Live na humarap ang talent manager na si Annabelle Rama sa Showbiz Central kahapon, Disyembre 11, para sa isang exclusive interview kay Pia Guanio.
Nagpaliwanag si Annabelle kung bakit siya naging emosyunal at nagsisigaw sa nangyaring paghaharap nila ni Nadia Montenegro noong Disyembre 6 sa Quezon City Prosecutor's Office.
Kasama ang kani-kanilang mga abugado, nagharap sila sa unang pagkakataon sa loob ng office ng piskal na si Liezel Aquiatan-Morales matapos maghain ni Nadia ng mga kasong child abuse, oral defamation, falsification of documents, at libel laban kay Annabelle.
Si Annabelle ang talent manager ng mga menor de edad na anak ni Nadia na sina Alyanna at Annyka.
Sa video na nakunan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mapapanood ang isang galit na Annabelle habang sinisigawan ang mga umiiyak na sina Alyanna at Annyka. (CLICK HERE to watch video.)
Sigaw ni Annabelle: "Alyanna, huwag kang umiyak! You tell the truth! Tell the truth! Mga sinungaling, bastos!"
Pagkatapos ay nanggagalaiti sa galit na nagpa-interview si Annabelle sa media kung saan tinawag niyang "sinungaling," "mukhang pera," at "tanga" si Nadia.
(CLICK HERE to read related story.)
ANNABELLE EXPLAINS. Ayon kay Pia, nakita ng lahat kung ano ang nangyari sa paghaharap nina Nadia at Annabelle, pero hindi raw alam ng mga tao kung bakit nagalit si Annabelle noong araw na iyon.
Paliwang ni Annabelle, "Alam mo, bago pumunta ng court, nasa ano ako, sa Sulo Hotel.
"May nagte-text na sa akin na, 'Huwag ka nang pumunta, useless yun.' Sabing ganun sa akin.
"'Kasi tapos na ang laban, talo ka na diyan,' sabing ganun.
"'Yung pagpa-file mo ng mga counter-counter [affidavit], balewala iyan.'
"Hindi ako naniniwala kasi feeling ko, galing kay Nadia yun kasi ayaw niya akong pumunta...siguro ayaw niya akong humarap sa kanya.
"Pero sabi ko naman...punta pa rin ako kaya pumunta pa rin ako sa ano [piskalya]."
Saad pa ni Annabelle, "Kaya naman ako nagagalit kasi biro mo, Pia, masakit sa loob ko, nagkapera siya [Nadia] dahil sa akin.
"Nagkatrabaho ang mga anak niya, nakakuha ng three years contract dahil sa akin.
"Na-save ko ang buhay nila dahil nung pinalayas sila sa bahay nila sa St. Ignatius, sa akin siya tumakbo.
"Ako ang gumawa ng paraan para makakuha siya ng advance sa GMA pang-down payment dun sa bahay na rerentahan nila.
"Ilang beses na siyang...yung talbog ang tseke niya. Utang siya nang utang sa akin.
"Tapos... ibig sabihin, wala akong maisip na kasalanan na dapat niya akong gawing ganito, ganituhin."
Ikinagulat daw talaga ni Annabelle ang pagdedemanda sa kanya ni Nadia.
Aniya, "Bigla na lang akong idinemanda, nagulat ako.
"Kasi last four months, kelan ba yun? Nakakuha siya ng P1.6 [million] sa akin.
"Suweldo naman ni Ynna [Asistio, isa pang anak ni Nadia na talent din ni Annabelle], pero what I mean, gumagawa ako ng pera para sa mga anak niya.
"Tapos una pa lang, piskal, parang uminit na lang ang ulo ko.
"Kasi, sabi kasi niya, 'Lahat ng kontrata na 'yan, fake lahat ng pirma na 'yan. Pinorge ang pirma ko.'
"Sabi ko, 'Ang lakas ng loob mo magsasabi sa akin ng ganito.'
"Tapos kong tinulungan sila, ganyan pa ang gagawin sa akin na ang pirma daw niya pinorge ko raw.
"Bakit ko naman ipo-forge ang pirma niya, Pia, wala akong kikitain, di ba?"
GRETCHEN'S WARNING. Kuwento pa ni Annabelle, dapat ay nakinig daw siya sa babala ni Grecthen Barretto sa kanya noon.
"Unang-una, hindi naman ako namimilit sa anak niya na pumunta sa akin.
"Ang dami kong tinanggihan, nag-apply sa akin hindi ko talaga tinatanggap.
"Itong kay Nadia, nung tinanggap ko, ang dami talagang kumontra. Una, pamilya ko.
"Dapat nakinig ako kay Gretchen Barretto.
"Kasi si Gretchen dati, 'Tita, ingat-ingat ka diyan.'
"Gretch, dapat nakinig ako sa iyo. Kasi, nakita ko naman ang nangyari sa inyong dalawa ni Nadia.
"Five years siya, hindi nagbayad dun sa bahay na ni-rent, nakasangla dun sa bangko ng mga Cojuangco.
"Pina-padlock yung bahay niya, sini-sheriff siya, sa akin din siya tumakbo.
"Wala silang pang-breakfast kasi wala silang gamit. Ako rin ang nagbigay.
"Yung lahat ng gamit sa bahay nila ngayon na ginagamit nila, ako rin [ang nagbigay].
"Kasi sabi niya, 'Tita, meron kaming bahay narentahan, P100,000. Wala ni isang gamit.'
"So, sabi niya, 'Pahiram naman ng mga gamit mo sa storage.'
"Lahat kasi ng aming gamit, sa White Plains, sa storage. Pinahiram ko lahat sa kanya ang gamit ko.
"Pero ang aming usapan, sofa lang. Hindi yung lahat hakutin niya. Hinakot niya lahat!"
NADIA'S INTENTIONS. Tanong ni Pia kay Annabelle, bakit sa tingin niya ginagawa ni Nadia ito sa kanya?
"Gusto niyang i-manage ang anak niya," sagot ni Annabelle.
"Dapat kung nakiusap sa akin si Nadia, 'Annabelle, hirap na hirap na ako sa buhay ko. Puwede ba ako na lang mag-manage sa mga anak ko?'
"Kasi nakatikim na siya ng pera, e. Nakatikim na siya, e.
"Tapos ang ayaw ko, kaya ako nagwala dun sa ano [piskalya]...
"Alam mo kasi ako Pia, may sakit ako, e.
"Pag hindi ko isigaw, siguro mai-stroke ako, knock on wood.
"Kasi may high blood ako, e. Alam ni Nadia 'yan."
Pakiramdam daw niya ay sinasadya ni Nadia na galitin siya.
Sabi ni Annabelle, "Kaya ako ginagalit ni Nadia. Lahat ng sinasabi dun sa loob ng piskal...para ako makasigaw.
"Tapos nung tumataas na ang boses ko, ginanun niya yung anak niya [tinabig sa balikat], ginanun niya. Kitang-kita ko.
"Pag ganun niya nung anak niya, biglang sumigaw yung Alyanna. Tapos sigaw na humagulgol.
"Sabi nung kapatid, na hindi naman kasama sa loob ng kuwarto, pinagmumura si Nadia."
Ang kapatid na tinutukoy ni Annabelle ay si Tanya Montenegro, na nakatatandang kapatid ni Nadia.
Patuloy ni Annabelle, "Alam mo si Nadia, ginagamit ang mga anak niya.
"Unang-una, dapat ang mga anak niyang minor, hindi sinasama sa ganung klaseng kaso, di ba?
"Kasi kami-kami lang dapat ang nandun, e.
"Tapos sabi niya sa akin, pinaparinig niya sa dalawang bata, yung pera daw nila nasa akin.
"Kasi sabi ko na kay Nadia dati, 'Nads, kinukuha mo lagi sa akin mga pera ng mga anak mo in advance. Baka in the future, hanapin nila yan.'
"Sabi niya, 'Ako na ang bahala kasi puwede naman akong mag-withdraw sa ATM.'
"Ngayon, ang mga bata, gustong malaman kung saan na napunta ang pera.
"Sa harapan ng dalawang bata sinabi niya na kinukuha ko yung mga pera ng anak [niya].
"Dun ako nagalit.
"Kasi gagawin ka pang bugaw. Kinuha pa yung pera ng mga anak niya."
Masakit din daw yung paratangan siyang ibinubugaw ang mga anak ni Nadia.
Sabi ni Annabelle, "Alam mo, maski sino ngayon ang nanonood sa akin, katulad ko rin, magwawala rin kayo.
"Kasi masakit masyado na tumulong ka na, hindi ka pa nabayaran, hindi pa ako nakabawi sa mga anak niya, pagbintangan ka pang nagbugaw.
"Sabi niya, ang anak daw niya...kaya sinasabi ko kay Alyanna tell the truth.
"Sabi daw kasi ni Alyanna dun sa kanyang statement, sa party daw ni Manny Pacquiao, victory party, pag dumaan daw si Manny, ilabas daw ang legs daw niya.
"Ba't ko sasabihin naman yun, 'day?
"Sabi ko, kasama ko ang mga anak ko, asawa ko, lahat ng talents ko, isang table kami.
"Sasabihin ko, 'Alyanna, iganun mo ang legs mo.'
"Do you think papansinin siya ni Pacquiao?
"Bago siya pansinin ni Pacquiao, sina Ehra, Michelle [magkapatid na Madrigal], sina Bubbles [Paraiso], lahat ng talents ko papansinin, hindi siya."
ANNABELLE'S CHILDREN GETTING INVOLVED. Ano naman ang reaksiyon ni Annabelle na pati ang mga anak niya ay nadadamay na sa away nila ni Nadia?
"Alam mo, ako Pia, lahat ng mga anak ko, in-advise-an ko sila.
"Pag away ko, away ko. Ayoko silang i-involve sa away ko.
"Kasi mga bata pa 'yan, e. Ayoko silang ma-stress.
"Basta sabi ko sa kanila, 'Ako na'ng bahala sa buhay ko. Kayang-kaya ko.'"
Patuloy ni Annabelle, "Bago sa lahat, maghingi ako ng tawad kay Fiscal Morales sa hindi ko sinasadya.
"Kasi talagang pag hindi kasi ako sumigaw, it's either ma-stroke ako o mamatay ako.
"Ganun nga ang aking sakit. Kailangan ilabas ko talaga ang nasa loob ko. Ganun talaga.
"Kaya ako ginanun ni Nadia, alam niya yun, e. Kailangan pag magalit ako, sumigaw ako.
"Tapos sumigaw ako, nag-iimbento naman siya ng kuwento na kinukuha ko ang pera ng anak niya.
"Hindi naman totoo yun."
GAMBLING LORD AS NADIA'S BACKER? Isang nakakagulat na rebelasyon naman ang isiniwalat ni Annabelle tungkol sa umano'y backer ni Nadia.
Sabi ni Annabelle, "Alam mo Nadia, sabi mo ikaw ang mananalo sa kaso.
"Maski kapa-file ko lang ng counter-affidavit, sabi mo useless ang pag-file ko.
"Kanina sa tweet, sabi mo sa akin sa Twitter, tapos na ang boksing.
"Okay, panalo ka na. Okay lang yun.
"Alam ko naman yun e, kasi ang lakas ng backer mo, 'day, e.
"Ang backer ni Nadia, isang gambling lord. 'Yan ang kanyang backer.
"Yung ibang istorya, saka ko na lang sasabihin.
"Yung gambling lord, ang lawyer niya, ang asawa, assistant prosecutor. Paano ako mananalo?
"Alam ko talo ako, e, okay lang 'yan, e.
"Pero anong klaseng justice ito?
"Puwede palang mag-imbento tapos matatalo ka.
"Yun lang ang ibig kong sabihin.
"Sorry fiscal sa nangyari kasi hindi ko talaga matiis, mamatay talaga ako ng araw na iyon.
"Talagang hindi na ako makahinga sa pinagsasabi ni Nadia sa harapan... dun sa isang fiscal at saka sa iyo.
"Hindi ko talaga matatanggap na ako na nga ang tumulong, ako pang naging masama, ako pang naging bugaw.
"Hindi ko alam kung papaano."
RICHARD'S ALLEGED NASTY TWEETS. Ano naman ang komento ni Annabelle sa sinasabi ni Nadia na nagtu-tweet daw sa kanya si Richard Gutierrez, anak ni Annabelle, ng mga nasty text?
"Alam mo Pia, ako nga meron nga akong fake account, Annabellerampa2. Picture ko rin.
"Puwede namang mag-ano ng ano.
"Walang time si Richard. Lagi siyang nasa Alabang, nagdya-jogging at saka biking.
"Sabi niya kay Richard, hinahamon niya raw mag-drug test.
"Kung gusto mo ng kopya ng drug test ni Richard, kunin mo sa GMA, sa Survivor.
"Kasi sa Survivor, bago siya umalis lahat ng klaseng medical check-up at saka drug test, kailangan talaga nila 'yan.
"Kararating lang ni Richard galing Survivor.
"Ngayon, nagwo-workout. Sasali siya ng competition [triathlon].
"Kaya tingnan mo naman ang hitsura ng anak ko.
"Addict ba ang anak ko? Ang guwapo-guwapo kaya.
"Bumili na kayo ng Men's Health magazine nandun ang anak ko," sabay promote pa ni Annabelle sa magazine, kung saan si Richard ang nasa cover.
KARMA. Makakaapekto ba ang away na ito sa magiging Pasko nila?
"Ako naman Pia, sanay na ako sa ganyan, e," sagot ni Annabelle.
"Laging inaaway ako. Hindi ko alam kung bakit.
"Itong kay Nadia, hindi ko alam kung bakit niya ako idinemanda.
"Wala talagang reason.
"Nalaman ko lang sa fiscal's office ang reason pala, pinapa-release ang anak niya.
"Yun pala ang gusto niya, komisyon.
"Ako ang nagpagod, siya ang gustong kumain sa pagod ko.
"Yun lang yun, walang iba."
Message niya para kay Nadia.
"Nadia, alam mo, ang Santo Niño hindi natutulog.
"Nandiyan ang karma, makakarma ka rin.
"Kasi ginagamit mo pagpunta ko sa Cebu, nagbubugaw ako.
"Pupunta akong Cebu kasama ka, mga anak mo.
"Nagsisimba tayo sa Santo Nino, kaya huwag kang magsinungaling.
"Karmahin ka rin, Nadia!"
Tinatapos na ni Pia ang interview pero may pahabol pang pahayag si Annabelle.
"Uulitin ko, pasensiya na Fiscal Morales sa nangyari that day. Patawarin mo ako.
"Kasi kung hindi ko gagawing sumigaw, mamamatay naman ako sa harapan mo. Yun lang yun."
Hangad din daw ni Pia na sana ay manaig ang hustisya sa kinakaharap na kaso ni Annabelle.
Sabi naman ni Annabelle, "Dapat naman, kasi ayoko naman nung ganyang imbento, tapos talo ka pa sa kaso.
"Samantalang kapa-file lang namin ng counter-affidavit, tapos talo.
"Sabi niya, e, tapos na ang boksing.
"Sabi sa Twitter, tapos na raw ang boksing namin."
Samantala, bukas ang PEP sa panig ni Nadia kung may nais siyang sabihin sa mga naging pahayag ni Annabelle.