ito sa takilya.

"Ilang araw pa ang Asiong Salonga para bumawi. Ngayon that we emerged victorious sa awards night, mas marami pang manonood na. So...bawi na lang."

HELLO 2012! Sa bagong taon, ang wish daw ni Carla ay mas bumuti pa ang kanyang career.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I'm hoping that it would be a better year for me, career-wise.

"Sana hindi siya kasing stressful at kasing-ngarag ng 2011."

Paano naman ang kanyang lovelife?

"Sana kasama na rin 'yon.

"But you know, you can't have everything.

"Di ba, hindi naman puwedeng colorful lovelife at colorful career?

"E, maganda na para sa akin 'yong balance."

May magaganap na bang kasalan sa darating na taon?

"Wala naman. Wala. Uhm... magri-renew pa lang ako ng kontrata.

"So ayoko namang maging hadlang ang kasalan sa gano'ng bagay."

Hindi pa ba siya kinukulit ng boyfriend niyang si Geoff Eigenman?

"Hindi naman. Wala sa aming nagkukulitan.

"Hindi nga namin napag-uusapan ang tungkol do'n."

Habang tumatagal ba, lalo niyang minamahal si Geoff?

Natawa si Carla, sabay sabing, "Habang tumatagal, mas marami akong natututunan sa kanya.

"And that's part of loving him.

"Pero 'yong kasalan—no, not in the near future."

SPENDING HOLIDAYS TOGETHER. Nitong Holidays daw ay nagkaroon sila ng time para sa isa't isa.

Noong nakaraang Pasko, "Nakapag-celebrate din naman kami together, so sa New Year, gano'n pa rin."

Bale "pangalawang new year" na raw nila ito.

At ang kanilang nakagawian na, iseselebra muna nila ito kasama ang kanilang pamilya, at saka "magsasama after."

Ano ang Christmas gift niya kay Geoff?

"Sapatos na Nike. At saka coat na maganda na Versace, na inorder ko pa from another country."

Ano naman ang Christmas gift sa kanya ni Geoff?

"Wala," sabay tawa ni Carla. "Hindi pa raw dumarating 'yong kanyang inorder.

"Hindi naman siya kuripot! Ha-ha-ha!

"Hindi lang umabot sa oras 'yong kanyang inorder.

"You know, Christmas is about giving.

"But there are 364 days in a year para bumili ng regalo, di ba?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN